Sikel Villavicencio
Bago ko pa man ipasok ang sarili sa ganitong sitwasyon, makailang beses kong ikinuwestyon kung tama ba na ilaaan ko ang aking makabuluhang oras sa paghahanap ng isang taong isang beses ko lamang nakilala, ni hindi ko nga batid ang anumang impormasyon sa lalaking iyon—kaniyang huling pangalan, palayaw, tinitirhan—maliban sa pangalan nito na "Jordan" at edad na "dalawangpung taong gulang". Kung susumahin, kung maiimbistigahan man insidente, mapapasama ako sa imbestigasyon na maaaring ikatanggal ng aking lisensya dahil isa ako sa huling kasama ng lalaki at maaaring may samu at saring assumptions ang mangyari na posibleng madikit sa aking pangalan at kung sakaling mangyari iyon, anong paaralan ang tatanggap sa akin (publiko man o hindi) kung madadamay sila sa isyu na nakakabit sa akin? Ngunit sa kabilang banda, madali lamang iyong malulusutan gamit lamang ang dala-dala kong pangalan. Pero ang alinman doon: sa paggamit ng konekyon o sa pagsuko sa paghahanap sa binata ay wala sa mga dapat kong gawin. Kailangan ko siyang makitang buhay, listas, at nasa maayos na kalagayaan; hindi dahil sa titulong nakatatak sa aking noo at pangalan kundi dahil sa isa ito sa mga dapat gawin bilang isang responsableng indibidwal na may pakialam sa mga nangyayari sa paligid at kapwa niya.
Nang dumating kami sa paaraalan na iyon ay naabutan naming nakabantay ang guwardya sa gate at ang mga nasa likod niya ay pawang mga estudyante na naghihintay makalabas. Nagsisiksikan ang mga ito, hindi alintana ang amoy ng isa at isa dahil sa bawat kani-kaniyang hangarin. Batid ko na hindi lahat ng mga estudyante ay sa kanilang tahanan ang tungo, o kung ano nga ba ang deskripsyon ng tahanan para sa kanila. Napapansin ko na may mga estudyante sa gilid, sinusulit ang pagkakataon na makapag-ayos ng sarili. Marahil makatatanggap ng pagbibiro ang mga katulad niya dahil bakit nga ba ito mag-aayos pa kung sa bahay lang din naman ang uwi niya? Ngunit hindi tayo dapat nagpapaka sigurado sapagkat hindi mabibilang sa mga daliri ang iba pang dahilan kung bakit niya iyon ginagawa: posibleng nag-aayos siya dahil pupunta sa kaniyang night shift na trabaho mapa-anong kategorya ng trabaho pa man iyon.
Mula sa isa pang gate, kapansin-pansin ang mga estudyanteng walang takot na umakyat sa taas ng pader kung saan merong mga matatalim na bagay ang maaaring makapinsala sa kanila. Habang ang iba ay piniling ipagkasya ang sarili sa butas ng pader kung saan malapit ang basurahan. Hindi mabilang ang mga estudyanteng nagsisilabasan, sumusunod ito sa mga nauna sa kanila. May iilang mga senior students ang sumusuway ngunit aatras dahil may nag-aabang sa mga estudyanteng ito, mga lalaking halos nasa tatlongpung taong gulang na at may mga hawak na sigarilyo at batak ng tattoo ang katawan. Bumabahid sa kaniyang mukha ang saya habang pinagmamasdan ang mga estudyanteng sumusunod sa kaniyang yapak. Hindi ko alam ang mararamdaman ko kung ako ang mga magulang ng ganitong mga kabataan, hindi ko nais isipin na napupunta sa maling bagay ang kakarampot na kita na dugo at pawis ang inilaan para lamang kitaan iyon.
Sa labas, naka-hilera ang mga tricycle driver. Ang ilan sa mga ito ay service vehicle at hinihintay ang kanilang mga pasahero, may iilan na nakasakay na roon na mukhang hindi inabutan ng pagsarado ng gate ng manuring guwardya. Nagsisitawana ang mga driver, bakas sa kanilang mga mata na natutwa sila sa maaga raw na pagpapalabas sa mga estudyante dahil bukod sa pupuwede silang bumalik nang paulit-ulit, iilan lang sa mga driver ang nakatunog sa nangyari kaya siksikan ang mga estudyante, may mga nasa bubong ng tricycle, lapag at may nakasabit pa. Walang duda na doble o triple ang kikitain nila ngayon. May iilan din na sinusulit ang parating na dapit-hapon para bumili ng makakain sa mga nakahilerang street food sa harapan ng paaralan.
Tumingin ako sa cellphone. Masyadong maaga pa para sa nakasanayang uwian ng mga estudyante, at ang masama, hindi namin alam kung nandirito pa ba sa kumpol na mag-aaral na ito ang mga hinahanap namin. Iniabot ko kay Tado ang galon ng tubig na bitbit ko, hinabol ko ang isang estudyanteng pakiramdam ko ay makatutulong sa akin. Isa iyong lalaki na hinayaang makalabas ng guwardiya nang walang anumang salita na para bang sinasabi nito na kilala na niya ang lalaking may katabaan, nakasalamin, at may magulong buhok na humaharang sa hakos kalahati ng kaniyang mukha. May hawak itong shouldered bag, at kahit baluktot siya kung maglakad ay nakikitaan ko siya ng tiwala sa sarili lalo na sa mga mata niyang mapagmasid sa paligid at sa pag-iisa niyang paglalakad.
Tinaasan ko ang aking boses nang tawagin ko siya ngunit hindi ito lumingon. Pero nang tawagin ko ang detalye ng kaniyang damit na iba sa mga nakapaligid sa kaniya, maging ang pangalan na nakatatak rito ay huminto ito at iginala ang tingin sa paligid. Nang dumapo ang tingin sa akin ay inaayos ang kaniyang salamin at tila kinikilala ako. Hindi ito nagsalita nang makarating ako sa kaniya, hinintay nito na ilahad ko ang aking sasabihin.
"Pasensya na, kailangan ko lang ng tulong. Baka may kilala kang Jordan Macaraig, matagal na siyang hindi gumagraduate, may katangkaran, at nasa dalawangpung taon mahigit." Tiningnan lamang ako nito na tila walang pakialam, saka tumingin sa kaniyang relo na tila nagpapahiwatig na sinasayang ko ang oras niya. Ngunit kahit magkagayo'n, pinanatili kong kalmado ang aking sarili; ang nais ko lang naman ay ang impormasyon na maibibigay niya.
"Kilala ko siya," ani niya. Umaliwalas ang aking pakiramdam, ngunit agad ding nawala iyon sa sumunod na sinabi niya. "Pero hindi ako tanungan ng mga katulad niya." Tuluyan siyang lumayo, ni hindi nito ako nilingon. Hindi ko maiwasang mapapitik ng dila. Mahirap bang ibigay ang impormasyon na hinihingi ko kung may alam naman siya roon?
"Si Dandan ba hanap mo, ate?" Dumapo ang tingin ko sa isang lalaki. Nakasandal ito sa isang poste at may hawak na umuusok sa gitna ng kaniyang dalawang daliri, walang pakialam kahit na may ibang menor de edad sa tabi niya, tinapon nito iyon saka inapakan. "Alam ko kung saan ang bahay nila."
Wala na kaming ibang pup'wedeng maging choice bukod sa sumama sa lalaki, kahit na hindi namin ito lubos na kilala. Batid kong walang rasyonal na dahilan ang pup'wedeng makapag-justify sa isang mangmang na aksyong ito, ngunit ang pagiging desperado ang umiral. Sa una, lubos na tumanggi ang kasama ko, ngunit sa huli ay pumayag na rin siyang sumama. Minabuti ni Tado na sabihin sa akin ang aking gagawin sakaling may hindi magandang mangyari, tumabi rin siya sa lalaki na isa palang tricycle driver.
May isa ring estudyante ang sumakay, magkausap ang dalawa at nagtatawanan. Mas mainam na rin iyon para mawala ang tensyon an bumabalot sa paligid. Maya-maya ay bumaling ang kwento kay Jordan, naikwento ng driver na ang binatang iyon ang sadya ko sa site. Natahimik silang dalawa na tila may hindi gustong pag-usapan. Dumaan kami sa masukal na lugar, walang katao-tao roon, napalilibutan ng mga d**o at mga patag na naging pastulan ng mga hayop.
"Dito ko nalang kayo maihahatid," ani nito na tila nababahala.
"Pero sinong maghahatid sa amin pabalik? Hindi naman pupwedeng maglakad kami, napakalayo nito." turan ni Tado na may bahid ng inis dahil mukhang wala pang katao-tao ang lalakarin namin. Malapit nang lumubog ang araw, ni wala manlang poste na magsisilbing liwanag namin sa daan.
"Hindi ba p'wedeng ihatid mo nalang kami? Kahit dagdagan ko nalang ang bayad pamasahe." Mukhang mali ang lumabas sa bibig ko, lalo lang sumiklab ang mistulang tigreng handang lamunin kami. Tumingin ito sa bag ko, umilaw ang mga mata nito, tila kanina pa hinihintay ang signal na iyon. Mukhang pagganap lang niya ang mga sinabi niya kanina. Kaagad naman siyang pumayag.
Kung ano ang ikinatakot ng daan kanina, ang ikinatahimik ng atmospera, at ikinadilim ng paligid ay siyang ikinaliwanag at ikinaingay naman ng site na tinutukoy ng dalawa kanina. Isa pala itong compound at may halos tatlong palapag ang mga bahay na magkakadikit-dikit. Merong isang mahabang mesa ang nakahilera at doon ang mga tao ay nagsusugal, nagmumurahan, at kung ano-ano pang mga bagay na mistula bang may perya sa paligid. Kapansin-pansin ang mga sira-sirang mga bahay, at ang mga nakasabit na pangloob na kagamitan sa bawat sinampay na harap-harapan ay nakikita ng mga tao. Mukhang sanay na ang mga ito na makakita ng gano'n, nang dumating kami ay nagsipulasan ang mga ito ngunit sinuway sila ng tricycle driver.
"Hindi s'ya asset," mahinang turan nito sa kanila. "Hinahanap niya si Dandan. Umuwi na ba?"
Tumigil ako sa paglalakad nang marinig iyon. Kung gayo'n, wala rito si Jordan. Nasa ibang ospital ba ito dinala? Muli kaming nagpatuloy, tiningnan ko si Tado na nagtatanong ang ekspresyon sa akin kung bakit kakaiba ang aking ikinikilos, ngunit ipinagsawalang bahala ko na lamang iyon. Tumungo kami sa isang bahay. Pinagtagpi-tagpi iyon na mabubulok na yero, may nakasabit na planggana at tuwalya sa dingding habang sa gilid ay may malaking galon na may harang na puting bagay na nababalutan ng lumot. Sa gilid ay may isang batang babae na panay ang paglalaba ng halos dalawang planggana, tinawag ito ng tricycle driver at nagtatakang lumapit. Pinagmasdan ko ang kaniyang kamay, napansin niya iyon kung kaya kaagad niyang itinago sa kaniyang likod ang kamay niyang may bahid ng dugo. Tagaktak din ang pawis ng bata kung kaya lumilikha ng kakaibang amoy ang kaniyang katawan.
"Hinahanap nila ang kuya Dandan mo," wika ng lalaki. "Alam mo ba kung saan siya pumunta? Umuwi na ba?"
Sunod-sunod ang naging pag-iling ng bata. "Kuya, hinaan niyo lang boses niyo kasi baka magising ni Nanay. Ayaw niyang naririnig ang pangalan ni Kuya."
"Bakit?" tanong ko
"Galit kasi si Nanay sa kaniya dahil nag-aaral siya, dapat kasi hindi na raw siya nag-aaksaya ng panahon sa paaralan dahil bobo raw siya." Mapait na ngumiti ang bata, yumuko ito upang magpaalam na babalik na siya sa trabaho. Habang kinukuskos niya ang mga labahan na inaanlawan, nilapitan ko siya at tinulungan. Umiling ako sa kaniya nang magtangka siyang magsalita.
Pinagmasdan ko ang batang babae. Hindi ko talaga maunawaan kung bakit may mga Pilipino pa rin na patuloy ang pagsilang ng sanggol na para bang milyon ang kanilang investment para sa pag-aaral at pambuhay rito. Hindi ko batid kung bakit may mga magulang ang maunawaan kung bakit may mga magulang na ayaw paaralin ang kanilang mga anak dahil dapat lamang itong magtrabaho na parang isinilang lamang sila sa mundong ito para ipagpatuloy ang hirap ng buhay. Hindi ko maunawaan kung bakit sa dami ng proyekto at pangako ng gobyerno para sa mga taong katulad nila ay hindi mababakas ang kaginhawaan sa kanilang mga mukha. Batid kaya ng batang ito na naaksidente ang kaniyang kuya? May pakialam ba ang mga magulang ni Jordan sa kaniya?
Lumayo kami sa dalawang lalaki. Inaya ko ang bata na makipagkausap sa akin. Nagtatalo sa isipan kung dapat bang sabihin ang nangyari sa kuya niya pero sa huli ay hindi, wala akong planong dagdagan pa ang kaniyang iniisip.
"Bakit?"
"Kaibigan ako ng kuya mo," ngumiti ako sa kaniya. "Alam mo ba? Mabait siyang tao. Marami siyang alam sa mga gawaing bahay, matalino siya at madiskarte."
Hindi ngumiti ang bata. Tila ba hindi manlang naramdaman ang mga papuri na sinabi ko. Nagtataka ito kung bakit ko siya kinakausap. "Jowa ka ba ni Kuya? Ikaw ba 'yong ikinukwento niya sa akin?"
"Hindi, wala kaming relasyon ng kuya mo. Gusto ko lang sana siyang makita dahil may ipapaayos ako. Ang mama mo, anong trabaho?" Alam kong out of the blue ang katanungang iyon, ngunit hindi siya nagtanong kung bakit ko naitanong.
"Natutulog. Uminom na naman sila ng kapit-bahay namin, araw-araw nalang. Teka ano ito?"
"Itago mo. Para sa iyo 'yan, ipambili mo ng kailangan mo o ng mga kapatid mo kung meron man. Saka tawagan mo ako sa number na ito kung bumalik na ang kuya mo o kung kailangan mo ng makakausap."
Umiling ang bata. Ibinalik nito sa akin ang pera. "Wala akong cellphone ate, saka hindi ko matatanggap ang pera."
Dinagdagan ko ang pera. "Bumili ka ng cellphone. Tawagan mo kaagad ako, maliwanag?" Muli sana siyang tatanggi, ngunit dumating ang tricycle driver kung kaya kaagad niya iyong ibinulsa.
"Maggagabi na. Kailangan pa nating puntahan ang mga kaibigan ni Dandan."
Tumango ako saka nilingon siya, binigyan ko siya ng paalala gamit ang tingin. Bahagya itong yumuko, tinalikuran kobsiya at nagpatuloy sa paglalakad.
"Ikaw ba si Sierra?" Napahinto ako. Hindi ko maalalang sinabi ko ang pangalan ko sa kaniya. Nang lumingon ako, saka siya ngumiti. "Mukhang ikaw nga."
Tumungo ito sa bahay nila, tumagal siya ng ilang sandali saka bumalik sa sa labas. Inabot nito sa akin ang isang notebook. Bubuksan ko na sana pero pinigilan niya ako, nilingon nito ang dalawang lalaking mukhang nagnanais ding malaman kung ano ang nilalaman ng iniabot sa akin.
Napabuntong-hininga ako bago ipasok iyon sa bag ko.