SUNSET Ilang segundo akong tumitig sa kanya at pilit na binabasa kung ano ba talaga ang naglalaro sa isipan niya. Mayamaya lang ay bumaba ang mata niya sa labi ko hanggang sa dahan-dahan niyang nilapit ang mukha sa akin. Mabilis na gumalaw ang kamay ko at kaagad na pinisil ang ilong niya kaya napadaing siya. “Hindi mo na dapat ako tinatanong ng ganyan, De Luca dahil alam mo ang magiging sagot ko. Ikakasal na ako kaya umayos ka sa mga pinagsasabi mo,” sabi ko habang pisil ang ilong niya. Kahit ipit ang boses ay malutong siyang tumawa. “Baka lang naman lumusot, Ms. Rozaldo. Malay mo naman, sa kakapilit ko ng sarili ko sa ‘yo, magising ka na lang isang araw na may nararamdaman ka na pala sa ‘kin,” nakangisi niyang sabi. Natigilan ako sa narinig ko. Bigla akong napaisip sa sinabi nito.

