Sikel Villavicencio
Tumuloy kami sa isang medyo mabatong lugar. Hindi, hindi ito mga bato kundi mga ginibang semento na nagkalat sa paligid. Hindi rin mabilang ang mga basura na kung saan-saan nagsilipana, habang ang mga bata ay walang naglalaro, naghahabulan na tila hindi alintana ang panganib na maaaring makasakit sa kanila. Katulad ng kanina, naroroon pa rin ang mga matatanda na nagsusugal, nagkalat ang mga tig-iisang daan at libo sa kanilang mesa na siyang hindi ko mawari kung bakit. Nangangayayat na ang mga ito maging ang mga paslit ngunit nakuha pa rin nilang gastusin ang pera, inilalaan sa panandaliang saya kaysa sa ikalulusog ng mga kanilang mga anak. Nakasalubong namin ang isang batang umiiyak, nakaupo ito sa lupa at panay ang pagtulak niya roon gamit ang kaniyang mga paa, sumasalo ang kaniyang sipon, luha, at laway ngunit walang sinoman sa mga matatanda ang lumapit rito kahit na may kalapitan din naman ang kanilang puwesto, tila ba bingi ang kanilang mga tenga sa ingay na namumutawi.
"Huwag mo na siyang lapitan," Paalala sa akin ni Tado nang mapansin niyang hindi ko maalis ang tingin sa bata. "Kailangan pa nating puntahan ang mga kaibigan niya, gagabihin tayo kung hindi pa tayo magpapatuloy."
Alam ko iyon. Ang paglapit sa mga kaibigan ni Jordan ang nakikita naming isa pang paraan para makahingi ng impormasyon patungkol sa lalaki. Naisip namin na kung wala si Jordan sa paaralan nito, sa ospital na malapit sa mga kamay o madaling puntahan para sa mga residente, at maging sa mismong tahanan ng lalaki, maaaring nasa bahay ito ng kaniyang mga kaibigan o kung wala, kahit manlang makapagbigay ang mga ito ng mga makatutulong sa aming paghahanap.
Tuluyan na sana kaming aalis ngunit mas lalong pumalahaw sa iyak ang bata. Isinusubo nito ang lupa, inilalagay sa kaniyang ulo. Desperadong makakuha ng atensyon, na siyang dapat naman talagang normal na ibinibigay sa mga katulad niya. Hindi ko na napigil ang aking sarili. Ako lang ang nag-iisang anak nina Papa at Mama, ninais kong magkaroon ng kapatid ngunit hindi na nabigyan ang mga ito ng isa pang anak kung kaya gano'n na lamang ang pagiging malapit sa mga katulad nila. Ninais pang magsalita ni Tado ngunit pinigilan niya ang sarili dahil alam niyang wala siyang magagawa.
Binuhat ko ang batang lalaki, hindi alintana ang malagkit na pawis rito. Kinuha ko ang aking panyo at ipinampunas sa kaniyang mukha, pinagpagan ko rin ang ulo ng bata at ang ilan sa mga lupa ay tumalsik sa aking kasuotan. Umiiyak pa rin ang lalaki, naging tensyonado ang katawan nito sa isang estrangherong katulad ko. At dahil malapit sa kaniya, napansin kong hindi nito maitutok nang husto ang mga mata sa akin. Maging ang mukha nito ay hindi normal, at ang katawan nito ay nangangayayat—isa siyang special child.
Lumingon ako sa mga nagsusugal. Sino ba sa mga ito ang magulang ng bata? Isang lalaking may malalalim na mga mata ang tumingin sa aming direksyon. Pinapitik nito ang dila saka muling nagpatuloy sa ginagawa. "Iuuwi mo ba 'yang anak ko sa bahay niyo?" tanong nito nang hindi manlang dinadapuan ako ng tingin. "Mag-isip ka nang mabuti bago mo gawin 'yan, walang pakinabang sa iyon 'yang baliw na 'yan."
"Palamunin si Totoy!" segunda ng isang katabi nito. Nagsisitawanan ang mga tao, nakalimutan na paslit ang tinutukoy ng mga ito. Naramdaman ko ang unti-unting pagbalot sa akin ng inis, kung ganito lang din ang pagtrato nila sa kanilang mga anak, mas gugustuhin kong dalhin na lamang ang mga ito sa bahay upang mabigyan ng sapat na pagkain para sa kanilang sikmura. At kung may tao mang walang kwenta, ang mga katulad ng mga nasa harapan ko ang mga iyon.
Maya-maya, may lumapit sa aming dalaga. Halos bata pa ang mukha nito sa akin, ngunit kapansin-pansin ang hindi nito pag-ayos sa sarili. Minura nito ang lalaking ama ng paslit, inismiran lang siya nito at bumalik sa ginagawa. Kinuha niya ito mula sa akin pagkatapos ay tinawag na anak. Muli kong nilingon ang isang lalaki, hindi mapagkakaila na malaki ang agwat ng edad nila sa isa at isa, at kung ibabase sa edad ng batang lalaki. Napailing ako. hindi ko magawang isipin ang kababuyan na nangyari.
"Pasensya na kayo ha, naistorbo pa namin kayo. Hindi kayo tagarito 'no? Sino hanap niyo?"
Nang magtatangka akong sumagot, kaagad na sumama sa usapan ang tricycle driver. "Hindi na kailangan, alam ko naman ang daan papunta roon." Umiiling ang lalaki nang makalayo kami ng bahaya. "Pagkakaperahan ka nun. Hindi ka dapat nakikipag-usap sa kanila kasi bawat tanong mo rito, maniningil ang babaeng 'yon." Turan nito na parang lubusan kilala ang tinutukoy.
Muli kaming nagpatuloy sa paglalakad. Kapwa kami napatakip nang ilong nang madaanan anag isang maliit na pinagdikit-dikit na mga yero. Nakakasullasok ang amoy nito at nanunuot hanggang sa lalamunan, nararamdaman kong namumuo ang laway sa aking bibig at ninanais na matanggal iyon o kahit manlang makainom ng tubig. Dumapo ang tingin ko sa hawak na galon ni Tado, mangangalahati na ang bawas doon; ito ang binili namin malapit sa ospital na para sana kay Jordan, ngunit dahil napagod kami sa kakahanap sa kaniya, naisipan na lamang namin na bumili ng plastic cup upang makatipid at mabawasan na rin ang bigat na dinadala. At saka, maggagabi na rin. Uuwi na rin kami sa bahay at masasayang lang ito kung hindi mapapakinabangan, maaari pa rin naman kaming bumili kinabukasan na siyang mas malinis dahil hindi ito na-expose sa mga alikabok na mula sa iba at ibang direksyon na aming pinuntahan.
Nang makalapit na kami, napagtanto naming mga manok iyon at ang mga dumi nito ay nagkalat na sa lupa. Mapapansin ang kumpol na iyon na nagpapakitang matagal na iyong hindi nalilinisan, maging ang mga manok ay mukhang may mga sakit. Kung tatanggalan ng pakpak, hindi ako sigurado kung may makakain pa ba silang laman. Kung sabagay, kung ang mga sarili nga nila ay hindi nila magawang mabigyan ng importansya, gaano kalakibang porsyenteng magkakaroon sila ng pakialam sa mga nilalang na ito?
"Nandito na tayo," Tumigil kami sa isang bahay na hindi nalalayo sa mga nakita namin kanina. Ang kaibahan nga lang, mas maayos itong tingnan at medyo malayo ang distansya sa ibang mga kabahayan. Bukod pa rito, kapansin-pansin ang mga pagkatahimik ng lugar. May mga lalaking natutulog sa labas na kagagaling lamang sa pag-iinom, habang hindi kami sigurado sa kung ano ang nasa loob. Lumapit ang tricycle driver doon, napansin ko ang paggalaw ng kurtina at ang pagsilip ng mata. Maya-maya ay bumukas na rin ang pinto at tumambad ang isang babaeng hapit na hapit ang suot sa katawan, halos makita ang sulok ng hita nito dahil sa maiksing kasuotan niya, bukod pa roon ay may kulay rin ang buhok nito.
"Wala kami ngayon. Nag-iingat kami baka may makatunog," Wika nito habang panay ang lingon sa paligid. Nang dumapo ang tingin nito sa akin ay tinaasan ako ng kilay. "Bagong chix mo?"
"Hindi, may hinahanap lang sila."
Tinawanan nito ang lalaki saka tinapik ang dibdib ng dalawang beses. "Mahina."
"Papasukin mo kaya kami?" Nagdadalawang isip pa ang babae ngunit napabuntong hininga na lamang ito bago kami inaya sa loob.
Sa pagpasok, mas maayos ito kaysa sa inaasahan ko. Halos kumpleto ang gamit, may telebisyon, may mga cellphone na naka-charge, may cabinet kung saan nakalagay ang mga libro, mayroon din area sa loob kung saan may mga sirang gamit na nakatambak at may lalaki roon na nag-aayos. Pinaupo kami nito sa mga monoblock na upuan saka binigyan ng juice, iinumin ko na sana iyon nang pigilan ako ni Tado. May mga kung ano sa mata ng lalaki, hindi ko mawari ang ibig niyang iparating, pero ibinaba ko na lamang ang baso.
"Ano bang kailangan mo? May session pa kami ngayon, iniistorbo mo kasiyahan ko."
"Hinahanap namin si Dandan. Bumalik na ba siya?" Napaikot ng mata ang babae. Aniya, bakit daw hinahanap sa kaniya ang traydor na lalaking iyon. "Ang mga kaibigan niya? Dito pa rin ba natutulog sa iyo?"
"Bakit ko pa papatulugin ang mga 'yon dito? Eh trinaydor nga ako ng Dandan na 'yon, anong malay ko kung magkakasabwat sila? Sayang 'yong pera ko, ano bang pumasok sa isip ng tangang 'yon at tiniklo niya tayo sa mga barangay?"
Hindi magawang maiproseso ng aking utak ang pinag-uusapan nila. Bumibigat ang hangin sa paligid ko, may hinala na ako sa mga nangyayari ngunit hindi ko alam kung bakit patuloy kong itinatanggi. Bakit? Hindi ko pa nga naman talaga kilala si Jordan Macaraig. Hindi sapat ang ilang oras na usapan para makilala ang isang tao nang lubusan. Hindi ka dapat nabubulag sa ngiti ng tao at pagiging mabait nito sa iyo, at mas lalong hindi dapat ito makaapekto sa paraan ng panghuhusga mo.
"Alam ko namang anak na ang turing mo ro'on. Maaga silang pinauwi kanina, may emergency meeting ang mga teacher. Tingin ko tungkol 'yon sa paghihigpit nila, sa pag-iinspeksyon ng mga gamit ng mga estudyante. Mahihirapan kayong makakuha ng costumer niyan."
Napamura ang babae, pero napangiti rin ng bahagya. "Panandalian lang naman 'yan, babalik din sa dati ang lahat."
"Bakit?"
"Ningas kugon ang mga Pilipino."
Sa huli, wala kaming nagawa kundi umalis sa lugar na iyon. Habang naglalakad, naisip ko kung pupwede iyong i-report sa pulisya ngunit napagtando kong hindi maaaring maideklarang missing ang mga tao hanggang hindi dalawangpu at apat na oras nang nawawala. Wala akong posibleng gagawin na hakbang sa loob ng mga susunod na oras kundi ang manatiling palipasin ito, pero hindi ko naman ninanais na lumipas pa ang oras nang hindi ko nakikita miski ang anino ng lalaki.
Pero dapat ko pa ba siyang hanapin? Nabanggit ng babae kanina na ipinagkanulo raw sila nito sa barangay. May nagaganap na hindi legal na transakyon na lugar na ito at huli na nang mapagtanto ko iyon. Kaya pala kahit nangangayayat ang mga tao, nagkalat pa rin ang pera sa paligid. At ayon din sa tricycle driver, nagkaroon ng emergency meeting sa paaralan at maaaring tungkol iyon sa paghihigpit ng seguridad ng paaralan. Tumingin ako kay Tado, possible kayang alam niya ang bagay na ito? Kaya ba pinagbawalan niya akong inumin ang juice na iniabot ng babae kanina dahil may posibilidad na may kakaibigang inilagay doon? Kaya ba kampante siyang samahan ako sa kahit saang lugar dahil alam ng mga kasamahan niya sa barangay? Barangay lang ba talaga ang may kinalaman sa mga nangyayari? Kung gayo'n, parte lang ba ang lahat ng ito ng plano nila? May nangyari ba talagang aksidente?
Hindi ko mabilang ang mga tanong na namumutawi sa aking isipan. Hindi ko matanggap na naging parte ako ng isang planong hindi ko manlang alam. Bakit hindi sinabi nang diretso sa akin ni Tado na pumunta na lamang sa lugar na ito para hindi na kami nag-aksaya pa ng oras sa pagtungo sa ospital? Dahil ba alam niyang hindi ako papayag?
Nasaan si Jordan? Totoo bang may aksidente? Tumingin sa akin si Tado, nagtatanong ang mga mata nito sa akin at napailing na lamang ako. Hindi ko lang dapat alamin kung nasaan si Jordan ngayon, kailangan ko ring makumpirma kung may nangyari nga ba talagang aksidente.
"Ito lang ang CCTV na malapit sa nangyaring aksidente," Wika ng kapitan, nasa tabi nito si Tado. Ni wala manlang pagkukwestyon na nangyari kanina nang makarating kami sa barangay hall. "Around 3PM ang aksidente, hindi namin naabutan dahil may ambulansya kaagad na dumating. Wala namang nakakakilala sa lalaki, dayo rito ang batang 'yon, panigurado." Tumingin ako sa monitor, mabilis na gumagalaw ang mga tao dahil finast-forward. Bumagal nga lang bago mag-3PM. Nakita ko ang sarili ko na nakasakay sa motor, malinaw pa sa akin ang kaganapan habang pinapanood ko ang clip. "Sabi nila, nakamotor daw ang lalaki at itinuturo ang bahay mo. Paniguradong kilala mo 'to, 'di ba?"
Hindi ako sumagot. Nakatuon lang ang atensyon ko sa CCTV. Muling finast-forward, wala na kasi kami roon. Iyon ang minuto kung kailan pumasok kami sa bahay dahil inalok ko siya. Muling naging normal ang video.
Nagsimula na akong kabahan nang nakaalis na sa tapat ng bahay namin si Jordan. Sinusundan pa rin siya ng kuha ng CCTV. Normal lang ang kaniyang pagpapatakbo, nang biglang may mabilis na motorsiklo ang bumangga sa kaniya. Hindi ako makakilos, natuod ako sa kinatatayuan ko. Halos hindi ako makakurap habang pinagmamasdan ang mga nangyayari. Nakita ko ang paika-ikang pagtayo ng lalaking nakabangga kay Jordan, sumakay siya sa motor at mabilis na umalis sa kaguluhan. Habang ang lalaki naman ay nanatiling nakahiga, hindi gumagalaw. Lumabas ang mga kapit-bahay, ilang minuto lang ay dumating ang ambulansya. May bumaba roon na nakapurong-itim, tumingin ito sa CCTV at itinaas ang kamay. Parang kumakaway?
May mga bumabang nurse, sinakay nila sa stretcher si Jordan at umalis na. Ang bilis ng mga pangyayari, kasing bilis ng t***k ng puso ko. "Teka, pakibalik doon sa may itim na tao kanina." iwinaksi ko sa isipan ko na si Kamatayan ang nakaitim na iyon. Hindi nag-eexist ang supernatural things sa mundo. Nakumpirma ko na hindi lamang ako ang nakakita roon nang ihinto ng lalaking kumukontrol sa video na kung saan nakaangat ang kamay niyon na parang kumakaway.
"Paki-zoom, kaya pa ba?"
Zinoom in nga niya. Isang baraha, pero malabo na ang pixels para makita kung anong baraha iyon, ngunit ako, sa hindi mawaring dahilan ay bumalik sa isipan ang barahang nakita ko dalawang araw na ang nakalilipas. Napaupo ako sa upuan dahil sa panghihina.