CHAPTER 7

1654 Words
Nitidus’ POV   “Ang nanalo, at mananatiling kampyon, Acutus!”   Napakuyom ang aking kamay nang makita si Acutus na nakangiti sa harap ng marami. Buong akala ko ay nag-aalala siya sa akin sa pagkawala ko subalit isa lang palang malaking kahibangan ang iniisip ko. Hindi pa ako lubos na naniwala sa lolo ko nang sabihin niyang mula sa Uchida si Acutus dahil alam kong hindi niya magagawa sa akin ang mga bagay na ginawa ng kaniyang angkan sa mga magulang ko. Ngunit narito na sa harap ng aking mga mata ang ebidensya. Kitang-kita ko ang buong laban niya. Ang laban ng buhay at kamatayan na siyang labis niyang kinasisiyahan. Eto ba talaga ang buhay na pinangarap niya? Kasama ba ito sa lahat ng plano niya upang sa huli ay paslangin ako? Kaya ba dinala niya ako rito sa bayan ng Ludo upang dito ko harapin ang kamatayan ko? Kung hindi pa ako kinuha ng lolo ko ay hindi pa ako magigising sa katotohanang lahat lang pala ay pawang palabas at pagpapanggap.   “Lady Nitidus, tara na po. Baka hinahanap na kayo ng inyong lolo,” sabi ng isa sa alagad ni lolo na ngayon ay nasa tabi ko. Ito ang inatasan niyang magbantay at mangalaga sa akin sa lahat ng pagkakataon.   “Dumito na muna tayo. Tiyak kong may mga susunod pa siyang laban. Gusto kong pumusta para sa kamatayan niya.” Napakagat ako sa aking ibabang labi dahil sa sakit na nararamdaman ko nang kasalukuyang iyon. Pilit ko mang itanggi ay nagkaroon ng malaking parte sa puso ko si Acutus nang magsimula ko siyang matutunang mahalin. Akala ko habang buhay kaming magsasama. Akala ko ay hinding-hindi niya ako magagawang saktan ngunit nagkamali ako dahil lahat pala ay maling akala lang.   Sandali akong bumalik sa aming sasakyang hila-hila ng equus upang panandaliang magpahinga roon at magpalipas ng oras. Kinuha ko ang kagamitang bigay pa sa akin ng aking lolo upang masundan ang bawat kilos ni Acutus sa loob ng Ludo.   “Acutus, pagbabayaran mo nang malaki ang pagtatraydor na ginawa mo sa akin. Simula ngayon ay hindi na ako magiging mabait sa iyo.”   “Lady Nitidus…” Napukaw ng katabi ko ang malalim na pag-iisip ko nang tawagin niya ang pangalan ko. Nilingon ko siya at doon nakabuo ako ng plano sa aking isipan.   “Heto.” Naglabas ako ng bungkos ng dolyar at saka ibinigay sa kaniya. “Pumunta ka sa loob at hanapin mo si Pecunia. Sabihin mo na mayroong nais na makipagtransaksyon sa kaniya. Ibigay mo iyan sa kaniya bilang suhol.”   Tumango naman ito at kaagad na nagtungo sa tarangkahan ng Ludo. Hindi man nito sabihin ay tiyak kong nag-aalala ito sa akin lalo na at nakikita ko iyon sa kaniyang mga mata.   Ilang minuto pa ang lumipas nang lumabas ito mula sa loob ng Ludo at ang kasunod nito ay si Pecunia. Naramdaman ko na lang ang pag-upo ni Pecunia sa tabi ko at bakas ang lapad ng ngiti sa mukha nito. Hindi man lang din ito nagulat na makita ako roon sa harap niya nang ligtas.   “Nitidus, ilang araw pa lang ang lumilipas at heto ka na ngayon sa aking harapan,” sabi nito.   “Tila hindi ka nasorpresa,” tugon ko.   “Sa mundong ito, nasorpresa man ako o hindi ay hindi ko na kailangan pang ipakita sa ibang tao. Basta kumikita ako nang malaki ay sapat na sa akin.” Numiti ito bago muling nagsalita. “Narito ka ba para kay Acutus? Nais mo bang sabihin ko sa kaniyang narito ka sa labas?”   “Huwag mong ipapaalam sa kaniya ang pag-uusap nating ito. Ayoko ring malaman niya na narito ako. Nandito ako para pumusta sa kaniyang susunod na laban.” Ibinigay ko sa kaniya ang malaking supot sa aking tabi na yari sa kuldoroy.   Binuksan niya naman ito at base sa nababasa ko sa kaniyang itsura ay labis siyang nasiyahan sa kakarampot na dolyar na nasa loob no’n.   “Pupusta ka ba sa pagkapanalo niya?” Ngising aso ang tumambad ngayon sa aking harapan. Gaya nga ng hinala ko, iba si Pecunia sa Pecuniang nakaharap ko noon. Kapag usaping salapi ay tila nasasaniban siya ng masamang espiritu at nagiging masunuring tuta.   “Pupusta ako para sa kamatayan niya. Siguraduhin mong mamamatay siya sa mismong harap ko. Papasok ako sa loob ng Ludo at nais kong panuorin ang magiging kamatayan niya,” sabi ko. Napakuyom ako sa galit nang maalala ko kung saang angkan siya nagmula lalo na nang malaman kong pinaplano niya lang rin pala akong paslangin gaya ng pagpaslang ng angkan niya sa mga magulang ko. Hindi ko siya mapapatawad. Hindi ko sila mapapatawad.   “Kung ganoon, maaari na po kayong sumunod sa akin sa loob, Lady Nitidus.” Ang kanina lang na walang modong Pecunia, ngayon ay tila naging isang maamong tupa. Iminwestra pa nito ang kaniyang kamay na nagsasabing bumaba na ako sa aking sasakyan at dadalhin niya ako sa loob ng Ludo.   Nang makarating sa tarangkahan, ay halos sumabog ang puso ko sa lakas nang pagpintig nito. Parang napakatagal na panahon nang huli kong makita si Acutus. Ngayon, ay masasaksihan ko na ang kaniyang kamatayan at dahil iyon sa nais ko. Ngunit handa na ba ako? Handa na ba akong masaksihan siyang mawala nang tuluyan sa buhay ko?   “Dito po tayo, Lady Nitidus.” Naghila si Pecunia ng bakanteng silya para sa akin sa gawi ng mga bigating manonood. Narito at kahilera ko ang mga taong may sinasabi rin sa lipunan at mga espesyal na panauhin upang pumusta sa bawat laban dito sa Ludo. Ngayon ko lang gagawin ito, at nakatitiyak akong wala nang atrasan ito. Kailangan ko na lang na tatagan ang loob ko. Dito magsisimula ang tahimik kong buhay kapag tuluyan na siyang nawala sa buhay ko.   “Aayusin ko lang ang susunod na laban niya. Sisiguraduhin kong mangyayari ang nais mo,” sabi ni Pecunia. Ngumisi ito bago mabilis na umibis paalis sa harapan ko.   Sa sandaling iyon ay nagkaroon ako nang pagkakataon para mag-isip. Itutuloy ko ba ito? Ngunit narito na ako. Makakapaghiganti na ako para sa mga magulang ko. Maililigtas ko rin ang buhay ko. Ngunit sa kabilang banda ng aking puso ay ang pag-aagam-agam pa rin. Kaya ko ba talagang mawala siya sa buhay ko?   Ilang minuto pa ay nasilayan ko na rin si Acutus sa muling pagkakataon. Paakyat siya sa entabladong ginawa para lang sa mga manlalaro. Blangko ang ekspresyon sa kaniyang mukha at kita ang mga galos at sugat na natamo niya sa nagdaang laban.   “Isang hurado natin ang humamon sa kakayahan ng ating kampyon. Ang laban ngayon ay hindi kagaya ng mga naunang laban dahil ngayon ay masasaksihan natin ang labang walang panuntunan o kahit na anumang batas na susundin. Malaya ang bawat kalahok na gawin ang nais nila sa kanilang katunggali at ang matitirang buhay lamang ang siyang magwawagi.” Nagsigawan ang mga tao dahil sa naging pasya ng labang iyon. “Handa na ba kayo?” Lalong lumakas ang sigawan nang mapagtanto ng lahat ang simula ng laban. “Kung ganoon ano pa ba ang hinihintay natin? SIMULAN NA ANG LABAN!”   Pagkasabi no’n ay kaagad na sumugod si Acutus sa kaniyang katunggali. Isa itong matador na may maskulado at malaking pangangatawan. Base kay Pecunia, ay libu-libong buhay na ang kinitil nito. Hawak nito ay malaking itak at gulok na animo’y yari sa matigas na klase ng bakal. Sa unang wasiwas pa lang nito sa kawalan, ay tila malakas na hangin naman ang gumuhit sa pisngi ni Acutus dahilan para masugatan ito roon. Hindi pa man tumatama ang hawak nitong sandata ay nagtamo na kaagad ng daplis si Acutus. Pinanuod ko pa ng mabuti ang sumunod na pag-atake nito sa kaniya ngunit nananatiling blangko lang ang ekspresyong ibinibigay ni Acutus sa kalaban. Isang malakas na pagpalakol ang ginawa nito na kaagad namang nailagan ni Acutus at namangha't nagulat ang lahat nang magkaroon ng bitak ang entabladong yari sa matigas na klase ng bato. Akmang aatake nang muli si Acutus sa ikalawang pagkakataon nang salubungin siya ng palakol ng kaniyang katunggali dahilan para matamaan siya sa kaniyang braso. Napaatras si Acutus dahil doon lalo na  ang magsimulang dumaloy ang dugo mula sa sugat na kaniyang natamo. Mabilis namang sumugod ang kaniyang kalaban at muli siyang pinalakol. Sa pagkakataong iyon ay nagawa niyang umiwas pahakbang sa kaniyang kanan ngunit sadyang tuso ang kaniyang kalaban nang sipain siya nito gamit ang kanang paa nito sa kaniyang tagiliran. Kung gaano kalaki ang kaniyang kalaban ay ganoon lang din siya nitong napatalsik patungo sa kaliwang bahagi ng entablado. Napasigaw ang lahat dahil sa nasasaksihang laban. Napatayo naman din ako nang wala sa oras nang makita ang naging resulta nang pagkakasipa sa kaniya. Animo’y isa lang siyang eroplanong papel na pinalipad ng kalaban. Kaagad na nag-iba ang pagtibok ng aking puso at nabalot ng pag-aalala para sa kaniya. Ngayon ko napagtantong hindi pa nga ako handang makita siyang mawala sa akin, natatakot ako para sa kaniya, at naghihinagpis ang puso ko sa bawat eksenang nasasaksihan ko. Kasalukuyang nakahandusay si Acutus sa sahig at animo’y nakalambitin ang ulo sa kaduluduluhan ng entablado. Nang magmulat siya ng kaniyang mga mata ay doon unti-unting tumulo ang mga luha ko nang magkasalubong kami ng tingin. Kaagad na nag-iba ang ekspresyon ng kaniyang mukha. Ang blangkong ekspresyon sa kaniyang itsura ay kaagad napalitan ng pananabik at pag-aalala. Bakit? Bakit ganoon ang klase ng tingin na ibinibigay niya sa akin? Kasama ba ito sa kaniyang mga plano at panlilinlang? Kaagad akong naglakad patungo sa tarangkahan ng Ludo. Hindi pa man ako nakalalabas ay narinig ko na ang pagtawag niya sa pangalan ko.   “Nitidus!”   Pagkalabas ko ng Ludo ay narinig ko ang malakas na putok ng baril na umalingawngaw sa buong lugar kasabay ng mga luhang nagsimulang dumaloy sa aking pisngi. *** Equus - Horse
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD