SIGURADO si Snicker na may ginawa na naman si Winston para paiyakin si Resen, kahit pa walang sinasabi sa kanya ang dalaga. Simula ng araw na makita niyang umiiyak ito sa ospital, alam niyang may problema ito na hindi lang sinasabi sa kanya.
Kaya ng araw na 'yon, nagpasya siyang dumeretso muna sa suki niyang flower shop bago pumasok ng unibersidad. Gaya ng madalas, in-order niya ang paboritong red roses ni Resen. Habang nasa lounging area siya at sinusulatan ang card, lumapit sa kanya ang pinsan niyang si Smile na siya ring may-ari ng flower shop.
"Hey, cousin," masiglang bati ni Smile sa kanya, saka umupo sa katapat niyang silya.
"Hey," ganting-bati ni Snicker nang hindi nag-aangat ng tingin sa pinsan niya. Pine-perfect kasi niya ang panggagaya sa penmanship ni Winston at kailangan niya ng matinding konsentrasyon para ro'n.
Pumalataktak si Smile. "Hanggang kailan mo gagawin 'yan?"
"Ang alin?"
"Ang ipaako kay Winston ang lahat ng kadakilaang ginagawa mo para mapasaya si Resen. Hanggang ngayon ba, hindi pa rin alam ng babaeng 'yon na ikaw ang nagpapadala ng mga bulaklak at card sa kanya at hindi ang tuod niyang boyfriend?"
Binigyan niya ng naiiritang tingin ang pinsan niya. "Hangga't napapasaya ni Winston si Resen, gagawin ko 'to."
Sumimangot si Smile. "Alam mo, hindi kita maintindihan. Alam naman nating lahat na matagal nang nawala ang sparks sa relasyon nina Winston at Resen, pero kinailangan mo pang umentra at gumawa ng mga paraan para mag-work uli ang relasyon no'ng dalawa. Kung hindi ka nagsimulang magpadala ng flowers para kay Resen na nakapangalan kay Winston, malamang, matagal na silang nag-break officially."
"Masasaktan si Resen kapag naghiwalay sila ni Winston."
"Eh di ligawan mo na siya at pasayahin. You treat her better than Winston does anyway. Kaya hindi ko maintindihan kung bakit pumapayag kang maging dakilang best friend lang."
Bumuga ng hangin si Snicker, tinigilan na ang pagsusulat dahil dumidiin na ang paggamit niya ng pen. Nagdekuwatro siya habang nakahalukipkip, saka binigyan ng malamig na tingin ang pinsang si Smile. "Hindi ako bagay kay Resen by default. Hindi ko ipipilit ang sarili kong maging boyfriend ng isang prinsesang gaya niya. Ang magagawa ko lang bilang lalaking nagmamahal sa kanya ay ang siguraduhing magiging masaya siya sa lalaking mahal niya."
Tumawa ng pagak si Smile. "Naniniwala ka ba talagang mas bagay si Winston kay Resen kaysa sa'yo? That guy is a self-absorbed jerk. Sa panlabas, mukhang matino. Pero masama ang vibes ko sa lalaking 'yon. Pakiramdam ko, nasa loob ang kulo no'n.
"Hindi tulad mo. Ikaw, oo nga't maangas ka at madalas na napapaaway. Pero deep inside naman, gentleman ka at hindi nananakit ng mga walang laban, lalo na kung hindi ka naman inaano. Heck, you even wear your heart on your sleeve when it comes to Resen!"
Napangiwi si Snicker sa pinagsasasabi ng pinsan niya. "Parehong respetadong news anchor ang mga magulang ni Winston. Kriminal ang tatay ko. Sino sa tingin mo ang mas bagay kay Resen, ha? Kahit gaano kabait si Tita Rea sa'kin, alam mo namang diring-diri sa'kin ang ibang miyembro ng pamilya niya."
Bumakas ang simpatya sa mukha ni Smile. "Pero alam mong hindi simpleng anak ng kriminal ang tingin sa'yo ni Resen, Snicker. Tinanggap ka niya bilang ikaw. Hindi ba sapat 'yon para sa'yo? Para umasa kang puwede ka niyang mahalin ng higit pa sa isang kaibigan. Cousin, you deserve her more than Winston does."
Ngumiti ng malungkot si Snicker. "Resen is a good person kaya hindi mahirap paniwalaan na natanggap niya ko. Posibleng magkagusto siya sa'kin..." Dahil minsan nang nangyari 'yon. "Pero alam kong magsasawa rin siya sa tulad ko, lalo na't marami akong issue sa buhay. Ayokong iwan niya ko kapag na-realize niyang hindi ako ang lalaking mas bagay sa kanya, kaya mas gugustuhin ko na lang maging kaibigan niya."
Bumuga ng hangin si Smile. "Patay na patay ka talaga kay Resen, 'no?"
Nagkibit-balikat si Snicker, hindi mapigilang mapangiti. "She gave me all the reasons in the world to fall madly in love with her."
"Kung kailan naman ga-graduate na tayo ng high school, saka mo pa sinira ang record mo sa guidance office. Hindi ka na kasi dapat nakialam," naiinis na sermon ni Snicker paglabas nila ng opisina ng guidance counselor.
Huminto sa paglalakad si Resen, pagkatapos ay pinatong nito ang mga kamay sa dibdib. "Ngayon lang ako nakapasok sa guidance office dahil may nagawa akong offense. Hala, ang lakas pa rin ng kabog ng dibdib ko. Nakaka-tense pala."
Napasimangot si Snicker. Ipinatawag sila ni Resen sa guidance office dahil sa pagsagot nila sa teacher nila. Actually, siya lang talaga ang kasagutan ng buwisit na guro na 'yon na nagbirong may "perks" din daw umano ang pagiging anak ng kriminal dahil walang magtatangkang gawan siya ng masama. Kahit pa "pabiro" 'yon, napikon pa rin siya kaya ang sabi niya, oo, exciting ang maging anak ng kriminal kaysa magkaro'n ng boring na trabaho bilang Economics teacher ang isang Law graduate na dalawang beses nang bumabagsak sa bar exam na tulad ng teacher nila. Their teacher got mad at him that he told Snicker to go to detention after class.
Itong si Resen naman, sumabat pa at ipinagtanggol siya. Na nakakadismaya raw na kung sino pa ang teacher, 'yon pa ang unang-unang nanghuhusga sa estudyanteng dapat ay minamahal at pinagmamalasakitan. Ayun, nadamay tuloy ang dalaga sa gulo.
"Sa susunod, huwag mo na kong ipagtatanggol," banta ni Snicker kay Resen.
Nagkibit-balikat lang si Resen, saka umupo sa bench na nadaanan nila. Tinapik nito ang espasyo sa tabi nito. Labag man sa kalooban ni Snicker, natagpuan pa rin niya ang sarili na nakaupo sa tabi ng dalaga mayamaya.
"May sinabi sa'kin si Tita Sally no'ng huling beses akong dumalaw sa bahay niyo. No'ng gumawa tayo ng project natin," sabi ni Resen mayamaya.
Napasimangot si Snicker. Group project iyon pero sa takot ng mga kaklase niya sa kanya, si Resen lang ang nagtiyagang gumawa ng proyekto kasama siya. "Ano naman ang sinabi ni Mommy sa'yo?"
Dumaan ang pag-aalinlangan sa mga mata ni Resen. Nang magsalita ito, mahina na. "Na... na hindi naman ginawa ng daddy mo 'yon... na hindi sapilitan ang... ang ginawa niya do'n sa estudyante. Your father had a relationship with the girl, and he didn't force her to... uhm, to do that with him."
Nagtagis ang mga bagang ni Snicker. Gustung-gusto ng mommy niya si Resen kaya siguro sinabi ng ina niya sa dalaga ang bagay na kakaunting tao lang ang nakakaalam. "My father still had s*x with a seventeen year old student. Whether he forced her or not, it was still r**e, Resen. Statutory r**e. To think na isa pa man din siyang kagalang-galang na dean sa university na pinagtuturuan nila ni Mommy. Nakakahiya siya."
Galit si Snicker sa ama kahit pa alam niyang hindi pinuwersa ng daddy niya ang estudyanteng karelasyon nito. The point was, his father still cheated on his mommy with a girl only a few years older than he was. Idagdag pa na estudyante ang kabit nito sa mismong university kung saan dean ang ama niya at professor naman ang ina niya. Naging napakalaking eskandalo niyon, lalo na't malapit lang sa eskuwelahan niya ang unibersidad. At alam ng lahat na mga magulang niya ang sangkot sa eskandalong iyon.
Alam din niya ang isa pang kuwento tungkol sa totoong nangyari. Nang may makahuli sa ama niya kasama ang babaeng estudyante, naging tsismis iyon. Sa takot ng mga magulang ng babae na parehong mga abugado na mapahiya sa publiko, naghain ng demanda ang mga ito at pinalabas pa na pinuwersa ng ama niya ang sarili nito sa babaeng estudyante. Na paulit-ulit na pinagsamantalahan ng kanyang daddy ang babae at hindi totoong may "relasyon" ang dalawa.
Siguro, dahil na rin sa takot ng babae sa mga magulang nito, diniin nito sa korte ang kanyang ama dahilan para mahatulan at makulong ang daddy niya sa salang panggagahasa.
Si Snicker ang nagbabayad sa pagkakamali ng ama niya dahil kahit malaya siya, pakiramdam pa rin niya ay nakakulong siya sa madilim na nakaraan ng kanilang pamilya. He hated his father for hurting her mom that way, and for making his life miserable now.
"Ang unfair ng media," mayamaya ay sabi ni Resen na pumutol sa pagmumuni-muni ni Snicker. "Ni minsan, wala akong nabasang anggulo na puwedeng may relasyon ang daddy mo at ang estudyanteng 'yon."
Snicker scoffed. "I told you, s*x with a minor is already considered as r**e. Kahit ano pa ang dahilan ng daddy ko, mali pa rin ang ginawa niya. He cheated on my mom with a girl almost the same age as I am."
Binigyan siya ni Resen ng tinging may simpatya. "Ayoko ng ganito, Snicker. Gusto kong magkaro'n ng kapangyarihang magpakalat ng mga totoong balita sa mga tao. Alam kong mahirap ang gusto kong mangyari, pero gusto ko pa ring pasukin ang mundo na 'yon."
"What are you talking about?"
"Ang course na kukunin ko sa college. Gusto kong mag-Broadcasting. Ikaw?"
Nag-iwas ng tingin si Snicker. Nakakatawa, pero pareho sila ng iniisip ni Resen. Dahil sa media, nasira ang pamilya niya at pati sila ng mommy niya, itinakwil halos ng lipunan. Gusto rin niyang mabago 'yon. Kahit hindi pa niya nakilala ang dalaga, alam na niya kung ano ang gusto niyang kuhaning kurso sa kolehiyo. "Journalism."