CHAPTER 8

1769 Words
Acutus' POV "Acutus..."   Nagmulat ako ng mga mata nang marinig ang malambing na boses niya ngunit isang panaginip lang pala ang lahat. Wala siya ngayon sa tabi ko. Balik sa normal, nakahiga ako ngayon sa kama puno ng benda ang katawan mula sa natamo kong mga sugat sa aking huling laban. Pinilit kong bumangon dahil pakiramdam ko ay hindi ako tatagal nang nakahiga lang.   "Sakto at gising ka na." Sakto naman din ang pagpasok ni Pecunia.   "Si Nitidus, nakita ko siya,” sabi ko habang pilit na sinasariwa ang nagdaang laban ko. “Kailangan ko na umalis, Pecunia." Tuluyan na akong bumangon at nagsuot ng damit. Isang kulay abong may mahabang manggas, makapal at mahabang tangway ang suot kong pang-itaas at maong na patalong kulay itim naman ang suot kong pang-ibaba. Kinuha ko ang aking baril nang makita ko itong nakapatong sa tabi ng kama at inipit ito sa bewang ng aking pantalon. Muli akong naupo at isinuot ang aking sapatos at ang balabal na tatabing sa aking mukha bago muling tumayo.   "Sandali lang." May iniabot naman siya sa akin na hindi ko kaagad napansin kung ano. "Eto ang huling kinita mo sa iyong pagkapanalo," sabi ni Pecunia kapagkuwan ay iniabot sa akin ang malaking halagang makakatulong sa aking paglalakbay bago ako sinabayan paglabas ng silid hanggang sa tarangkahan ng Ludo.   "Mag-iingat ka," sabi niya at niyakap pa ako kapagkuwan bago ko tuluyang nilisan ang Ludo.   Sakay ng isang kamelyo mula sa Terra Sanctificata ay tumungo ako rito sa Misericordia upang puntahan ang kilalang si Immitis ayon kay Pecunia bago tumungong Stamen. Ang Misericordia ay isang maliit na bayang nakatayo sa gitna ng disyerto kung saan ang mga mahihirap ay nagiging alipin at ang mayayaman ay lalong nagpapayaman. Ang mga bahay dito ay gawa sa mga pinatigas na buhangin, at ang iba ay gawa naman sa kahoy. Lahat ng bagay dito ay binabayaran at lahat ng hindi makakapagbayad ay magiging isang alipin at ikakalakal para makahanap ng paglilingkuran.   Habang naglalakad ay napansin ko ang isang batang lalake na may hila-hilang maliit na karuwahe na may sakay-sakay na isang may edad na lalake. Matindi naman ang isang ito. Ultimo bata pinaghihila ng karuwahe na parang isang kabayo dahil lang sa alipin niya ito. Hindi makatarungan ang kalakaran sa lugar na ito. Gustuhin ko mang tumulong ay hindi na ako nag-abala. Alam ko kasing maari lang itong magpatagal sa paglalakbay ko at dagdag na problema pa ang maaaring kaharapin ko. Dumiretso na lang ako upang hanapin ang siyang talagang pakay ko.   "Manong, kilala niyo po ba si Immitis?" tanong ko sa isang tindero ng mga gulay.   "Immitis? Ah… oo si Immitis. Doon siya nakatira sa banda roon." Itinuro naman niya sa akin ang lokasyon ng bahay nito. Totoo nga ang sabi ni Pecunia na madali lang mahanap si Immitis sa bayan na ito.   "Salamat, manong," sabi ko bago tuluyang nagpunta sa bahay ni Immitis.   Isang maliit na kubo ang natunton ko batay sa itinurong lugar ni Manong. May usok na nagmumula sa sinisigang tuyong dahon. Sa bandang kanan ng bahay ay may kawayang mukhang ilang taon nang nakatayo. May balon naman sa bandang kaliwa ng bahay. Kumatok ako sa pintuan at isang binata ang nagbukas nito.   "Hinahanap ko si Immitis. May nakapagturong dito raw siya nakatira," diretsuhang sabi ko sa binata.   "Ako si Immitis," sabi nito kaya naman labis ang pagkagulat ko. Paanong siya si Immitis? Isang binata ang sinasabi ni Pecunia sa akin? Paano naman ako matutulungan ng isang 'to? Mukha ngang uhugin pa e. Hindi rin ito katangkaran at base sa itsura nito ay mukhang kulang ito sa kaalaman. Hindi rin kalakihan ang katawan nito kung kaya nag-aalinlangan pa akong maniwala sa kaniya. Mapungay ang mga mata at may katamtamang tangos ng ilong at kapal ng labi. Hindi rin ito pangahan at ang buhok nito ay hindi rin ganoon kahaba. Kulay itim iyon na medyo alon-alon pa.   "Ano... Kasi... Pinapunta ako ni Pecunia rito. Matutulungan mo raw ako sa pagpunta ko sa Stamen." Nahihiya pang sabi ko. Sa totoo lang ay nagdalawang-isip ako pagkakita ko sa kaniya. Para kasing wala siyang kakayahang matulungan ako patungong Stamen.   "Si Pecunia talaga. Lagi na lang ako ang ibinabala pagdating sa lugar na iyon," sabi niya habang nagkakamot pa ng ulo. "Tara pasok ka."   Maliit lang ang itsura ng kubo sa labas pero nang makapasok na ako ay maluwag ito sa loob. Isang kubong hindi ko alam kung kubo ba talaga? Ang sahig kasi ay gawa sa marmol at ang mga pintuan ay yari sa narra. Ang mga upuan at lamesa naman ay gawa sa yantok. Sa gawing kanan naman ay isang tila buhay na buhay na dragon na nakapaikot sa hawakan ng hagdan. Ngayon lang ako nakakita ng ganitong kubo.   "Maupo ka," sabi niya kaya iyon naman ang aking ginawa. "Alam mo iyang si Pecunia simula bata pa lang ako ay walang ginawa kung hindi gawin akong bala pagdating sa Stamen. Porket ako lang daw ang may kakayahang makatulong sa kaniya sa pagpunta roon." Pagkukuwento niya.   "Ano ba ang meron sa Stamen at parang ang hirap marating?" Nagtaka tuloy ako bigla kung ano ba ang meron sa lugar na iyon.   "Ibig mo bang sabihin ay kung saan ito matatagpuan?" sagot niya naman dahilan para mas lalo akong maguluhan kaya naman napakunot na lang ang noo ko.   "Parang ang gulo yata," tuwirang saad ko.   "Maiba tayo. Matanong ko lang, ano ba ang sasadyain mo sa Stamen?" tanong niya.   "May hinahanap kasi akong kwintas na tingin ko ay doon ko lang matatagpuan. Bukod pa roon, si Nitidus, kailangan ko siyang bawiin mula sa mga Sugatzu," sagot ko. Kapag naaalala ko si Nitidus ay hindi ko mapigilang malungkot. Hindi ako maaaring magkamali. Nakita ko siya sa Ludo ngunit paano? Marahil ay guni-guni lang ang lahat. Bakit ba kasi kailangang mangyari sa amin ang lahat ng ito?   "Ganoon ba? Sige tutulungan kitang makarating sa Stamen." Pagkasabi niya non ay lumabas na kami ng bahay dala ang isang supot. Hindi ko mawari subalit nakakaramdam ako ngayon ng kaba. Siguro dala lang ito ng kasabikan kong makita ulit si Nitidus. Hindi na ako makapaghintay na makapiling siyang muli.   Narito kami ngayon sa isang gubat na matatagpuan sa kailaliman ng bayang ito. Halos hindi ko naisip na maaari palang magkaroon ng isang gubat sa ilalim mismo ng isang bayan. Bukod pa roon ang buong paligid ay napakalamig na kinailangan pa namin na magsuot ng pangginaw na kasuotan.   "Narito na tayo," sabi ni Immitis. Napansin ko pa ang pagsundot nito sa butas ng kaniyang ilong.   "Eto na ba ang Stamen?" tanong ko dahil wala naman akong nakikita na kahit ano rito maliban sa mga nagtataasang mga puno.   "Hindi pa. Eto ang punong kailangan nating akyatin para makapunta sa iyong paroroonan." Halos hindi ako makapaniwala sa narinig ko. Kailangan ba talaga naming umakyat ng puno?   "Nasaan ang puno?" Napansin ko kasing parang nagbibiro lang siya sa sinasabi niya. Paanong makakarating kami sa Stamen sa pag-akyat lang ng isang puno?   "Ayan ang puno sa harap mo." At nang tumingin ako sa aking harap ay namangha ako nang labis sa aking nakita. Akala ko isang malaking hangganan lang ang nasa harap ko dahil sa lapad at laki nito. Kung titingnang mabuti ay isa pala itong puno at ang punong ito marahil ang sinasabi nila sa alamat na Ingens Arbor dahil sa laki at taas nito. Halos kasing laki lang ako ng mga ugat nito o baka nga mas malaki pa ito sa akin. Ngayon ko napatotohanan na hindi lang pala iyon basta sabi-sabi.   Napagpasyahan naming simulan na ang pag-akyat para mas mapabilis ang pagkikita namin ni Nitidus, ngunit wala pa sa kalahati ay parang napapagod na ako. Bukod kasi sa madulas ang katawan ng puno ay hindi ko maipaliwanag ang awra na humahatak sa akin pababa.   "Malapit na tayo," sabi ni Immitis kaya naman sinubukan kong tumingin sa bandang itaas ko at nakita ko nga ang tuktok nito.   Halos dalawang linggo ang itinagal namin sa pag-akyat lang sa punong ito at ang nakakainis pa ay may paraan naman pala para sa mas mabilis na pag-akyat dito ngunit hindi sa akin sinabi kaagad ni Immitis.   "Mas minabuti ko na hindi ipagamit sa iyo itong inimbento kong sapatos para mas mapalakas ang katawan mo. Magiging malaking tulong sa iyo ang pag-akyat dito gamit ang sarili mong diskarte at kakayahan," paliwanag niya.   "Bakit pala hindi natin nadaanan ang bayan sa pag-akyat natin dito sa puno?" nagtatakang tanong ko.   "Dahil kabaligtaran ng Misericordia ang lugar na ito," sabi niya na lalong nakapagpagulo ng isip ko. "Isa itong gubat na nakabaligtad sa ilalim ng Misericordia."   Nakabaligtad? Ibig sabihin kung ang letrang A ay patayo ito namang gubat na ito ay letrang V. Kaya pala parang ang hirap akyatin ng puno. Bukod pa roon ay malamig sa lugar na ito kumpara sa bayan sa itaas nito na sobrang init.   Isang malakas na pag-ihip sa pito ang ginawa ni Immitis at tila isang Dragon ang ngayon ay nasa harap na namin.   "Ito ang alaga kong si Volant. Kung nagtataka ka kung anong klaseng nilalang siya ay ‘wag mo na pansinin. Basta ang masasabi ko lang ay isa siya sa mga inimbento ko," paliwanag niya. Para pala itong isang uri ng makina kung ganoon. Ang itsura kasi nito ay tila isang dragong may pakpak ngunit gawa sa pinagtagpi-tagping yero at bakal. Ang buong katawan naman nito ay nababalutan ng baluti na yari sa tuyong balat ng hayop at mga yero.   "Saan na tayo ngayon?" tanong ko nang maalala ko ang ipinunta ko rito.   "Sumakay ka na kay Volant," sabi niya sa akin bago bumaling sa kakaibang hayop na ito. “Volant, adducere nos ut stamen." Sumakay na nga ako kay Volant at wala pa sa isang iglap nang ipagaspas nito ang mga pakpak at lumipad na parang sumasayaw sa hangin pababa sa pinakailaliman ng bayan. Habang lumalalim ang paglalakbay namin ay mas lumalamig ang klima nang mapansin ko ang unti-unting pagliwanag ng paligid. Tumambad sa akin ang isang paikot na talon at sa gitna ay nakatayo ang tila isang palasyo na hugis oktagono. Huminto si Volant sa tapat ng isa sa mga pinto nito at kaagad din akong bumaba. Dahan-dahan kong binuksan ang pintuan at tumambad sa akin ang isang madilim na silid. Pumasok ako sa loob nang bumukas ang isang ilaw na nagmumula sa isang sulo sa sulok at doon naaninagan ko ang isang pamilyar na pigura na siyang nagsindi ng sulo.   "Nitidus..." *** Terra Sanctificata - Holy Land Misericordia - Mercy Immitis - Wild Stamen - Warp Ingens Arbor -  A Huge Tree Volant - Fly “Volant, adducere nos ut Stamen."  - "Bring us to Stamen"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD