CHAPTER 37

2092 Words
Pansamantalang nanatili sina Immitis at Lux sa bayan ng Praespero upang doon pansamantalang magpahinga habang kasalukuyang nagpapagaling ng mga natamong pinsala si Lux. Dahil na rin sa mga baong pagkain na dala-dala ni Immitis kung kaya hindi na sila namomroblema ng kakainin sa araw-araw. Tahimik lang na natutulog si Immitis nang mga oras na iyon habang si Lux naman at nagbabasa lang ng libro.   “Kung nabubuhay lang ngayon si Sophia ay tiyak kong matutuwa siyang makilala ka,” sabi niya matapos lingunin ang natutulog na si Immitis pagkaraan ay ngumiti.   Halos ilang taon na rin ang lumipas mula nang pumanaw ang kaniyang nobyang si Sophia. Hanggang nang mga oras na iyon ay hindi niya pa rin matanggap ang kinahinatnan ng pagkawala nito sa kaniya. Araw-araw pa rin niyang pinagluluksa ang pagkamatay nito at hanggang panaginip ay binabagabag siya ng kaniyang konsensya. Kung maaga pa lang sana ay nalaman niya na ang misteryong bumabalot sa kwintas ng Tractatio, nakasisiguro siyang hindi hahantong ang lahat sa kasawian nito. Nakapanlulumo man sa parte niya ay wala na siyang magagawa dahil nangyari na ang lahat. Biktima lang ang lahat ng kwintas ng Tractatio.   Isinandal niya ang kaniyang likuran sa pader kapagkuwan ay nag-unat-unat ng kaniyang mga braso. Nakakaramdam na siya ng antok kung kaya minabuti niyang mahiga na upang kahit paano ay makapagpahinga. Sa pagpikit ng kaniyang mga mata ay ang alaala ng nakaraan ay muling nagbalik.   “Lux, tingnan mo. Dali,” sabi ni Sophia habang ipinapakita sa kaniya ang isang kwintas na hawak nito.   “Ano ‘yan?” Nilingon niya naman ito. Kaagad na naagaw ng kwintas ang kaniyang atensyon. Hindi ito basta-basta kwintas dahil sa itsura pa lang nito ay nakatitiyak siyang bilyon bilyon ang halaga nito. Sa bawat butil ng diyamante pa lang nito na sa unang tingin niya pa lang ay tunay ay alam niya na kaagad na marami ang magkakainteres dito. Mas pinakikinang pa ito ng liwanag ng buwan. Hindi na siya magtataka kung naisin ni Sophia ang kwintas na iyon lalo pa at likas sa mga babae ang pagkagusto sa mga alahas. “Saan mo nakuha iyan?”   “Ibinigay sa akin ng isang estranghero,” tugon nito.   “Sigurado ka bang hindi iyan nakaw?” tanong niya lalo pa’t nag-aalangan siya na basta lang ito ibibigay nang kung sino.   “Ang sabi niya ay gantimpala raw niya ito sa kabutihan ng aking puso sa pagtulong ko sa kaniya.” Nakangiti ito sandaling nag-isip. “Hindi naman din mukhang masamang tao ang siyang nagbigay nito sa akin.”   Tiwala naman siya rito kung kaya hinayaan niya na ang nais nito. Sinubukan niya ring kumbinsihin ito na ibenta ang kwintas na iyon upang makaluwag-luwag sa kanilang pamumuhay at tiyak siyang magiging maginhawa pa ang buhay nila ngunit tumanggi ito. Nais daw nitong itago ang bagay na ipinagkaloob dito kung kaya wala na siyang nagawa.   Masayang-masaya ang sandaling iyon habang naghahabulan sila sa dalampasigan nang bigla na lang itong napatigil sa paglalakad at tila nag-isip nang malalim. Nilapitan niya ito at makailang ulit niyang tinawag ngunit tila hindi siya nito naririnig kung kaya napilitan na siyang hawakan ang mga braso nito at yugyugin. Doon lang ito tila bumalik sa ulirat.   Nang makauwi sila sa bahay ay napansin ni Lux ang madalas na pagtingin-tingin nito sa salamin. Laging ganoon araw-araw ang ginagawa nito.   Isang gabing malamig habang siya ay tahimik na nahihimbing ay bigla siyang binulahaw ng malalakas na sigaw mula sa mga kalapit-bahay.   “Tulong! Tulungan ninyo ang anak ko,” dinig niyang sigaw nito. Kaagad siyang bumangon at nagtungo palabas ng kanilang bahay. Hindi niya na naisipang silipin pa si Sophia at kaagad na nilapitan ang ginang na nanghihingi ng tulong.   “Ano pong nangyayari?” tanong niya.   “May gustong pumatay sa anak ko,” tugon nito.   “Pumatay?” Naguguluhan man ay tinungo nila ang kinaroroonan ng bahay nito. Habang sila ay humahangos papunta roon ay hindi niya napigilang magtanong, “bakit gusto siyang patayin?”   “Isang kwintas ang siyang ninakaw ng anak ko mula sa isang magandang dilag habang naglalakad ito kanina lang sa dalampasigan.”   “Kwintas?” Napahinto siya sa pagtakbo dahil sa pagkabigla. Hindi niya lubos maisip kung tama ba ang hinala niya. Kaagad siyang napatakbo pabalik sa kaniyang tahanan dahil sa labis nap ag-aalala. Narinig niya pa ang pagtawag sa kaniya ng ginang ngunit hindi niya na iyon pinansin pa. Kaagad siyang dumiretso sa silid ng babaeng kaniyang pinakamamahal upang tingnan ang lagay nito ngunit wala ito sa loob ng silid. Wala rin ang kwintas kung kaya ganoon na lamang ang kaniyang labis na pag-aalala.   Pagkalabas niya ng bahay ay natagpuan niya pa ang ginang na tila naguguluhan sa mga nangyayari. Kaagad niya itong nilapitan at kinausap.   “Kailangan nating magmadali. Samahan ninyo ako kung nasaan ang inyong anak, sabi niya. Kita naman sa mga mata ng ginang ang kyuryosidad ngunit mabuti na lang din at hindi na ito nangulit na magtanong.   Pagkarating nila sa lugar ay wala roon ang sinasabing anak ng ginang at wala rin doon ang nais pumatay sa anak nito. Maging ang kwintas ay wala rin sa lugar na iyon.   “Sigurado po ba kayong narito sila?” tanong niya.   “Oo. Dito ko lang sila iniwan ng magandang dilag.”   Napamulat siya sa katotohanang unti-unti niyang napagtagpi-tagpi dahil sa mga salaysay ng ginang. Doon niya natiyak na ang nais pumatay sa anak ng matanda ay walang iba kung hindi si Sophia. Ngunit sa kabilang banda ay pilit niya pa ring iwinawaksi sa kaniyang isipan ang posibilidad na iyon dahil kilala niyang mabuting tao ang kaniyang nobya. Pangarap pa nga nitong maging isang magaling na medicus upang makatulong na gumamot sa mga may karamdaman kung kaya nakakaimposible para sa kaniya na magagawa nitong pumaslang ng mga taong ang layon lang ay mabuhay.   Tinungo nila ang bayan ngunit walang kahit na sinuman ang nakakita sa mga ito. Maging siya ay nag-aalala na rin sa maaaring sapitin ng kaniyang katipan.   “Madam, mabuti pa po ay umuwi na kayo. Ako na ang bahalang maghanap sa kanila,” suhestiyon ko ngunit hindi iyon pinansin ng ginang at minabuti nitong kasama ito sa kaniyang paghahanap.   Habol-hininga si Lux nang mapatigil sa pagtakbo sa dalampasigan at ganoon na lang ang panlalaki ng kaniyang mga mata nang mapagsino ang babaeng nasa dalampasigan. May hawak itong ulo ng isang tao sa kaliwang kamay at isang duguang patalim ang nasa kanan. Naliligo ang katawan ng biktima sa sarili nitong dugo na kasalukuyang umaagos sa tubig alat.   “ANAK KO!!!” sigaw ng ginang at kaagad na tumakbo sa kinaroroonan ng anak nito at ng salarin. Nanginginig ang kaniyang mga tuhod habang pinagmamasdan ang tagpong iyon. Naninikip ang kaniyang dibdib habang pinagmamasdang nababahiran ng dugo ang buong katawan ni Sophia na siyang pinalilinaw pa lalo ng maliwanag na sinag ng buwan.   Kaagad na napansin ni Sophia ang papalapit na ginang at tahasang sinampal ito sa mukha dahilan para bumagsak ito sa buhanginan.   “Nais mo rin bang kuhanin mula sa akin ang kwintas?” Dinig niyang tanong ni Sophia sa matanda.   “Hay*p ka! Isa kang kriminal. Pinatay mo ang aking anak!” sabi ng matanda at muling tumayo. “Sisiguruhin kong magbabayad ka!”   Nakita ni Immitis ang mabilis na paggalaw ni Sophia at kaagad na itinulak ang ginang. Nang mapahiga na ito sa buhanginan ay kaagad na pumaibabaw si Sophia sa matanda at handa ng itarak ang hawak nitong patalim ngunit bago pa man nito magawa ang nais ay tuluyan na nitong nabitawan ang patalim at bumagsak ang katawan sa bisig ni Lux.   “Sophia, naririnig mo ba ako?” tanong niya habang matapos bitawan ang kutsilyong itinarak niya sa likuran nito. “Patawad! Hindi ko sinasadya.”   “Lux…” Hinawakan nito ang kaniyang pisngi nang may pagmamahal. Doon unti-unting naglandas ang mga luha sa kaniyang mga mata habang pilit na iniisip na sana ay panaginip lang ang lahat subalit nangyari na. Hindi niya ginusto subalit iyon lang ang tanging pumasok sa isip niya para mailigtas ang matanda mula sa bingit ng kamatayan. Hindi lang sumagi sa isip niya na kamatayan naman ng babaeng kaniyang minamahal ang magiging kapalit ng lahat.   “Hindi ka maaaring mamatay. Marami pa tayong plano. Bubuo pa tayo ng sarili nating pamilya,” sabi niya sa kabila ng mga paghikbi. Hinawakan niya ang kamay nito habang pilit na pinapakalma ang sarili.   “Salamat, mahal ko…” Mga huling salitang namutawi sa labi nito bago tuluyang bumagsak ang isang kamay nito sa buhanginan.   “Sophia… Sophia… Gumising ka. Hindi ko ito matatanggap. Hindi ka maaaring mamatay.” Patuloy ang pag-agos ng luha mula sa kaniyang mga mata habang pinagmamasdan ang mukha ng babaeng minsan niyang inalayan ng kaniyang buhay. Hindi na siya makahinga dahil sa labis na pag-iyak at paghikbi. Pilit niya mang kalimutan ang mga nangyari ay alam niyang patuloy lang itong mananahan sa kaniyang puso.   “Ginoong Lux… Ginoong Lux…”   “Sophia!” Napabalikwas siya ng bangon habang napupuno ng pawis ang kaniyang mukha. Si Immitis naman ang kaagad niyang nabungaran at kita sa itsura nito ang labis na pag-aalala.   “Ginoong Lux, nananaginip ka,” sabi nito sa kaniya. Kaagad itong tumalikod sa kaniya at pagkaraan ay muling humarap sa kaniya hawak ang lagayan ng tubig. “Uminom ka muna nang mahimasmasan ka.”   “Maraming Salamat, Immitis. Paano na lang kung wala ka. Panigurado ay baka hindi na ako nagising.” Natawa pa siya dahil sa sinabi ngunit alam niyang posibleng mangyari iyon kung magpapatuloy ang mga masasamang panaginip mula sa masamang nakaraan.   “Ginoong Lux naman. Ang masamang damo ay matagal mamatay.” Kaagad niya naman itong binatukan matapos na marinig iyon. Kahit paano ay nakaramdam siya ng tuwa sa presensya nito. Nakahinga rin siya ng maluwag dahil sa pag-aalala nito sa kaniya. “Ayos na ba ang pakiramdam ninyo, Ginoong Lux?”   Bumangon siya at nag-unat-unat ng mga braso habang pinakikita ito sa kasama.   “Tingin ko naman ay ayos na ako, Immitis. Maaari na nating ituloy ang paghahanap ng mga karagdagang impormasyon tungkol sa lunas. Nakatitiyak akong mayroon tayong makikita rito at hindi masasayang ang pagpunta natin dito. “ Kinuha niya ang kaniyang bitbitin at kaagad na lumabas ng silid. Mabilis naman ding sumunod sa kaniya si Lux.   Muli nilang nilibot ang palasyo at pinasok ang bawat silid nito. Nagbabakasali pa rin silang may matatagpuan doon na kahit na anong palatandaan hanggang sa makarating sila sa pinakaibabang bahagi ng palasyo. Doon ay may natagpuan silang isang silid na nakakadena ang pinakapinto nito. May kung ano ring selyo roon na hindi nila alam kung paano bubuksan.   “Isang nakakandadong pinto,” sabi niya.   “Subukan nating buksan,” suhestiyon naman ni Immitis.   “Ikaw ang sumubok. Hindi pa ako handing makuryente sa ganyan.” Nakangiti naman siya nang tingnan siya ni Immitis. Naalala niya kasing bigla ang unang nangyari dito nang tangkain nitong buksan ang isnag baul.   “Makikita mo, Ginoong Lux. Mabubuksan ko ang isang iyan,” pagyayabang naman nito at pagkaraan ay uumatras at tumayo sa tapat nito. Umatras din naman si Lux upang hindi siya mapinsalaan kung sakaling may kakaibang mangyari.   Pumikit ito ay inunat ang mga kamay at dahan-dahang inangat na animo’y itutulak ang pinto. Taimtim itong nag-isip pagkaraan ay nagwika.   “Recludo!”   Nagulat naman silang dalawa nang unti-unting naglaho ang selyo at bumukas ang pintuan sa kanilang harapan.   “Malapit na talaga akong bumilib sa’yo,” sabi niya rito.   “Ikaw lang, Ginoong Lux. Wala kang tiwala sa kakayahan ko.” Muli ay ang pagyayabang na naman nito.   “Muntik na nga akong maniwalang magaling ka kung hindi ko lang naalala na iyan din ang ginawa ng iyong kapatid nang buksan niya ang baul,” pambabara niya.   Kakamot-kamot naman ng ulo si Immitis habang nadidismaya ang itsura dahil sa ginawang pambabara sa kaniya ni Lux.   “Tara na. Pasukin na natin ang loob ng silid. Gusto kong malaman kung ano pa ang mga bagay na natatago sa palasyong ito.”   Dahan-dahan nilang inihakbang ang kanilang mga paa at itinulak ng tuluyan ang pinto at ganoon na lang ang panlalaki ng kanilang mga mata nang makita kung ano ang nasa loob ng silid.   Inililibot nila ang kanilang mga paningin sa kabuuan ng silid at hindi nila maitatanggi ang labis na pagkamangha. Naroon ay mga rebultong yari sag into at tinatayang bilyon-bilyong halaga ng gintong salapi o higit pa ang naroon. Mayroong tronong yari din sag into na pinapalamutian ng mga kumikinang na diyamante at Jadeite. Mayroong ring Virgam at korona na naroon. Mga tungkod at kung anu-ano pang bagay na itinuturing ng lahat na kayamanan.   Nilundag pa ni Immitis ang mga gintong barya at doon nahiga na animo’y naliligo sa salapi.   “Mayaman na tayo, Ginoong Lux,” masiglang sabi nito.   “Narito tayo upang maghanap ng maaring makatulong sa atin. Hindi tayo narito upang magnakaw,” pagsalungat naman niya sa tinuran nito.   Hindi naman na pinansin ni Immitis ang sinasabi ni Lux at hinayaan lang ang sariling mapakasaya kahit sandali sa mga yaman ng Praespero hanggang makapa nito mula sa ilalim ng mga barya ang isang pangkaraniwnag bote. Sa loob nito ay may papel na nakaayos ng pagkakalagay.   “Ginoong Lux, tingnan mo,” sabi nito sa kaniya. “Anong ginagawa ng lumang boteng iyan kasama ng mga kayamanang narito?”   Dahil sa pagtataka ay kinuha ito ni Lux at binuksan. Sinungkit niya ang papel na naroon sa loob nito at tumambad sa kanila ang isang mapa.   Ang mapang hindi nila alam na maaaring magdala sa kanila sa tamang landasin.

Read on the App

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD