"Ano na?" Tanong ni Fiona habang kumakagat ng siopao. Nasa labas kami ng school at kumakain dito sa tindahan ni Aling L, nagko-coke saka siopao. Solve na ang meryenda. Kaming dalawa lang at hindi kasama si Romana, sinabi nito na may gagawin daw sa library. Hinayaan na lang namin dahil mukhang seryoso.
"Nagdadalawang isip na ako, Fion."
Nabilaukan ito at nagkandaubo samantalang napakamot na lang ako ng batok. Siya lang ang mapagsasabihan ko tungkol sa pinag-usapan namin kagabi ni Kuya Rameil.
"Talaga naman o, di ko alam kung nahuhulog ka na ba diyan o sadyang kailangan mo iyan sa pagkokolehiyo." Tawa ng tawa si Fiona.
Namumula yata ang pisngi ko, mainit na mainit kasi. Kaya para bang naluluto iyon. Paano ko ba sasabihing kailangan ko nga kaya parang nagdadalawang isip na ako ngayon? Kung iisipin, si Kuya Rameil ang lugi kapag tinotoo nga nito ang alok kagabi. Allowance? Libreng matutuluyan? Saka pagkain? Di niya naman ako kaano-ano. Magkapitbahay lang kaming dalawa.
Oo nga pala, nanliligaw daw ito 'kuno'. Alam ko namang iba ang habol nito... pero paano kung sinama namin si Romana? Imposible namang makakalusot iyon.
"Pero tama ka..." napaisip din si Fiona, "Libre lahat! Iisipin mo na lang ang pag-aaral mo at pagmemaintain ng grades. Lucky ka best! Jackpot!"
Napakurap-kurap ako at napangalumbaba saka napaisip ng malalim. Kailangan ko yatang kausapin ang mga magulang. Pakiramdam ko kahit sila ay gusto ang alok na 'to. Kaso, sigurado rin, na may pagdadalawang isip pa.
Ilang araw kong pinag-isipan talaga. Nakabuntot sa akin si Romana sa tuwing mag vacant. Pakiramdam ko alam din nito ang alok ng sariling kapatid kaya panay ang titig nito.
Dahil graduating ay nagdesisyon na akong wag sumali sa aling curricular na alam kong magiging balakid sa magiging academic grades ko ngayong taon. Seryoso na 'to at malayong iba sa hayskol ang kolehiyo kaya kailangang nasa akademya ang pokus ko.
"You haven't decided yet." Konklusyon nito pagkatapos na mag-usap. Sinabi ko rin sa kanyang mas maganda ang mga nakuha kong score ngayon kesa sa nakaraan. Siguro dahil nandoon lahat ng atensyon ko kaya walang mintis.
Tumikhim ako at nahiga saka bantulot na magsalita. Di pa talaga... at habang tumatagal mas lalo akong nalilito. Siguro nasa punto na ako ng buhay ko na mas lamang ang desisyon na pumayag na. Kasi habang tumatagal din mas lalo kong nakikilala si Kuya Rameil. Malayo ito sa pagiging agresibo tulad nang ginawa nito sa spring. Siguro minsan nakakabanggit ng kung anong kalaswaan ngunit mas madalas ay nagtatanong ito tungkol sa pag-aaral ko.
Bago ang Disyembre, nagtake ulit ako ng mga exams... pero dahil naalala ko na mas malapit ang UST sa tinutuluyan nito ay doon ako mas nagpokus. Seryosong sinagutan ko online.
“Di ako makakauwi,” malungkot na balita sa akin ni Kuya Rameil. Malapit na ang pasko, di naman sa umaasa akong makakauwi ito kaso iba pa rin talaga kapag nanggaling mismo sa bibig nito.
“Okay lang,” iling ko at ngumiti.
Ngumiti rin ito at nahiga tulad ng ginawa ko.
“So, anong desisyon mo?” Tanong nito kalaunan.
Hindi mapakali ang mga mata ko at hindi makatitig ng diretso kay Kuya Rameil. Sa tuwing binabanggit nito ang pagkokolehiyo ko e talagang hindi namamatay ang kaba ko rito.
Hindi ko pa nakakausap sina Papa, maiintindihan naman siguro ng mga yon na kaya pinili ko ‘to ay dahil nagiging praktikal ako. Kailangan kong makapagtapos, at sabi ko nga kahit igapang ko ay kakayanin ko.
“Hindi ko pa alam,” sagot ko. Maghihintay pa nga pala ako ng resulta ng kinuha kong exam. Kapag sakto at pasado ako, saka ko sasabihin kina Mama’t Papa. Kakausapin ko rin si Romana at Fiona saka ako magsasabi ng desisyon sa kanya.
Enero ng natanggap ko ang resulta sa email. May panel interview na mangyayari at kailangan ng laptop. Di ko alam kung saan manghihiram. Gusto ko nga sanang doon sa malapit na lang, o kaya sa cafe... kaso sabi ay bawal ang maingay. Di ko alam kung saan makikihiram. Poproblemahin ko pa nga pala ‘to. Kaya malungkot ako ng sumunod na mga araw.
Napansin din yata iyon ni Romana at Fiona, naghihintay lang na magsalita ako. Kaso mas nauna ko pang ipaalam ‘to kay Kuya Rameil na sinabi nito kay Romana at nagulat na lang ako kinabukasan na nasa harapan ko na ang kailangan.
“Pwede niyo pong hiramin, Ate. Kahit matagal okay lang,” ngiting-ngiti si Romana.
Ngiting kasing lapad yata ng pagkakaginhawa ko. Pagkauwi ay hinanap ko ang zoom at nagsign up, saka sinubukan na buksan gamit ang binigay na meeting ID. Kumukonekto ngunit walang sagot, okay na iyan... ibig lang sabihin na pwede na akong sumali bukas.
Nagpaalam ako ng maayos sa Adviser at sinabing may dalawang oras akong panel interview sa UST. Mukhang naintindihan din naman nito at binigay pa sa akin ang wifi password sa library. Akala ko nga uuwi pa ako. Mabuti na lang talaga at umaayon ang lahat. Nasa pinakatagong bahagi ako ng library. Inayos ko rin ang buhok ko at mabuti na lang pwede ng isama sa pagkakatali iyong bangs ko.
Kabadong-kabado ako ngunit mas pinili ko ang kumalma at sagutin lahat ng tanong. Mapa-ingles o Filipino... sinagot ko ng hindi nauutal at galing sa puso. Iyong final interviewer nagthumbs up sa akin at ngumiti nang malapad. Ngumiti rin ako at bahagyang kumalma. Sinabi nito sa akin na ibibigay na lang mga requirements sa parehong email.
Nakapasa ba ako? Yata... sana nga, ginalingan ko naman... dito nga ako nagpokus kahit maraming school din ang nagreply dahil pasado rin ako roon.
“Ang tamlay-tamlay mo best... kumalma ka na nga, pasado ka do’n. Sigurado, sa talino mong yan di na magdadalawang isip ang mga yon na tanggapin ka.” Pang-aalo ni Fiona. Ngumiti rin si Romana habang nasa tapat nito ang ibinalik kong laptop.
Bumuntong hininga ako at bumibigat ang puso ko sa disappointment. Isang Linggo na ngunit hanggang ngayon yon sinabi ng interviewer na mag-eemail sa kailangang requirements ay wala akong natanggap.
Naiiyak ako, grabi, ginalingan ko ang pagsagot sa mga tanong ng mga ‘to. Mataas din ang grades ko roon. Sabi nga ng isa ako ang pinakamataas sa lahat ng kumuha ng exam ng panahong yan...
“G-ginalingan ko kaya,” iyak ako ng iyak habang nasa tapat ng cellphone at kausap si Kuya Rameil. Sumisinghap na ako sa kakaiyak. Pakiramdam ko na-drain ako ng mga panahong yon. Ubos na ubos na ang lakas ko dahil lahat ginalingan ko tapos ni kahit isang email wala akong natanggap.
“Tahan na, Kels...” napakamot batok ito, ngumingiti pa nga na mas lalo kong iniyakan, “Calm down, nakapag-inquire na ako at kaya ko namang bayaran ang tuition mo doon... tahan na, ako na ang mag-eenroll sa’yo.”
Umurong ang mga luha ko sa sinabi nito. Dapat maging masaya ako kaso ayaw ko no’n. Kaya nga binuhos ko ang panahon sa exam at interview na yon kasi gusto ko ang scholarship. Ngayon, ang gusto naman ni Kuya Rameil ay siya ang magbayad ng tuition. Hindi naman ito sugar papa ah, hehe.
“Tumigil ka nga, scholarship ang kailangan ko.” Iling ko. Pinunasan ang luha saka tumihaya mula sa pagkakadapa.
Natawa ito, “Paano pag wala talaga?”
“E di magrereply doon sa iba pa,” nguso ko.
Nawala ang ngiti nito, pakiramdako kinabahan na nga.
Kumalma din ako, “Pag nagreply, pwede pa ba ako sa place mo?” Sabi ko kahit nahihiya.
Lumiwanag yata pati bunbunan nito. Ang lapad ng pagkakangisi. Di ko alam kung dapat ba akong kabahan. Sinabi ko lang naman iyon dahil nakapagdesisyon na ako noong nag-interview. Kaso mukhang hindi na matutuloy.
“Oo naman, Kelsey. Kakausapin ko si Mama at papaasikaso ko yong kay Romana para sabay na kayong pumunta rito.”
Tumango ako, walang gana dahil parang imposible ng magiging libre ako sa Maynila. Kakausapin ko na talaga sina Mama’t Papa tungkol sa scholarship. Susubukan ko ang iba pang nandon sa email ko.
Ng sumunod na mga araw ay inisa-isa kong nireplyan ang mga admins. May dalawang hindi na nagreply, siguro expired na... at ang iba sinabing mag fill up lang ako ng form at pwede ko ng makuha ang mga requirements. May dalawang may panel interview kaya humingi ulit ako ng oras sa ilang teacher at nakihiram ng laptop. Nasagot ko naman, may ibang mabilis lang at binigay kaagad sa akin ang requirements. May paunti-unti na akong inaasikaso. Sa Graduation kukunin ko na lang ang card at kukuha pa ako ng PSA sa City para maumpisahan ko ng kompletuhin ang scholarship.
Alam na rin yata ni Romana ang mangyayari, kahit ito ay excited na rin. Busangot nga lang si Fiona na nakatitig sa’ming dalawa.
“Paano ba yan? Maiiwan ako dito,” nguso nito.
Nagkatinginan kami ni Romana, umawang ang labi ko. Nanunuyot ang lalamunan. Siguradong mamimiss ko si Fiona. Pero paano ko ba ipapaliwanag?
“Bakit di ka na lang sumama sa’min. Siguradong kaya mo iyong gagastusin.”
Umiling ito, “Di ko maiiwan si Tatang, alam mo namang matanda na yon.”
Tumango ako at iniintindi ang sinasabi nito. Hindi ko siya mapipilit. Pero mapipilit ko ang scholarship sa isang University. Malayo kina Kuya Rameil. Kaya hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag sa isa.
“Paano yan?” Tanong ni Mama pagkarinig sa ibinalita ko.
Tumikhim ako at ipinakita ang mga requirements. Nakuha ko na lahat maliban sa grades. Saka na kapag gumraduate na kami.
“Malaki-laking gastos yan, Kelsey.” Namomroblema yata sina Mama.
Ngumiti ako at sinabing wag na silang mag-alala dahil gagawan ko naman ng paraan. Mukhang hindi pa sila kumbinsido... lalo na dahil magt-two na si Israel. Magastos masyado.
“Pa, nainterview na rin ako sa isang restaurant. Part time lang po at sinabi ko naman sa kanilang estudyante ako. Wag na po kayong mag-alala.” Kumbinsi ko pa.
Nagkatinginan pa sila bago tumango. Napahinga ako ng maluwang.
Si Kuya Rameil na lang, kailangan kong sabihin sa kanyang hindi na matutuloy dahil out of way ang school na pinili ko. Sana maintindihan nito. Ang poproblemahin ko lang kasi doon ay ang matutuluyan at pang-araw-araw na pangkain. Siguro magagapang ko iyon. Wala namang masama kung susubukan ko.
Isang Linggo bago ang graduation, tumawag muli si Kuya Rameil. Excited yata kaso ngayon pa lang dapat ko ng sabihin sa kanyang hindi na matutuloy.
Kabado ako habang kaharap ito sa cellphone. Malungkot at sinabing hindi na naman makakauwi. Okay lang, naiintindihan ko. O baka nga tinatamad kasi malayo-layo rin ang Maynila.
“Kuya,” kabadong tawag ko rito, bumuntong hininga pa ako. “Di na po ako matutuloy, kasi malayo yong school na pinili ko sa UST...” paliwanag ko.
Natigilan ito sa pagsubo, para bang aparesyon lang kung titigan ako nito. Ayaw nga yata maniwala. Ang liwa-liwanag ng mukha nito kanina pagkatapos sa isang iglap para siyang binagsakan ng langit.
“Kels, sabi ng ako na ang magbabayad sa tuition. Basta dito ka lang sa akin.”
Napalunok ako, nakakahiya na sobra. Pagkatapos hihiramin ko pa iyong itinabi kong binigay nito sa akin dati para lang makalipad patungong Maynila. Babayaran ko naman...
“Eh, okay na ako Kuya...” iling ko.
Umiling din ito at parang nawalan ng gana at ininom na lang ang tubig.
“Pupuntahan ko ang UST bukas, magtatanong ako ng mga kailangang requirements. At ipadala mo sa akin at ako na ang mag-eenroll. Papadalhan din kita bukas, kunin mo na lang kay Romana.”
Umiling-iling na ako. Grabi... ang kulit talaga. Hindi ako nakapagsalita hanggang sa tumunog ang phone ko at may nagnotif.
Napanganga ako, namimilog ang mga mata habang mabilis na binabasa iyon... bago pa man nawala. Nagtataka naman si Kuya Rameil sa naging reaksyon ko.
“K-kuya,” kabadong tawag ko rito, “N-nakapasa yata ako,”
Kumunot ang noo nito. Hanggang sa lumiwanag at ngumisi.
“Dito ka na sa akin, sasabihan ko si Mama na kausapin ang mga magulang mo. Ibobook na kita ng flight...”
“H-ha? E, si Romana?” Kinabahan ako nong hindi narinig na ganoon din kay Romana.
“Ah, syempre siya rin... libre ang sa kanya, Kelsey... immediate family eh, yong sa’yo ang kailangan ko pang bayaran. Kinabahan ka naman diyan.”
Lumunok ako...