Monopoly

4122 Words
Sikel Villavicencio Pabagsak akong humiga sa kama matapos ang shift ko. Masarap sa pakiramdam ang malambot na higaan pagkatapos ng mahabang oras na paggugol sa harap ng computer screen na nakaupo lamang at baluktot ang likuran. Hindi naman maiiwasan iyon, kahit pa sabihin ko sa sarili na kailangang maging matino ang pag-upo ko, bumabaluktot pa rin talaga at kung madalas pa nga ay itinataas ang paa sa mesa. At pagkatapos ng mahabang oras na paiba-iba ang aking posisyon ngunit nananatiling hindi tuwid ang aking likod, hindi na nakapagtataka na hahantong ako sa ganitong sitwasyon. At kahit paulit-ulit na nangyayari sa akin ito pagkatapos ng mahabang oras ng shift, hindi pa rin ako nadadala. Mabigat ang mga balikat, nangangalay na mga daliri, nanakit na buong katawan. Itinaas at baba ko ang aking mga kamay, iniuunat iyon at makailang beses na tumunog ang aking mga buto. Nang matapos ay sinubukan kong magsulat para sana maglagay ng panibagong post it notes, mga bagay na dapat kong gawin pagkaggising ko o hindi kaya ay mga simpleng paalala o keyword lang kapag may eplanation na gagawin ay madaling matatandaan, pero kusang sumuko ang mga daliri ko. Hindi ko pa man iguguhit ang ballpen, sa paghawak ko palang ay nanginginig na kaya wala na akong magawa kung ‘di sundin ang utos ng aking katawan. Hindi ako nagsulat, pero nag-isip ako ng paraan para mailagay ko pa rin iyon bilang paalaala, mahirap na kapag bigla akong nakatulog at makalimutan ang mga dapat ay isinulat ko na. Kaya binuksan ko ang cellphone ko, naka-off na ang computer at baka masira lang ang components nito kapag in-on ko uli pagkatapos na patayin; wala akong pera para bumili ng panibago o kahit simpleng repair lang para rito, wala pa akong budget para roon. Ibinagsak ko sa kama ang mga braso ko matapos kong makagawa ng notes. Ililipat ko nalang iyon mamaya o bukas kapag nasa maayos na lagay na ang aking mga daliri. Napabuntong hininga ako. Gusto ko nalang matulog buong magdamag, walang istorbo, dito lang sa bahay at sinusulit ang panahon na mag-isa at makapagpahinga. Alam ko sa sarili ko na pagod na ako, makailangang beses ko na bang gustong sumuko? Pero sa huli, kahit anong mangyari, kailangan kong magpatuloy. Sabi nga nila, "Mapapagod pero hindi susuko; Luluha pero magpapatuloy." Kailangan kong magsumikap para makaalis kami sa tirahan na ito, makalayo mula sa mga matang nagmamasid at dumidikta sa bawat mangyayari. Salungat ito ang buhay na dapat nararanasan nina Mama at Papa, hindi ito ang buhay na pinangarap ko para sa kanila. Oo, nasa marangya kaming buhay pero alam ko naman sa sarili ko na hindi ko pinaghirapan ito. Masarap mabuhay na may ganitong klaseng prebilehiyo ngunit mas masarap kapag alam mo sa iyong sarili na wala kang tinapakang anumang tao, na galing sa marangal na paraan mo ito nakuha, at buong puso mong inilaan ang iyong oras at sarili para lamang makamit ito. Kinuha kong muli ang cellphone ko. Ano bang magandang patugtugin? Hindi ko naman gusto ng anumang tugtog na kinakailangang may boses. Hanggang maaari, pinipili ko ang mga awitin na walang gano’n o hindi kaya ay hindi ko alam ang liriko para hindi ko masabayan. Kapag kasi alam ko ang lyrics, malaki ang tyansa na sasabayan ko ito, p’wedeng gamit ang bibig o sa isip. Kahit alinman doon, isa lang ang patutunguhan, mahihirapan akong makatulog. Sa huli, pinili ko nalang ang The Shire. Para itong isang meditations, dinadala ka sa mapayapang lugar, sa tahimik at malayo sa problema. Hindi ako mahilig sa mga halaman, pero hindi ibig sabihin nito ay hindi ko gusto ang mga iyon. Ang totoo niyan, kung papipiliin ako, mas gusto ko pa ring malayo sa syudad. Ngunit hindi gano’n ang reyalidad, kinakailangang makipagsabayan ng isang tao sa kompetisyon sa iba’t ibang larangan. Kailangan mong umalis sa iyong comfort zone, harapin ang mga insecurities at takot na namumuo sa iyong puso at isipan. Kailangan mong lumaban at maging parte ng mundong hindi mo gusto. Dahil ang kapalit niyon ay pera na siyang magiging medium para makakuha ka ng mga goods and services na kinakailangan mo, para makapag-ipon ka para sa goals mo, para maging masaya ka kahit papaano. Hindi ko na kinaya ang antok, unti-unti, bumibigat ang talukap ng aking mga mata, sibayan ng awitin na pampakalma, hinayaan kong balutin ako ng kadiliman. Isang bagay na mabuti para sa mga katulad kong kapag nasa trabaho ay inaantok, pero kapag nasa kama na ay biglang nilulubayan nito. Hindi ko mabilang kung ilang oras akong tulog. Basta nagising na lamang ako sa tawag ng sikmura kaya tumungo ako sa kusina. Ano bang masarap na kainin? Wala naman ng ibang bago bukod sa mga ready to eat food o processed food. Si Mama lang naman ang mahilig pumunta sa palengke para makabili ng mga fresh na gulay. Kahit gaano kamahal ang mga gulay kapag nagtatalo ang supply and demand, mas gugustuhin pa rin niyang gumastos ng malaki para lamang makakuha niyon at maipang-ulam. Sabi pa nga niya, hindi bale na walang karne basta mayroong gulay. Kaya nga siguro sobrang productive ng buhay niya, na kahit gabi ay makikita kong nagpaplantsa siya ng mga makakapal na kurtina dahil doon, sa sobrang energetic niya ay ako nalang ang napapagod sa tuwing pinapanood ko siya. Naikwento niya sa akin minsan na may balak siyang magpatayo ng garden, hindi ko alam kung papaano niya gagawin pero kilala ko naman siya, hahanap siya ng paraan basta magawa ang nais. Magugulat ka nalang isang araw na nagawa na niya ang mga bagay na akala mo ay hindi niya magagawa sa gano’ng edad. Parehas nga sila ni Papa, kaya nga siguro nagtagal sila dahil gusto nilang gawin ang mga plano nila, at kung minsan dahil sa tigas ng ulo ay napapahamak din. Siguro hotdog nalang? Ulit? Sabayan ko na rin ng ginisang kanin para naman kahit papaano ay may lasa iyon. Sana nga lang hindi pa ubos ang hotdog na iyon. Dapat pala ay nilalahat ko na ang luto, tutal palagi naman iyon ang inuulam ko para hindi naman na aksaya sa kuryente para sa air fryer. Ang problema nga lang, kapag naman nilahat ko ay malaki ang tyansa na mauubos ko iyon lahat. Hindi ko dapat limitahan ang kapasidad ng aking sikmura na kumain ng ganoon karami. Alam ko na kailangan lang ng self discipline para malayo sa temptation, ngunit pagdating sa pagkain ay sumusuko talaga ang pagiging disiplinado ko. Hindi ko tuloy maiwasang ma-miss ang mga luto ni Mama, lalo na ‘yong iba’t ibang putahe niya sa gulay. Kahit na madalas niya akong pagsabihan at punain ang bawat ikinikilos ko, hindi ko pa rin mapigilang hindi maging malungkot lalo na noong mga nakalipas na mga araw na halos doon na tumira sa hospital silang dalawa ni Papa. Kung bakit ba naman kasi napakatigas din ng ulo niya, sa kanila talaga ako nagmana. Hindi na maipagkakaila iyon. Oo, hindi. Kinuha ko ang aking cellphone at binuksan iyon, sinubukan ko silang tawagan para kumustahin pero walang sumasagot. Siguro ay nakatulog si Mama sa pagod, buong magdamag marahil siyang pinasakit sa ulo ni Papa. At siguro ay nakatulog din ang isa, napagod siguro sa pang-iinis sa asawa niya. Napangiti ako sa mga iniisip, ito lang naman kasi ang paraan ko para kahit papaano ay mawala ang lungkot. Oo, mahilig akong mapag-isa pero hindi naman umaabot sa puntong hindi ko gustong makita ang presensya ng aking mga magulang. Napailing na lamang ako bago ibinaba ang tawa, limang beses na automated voice lang ang sumasagot kaya hindi ko na pinilit pa, nagpadala na lamang ako ng mensahe para naman kapag nagising sila, nalaman niya ang sadya ko. Madalas kasing mag-overthink ang isang iyon, kaya malaki ang tyansa na kakabahan talaga siya kapag tumawag ako nang ganoon karaming beses, baka isipin niya na kung ano na ang nangyayari. “Miss ko na kayo, Ma.” Wala sa sariling naibulong ko bago ipinasok iyon sa bulsa at nagpatuloy sa paglalakad. Kakain nga pala ako, muntik ko nang makalimutan. Ngunit bago makarating doon ay madadaanan ang living room. Isa mga kahanga-hanga sa bahay na ito ay ang samu at sariling kulay ng mga marmol, ngunit hindi sa paraang namaskit sa mata dahil sinadya ito para magmukhang elegante, at moderno na talaga namang kahali-halina. Mayroong tatlong klase ng mga upuan sa sala: ang isa ay sofa na kulay abo na kakasya ang limang tao; may mga nakapatong na mga parisukat na unan roon, nakahilera ang mga ito nang maayos at nahahati sa tatlo ang kulay. Habang ang dalawang klase pa ng upuan ay nahahati sa dalawang pares nang magkaharapan, parehong kulay puti na may halong itim sa mga gilid. Ang nasa kaliwang bahagi ay pabilog, habang ang nasa kanan ay parisukat. Hindi ko talaga batid kung bakit napakaraming upuan dito kung tatlo lang naman kaming nakatira. Pumapagitna sa mga upuang iyon ang babasaging mesa kung saan nakapatong ang iba't ibang sukat at laki na mga kandila, mayroon ding nakapatong na mga libro, at vase na may natuyong bulaklak ng tulips. Paborito ni Mama iyon, ayon sa kaniya, gusto niyang bigyang buhay ang bawat sulok. Hindi ko naman siya mapipigilan doon, at sa kabilang banda ay sumasang-ayon din ako sa kaniyang nararamdaman. Binabalot ang buong bahay ng itin, puti, at iba pang shade at complimentary colors ng mga nabanggit, pero wala ni isa sa mga ito ang berde, kahel, pula, maliban na lamang sa labas kung saan makikita ang mga puno, halaman, at mga isda. Pero bukod doon, wala na. Hilig ni Mama ang gumawa ng pinagdikit-dikit na mga shell at isinasabit niya iyon sa kisame bilang palamuti, pero hindi na niya magagawa pa rito dahil sa may isang malaking chandelier na mistulang yari sa perlas at ginto. Hindi ako eksperito sa gano'ng bagay para makumpirma ang hinala, pero sa estilo ng pagkakadisenyo ng bahay na ito, mukhang totoo nga ang mga nakasabit sa itaas. Huwag lang sanang lumindol habang nasa sala kami dahil natitiyak kong walang makaliligtas lalo na sa lawak ng sakop at haba nito. Dahil sa mga iniisip, bigla tuloy akong nagkaroon ng ideya na tingnan ang mapa ng lugar na ito. Kinakailangan kong malaman kung nasaan ang daanan ng fault line para alam ko kung saan ang ligtas na lugar, pero baka nga dito sa mismong bahay nito ay nakatayo sa fault line. Hindi ko mabasa ang takbo ng utak ng taong nagpatira sa amin dito, pero may posibilidad pa rin naman na gusto niya kaming mawala sa mundo kahit na ano pa mang matatamis na salita ang mga sinasabi niya. Ganoon naman sila, sanay na silang mambola at ngumiti nang sapilitan dahil parte na iyon ng kanilang buhay. Ang bawat mga upuan at mesa ay nakapatong sa isang carpet na hindi ko mawari kung ano ang ibig sabihin, pero mayroon itong mga simbolismo katulad ng dahon, bulaklak, at mga araw. Isa itong high-grade na nakikita ko kalimitan sa mga taga-Middle East. Bukod pa roon, sa gilid ay merong dalawang lamp. At ang pinaka-agaw pansin sa lahat, walang iba kundi ang larawan ng isang lalaki na umaabot sa balikat ang dulong kulot na buhok, nakataas ang dalawang kamay nito at nakasuot ng damit na kung saan nakikita ang ibabaw ng dibdib. Ewan ko ba, pinagmamasdan ko palang ang lugar na ito ay nahihirapan na akong huminga. Sa lahat ng nandito, mula sa mga tela, mga nakasabit sa kisame, mga nasa sahig, mga gamit, maging ang mga klase ng isda, lahat ng mga iyon ay may parte sa aking nagsasabi na totoo ang mga ito at mahal bilhin. Ngunit ang nasa harap ko ngayon, ang pinakamahal na artwork sa kasaysayan, nakalagay iyon sa isang babasaging bagay na umiilaw sa bawat gilid at nakasisigurado ako na hindi ito ang orihinal na painting. Sinubukan ko itong busisiin dati, at bagaman hindi ako isang appraiser, kinakailangan ko lamang gamitin ang logic para malaman kung authentic ito. Salvator Mundi. Ang painting na iyon ay gawa ni Leonardo Da Vinci—isang tanyag na pintador at nakilala dahil sa pagiging metikuloso niya sa bawat bagay. Kagaya na lamang ng isang ito na perpekto ang pagkakaguhit ng buhok, ang bawat tupi ng tela, emosyon, at ang pagiging buháy ng mga mata na tumatagos sa pagkatao ng kung sinoman ang titingin. Tinitigan ko ang bagay na iyon. Lingid sa kaalaman ng mga Kristyano, ang mukha ng hinahaplos nilang banal, ang dinadasalan nila, at ang itinuturing nilang Panginoon ay hango sa likha ng artist na ito. Ibang klase. Hindi ko lubos maisip na sa kung papaanong paraan napapaikot ang mga tao gamit lamang ang kanilang emosyon at paniniwala. Ilan pa kaya sa mga bagay na nakagawian natin, ang inaakala nating totoo, ay likha lang pala ng mga taong katulad lang din natin ngunit lumalamang sa kung papaano sila mag-isip? At sa value nito ngayon sa bawat investor, malabong i-display lang ito dito sa bahay kung saan walang secure na security system, maliban na lamang kung patuloy pa rin akong minamatahan nito. Mahilig ba talaga ito sa mga modern paiting? O baka kabilang lamang ito sa mga mayayamang nagpapataasan ng ihi? Bakit ko nga ba ilaalala pa ang mga bagay na ito? Malaking problema kapag nalaman ng mga tao ang importansya ng isang bagay, lalo na sa usaping pera. Pup'wedeng kunin ito ng gobyerno at ipilit na isa itong public domain, p'wede ring nakawin o ang mas malala ay saktan kami rito sa bahay para lang makuha. Walang kahit sinong tao ang immune sa tukso, at isa ako sa mga ebidensya na iyon. Kagaya ng mga pumapasok na mga alaala sa akin ngayon, ang mga memorya na matagal ko nang gustong makalimutan; ang pagtanggap ko ng pera mula kay Reginald kapalit ng number nito, ang pagiging tulay ko sa relasyon nilang dalawa ni Cruz, at ang mga pagsisinungaling ko sa babae, ang pagtanggi ko na ako ang nagpakalat ng numero niya. Ngunit kagaya ng sinai ko ay pinagsisisihan ko na iyon, nakaipon din ako ng pera at sinubukang ibalik iyon sa lalaki, pamalit sana sa nagastos kong pera niya pero hindi niya iyon tinanggap. “Sampung libo? Para saan naman ‘yan?” Kasama niya noon si Cruz nang tawagin ko siya. Sinabi ko lang na may mga kailangan akong ibilin sa lalaki at sa isip ng babae noong mga oras na iyon ay tinatakot ko si Reginald. Wala itong kaide-ideya na kami ang dapat na matakot sa lalaki na noong mga oras na iyon ay nasa mutual understanding phase na ang kanilang relasyon. Bagaman wala pang opisyal na statement, alam ko na kung saan patungo iyon kaya sinubukan kong pigilan. “Layuan mo na siya, ibinabalik ko na sa ‘yo ang pera mo.” Pero tinawanan lang ako ng lalaki. Ipinagdiinan nito na mahal na niya ang babae at wala siyang planong umatras. “Hindi mo siya mahal. Tingnan mo nga ang ginagawa mo. Pagmamahal ba iyong hindi mo manlang magawang pakausapin ako sa kaniya? Kailangan ko pa siyang puntahan dito sa building niyo dahil palagi siyang hindi pumapasok, at palagi mong hawak ang cellphone niya.” Sa huli, wala ring naging mabuting naidulot ang usapan. Hindi ko maintindihan kung bakit sa dinami-dami ng mga nagkakagusto kay Cruz ay bigla siyang tinamaan sa lalaking iyon at siya pa itong parang isang hayop na palaging nakabuntot sa lalaki. Hindi ko maintindihan kung bakit kinakailangan pa niyang lumiban sa klase para lang makasama ang lalaking iyon. Sikat si Cruz sa mga estudyante, maging sa mga guro, kaya madaling makararating sa bawat subject teacher nito na nasa paaralan lang siya ngunit hindi pumapasok sa bawat klase. Makakaapekto iyon sa grado niya kaya pinipilit kong gisingin siya sa kaniyang kahibangan ngunit wala pa ring nangyayari. Isang araw ay nagkaroon ako ng pagkakataon para kausapin ang aking kaibigan, sinabi ko na kailangan niyang magpakatino sa kaniyang buhay at hiwalayan ang lalaki ngunit hindi raw niya ito magagawa dahil napamahal na siya rito. Posible ba iyon? Naguguluhan talaga ako. Sandali palang silang magkakilala, kaya papaano nangyayari ‘yon? “Naniniwala ka ba sa gayuma?” tanong minsan ng isa kong kaklase. Napansin kasi nito na panay ang tingin ko sa isang building kung saan alam ng lahat na nandoon si Cruz. Mayroon kaming group activity noong mga oras na iyon, pero hindi ko matuon ang aking atensyon sa ginagawa. “Pang-akit ‘yon, ginagawa para mapasayo ang⸻” “Alam ko kung ano ang gayuma,” putol ko sa sasabihin niya. Wala akong oras para makinig sa isang bagay na likha lamang ng kaisipan at patuloy na idinidiin sa isang sitwasyon lalo na kung ang usapin ay seryosong bagay at nangangailangan ng makabuluhang diskusyon. Napansin naman iyon ng ka-grupo ko kung kaya tumahimik na rin siya. “Saan na nga ba tayo?” Pinilit ko nalang ang aking sarili na ituon ang pansin sa ibang bagay, kailangan kong matapos ang group activity na iyon lalo na dahil naalala ko na ako nga pala ang napili nilang lider. Natapos ang oras na iyon pero patuloy pa ring pumapasok sa aking isipan ang mga katanungan niya. Naniniwala ba ako sa gayuma? Siyempre hindi. Ano ba ‘yan. Huminga ako nang malalim, kinakalma ang sarili bago lumabas ng silid-aralan at kagaya pa rin ng dati, pupuntahan ko si Cruz sa building na iyon na siyang naging parte na ng aking araw-araw na ginagawa. Napapansin na rin iyon ng ibang mga tao, at sa tingin ko ay iniisip nila na nag-aaksaya lang ako ng panahon. Batid kong marami pang baluktod na mga paniniwala at tradisyon ang mga tao. At nakadidismaya na hinahayaan nilang lamunin nito ang kanilang mga sistema, na dumarating sa puntong mananakit sila ng kapwa, kikitil ng buhay nang walang alinlangan, para lamang mapatunayan na mas makapangyarihan sila. Nagpatuloy ako sa paglalakad patungo sa kusina. Sinalubong ako ng aso, kumakawag buntot nito, tumatahol at masayang makita ako. "Kumusta, Darius?" Sandali akong napangiti dahil naalala kung kanino hango ang pangalan na iyon. Isang senior Basset Hound na si Darius, at kung madalas, gusto nito palaging natutulog kaya kung saan-saan ko siya nakikita. Hindi na problema ang pagpapakain sa kaniya dahil alam nito kung saan nakalagay ang mga pagkain niya; may sarili kasi itong kuwarto kung saan nakalagay ang sakong mga dog food at ang tanging ginagawa ko nalang ay ipinaghahalo iyon sa gatas. Hindi naman nauubos sa isang kainan ni Darius ang ibinibigay ko sa kaniya kaya hindi na ako masyadong nagpapabalik-balik sa kuwarto niya. "Namiss mo ba ako?" Binuhat ko ito at hinalikan. Tumungo kami sa isang doble door fridge. Gusto ko sanang magluto ng sopas, bigla lang akong natakam sa lasa nito, pero laking dismaya nang makitang wala ang mga hinahanap ko. Mayroong mga gulay, pero hindi iyon ang sangkap na kinakailangan. Napansin ko rin na kulang ang mga ito para sa isang linggo at isa pa, nais ko sanang dalhan ng masunsyang makakakain si Papa. Napasandal ako ng ulo sa reff. Tumingin sa akin si Darius, hinawakan ko lang ang ulo nito at pilit na ngumiti. Nasa ganoong posisyon ako nang maalala na meron pala kaming stock room. Para iyong basement na ginawa para ilagay ang mga pangangailangan namin, pero biglang sumagi sa isipan na hindi ko pala binilhan iyon ng mga pagkain. Ni hindi ko nga ginalaw ang perang ibinigay, nakaipon lang iyon at hinding-hindi ko gagastusin. Katulad ng sala, malawak din ang kusina. Mayroong family table na yari sa kahoy, hindi ko alam kung ano ang tiyak na uri, kulay abo ang mga upuan na naroroon. Sa kanang bahagi naman ay mayroong nakadikit na sofa sa dingding, may maliit na babasaging mesa roon at sa harap ay mas maliit na bersyon ng mga upuan. Samantala sa kaliwa ay parang isang modernong bar, may mga lampara pa doon habang sa ibang bahagi ay may dalawang klase ng chandelier. Habang dito sa mismong kinatatayuan ko ay merong kitchen sink sa gilid at isang reff. Hindi na ako pumili pa ng makakain. Ibinaba ko si Darius at hinugasan ang kamay. Kumuha ako ng sitaw, pinagputol-putol iyon saka inihanda ang bawang, sibuyas, toyo at suka. Tama na muna itong adobong sitaw para sa akin, mamaya nalang ako mamamalengke para sa isang linggong kainan. Alam kong hindi magiging kasing sarap nito ang luto ni Mama, ngunit wala naman akong balak na makipagkumpitensya sa kaniya. Mabuti nga at may natira pang gulay dito kahit na naninilaw na ang dulo, hindi ko lang kasi mapigilan na ma-miss ang mga pagkaing niluluto niya. Luto na ang ulam nang bigla kong mapagtanto na wala pa palang kanin. Napatampal nalang ako ng aking noo dahil sa sobrang kalutangan. Tumagal ng halos sampung minuto bago ko naiayos ang lahat, habang kumakain, napatingin ako kay Darius na natutulog na naman. Bigla kong naisip ang mga panahon na gusto ko siyang ibalik sa nagmamay-ari sa kaniya, pero ni anino, hindi ito nagpakita. Nadala ako ng aking emosyon at naging matigas sa aso, ni hindi ko naisip na inosente ito sa mga nangyari. Kapag kasi nakikita ko ito, naaalala ko mismo siya sapagkat kapangalan niya ito. Pero nang mapagtanto ang lahat, binaon na lamang sa limot ang mga pangyayari. Walang kahihinatnan ang mga tanong sa sarili, walang maidudulot ang pagluha. Nang matapos sa pagkain ay naligo at kaagad na inihanda ang sarili. Tumingin ako sa suot ko, itim na v-neck t-shirt at jeans. Nakasanayan ko lamang ang estilong ganito at dito ako komportable. Isinukbit ko ang bag na naglalaman ng mga gamit ni Papa. Pagtapos na iyon ay kinuha ang perang dalawang libo, bago umalis, sinulyapan si Darius. Ni hindi manlang sumagi sa isip ko na iyon na ang huling pagkakataon na makikita ko siya. Sa paglabas ng bahay, bumungad sa akin ang mga kapit-bahay na sama-samang nag-uusap. Hindi naman na bago iyon, naka-ugalian na ng mga taga-rito ang gawing lifestyle ang buhay ng iba, at isa ako sa mga biktima nila. Ang sabi, ibinebenta ko raw ang aking sarili o 'di kaya ay nakapag-asawa ng matandang mayaman na madaling mamatay. Ayon pa sa iba, baka dealer daw ako ng mga ilegal na bagay. Nakakatawa sila, pero sa totoo lang, hindi ako apektado ng mga bagay na iyon. Ini-report na ako sa barangay ng iba sa kanila, nakaabot na rin sa pulisya, pero sa tuwing nalalaman nila ang buong pangalan ko, parang may puwersang pumipigil sa kanila at biglang ididismiss ang mga reklamo nang walang lohikal na paliwag ang ibinigay. Lalo tuloy nanggagalaiti sa inis ang mga narito sa amin, bukod kay Tado na ang tanging alam ay may kasintahan ako na sumusuporta. Pero ang mga binaggit ko sa lalaki ay pawang mga kasinungalingan. Hindi kami nabaon sa utang, hindi na-scam ang sinomang miyembro ng aming pamilya, at lalong wala akong kasintahan na may ibang lahi. Kung minsan, kinakailangan ko lang na mag-resort sa pagsisinungaling para makilala ko ang kanilang mga ugali. "Nakalabas na raw ba ng ospital?" Nagkamali ako. Buong akala ko noong una, tipikal na araw lamang ito ng kanilang pag-uusap. Ipinasok ko sa aking isipan na ang Papa ko ang tinutukoy, ngunit hindi. "Hindi ko nga alam, teh. Lakas din nung bangga sa kanya, sana buhay pa." Habang naghihintay ng susunod na pasahero, pinili kong ihilig ang ulo ko. Nagkunwaring nakatulog sa pagod na batid kong halata naman sa hilatsa ng aking mukha. Sino bang pinag-uusapam nila? May nangyari bang aksidente rito sa aming barangay? Dalawang araw din akong hindi nakalabas ng bahay. Kung mayroon ngang aksidente na nangyari, siguradong pag-uusapan nga ito dahil hindi naman ito prone sa aksidente ang kalsadang ito. Hindi nagtagal, mayroon na akong mga nakasabay sa sasakyan. Nakaalis na ang tricycle, binibilang ko na ang pamasahe nang biglang may humahangos na lalaki, hinahabol niya kami. Nakilala ko siya—si Tado. Pinahinto ko ang sasakyan, dumating ang lalaki na hingal na hingal, hindi ito halos makapagsalita. "B-bustin nalkala..bas—" Pinakalma ko siya sa pamamagitan ng paghawak sa kaniyang likod, at mukhang umipekto naman ito, huminga siya nang malalim. Nairita pa ang driver, pero wala naman siyang magagawa. Sinulyapan ko ang iba pang pasahero at nakiusap na sandali lamang. Tinanguan nila ako habang nakatingin kay Tado, mukhang interesado rin sila sa sasabihin ng lalaki. "Nakailang text ako sa 'yo!" Pagalit nitong sabi. Hindi ko natanggap iyon. Mayroon akong dalawang number at exclusive lamang ang isa sa pamilya ko, ang isa ay para sa mga kasama sa trabaho at iba pa. Madalas kong i-off ang isa dahil ayaw ko ng istorbo sa oras ng trabaho, maliban na lamang kung emergency iyon na galing sa aking pamilya. "Naka-ilang doorbell ako!" Hindi ko rin iyon napansin. Sa sobrang tutok sa trabaho at pagod, ni hindi ko namalayan na tinatawag niya ako, pero sa anong dahilan? At nang sabihin niya nang tuluyan ang nais iparating, naibuka ko nang bahagya ang aking bibig, napakunot-noo at hindi makapaniwala sa kaniyang sinabi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD