Elite

2142 Words
Sikel Villavicencio Naririnig ang kani-kaniyang usapan ng mga tao, may mga batang itinuturo ang kalupaan na siyang kinatatayuan ng hindi mabilang na mga bahay at mga estruktura, maging ang malaking bahagi ng dagat na pumapaikot rito. Mula rito sa itaas, kahit na maulap, napagtatanto mo kung gaano kaliit ang capital city ng Pilipinas, na kung may gusto at desidido mang masira ito ay kaya nilang gawin. Pinagmasdan ko ang mga taong kahilera ko, kanina lamang ay panay ang punta ng isa sa kanila sa banyo. Hindi ko pa ramdam ang tawag ng kalikasan kanina ngunit ngayong magla-lalanding ang eroplano at nire-require kaming umupo ay saka ko naman gustong tumayo para magbanyo. Makailang beses na nagkaroon ng turbulence. Para iyong sunod-sunod na humps kung maipagkukumpara sa pagbyahe sa lupa, ngunit sa kabilang banda ay parang alon na hinahampas ka. Mas nakakakaba, ramdam mo na hindi halos makahinga ang lahat. Nagtitinginan kayo, napapahawak sa upuan, napapapikit at pawang nagnanais na matigil na ang nangyayari. Hindi mapalagay ang ibang mga tao kanina, lalo na ang katabi kong matanda na napa-sign of cross dahil sa kaba. Dalawang taon na rin magmula nang huli akong bumyahe sakay ng eroplano, kaya hindi ko mapigilang basahin ang lahat ng safety cards na nakalagay sa harapan ko, maging ang pagmasdang mabuti at alalahanin ang dapat na gawin sakaling magkaaberya. Hindi ko rin maiwasang padasaan ng tingin ang magazine na naglalaman ng mga detalye at balita tungkol sa mga mayayamang Pilipino, mga quotes at aspiring messages na talaga naman ay maka-hatak pansin. Hindi pa man tuluyang nakakalapag ang eroplano ay marami na ang tumayo at inihanda ang kanilang bagahe. Hindi naman magawa nang mga flight attendant na tumayo at lapitan sila dahil hindi pa iniaalis ang pulang simbolo doon sa itaas. Kung kaya ang tanging nagawa na lamang ng mga ito ay pagsabihan sila habang nakaupo. Bakit ba gustong-gusto ng mga ito na makaalis na? Malaki ang magiging abala kung may mangyaring hindi maganda kapag nagmatigas sila. Muli kong inihilig ang ulo ko sa bintana. Tuluyan nang lumapag ang eroplano, pulido at walang naging problema sa ginawang landing. Minaniobra ng piloto ang sasakyan, hanggang sa unti-unting bumagal ang takbo nito at huminto. Doon ay tuluyan nang nawala ang simbolo, pup'wede na ring gumamit ng telepono at p'wede na ring tumayo. Mas lalong naging maingay ang loob ng eroplano, ni hindi na marinig ang boses ng mga flight attendant dahil sa nakain na ito ng lakas ng mga nasa loob. "Ladies and Gentlemen we have just landed at Ninoy Aquino International Airport, Cebu Pacific Air welcomes you to Manila. On behalf of your flight crew headed by Captain XX with First officer XX and the rest of the team, we thank you for choosing Cebu Pacific your airline of choice." Maririnig sa intercom ang boses ng isang babae, sobrang kaaya-aya itong pakinggan at ramdam ang taos-pusong pagbati sa amin. "Kalalapag lamang po natin sa paliparang pandaigdig ng Ninoy Aquino, maligayang pagdating sa Manila. Sa ngalan po ng bumubuo ng lipad na ito na pinangungunahan ni Kapitan XX sa tulong ng unang opisyal XX kami po ay nagpapasalamat sa patuloy na pagsakay at pagtangkilik sa Cebu Pacific. Maligayang pagdating." Hinayaan kong umagos ang mga tao sa paligid. Hindi ko nais na dumagdag pa sa siksikan lalo pa na merong mga matatanda at batang naglalakad. Dumako ang atensyon ko sa matandang katabi ko, sinenyasan ito ng kaniyang anak na lalaki na manatiling nakaupo na siyang mainam dahil sa sobrang kulang ng pasensya ng mga tao ay bahagyang nagtutulakan na ang mga ito, walang pakialam kung sinoman ang nasa harapan, idagdag pa ang mga taong kumukuha ng kanilang malalaking bagahe. "Mag-isa ka lang bang bumyahe?" tanong ng katabi ko. Makailang beses na niya akong tinanong ng parehong kataungan at hindi na ako magtataka kung clinically diagnosed siya na may alzheimer's disease. At kagaya noong una, palaging iisa pa rin ang nagiging kasagutan ko. Tumango na lamang ako sa kaniya. Dala na rin ng kaniyang katandaan kung bakit siya makulit at kumikilos ng gano'n. "Bakit naman?" Pinili kong uminom ng tubig para makaiwas sa mga tanong niya at mukhang umepekto naman dahil muli siyang bumukas ng usapan. "Pupunta kami ng anak ko para sunduin ang papa niya na magtatrabaho sa abroad. Matagal nang hindi siya umuuwi, alam kong gusto na niya kaming makasama." Kanina pa niya ako kinakausap. Halos ikwento na niya lahat sa akin ang nangyari sa buhay niya, at napapansin iyon ng kaniyang anak na humihingi na lamang ng pasensya. Wala naman iyon sa akin, ikinatutuwa ko ngang may mga katulad niya na hindi nalalayo ang ugali kay Mama. Halos lahat ng tao ay gusto nitong kaibiganin, at hindi na ako nagtataka kung bakit malakas ang kaniyang awra sa mga lalaki noong kabataan niya dahil likas sa kaniya ang pagiging puro at mapagkumbaba. Kinausap ko rin ang matandang katabi ko, sinabi ko rito na magandang bagay na magkikita silang muli ng kaniyang asawa na limang taon ng nasa abroad. Hindi ko lubos maisip ang sakripisyo na inilalaan ng mga Overseas Filipino Workers para lamang guminhawa ang kanilang buhay, maging ang malaking tulong na naibibigay ng mga ito pagdating sa ekonomiya ng Pilipinas. Hindi lingid sa kaalaman ng maraming Pilipino ang hirap at pasakit na dinaranas ng ating mga kababayan sa ibang bansa: panlalait, pagmamalupit, panggagahasa, at higit sa lahat ay kamatayan—sa literal man na paraan o hindi. Pero kahit na anong lupit, may mga kababayan pa rin tayong iniinsulto at sinisisi sila kung bakit nangyayari sa kanila iyon dahil daw sa kanilang mga desisyon sa buhay, at ang mas malala pa roon ay kapwa Pilipino rin ang humahamak sa kapwa niya dahil sa hindi mabilang na dahilan; galit, inggit, kasakiman, at kung ano pang negatibong bagay na maaaring magresulta sa negatibong bagay din. Nang tuluyang humupa maraming ang mga tao, tinawag na siya ng kaniyang anak habang bitbit din nito ang isang bagpack. Muling humingi ng pasensya ang lalaki saka pabirong pinisil ang pisngi ng kaniyang ina. Hinayaan ko munang may sumunod sa kanila ang natitira pang tao bago ako tumayo sa kinauupuan ko, bitbit ang shouldered bag. Walang kahit anong laman iyon bukod sa pera at maliit na lalagyan ng tubig, mga proof of identity, at iba pa. Sa kamamadali, hindi ko naisip na magdala pa ng ibang bagay. Ni hindi ko na ngang nagawa pang pumunta sa bahay para lang kumuha ng ibang dadalhin at sa kabilang banda, wala rin akong balak na gawin iyon dahil bukod sa abala sa transportasyon, wala sa plano ko ang manatili nang isang araw sa lugar na ito. Kapag natapos ang dapat asikasuhin, tama na ang dumiretso pabalik sa eroplano kahit na ang gagastusin ko uli para sa isang rush flight ay halos tatlong libong piso. Pinagmasdan ko ang Ninoy Aquino International Airport o NAIA kung tawagin. Nasa Terminal 4 ako na siyang nagsasagawa ng mga lokal na lipad o regional. Nasa kalagitnaan ngayon ng Pebrero kaya hindi na kataka-taka ang pula ang nakapaligid sa paliparan na ito, pero walang sinoman ang tila nakakakita sa mga iyon. Punong-puno ng mga tao ang paliparan, may ibang natutulog pa sa sahig at bakas ang pagod sa kanilang mga mukha, hindi magkanda ugaga ang mga guwardya sa pananatili ng katahimikan sa paligid, pero hindi nila mapigilan ang bagsik ng emosyon ng mga ito. "Kahapon pa kami rito! Wala na kaming matinong tulog! Makiramdam naman kayo!" sigaw ng babae, may hawak itong batang babae na nasa sampung taong gulang na umiiyak. Pumipiglas ito sa mga humahawak sa kaniya, nais ng mga ito na mapalabas siya dahil mas lalo niyang pinapasidhi ang tensyon sa loob at dahil na rin marahil sa nais talaga nitong makaalis, pinili niyang kumalma. Sa check-in desks kung saan tinatanggap ang mga ticket para sa mga lokal na byahe ay nag-uusap ang mga babae. Pawang pagod ang mga mata ng mga ito, ipinapakita nila ang kanilang simpatya sa mga pasahero spaagkat kahit gustuhin man nilang makabyahe na ang mga ito ay hindi nila hawak ang pagdating ng mga eroplano. Iginala ko ang tingin sa paligid, naghahanap ng daan palabas dahil hindi ko na nais pang manatili roon. Maging ang akong byahe rin naman ay hindi nakaligtas sa delayed na flights dahil sa mga nangyayari. Balibalita kasing magkakaroon ng lockdown para mapaigting ang seguridad laban sa virus, ngunit wala pang kasiguraduhan iyon. Normal pa rin ang lahat, maayos na tumatakbo ang mga establishemento maging ang mga paaralan. Wala pang mahigpit na patakaran dahil ayon sa kanila, wala pa namang napapabalitang unang kaso nito sa bansa. Pero hindi nila inaasahan ang reaksyon ng mga tao dahil sa kumakalat na balita, karamihan ay nagpanic at nagnanais na makauwi sa kani-kaniyang probinsya. Sa paglabas, nasilayan ko ang mga sasakyan at ang ilan nga rito ay mga taxi driver na kaagad na lumapit sa akin. Mistulang pinahabang waiting shed, may mga halaman doon na pumapagitna sa dalawang kalsada. Meron ding isang hindi ko mawari kung guard house o isang toll gate, may dalawang banyaga roon na nakikilag-usap sa taong nasa loob. Tinanguan ko ang isang lalaki nang makapagdesisyon siya na ihahatid ako, tinanong ako nito kung may bagahe ba ako at ang naging kasagutan ko ay wala. Tumabi ako sa kaniya. Hindi naman lingid sa aking kaalaman ang mga hindi kaaya-ayang mga nangyayari sa pasahero. Sinigurado kong gising ang aking diwa upang bantayan ang kaniyang mga ginagawa, sunod pa roon ay ang mismong pamasahe na dinadaya ng iba sa kanila, at karagdagan ay kapag tinangka niyang isarado ang pinto ng kotse ay kaya kong pigilan, hindi katulad sa kapag nasa likod ako ay maliit ang porsyentong magagawa ko iyon. Tumingin sa akin ang driver at kagaya ng inaasahan ay nagsimula itong magkwento. "Siksikan sa airport ma'am, 'no?" tanong niya, at nang tumango ako at wala nang sinabi pang mga salita ay nakitaan ko siya ng pagtataka. "Bakit wala kayong bagahe, ma'am?" Tumingin ako sa bintana, natanaw ko ang mga halamang mistulang ginawang pader. Nakagiginhawa sa pakiramdam ang makakita ng mga puno sa syudad ng Manila, may ilan pang nakaparadang sasakyan doon. Inaamin kong hindi pa ako nagkakaroon ng tulog, hindi ko gustong mawala ang atensyon ko sa bag na tanging may value na bitbit ko. Sa loob ng ilang minuto, nakatingin lamang ako sa bintana at pinagmamasdan ang paligid. Wala pang gaanong malalaking establishemento rito, karamihan ay pawang mga bahay, maliliit na tindahan, station ng pulis, at bangko. Tanghaling tapat. Abala ang lahat sa kani-kaniyang buhay, maging ang daang ito ay gayo'on din. Naipit kami sa gitna ng trapiko, may ilang mga kabataan ang kumakatok ng bintana at inaalok kami ng mga pagkain. Initaas ko ang tingin nang makakita ng tren, at kagaya pa rin ng dati, siksikan ang mga tao; mapa-anong kasarian o edad ay napipilitang tumayo. Kumanan ang sasakyan, sa kaliwang bahagi ay merong mga driver na malaki ang naging pasasalamat dahil sa lilim na ibimagi ng daan ng tren, samantalang sa amin ay kasalungat. Nadaanan namin Habang tumatagal, mas lalong tumindi ang Civil Aviation Authority, Asia Hotel, isang hindi ko maalalang pangalan ng isang sports center, maging ang tulay na kung saan merong bahay sa ibaba. Ayon na taxi driver kanina, nasa halos dalawangpung minuto lang ang byahe papunta sa aking destinasyon, pero hindi ko ramdam iyon. Umiinit na ako sa aking kinauupuan, halos dalawang oras na pero hindi pa rin kami nakararating. "Anong gagawin niyo sa Forbes Park, ma'am?" Bumaling ang atensyon ko sa kaniya, bahagya itong nahiya. "Pasensya na, gusto ko lang may kakwentuhan para hindi maantok, pero kung hindi mo gusto, ayos lang, magpapatugtog nalang ako." Bumwelo siya para sana pihitin ang nasa harapan, pero nagsalita ako, sagot ko ay mangangamuhan. "Hirap talaga ng buhay ngayon ma'am, 'no? Ang liit ng sahod 'tapos minsan abonado ka pa, kung marami nga ang pasahero, traffic naman. Paano ka makababawi?" Batid ko iyon, ngunit may pakiramdam ako na may iba rin siyang nais iparating. Gusto niya bang bigyan ko siya ng tip? Pero hindi kasya ang pera ko rito. Kinakailangan ko pang mag-withdraw sa bangko para may pamasahe pauwi. Dagdag pa nito, "Ewan ko ba, isang taon lang naman namuno 'yang si Lorena Ramos pero ang laki ng pinagbago ng Pilipinas. Sinundan pa noong mga nanalo sa 2016, kung ano-ano nang nangyayari sa bansang ito." Hindi ako umusal ng kahit ano. Napapagod lang akong isipin ang mga nangyayari sa bansa. Kahit anong sigaw mo sa kanila, pawang mga manhid at nilalamon sila ng kanilang mga sistema. Hindi ko maunawaan kung sino ang totoo sa kanilang gampanin, lahat may tinatago, lahat may pinagtatakpan. May tapat pa bang politiko? Nawala na sa isipan ko kung ilang oras na kami sa byahe. Hinintay ko lamang na aliwin ako ng mga nasa paligid. maging ang kwento ng katabi ko. Huminto ang sasakyan, tinawag ako ng nagmamaneho nito, ngunit mula sa kinauupuan ko ay hindi nawaglit ang tingin sa lugar na iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD