CHAPTER ONE
Part One: When I Look Into Your Eyes
PHILIPPINE ARENA...
Punong-puno ang arena ng mga manonood na nag-iingay at naghihiyawan. Ang madilim na paligid ay binabalot ng kulay pulang light sticks mula sa mga manonood na naghihintay sa paglabas ng kanilang iniidolo sa kalagitnaan ng concert.
Si Anna.
Simple, common at ordinaryong pangalan ngunit iniidolo ng lahat, bata man o matanda, anuman ang kasarian. Lahat ay nababaliw sa kaniya. Marami ring foreigners sa iba't-ibang bansa sa Asya ang iniidolo siya ng husto. Lahat ng albums ni Anna, sold out. Sa Spotify, number 1 ang lahat ng mga kanta niya. Million of views din ang mga music videos, movie teasers at vlogs nito. Ang mga teleserye niya? Laging mataas ang ratings. At ang mga movies niya anumang genre pa 'yan, laging billion ang kinikita. Napakarami rin niyang tv guestings at commercials, local man o international. Ganyan kalupit ang kasikatan niya. Literal na Superstar.
Ilang saglit lang, dumagundong ang masiglang musika at sinundan ng mas malakas na excited na hiyawan ng mga manonood.
"ANNA! ANNA! ANNA!" sigaw ng mga manonood. Maya-maya pa, biglang lumiwanag ang stage at lumabas siya sa gitna na hindi malaman kung saan siya nanggaling. Lalong naghiyawan ang mga manonood pagkakita sa kaniya.
"Hello everyone!" masiglang bati ni Anna sa mga manonood. Nakalugay ang mahabang kulay brown niyang buhok, nakasuot ng puting croptop shirt at skirt na hanggang hita ang haba na may gold sequence at feather designs at puti ring boots na halos umabot na sa tuhod niya ang haba. "Salamat sa paghihintay! Ang pangatlong kantang aawitin ko ngayong gabi ay para sa lahat ng hindi nagsasawa at hindi nawawalan ng pag-asa na maaabot ang mga pangarap at mga naisin nila sa buhay, anuman ang edad nila, bata man o matanda, ang "Fly High!"
Nagsimulang lumabas ang mga back-up dancers niya na halo ang mga babae at lalaki na kakulay ng damit niya ang suot ng mga ito saka tumugtog ang masiglang musika at nagsimula na ring kumanta si Anna habang nagsasayaw sa gitna ng stage.
Hindi lang basta talented si Anna. Sobrang ganda rin niya at kapansin-pansin ang natural na kulay asul na mga mata niya na hindi niya alam kung kanino niya namana. Maputi at makinis rin siya, 5'3 ang height. Maganda rin ang hubog ng katawan niya dahil kailangan niya iyong i-maintain dahil hindi lang talent niya ang mina-market sa entertainment, kasama na rin doon ang ganda at kaseksihan niya.
Hindi naman siya pa-seksi kahit sa pagsasayaw. Pop dancer siya. Kapag ballad at love song o inspirational song ang inaawit niya, lahat ng manonood at nakikinig sa kaniya, parang hinihila niya sa mundo niya at nadadala sa mga awitin niya. Kapag umiyak siya habang umaawit, naiiyak din ang iba. Kapag sumasayaw siya, napapaindak din ang iba. Ganoon kaepektibo ang presensya ni Anna sa lahat ng umiidolo sa kaniya. Kilala din si Anna na kahit sumasayaw sa stage ay mahinhin, tahimik, hindi gaanong palasalita at charming na dalaga kaya maraming kalalakihan ang nahuhumaling sa kaniya.
Pagkatapos ng song and dance number ni Anna, masigabong palakpakan at masayang hiyawan ang binigay sa kaniya ng mga manonood. Hindi naman maitago ni Anna ang saya niya dahil masaya siya na napasaya niya ang mga tao. Para hindi mabitin ang mga manood, kumanta siya ng awiting siya ang nag-compose na three weeks ng number one sa top billboard ng Pilipinas, ang "Wishing Under The Rain" na nagpaluha naman sa mga manonood sa gabing iyon ng concert niya.
Pagkatapos ng concert...
"Anna, nababaliw ka na ba? Bakit dito ka magsi-cr sa cr malapit sa audience exit? Baka may makakilala sa 'yo dito!" mariing bulong ng Personal Assistant o P.A. niyang si Lea, isang single mother na dati niyang kaklase nung highschool.
"Ihing-ihi na ako eh! Ayoko ng bumalik sa dressing room sa back stage. Tsaka hindi naman ako makikilala dito dahil kita mo namang may pandong ako sa ulo. Aakalain nilang Muslim ako. Tsaka kita mo namang may mga Muslim fans ako sa audience kaya walang makakapansin sa akin, maniwala ka." puno ng kumpiyansang pabulong na sabi niya kay Lea. "Tsaka maigsi lang naman ang pila oh. Ang dami kayang cubicle dito."
"Ay naku, ewan ko sa 'yo. Bahala ka!" sabi na lang ni Lea na napakamot na lang sa ulo.
Sa halip kasi na dumiretso sila sa parking area pagkagaling sa dressing room, biglang sumibat si Anna para maglibot-libot sa arena at tinumbok nito ang food stalls kahit may nakahanda namang mas masasarap na pagkain para sa kaniya. Mabuti na lang talaga at nasundan niya ito bago ito nawala sa paningin niya. Para itong batang nagpunta sa tindahan ng mga merchandises at souveneirs kahit sariling mukha naman ni Anna ang nakikita niya sa tindahan ng mga merchandises. Dapat nga ay pagod ito dahil sa katatapos pa lang ng concert nito pero hayun! Naglamyerda ang babae!
Nakapag-cr naman kaagad si Anna at paglabas ng cr, halos hilahin na siya ni Lea palayo sa lugar na 'yon.
"Naku, napaka-reckless mo talagang babae ka! Hala tayo na't baka ma-late pa tayo sa party mo na hinanda ng agency mo"
"Ayoko pumunta do'n. Tawagan mo si Manager Joey. Sabihin mo, pagod na ako tapos nahihiya kamo ako pumunta kaya umuwi na ako. Maniniwala ulit 'yon."
"Naku naman, Anna. Pagagalitan na naman ako sa ginagawa mong 'yan eh!" halos naiiyak na sabi ni Lea kay Anna.
"Hindi yaaaan! Akong bahala sa 'yo. Punta tayo dun sa comedy bar ng tropa ko. Dun tayo magwalwal!" parang batang excited na sabi ni Anna sabay kalakkad sa P.A. niya.
"Naku, Anna namaaaan!"
"Miss Naku, maraming beses ko ng narinig yang "naku" mo buong araw hanggang gabi! Tama na 'yan. Mag-enjoy na lang tayoooo!"
"Oo na!!! Sige na!" napilitang pagpayag na lang ni Lea.
Yan ang totoong Anna sa likod ng camera at stage. Si Heavenly Anna Santiago. Makulit, madaldal at happy-go-lucky. Sa harap ng camera, boyfriend niya ang kapwa artistang si Jerry Scott pero sa likod ng camera, wala talaga silang relasyon. Agency lang nila ang nag-set-up no'n. Babaeng maton si Anna sa personal, masungit at ayaw sa mga lalaki.
Well, hindi naman sa ayaw niya talaga sa mga lalaki. Mas tamang sabihing umiiwas siyang ma-inlove sa kahit na sinong lalaki. Para sa kaniya, sapat na yung lumuha siya noon sa iisang lalaki at ipinangako niya sa sarili na hinding-hindi na mauulit iyon kahit kailan sa kahit na kaninong lalaki.
"Rio, sa Ginger's Comedy Bar tayo." sabi ni Anna sa driver niya pagpasok niya sa van niya. Hindi iyon basta van lang, artista van iyon na kulay gray. 39 years old na si Rio, may asawa at limang anak.
"Ma'am Anna, 1:00 am na tsaka may hinandang party sa 'yo ang agency dahil last concert mo na ito ngayong taon at lahat ng concert mo dito sa bansa at sa ibang bansa ay successful. Tatakas ka na naman?"
"Naku, hindi ka pa nasanay diyan kay Anna. Alam na alam mo namang hindi mahilig yan sa mga party na ino-organize ng agency para sa kaniya." sabat ni Lea na papasok sa sasakyan sa tabi ng driver's seat.
"Para ano? Para makipagplastikan sa mga co-artists ko doon sa agency namin? 'Di bale na lang." sabi niya sabay dampot niya sa bag niya. Kinuha niya ang phone niya doon na sangkaterba ang dami ng mga chats at missed calls na hindi niya nasagot saka niya in-off iyon. "Makikipagkita na lang ako sa "boyfriend" ko." napapangiwi na sabi niya.
"Okay! You're the boss!" sabi ni Rio saka niya binuhay ang makina ng sasakyan.