CHAPTER 9

1580 Words
Nitidus' POV "Nitidus..."   Ang tinig niyang kay tagal kong hinintay na muling marinig. Ito na ang araw na pinakahihintay ko. Ang araw na maigaganti ko na rin ang pamilya ko.   Humakbang siya palapit sa akin ngunit sa hindi ko maipaliwanag na dahilan ay napaatras ako. Ilang araw kong hinintay, at pinaghandaan ang muli naming pagkikita ngayon pa ba ako aatras? Ngayon pa ba ako matatakot? Hindi na ako dapat na magdalawang isip pa kagaya noong nagpunta ako sa Ludo dahil ito ang nakatakdang mangyari. Bakit ako panghihinaan ng loob kung alam kong papaslangin niya rin naman ako? Kailangan ko siyang patayin bago niya pa ako maunahan. Hindi ako makapapayag na mapaikot niyang muli ako sa kaniyang mga kamay.   Binunot ko ang baril sa lalagyanan sa aking kanang hita at kaagad na itinutok ito sa kaniya. Nabanaag ko naman sa kaniyang mukha ang labis na pagkabigla. Hindi ko na naman maintindihan ang nararamdaman kong kaba. Hindi ko maintindihan kung bakit tila nagugulat pa siya sa mga nangyayari? Marahil ay hindi sumagi sa isip niya na matutuklasan ko ang lahat. Nanginginig ang kanang kamay ko habang hawak ang baril na nakatutok sa kaniya.   "Nitidus..." Umiling siya habang patuloy sa pagsambit ng pangalan ko. Nakakunot ang noo niya na animo'y naguguluhan subalit alam kong isa lamang ito sa kaniyang mga palabas. Ilang taon niya rin akong napaniwala na proprotektahan niya ako habang buhay, na hinding-hindi niya ako hahayaang masaktan. Iyon naman pala ay may maitim siyang binabalak.   "Natakot ba kita, Acutus?" mahinahong tanong ko at ibinaba ang aking kamay na may hawak na baril, at muling ibinalik ito sa lagayan sa aking kanang hita.   Wala pang ilang segundo nang maramdaman ko ang yakap niya. Ang mainit na yakap niyang matagal kong inasam-asam na ngayon ay labis kong pinandidirihan. Gustung-gusto kong tugunin ang yakap na iyon ngunit galit at pagkamuhi lang ang patuloy na umaapaw sa pusoa ko.   "Nitidus, ayos ka lang ba? May ginawa ba silang masama sa iyo?" tanong niya habang kinikilatis isa-isa ang bawat parte ng aking katawan. Napakagaling niyang artista.   "Ayos lang ako. Wala silang ginawa sa aking masama," sagot ko habang iniisip na siya nga itong may balak sa aking masama.   "Mabuti naman. Napag-alaman ko pala na matatagpuan natin ang kwintas sa lugar na ito," sabi niya. Ang kwintas? Nandito? Ngunit walang nabanggit sa akin si Lolo.   "Paano mong nalaman?" tanong ko.   "Si Pecunia ang nagsabi sa akin. Noong una raw ay wala siyang balak sabihin sa akin kung nasaan ang kwintas subalit nang dukutin ka ng mga lalakeng iyon ay ganoon na lang ang labis din niyang pag-aalala sa'yo kaya naman napagpasyahan niyang sabihin na sa akin ang kinalalagyan ng kwintas. Tamang-tama rin na nandito ka. Maibabalik ko na ang kwintas sa inyong pamilya, at magkakasama na ulit tayo nang masaya." Masaya? Paano niyang nagagawang gumising sa umaga na puno ng kasinungalingan ang lahat na kaniyang tinuturan? Lalo lang akong napupuno nang galit sa patuloy niyang pagsisinungaling. Si Pecunia pa rin ang iniisip niyang kaniyang kakampi. Kung sabagay, isang taksil si Pecunia na mas piniling kumampi sa Uchida at patayin ang tinuring kong amang si Gaza na siyang sarili niyang kapatid. Si Pecunia na nasisilaw, at nabubuhay lang sa pag-ikot ng salapi sa kaniyang mga palad. Hindi na ako magtataka kung isang araw ay paslangin lang din niya si Acutus.   Bigla namang nagsipasukan ang mga alagad ni Lolo at kaagad na pinalibutan ang buong silid. Binunot ni Acutus ang kaniyang baril, at kaagad na itinutok sa mga alagad ni Lolo.   "Maligayang pagdating, anak ni Magnus." Pagbating salubong ng aking Lolo.   "Sino ka?" at iniharang pa ni Acutus ang braso niya sa kinatatayuan ko na parang nagsasabing sa likod lang ako pumwesto.   "Kinagagalak kitang makilala Acutus. Ako nga pala si Adamas, ang lolo ni Nitidus," sabi ni Lolo. Ang kaniyang mahabang puting buhok na nakapusod sa tuktok ay isang tanda raw ng kaniyang pakikibaka noon sa kaniyang mga kaaway. May mata rin siyang tulad ng sa lawin. Matalim at matulis. Ngumiti si lolo makaraan ng ilang minuto na siyang hudyat ng aming pagganti. Isang maliit na karayon na may pamparalisang gamot, at pampatulog ang aking itinurok sa batok ni Acutus dahilan para mapatingin ito sa akin, at mapahawak ito sa kaniyang batok.   "Nitidus... ba... kit?" nanghihinang sabi niya bago tuluyang nawalan ng malay.   "Magaling, apo," sabi ni Lolo sa akin bago humarap sa kaniyang mga tauhan. "Ikulong ang lalakeng iyan," utos niya sa kaniyang mga alagad.   Sa kabilang banda, kasalukuyan namang nagtatalo ngayon ang puso, at isip ko. Tama ba ang ginawa ko? Oo, tama iyon kaysa naman ako ang unahin niyang patayin. Inuunahan ko lang siya. Subalit sa puso ko bakit ang hirap tanggapin ang lahat? Bakit parang pakiramdam ko ay isang maling desisyon ang nagawa ko?   Dinala ng mga tauhan ni Lolo si Acutus sa isang malawak na silid sa ibabang bahagi ng naunang silid. Tanging mga ilaw sa sulo lamang ang liwanag rito. Kulob ang silid at ang kabuuan ay yari sa cobblestone - mga batong ginagamit sa pagtatayo ng kastilyo noong unang panahon. Ang silid na ito ay matatagpuan sa ibabang bahagi ng silid na hugis oktagono na nasa tuktok. Iginapos ang kaniyang magkabilang kamay, at paa gamit ang kadenang naroon, at ibinitin. Marahil sa tagal ng aming pinagsamahan kaya ako nasasaktang makita siya ngayon sa ganitong ayos. Hindi sumagi ni minsan sa isip ko na pagtatangkaan niya akong patayin. Masama talaga ang kanilang angkan. Ngunit bakit kailangan maging ganoon rin si Acutus?   Nagmulat siya ng mga mata, at narito ako ngayon nakatayo sa harap niya.   "Nitidus, bakit?" Malungkot na tinig ang naririnig ko ngayon mula sa kaniyang bibig. Kahit nanginginig ang kamay ko ay pinilit ko itong iginalaw, at isinampal sa kaniyang pisngi na siyang dahilan ng kaniyang pagkabigla.   "Nakuha mo pang itanong kung bakit." Ngumiti ako nang mapait, at kinagat ang pang-ibabang labi ko para pigilan ang luha na namumuo sa aking mga mata. "Hay*p ka, Acutus! Pinagkatiwalaan kita! Paano mo nagawang magpanggap sa harap ko na wala kang alam? Paano mo akong nagawang linlangin? Kailan mo pa pinlanong patayin ako?!" Buong lakas na sigaw ko sa kanya.   "Hindi kita maintindihan. Hindi ko alam ang sinasabi mo," mahinahong sabi niya habang nangungusap ang kaniyang mga mata.   "Hanggang ngayon ba naman ay itatanggi mo pa rin sa harap ko ang lahat?" Hanggang sa tuluyang naglandas sa pisngi ko ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. "Alam mo bang minahal kita, Acutus? Alam mo bang dumating na sa puntong hindi ko kayang mawala ka? Alam mo bang pinagkatiwalaan kita tapos ito lang ang igaganti mo sa akin?” Muli ko siyang sinampal sa kaniyang kaliwang pisngi ngunit nanatili lang ang ekspresyon sa kaniyang mukha na siyang labis na nagpapagulo sa aking puso. “HINDI KITA MAPAPATAWAD! HINDING-HINDI!" Lalong lumakas ang pagsigaw, ko at kasabay non ay ang paglabas ng lahat ng sakit na nararamdaman ko. Hindi ko matanggap na ganito ang kahahantungan ng lahat. Ang pinagpapasalamat ko lang ay nalaman ko ang lahat bago pa man niya ako tuluyang napatay.   "Hindi ko magagawa ang ibinibintang mo!" sigaw niya na siyang umalingawngaw sa kabuuan ng silid. Sandali akong napatahimik nang dahil doon. Nag-iisip kung tama nga ba ako o mali?   "Sinungaling ka!" Dahil sa inis ko ay pinaghahampas ko siya sa kaniyang dibdib. Hirap man akong abutin siya dahil sa pagkakabitin niya ay pinilit kong ilabas ang lahat ng galit ko, at sama ng loob. Sinampal ko siya nang paulit-ulit, at pinagsusuntok pa lalo nang buong lakas sa kaniyang dibdib.   "Sige. Gawin mo ang gusto mo, Nitidus. Kahit patayin mo ako ngayon sa kinalalagyan ko ay hindi ako aamin sa bagay na ni minsan ay hindi sumagi sa isip ko. Hinding-hindi ko kayang saktan ka." Muli ang malungkot at mahinahong tinig muli ang aking narinig mula sa kaniya na lalong naging dahilan ng aking inis.   Binunot ko ang baril ko, at itinutok sa kaniya.   "Papatayin talaga kita, Acutus! Papatayin kita!" Buong galit na saad ko, at doon ay kinalabit ko ang gatilyo ng baril. Napayuko, at napapikit pa ako sa labis na takot, at kaba. Ngayon ko lang kasi nasubukan magpaputok nito na siyang umalingawngaw naman sa buong silid. Dahan-dahan akong dumilat, at nag-angat nang paningin, at nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ang duguang pisngi ni Acutus. Dumaplis lang rito ang bala na labis na ipinagpapasalamat ko. Nakaramdam ako ng sobrang pag-aalala na siyang naging dahilan kaya napagpasyahan ko na talikuran nang tuluyan si Acutus. Sa huli ay hindi pa rin pala ako handang makita siyang nasasaktan. Hindi ko siya kayang makitang nahihirapan. Kahit punung-puno ako ng galit at pagkamuhi sa kaniya ay naroon pa rin ang katotohanang mahal ko siya. Kahit na masama ang loob ko sa kaniya ay natatakot pa rin akong mamatay siya. Bago pa man ako lumabas ay hindi ko inaasahan ang salitang maririnig ko mula sa kaniya. Mga salitang hindi pinapaniwalaan ng isip ko pero nararamdaman ng puso ko na totoo. Mga salitang noon pa man ay nais ko nang marinig.   "Mahal din kita, Nitidus."   Sa paglabas ko ay baon ko ang mga salitang iyon. Muli ay nakaramdam na naman ako ng labis na sakit. Kung hindi kaya kami pumasok sa sitwasyong ito magiging masaya kaya kami? Kung hindi ko nalaman ang lahat, magpapanggap pa rin kaya siya? O kamatayan ko pa rin ang kahahantungan? Sa ngayon isa lang ang malinaw sa akin, mahal namin ang isa't isa at impossible na ang maging masaya kami ulit na magkasama, gaya ng dati. *** Adamas - Diamond Magnus - Great
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD