Fatigued

2148 Words
Sikel Villavicencio Nasa harapan namin ang isang paaralan na kulay berde ang simbolismo . May naka-arkong pangalan ng paaralan nila sa harapan na gamit ang isang stainless. Habang sa gate naman ay nakalagay ang mga poster ng mga estudyanteng nanalo sa isang partikular na patimpalak, maging ang head teacher na may kaarawan. Naging maingat muna kami sa pagtawid sa kalsada bago tuluyang makarating doon at pumasok. Pero hindi pa man kami nakalalayo, may sumipol na nakaagaw sa amin ng pansin. Lumingon kami sa paligid at walang ibang tao bukod sa isa at isa, kung kaya alam namin na kaminang tinutukoy nito. "Anong kailangan niyo?" Huminto kami sa paglalakad nang tawagin ng isang guwardya. Maliit lamang itong tao ngunit gayon na lamang ang tapang na kaniyang ipinamamalas, may malaking tiyan na halos matanggal na ang butones ng kaniyang uniporme. May baril ito sa gilid ng kaniyang baywang at may hawak na batuta, may nakasabit na salamin sa kaniyang damit at meron ding pito. "Bakit tuloy-tuloy kayong pumasok?" Mapanuring usisa nito. Hinayaan kong si Tado muna ang magsalita. Wika niya, isa siyang tanod sa isang barangay sa hindi kalayuan samantalang ako ay isang taong may pangarap na maging guro. Dagdag pa niya, nandirito kami upang kausapin ang mga guro ng isang mag-aaral na naaksidente dalawang araw na ang nakalilipas. Sinabi ko rin na isa ako sa mga napasama sa demo class dahil nagbabakasakali na baka natatandaan pa niya ako pero gaano ba katalas ang memorya ng isang tao? Nauwi lamang sa wala ang aming mga itinuran dahil hindi naging sapat iyon para sa guwardya, masyado niyang binubusisi ang aming pakay, hindi siya kontento sa aming impormasyong ibinigay. "O eh dalawang araw na pala ang nakalipas, bakit ngayon niyo lang pupuntahan? At saka kaano-ano ba kayo nun?" Dinapuan ako ng tingin nito, mula ulo hanggang paa. Maging kay Tado ay ginawa rin niya ang bagay na iyon. Kung sanang naka-uniporme ako bilang guro, hindi na sana kami mahihirapan pang makapasok. Bakit ba ganito na ang sistema dito ngayon? Sa aking pagkakatanda, maluwang naman ang patakaran dito dati, miski ang outsiders ay nakapapasok. "Hindi namin siya kadugo, pero alam naming nag-aaral siya rito," ani Tado na malapit nang mawalan ng pasensya. Salubong ang kilay ng lalaki at nakahalukipkip. Malaki siyang tao kumpara sa guwardya at batid iyon ng kaharap niya ngunit tila walang epekto iyon, marahil dahil alam niyang may hawak siyang kinakatakutan ng mga sibilyan, walang iba kundi ang baril na siyang isa sa mga simbolo ng kapangyarihan. Batid kong pagod na ang aking katabi, ni hindi ko nga alam kung nagpaalam ba ito na sasamahan ako o gumawa lamang ng palusot para makaalis doon sa trabaho niya. Tiyak na mapagsasabihan na naman ito ng kapitan, kahit na mabait iyon ay seryoso sa trabaho. "Kailangan lang naming malaman ang buo niyang pangalan para mabisita namin siya sa ospital." Hindi pa rin kumbinsido ang lalaki. Pinaupo kami nito sa isang waiting area, isang sementadong upuan na malapit lang din sa tabi niya at sinabing maghintay lamang kami roon. Wala kaming magawa kundi ang sumunod habang pinagmamasdan siyang hinahayaang pumasok ang ibang magulang na may pinapakitang identification card. Kailan pa nagkaroon ng ganitong sistema? Tama bang iasa ang seguridad sa isang papel na pupwedeng makopya at manakaw? Ano ang iniisip ng admin? Nasa ganoong kalagayan kami nang may mga estudyanteng dumaan, tatlo ang mga iyon: dalawang babae, isang binabae at may balak lumabas ngunit biglang huminto nang makita ang guard. Nagbubulungan sila, nagtutulakan kung sino ang makikiusap sa guwardya. Sinipulan sila ng lalaki at pinalapit sa kaniya. "Anong gagawin niyo?" "Manong guard, magpapaphotocopy lang po sana kami." Pilit na ngumiti ang babae, halata sa kilos at tono nito ang pagsisinungaling. "Nako, ayan na naman kayo! Photocopy pero pagdating may fishball, kikiam, at palamig pa!" suplado nitong tugon. "Balik doon! Bawal!" "Kuya naman," ani ng binabae. "Sayang ang pogi kung laking galit." Umupo ito sa isang upuan, tiningnan ang isang logbook pero pinalo ng guwardya ng mesa. Bumakas ang inis sa mukha ng bakla ngunit panandalian lang iyon, ngumuso ito. "Ay grabe sya! Bahala ka kuya kapag bumagsak kami sa project namin." "Aba, bakit parang kasalanan ko pa? Dapat nga ay binibili niyo na mga kailangan niyo bago pumasok sa school, hindi yung kapag nasa campus na ay labas kayo nang labas." "Joke lang naman! Ito naman, 'di mabiro. Bawal ba talaga lumabas? Pwede makisuyo nalang kami? Pramis magpophotocopy lang talaga." Dahil sa pamimilit nito at pambobola, pumayag ang guwardya ngunit sa kondisyon na makikisuyo lamang sila. Tumakbo ang mga ito sa gate, at sumigaw sa mga taong nasa harapan, kalsada ang pagitan mula sa puwesto nila. Tumagal sila ng halos limang minuto, pagbalik ay itinaas ng isa sa kanila ang photocopy pero mapapansin ang isang babaeng pinapagitnaan nila na may tinatagong kung aano sa damit. Kahit hindi sabihin, halata naman kung ano iyon. Dumako ang atensyon ko sa guwardya na napapitik ng dila, napansin niya rin iyon at alam niyang bumili ng pagkain ang mga estudyante. "Ang titigas talaga ng mga ulo," komento nito bago tumingin sa amin. "Anong grade ba 'yong estudyante? Anong pangalan?" Lumiwanag ang mukha namin ni Tado nang itanong niya iyon, mukhang balak na nitong papasukin kami. "Hindi ko alam ang buong pangalan pero Jordan ang pangalan niya." Makikitaan ng pagiging pamilyar ang naging reaksyon ng guwardya. Nagbakasakali akong alam niya kung anong apelyido nito pero sagot niya, kilala lang niya ang lalaki ngunit hindi ang buong pangalan nito. "Madalas 'yong nandito dati kapag gabi, sinasamahan akong romonda sa bawat silid-aralan. Pero tumino bigla nitong nakaraang buwan dahil siguro sa nobya niya." "May kasintahan siya?" Tanong ko, nagkukunwaring interesado upang magkaroon ng rapport sa pagitan naming dalawa. Hindi naman na mahalaga ang personal na buhay ni Jordan para sa akin, sapat nang malaman ko na makita siya sa ospital at makasiguradong ligtas na siya. Hindi maaatim ng aking konsensya ang nangyari lalo pa na ako ang dahilan kung bakit nandoon ang lalaki sa aming barangay kung saan siya naganap ang aksidente. Humalakhak ang guwardya, umiling-iling ito. "Malabo! Ang binata na 'yon? Sinong papatol doon eh parehas patapon ang buhay naming dalawa." Tumingin ito sa akin ng bumuntong-hininga. Kinuha niya ang kaniyang two way radio at may kinausap, isa sa kapwa niya guard. Tinanong nito kung pamasok ba ang isang partikular na guro, mukhang iyon ang teacher ng sadya namin dito. Tumugon naman ang kaniyang kasama, maririnig ang pag-uusap nito sa isang guro, maging ang ingay ng paligid na likha ng mga estudyante. Pagkaraan ay ikinompirma nito na naroroon nga ang guro. "Kailangan niyong pumunta sa 10th Grade building, makikita niyo kaagad iyon kapag pumunta kayo sa likod ng gymnasium. Nasa pinakadulong section si Jordan." Tumango kami, nagpasalamat. Kahit na tumagal ang aming paghihintay, mas mainam na rin iyon basta ang dulo ay makakamit namin ang kasagutan kaysa hindi. Sa aming paglalakad, panay ang paglabas ng sama ng loob ni Tado. Pinatahimik ko na lamang siya sa pamamagitan ng pagturo sa mga estudyanteng nakatingin sa amin habang naglalakad. Mabuti na lamang at kaagad niyang napagtanto ang nais kong iparating. Matapos ang mahaba-habang paglalakad, nakarating nga kami sa tinutukoy nito. Nakasalubong pa namin ang guwardya na kausap ng nasa harapan kanina at kunumpira niya na iyon daw ang pinapasukan ng binata. Hindi na kami nag-aksaya pa ng panahon, kinatok namin ang pinto, bumukas iyon at nakita namin ang isang matandang babaeng mahinhin at nakangiti. "Sino po nila?" mahinong tanong nito. Sasagot na sana kami nang maging maingay ang klase kung kaya bumalik ito sa mga estudyante niya at tinakot ang mga ito na kung hindi marunong rumespeto at manahimik ay magkakaroon ng mahabang pagsusulit. At sino ba ang gugustuhin iyon? Sa isang iglap, natahimik ang buong silid-aralan. Kapag may mahinang ingay, sinusuway ng kapwa nila kamag-aral. May ibang napayuko nalang sa mga mesa nila, ang ilan ay nag-cellphone at may iba na napilitang magreview kahit na wala pa namang kasiguraduhang ang mga binatawang salita ng guro. "Mawalang galang na po, pasensya sa istorbo. Gusto sana naming malaman kung ano ang buong pangalan ni Jordan," tumingin lang ito sa amin, saka ko naalala na nakalimutan kong sagutin ang katanungan niya. "Ako po si Sikel Villavicencio, ito naman po ang kasama ko ay kagawad sa aming barangay. Kailangan lang po naming malaman ang buong pangalan ni Jordan dahil—" "Hindi pumapasok ang batang iyon dalawang araw na mula ngayon. Nakapagtataka kasi nangako siya sa akin na titino na siya ngayong taon dahil gusto na niyang makapagtapos, 'tapos ngayon ay biglang hindi magpapakita." Nagkatinginan kami ni Tado. Kung gayon, nasa ospital pa rin ngayon si Jordan. "Kung buong pangalan lang din niya ang hanap niyo, Jordan Macaraig ang pangalan niya." Sabay pa kaming nagpakawala ng hangin ni Tado. Ramdam namin ang pagod at pagkawala ng bigat sa aming pakiramdam. Sa wakas, naibigay din ang aming kailangan. Pero hindi pa iyon natapos doon. Nagpaalam ako na kuhanan ng litrato ang mga estudyante, maging ang mismong guro at ang pangalan ni Jordan sa student list. Pero bago niya ako napagbigyan, tinanong niya kung saan ko gagamitin at nang isagot ko na para sa ospital dahil naroroon si Jordan dahil sa aksidente, agad siyang tumalima. Bakas sa kaniyang mukha ang sensiridad ng pag-aalala. Naikwento nito na matulungin ang binata sa kaniya at gustong-gusto na niya itong maka-graduate ngunit mahirap pakiusapan ang mga kapwa guro niya. Sa mga taon na palagi niyang estudyante si Jordan Macaraig, nararamdaman niya ang kagustuhan nitong matuto ngunit masakit pa sa mga tinik ang mga salitang ipinupukol sa binata. Nawalan daw ito ng kumpyansa sa sarili, at ninais nalang na mawala sa mundo, pero palagi niyang ipinapaalala ang kagandahan ng buhay. Hanggang sa isang araw, nakita niyang masaya ang lalaki. Nakilala raw at nakausap nito ang kaniyang magiging byanan. "Sana gumaling na siya, para maipakilala na rin niya sa akin ang girlfriend niya." Puno ng pag-asang turan ng guro. Inabutan pa kami nito ng pera upang ipambili ng mga kakailanganin ng kaniyang paboritong estudyante. Sa pagdating namin sa hospital, muli akong sinalubong ng pagkunot-noo ng nagbabantay. Batid kong pamilyar ako sa kaniya, ka-muntikan na niya akong pigilan ngunit sinabi kong hindi ako manggugulo, at hindi ako magtatagal. Pinagbigyan ako nito pero nakabantay ang kaniyang mga mata, wala na akong magagawa kung iyon ang nais niyang gawin. Muli akong lumapit sa help desk, at naaayon ang lahat sa pagkakataon dahil ibang tao na ang umaasikaso roon. "Gusto ko sanang malaman kung merong isinugod dito dalawang araw ang nakalilipas? Aksidente siyang nabangga ng motor." Ipinakita ko ang litrato na kinuhanan ko kanina. Tumango-tango ito, iniintindi ang bawat salitang aking sinasabi. "Kaano-ano niyo po ang pasyente?" "Estudyante ko siya, nasa edad dalawampung taong mahigit." Ipinakita ko ang pangalan ng binata na nasa student list. "Jordan Macaraig. Baka sakaling nandito." Mukhang nakuha ko ang tiwala nito. Sinabi nito na maghintay ako habang nakatutok sa desktop at abala sa paghahanap, ngunit lumipas ang ilang minuto ay salubong pa rin ang kilay nito at tila ba paulit-ulit ang ginagawang paghahanap. Makailang sandali, idinapo nito ang tingin sa akin. "Pasensya na po pero walang Jordan Macaraig ang nandito." Binalot ng pagtataka, dahil alam ko namang naging pulido ang kaniyang naging paghahanap base sa tagal at kaniyang body language, muli akong nakiusap ngunit para sa ibang bagay. "Pwede ko po bang malaman kung saan dito banda ang kuwarto ng mga nagpapagaling mula sa aksidente?" Maayos na itinuro niya ang direksyon. Bitbit ang galon ng tubig, tumungo ako roon. Sa pagbukas ng pinto, kaagad na dumapo ang tingin sa akin ng mga tao. Habang naglalakad at iniisa-isa ang bawat pasyente, may nakita akong batang umiiyak, ang isa ay naputulan ng paa, ang isa naman ay naka-semento ang braso habang ang iba ay natutulog at pinapaypayan ng kanilang mga kamag-anak. Tumungo muli ako sa iba pang kuwarto na may kaugnayan din doon, ngunit laking pagkadismaya ko nang hindi ko makita ang binata. "Hindi po ba siya nai-discharge na? O hindi kaya ay dinala sa ibang hospital na malayo rito?" Muli akong bumalik sa babae, umaasa na makakakuha ng nais na kasagutan, ngunit sa halip na sagot, tinanong ako nito pabalik. "Bakit hindi niyo po subukang kausapin ang kamag-anak ng hinahanap ninyo? Wala po talaga rito ang impormasyon. Walang inoperahan, walang ipinasok, at walang inilabas na nagngangalang Jordan Macaraig sa ospital na ito." Bagsak ang balikat na lumabas ako roon. Hindi ko na pinansin ang komento ng kuwardya na may halong sarkasmo. Napansin naman ni Tado ang pagiging matamlay ko. "Anong sabi?" "Wala, hindi nila nakita ang pangalan niya sa list." Kinuha nito ang bitbit kong inumin. Habang naglalakad, sinasabi nito na nauwi lang sa wala ang pagod namin dahil uuwi kami sa bahay, pero kaagad kong idinismaya ang kaisipan na iyon. "Kailangan nating bumalik sa paaralan." Tumingin ito sa akin, tinitimbang kung seryoso ba ako kaya napatango. "Anong gagawin natin doon?" "Kakausapin ang mga kaibigan niya, pupunta tayo sa mismong bahay nila."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD