Hustle

4022 Words
Sikel Villavicencio Sinimulan kong i-assemble ang aking mga gamit; magmula sa post-it notes, mga panulat, noise cancellation headphones, at mismong pag-setup ng system. Tumingin ako sa orasan, mas maaga pa ako sa nakatakdang oras na magsisimula akong magtrabaho kaya minabuti ko nalang munang lumabas para makalanghap ng sariwang hangin. Kahit na tirik na ang araw at sa tingin ko ay wala na itong sustansya, pinili ko pa rin na mainitan nito. Wala rito si Mama, pero pakiramdam ko ay naririnig ko ang boeses niya noong nagising ako. Kahit na nasa sapat na gulang naman na ako, hindi pa rin ito naging hadlang para makialam ang mga magulang ko sa bawat desisyon ko sa buhay. Sa katunayan, palagi nga ako nitong pinagsasabihan na walang kwenta raw ang kinikita ko sa bawat nais tahakin sa buhay kung ako mismo ay may sakit, dahil ang lahat daw ng iipunin ko at kikitain ay malamang na sa hospital mapupunta. Kaya nga palagi niya akong pinagsasabihan na magpainit sa araw nang sa gayo’n ay makakuha man lang ako ng sustansya mula rito. Ngunit ang mga inaalala ng mga magulang ko ay wala naman talaga, ang totoo niyan ay hindi na nila kailangang mag-isip at mag-alala para sa akin o sa mismong mga bayarin sa hospital sakaling magkasakit ako. Nang magkaroon ako ng trabaho, sinigurado kong kukuha ako ng mga health at life insurance. Bukod pa roon ang retirement plan, emergency fund at investment ko. Kapag nawala ako, hindi naman nila kailangang mag-alala dahil kahit kunin ang lahat ng ito mula sa kanila, siguradong may maayos silang mahihigaan. Ito naman kasi ang pangunahing dahilan kung bakit ako kumikilos, bumabangon araw-araw kahit na pagod na, walang ibang dahilan ang mga iyon kung ‘di sila. Habang nasa labas at binibilang ang bawat segundong nakatutok ang likuran ko sa araw, napansin ko ang mga halaman. Nitong mga nakalipas na araw ay hindi sila nadiligan, walang ulan, at wala akong ideya kung mag-iiba ang ihip ng panahon. Napabuntong hininga na lamang ako bago kinuha ang hose, maayos ang pagkakasalansan niyon, halatang walang gumalaw na kahit na sino bukod kay Mama. Napangiti ako habang pinapasadasa ang aking mga daliri roon. Nami-miss ko na talaga silang dalawa, masyadong tahimik ang bahay kapag mag-isa lang ako, wala naman akong ibang mga kamag-anak na nandito o kahit bata manlang na kadugo para magliwaliw sa loob. Masyadong tahimik sa loob na miski ang aking hininga ay naririnig ko pa. Sinimulan ko nang buksan ang hose at itinutok ang laman niyon sa bawat halaman. Ang totoo niyan, meron naman kami ritong automatic, ‘yong kusang maglalabas nalang ng tubig at magsasaboy sa mga halaman pero mas ginusto pa rin ni Mama na bumili nitong manual. Ayon sa kaniya, mas maganda raw iyon sabayan pa ng musika na palagi niyang pinapatugtog kahit na paulit-ulit lang. Napakurap ako ng mga mata. Napatingin sa hose nang mapagtantong walang lumalabas na tubig doon. Tumingin ako sa likuran at nakitang nakaawas ang tubig, natanggal pala dahil sa lakas ng pwersa, pero hindi ko kaagad napansin. Sandali ko lamang ginamit iyon, hindi naman kasi ako tulad ni Mama na mahilig sa halaman. Mas gugustuhin ko pang manatili sa kuwarto habang kaharap ang computer screen kaysa lumabas. At dahil nga hindi naman ako katulad ni Mama, hindi ko kinakailangang ikutin ang buong paligid para lamang magdilig dahil mayroon namang automatic na hose. Sinimulan ko nang paandarin iyon, bahagya pa akong nabasa pero hindi naman na problema iyon. Siguro ay mamaya ko nalang papatayin iyon, ilang araw na rin namang hindi nadidiligan ang mga halaman at walang kasiguraduhan kung kailan ulit papasok sa isip ko na magdilig, madalas ko kasing makalimutan iyon lalo na dahil hindi naman talaga iyon parte ng aking nakagawian. Pumunta muna ako sa kusina para magkape at kumuha ng mga tsitsirya, pero napansin kong mayroong naiwang buto ng mais doon. Nagmamadali akong kumuha ng kawali at pinatakan iyon ng kaunting mantika, sinunod ang mga buto ng mais at tinakpan iyon. Nahanap ako ng cheese pero wala na akong nakita, kumuha nalang ako ng asin para kahit papaano ay may lasa naman. Habang naghihintay na pumutok ang mga iyon ay ininom ko ang kape nang paunti-unti. Mabuti na lamang at merong electric kettle na nakatabi rito dahil wala na akong ganang maghintay para lang mamula ang mga uling. Hindi ko talaga alam kay Mama, natatakot siyang gamitin ito kahit na tinuruan ko na siya kung papaano. Madali lang naman kung tutuusin, isasaksak lang sa outlet at paiikutiN, lilikha naman ito ng tunog kapag kumukulo na pero kahit gaano ko pa man paulit-ulit na sabihin na simple lang itong gawin at wala siyang dapat na ipag-alala, wala pa ring mangyayari kaya ayun, bumili kami ng de-uling. Ayon sa kaniya, masyado raw kumplikado ang mga automatic at baka sumabog, baka masunugan pa kami at baka mamatay. Kadalasan talaga, gano’n siya, masyadong advanced kung mag-isip kaya sobrang kinakabahan sa mga bagay-bagay. Nang maihanda ko na ang popcorn, hindi ko mapigilang amuyin iyon dahil sobrang bango talaga. Muli akong bumalik sa kuwarto matapos makasigurado na wala nang nakasaksak na kahit anong appliances at binuksan ko rin ang ibang email para makita kung merong bago at gamit ang isang browser extension, madali kong nalalaman kung binuksan ba ng mga ito ang email ko. Kinalakihan ko na ito. Nasanay na ako sa mga bagay na may shortcut. Iniisip ko palagi na kung may ibang paraan naman para mapadali ang isang bagay at magawan ng solusyon ang problema, bakit ko pa pag-aaksayahan ng oras na pahirapan ang sarili ko? Kaya nga nilikha ang modernesasyon para na rin sa demand. Nanliit ang aking mga mata nang mapansin na may unread na email. Isa sa pinaka-latest na mensahe ay galing sa isang principal ng San Jose National Highschool, ang division school dito sa Mindoro; ang isa sa mga competitive na paaralan pagdating sa lahat ng mga patimpalak. Ito ang paaralan kung saan ako nagkaroon ng demo class, kung saan ko nakilala ang makukulit na estudyante kagaya ni Jordan. Ano nga ang apelyido ng lalaki? Hindi ko matandaan kung naitanong ko ba, pero kung sabagay, hindi na rin naman mahalaga. Sa dami ng mga estudyanteng tinuturuan ng mga guro, ilan ba sa mga ito ang tumatak sa kanila at sa papaanong paraan? May ibang guro na mas pinapaburan ng kanilang memorya ang mga pasaway ngunit may iilan din namang ang mga achiever, o parehas. Kung magkakaroon ng survey, anong porsyento kaya ang matatamasa ng bawat isa? Napangiti ako sa nilalaman ng mensahe. Galing iyon sa head office, laman ng mga papuri at result ng evaluation. Hindi naman na kataka-taka iyon, mababasa sa bawat ekspresyon kung nakuha mo ang kiliti ng bawat panel. Kahit buwan na ang lumipas, hindi naaalis sa akin ang hirap at sakripisyong inabot ko para lang makarating dito; ang bawat araw na walang tulog para lang makasigurado na makakakuha ng mataas na marka sa Licensure Examination for Teachers. Isa sa huli kong magugustuhan ay ang hindi maging pasado roon dahil bukod sa sayang ang effort, ay parang winaldas ko lang ang oras. Kung maghihintay pa ako ng anim na buwan para lang makakuha ulit ng exam, bakit hindi ko nalang paghusayan para sa isang bagsakan? Ngunit hindi lahat ay nagkakaroon ng ganitong pagkakataon. May mga kilala ako na umabot ng dalawang beses o mahigit pa bago nila makita ang inaasam na pangalan sa board exam results. Batid ko na mahirap. Masyadong malabo na makalkula mo ang probability na makapasá. May mga pagkakataon na naririnig ko ang mga saloobin ng mga aspiring teachers mula sa mga forum, page, and group. Sinasabi nila na confident sila sa kanilang mga sagot, nararamdaman nila ang tyansang makapasa dahil sa itinuon naman nila ang mga bakanteng buwan para sa pag-iintindi ng bawat category na nakapaloob sa pagsusulit, ngunit kapag inilabas na ang mga passers, hindi nila mapigilang manlumo at kwestyunin ang sarili kung saan sila nagkulang. Bukod pa rito, ang isa sa mga hinaing ng mga katulad namin ay ang coverage ng mismong test. Ang lahat ng mga guro, nasa primary education man o secondary education ay mayroong kino-cover na topics: General Education, Professional Education, and Area of Specialization. Naiiba nga lang sa bawat porsyento kagaya na lamang ng sa secondary education na 20%, at dalawang tig-kalahating 40%. Alam kong nakagawian na pero hindi ko maiwasang kwestyunin ang sismtemang ito sa Pilipinas. Naging parte na ito ng kultura at hindi dapat hinahayaan ng bawat isa na ikulong tayo na norm. Bakit kinakaingang pag-aralan ng isang guro ang isang asignatura na malayo sa specialization niya? Sa halip na maituon niya ang focus sa mismong ituturo, inilalaan pa niya ang oras sa pagsasaulado ng mga bagay na hindi sakop ng kaniyang area. Sa halip na makapasa sa pinakahinihintay na LET ay bumagsak pa siya sa isang coverage na hindi niya talaga gamay. Pero hindi lang ito ang may problema kundi maging ang mismong educational system. Hindi ko alam kung bakit ginugusto ng Department of Education at Comission on Higher Education na sundin ang sistema ng mga ninuno na batid naman ng lahat ng mamamayang Pilipino na hindi ito epektibo dahil sa hindi mabilang na unemployment rate sa Pilipinas. Sinundan pa ito ng naipasang bill para sa dagdag na dalawang taon. Walong oras sa loob ng walong buwan sa paaralan, mula noong pitong-taong gulang hanggang sa mapabilang sa graduating class sa college sa average age na 21-22 years old. Hindi pa kasama roon ang mga taong napilitang huminto dahil sa iba at ibang dahilan. Pero hindi pa roon nagtatapos ang lahat sapagkat ang paaralan ay parang training ground lang sa mismong reyalidad. Walang certifications sa paaralan ang magdidikta ng buhay mo, pero sa kabilang banda, mahalaga pa rin naman ito lalo na kung nais mong mapahanga sa iyo ang employer. Walang matinong manager ang papayag na ibigay ang isang posisyon sa taong wala pang napatunayan, kung kaya hanggang maaari, sulitin ang mga oras sa paaralan upang magkaroon ng pangalan at makilala. Walang kasiguraduhan na magkakaroon ng trabaho, kaya dito sa Pilipinas, kinakailangan na may sumasalo sa iyo. Hindi lahat ay napagbibigay sa ganoong pagkakataon, may mga taong pinaghirapan nila ang bawat tagumpay na tinatamasa nila nang walang kahit anong hawak sa mga tao, pero mabibilang mo lang sa daliri iyon. Karamihan ay kapit-patalim at 'yon ang totoo. Napatitig ako sa kapeng tinimpla ko. May laman pa rin ito pero malamig na. Ni hindi ko manlang namalayan na binalot na ako ng mga samu at saring mga opinyon sa bawat hinaharap na isyu. Pero gano’n ay inuos ko pa rin ang laman ng baso. Muli akong tumingin sa orasan, malapit na rin ang dapit-hapon, halos wala akong ginawa kundi ang tumitig sa laptop at dumalo sa tatlong webinar at private online class na naka-schedule sa akin ngayon na kinain na ang oras ko. "Any follow-up questions?" Tanong ko sa mga estudyante. Naagaw ng pansin ko ang virtual hand-raise ng isa sa mga tinuturuan ko. Tinawag ko ang pangalan niya at kaagad naman itong tumalima. Nagtuturo ako ng English, naging part time ESL teacher din naman ako. Kung tama ang pagkakaalala ko, virtual assistant siya at nagbabalak na mag-upskill. Hindi ko naitatanong kung ano ang nais niyang tahakin pero kung ipagsasama ang mga posibilidad, maaaring writer sa mga blog. "I hope you don't mind, but why did you decide to stop competing? I mean, you could continue aiming for another bigger title and we know that you are capable of getting so." Sandali akong walang nasagot sa itinanong niya. Sa ilang linggo kaming nag-uusap, ngayon lamang siya nagbukas ng mga tanong tungkol sa akin. Siguro nga ay nakapag-research din siya. Bakit nga naman hindi? Sapat din naman na dahilan na kukunin niya ako bilang private tutor para halungkatin ang mga impormasyon tungkol sa akin. At kung mayroon man siyang mga bagay na malaman, hindi ko kailangang magalit sa kaniya dahil aksidente lang niyang nalaman iyon. Hindi ko inaasahan na tatanungin niya ako ng gano’n kaya talagang sandali akong napatigil, pero nang mahimasmasan, ngumiti ako. "Yes, I did stop competing but it doesn't mean that I will push myself away from that sport. You may not know, but this is my first love, and helping youth to realize that this isn't just a mere game but an art of thinking to an extent, is my prime concern." Naghintay ako ng susuod niyang sasabihin. Bata pa siya, siguro nasa labing walong taong gulang lang, ngunit mas productive pa ang araw niya kaysa sa akin. May mga kasama siya sa tutor na ito pero hindi naman nakaabala iyon, kahit kailan ay hindi naging sagabal dahil maayos silang makitungo. Nang mapansin kong wala siyang susunod na sasabihin ay ako nalang ang nag-abalang magsalita. Muli ko silang tinanong, pero dapat siguro ay hindi na, sapagkat ang sumunod na katanungan ay ang huli sa mga gusto kong marinig ngayon. "Why did you hide from the spotlight?" Bakit nga ba? Sa halip na sagutin ito ng totoong kasagutan na nasa puso at isip ko, minabuti ko nalang na sabihing hindi lang naman sa sport na iyon umiikot ang aking mundo. Kung tutuusin, magandang palusot iyon. Bakit nga naman hindi, ‘di ba? Tayong mga tao ay may kani-kaniyang gusto sa buhay at darating din naman sa puntong napapagod ka at maghahanap ng ibang pagkakaabalahan. Kinakailangan din natin ng mga bagong routine sa buhay lalo na ngayon na tumatanda tayo at nais nating makasigurado na nagawa natin ang mga bagay na magpapasaya sa atin. Napasulyap ako sa gilid ng aking mesa, naroroon ang larawan ng isang babae…ng dalawang babae. Magkasama kami roon at magkaakbay, kuha ng tita ni Cruz ang larawan. Tulad din ni Cruz ang tita niya, medyo may pagka-pilya silang dalawa at sa tingin ko ay marahil ay doon naimpluwensyahan ang babae. Napahawak ako sa larawan, masaya pa kaming dalawa rito, wala pang gulo na dinadala, wala pa si Reginald na sakit sa ulo ko dahil palaging ipinagtatanggol ni Cruz. Ang pagbabago ay nagpapatuloy.Tama, at sa tingin ko ay nagawa ko naman ang mga bagay na magpapasaya sa akin. Ngunit hindi lang naman siya ang babae sa mundo, hindi lang siya ang makikilala ko. Wala itong ipinagkaiba noon pa man. May tao rin sa aking buhay na bigla nalang darating at mawawala. Itinaob ko ang larawan, mabigat man sa kalooban ko ngunit kinailangan kong gawin iyon. Kahit kaibigan ko siya, wala na akong magagawa kung patuloy siyang magiging bulag sa pananakal sa kaniya ng kasintahan niya. Kahit ano pa ang sabihin ng isang tao sa kapwa niya, kung magbubulagbulagan ito ay wala ring mapupuntahan. Ayokong dumating sa puntong sasaktan siya ni Reginald nang pisikal para lamang matauhan siya na hindi ugaling tao ang kinakasama niya. Marahil sa harap niya ay maganda ang pakikitungo ng lalaki, ngunit alam ng lahat na binabakuran siya nito, kahit sa mga mismong mga kaibigan, kahit na hindi pa naman sila kasal. Saktong natapos ako sa iba pang gawain nang oras na ng shift ko. Huminga ako nang malalim at pinakawalan iyon nang bakas ang pagod. Tumayo mula ako sa kinauupuan upang maglakad-lakad, lumundag, at iniinat ang katawan para wala ang pagkaantok. Pero hindi pa rin natatanggal ang antok ko, nakakapagod ang makipag-usap sa mga tao pero dahil parte iyon ng buhay, kailangan kong magtiis. Isa pa, ayaw kong umasa sa kahit na sino para lang may malamanan ang sikmura. Dahil alam kong hindi uubra ang stretching, napagdesisyon ako na maligo nalang matapos ang labing-limang minuto na pamamahinga. Habang papunta roon, hindi ko maiwasang magreklamo dahil sa layo ng agwat nito sa kuwarto ko. Kung mayroon lang sana na kahit maliit manlang na banyo ay hindi ko na pahihirapan pa ang aking sarili. Mabuti pa roon sa dati naming bahay, limang hakbang lang ay nasa banyo na. ‘Yon nga lang, ang problema ay amoy kaagad ang baho kahit na nasa kwarto ka pa dahil nga lubos na magkalapit ang agwat nila sa isa at isa. Iyon din siguro ang dahilan kung bakit sinadyang magkalayo ang kwarto at ang banyo. Nang makarating sa banyo, iginala ko ang aking paningin. Kahit na matagal na akong naninirahan dito, hindi pa rin mawaglit sa isipan ko kung ilang milyon ang nagastos para lamang maging kumportable kami-hindi, dahil sa sobrang laki ng bahay na ito, ang pagiging "feel at home" ay hindi ko maramdaman. Sa kaliwang bahagi ng banyo ay mayroong malaking cabinet na kulay itim, kasing haba ng dalawang beses na pinagsamang mga braso ko, kung saan nakalagay ang mga hindi pa nagagamit na mga pampaligo, maging ang dalawang malaking salamin at stainless faucet. Sa ilalim naman ay naroroon ang mga tuwalya, at panlinis ng banyo na triple ang sukat mula sa mga regular. Sumunod dito ang transparent na shower room na merong isang open cabinet kung saan nakalagay ang mga nagamit ng mga sabon at shampoo. Habang sa kanang bahagi ay mayroong bathtub na puwede ng gawing swimming pool dahil sa laki nito, at sa gilid ay ang mga mazagine na pupwedeng basahin habang dinadama ang mga mala-rosas na bango ng buong laman ng apat na haliging ito. At ang huli ay ang sahig na yari sa puting marmol. Kinuha ko ang shower, mayroong option doon na warm at cold water. Mas pinili ko ang malamig na tubig nang sa gayo’n ay magising ang diwa ko. Pero laking pagsisisi ko rin dahil sa sobrang lamig niyon ay napasigaw pa ako sa gulat. Rinig na rinig ko tuloy ang boses ko sa buong bahay. Bukod pa roon ay nagsisitayuan ang balahibo ko sa mga braso at batok dahil sa nangyari. Hindi umabot sa sampung minuto ang naging pagligo ko. Hindi iyon ang panahon para sulitin ang oras dahil sa dami ng gagawin. Pagkatapos i-kompostura ang sarili, muli ang bumalik sa working station upang simulan ang mga susunod na trabaho. Inihanda ko ang sarili sa araw na ito, hindi dapat mawala ang pasensya dahil isa iyon sa mga mahahalagang skill na dapat taglay ng mga katulad ko. "Good day! This is Diana," tukoy ko sa screen name ko. Dito sa Business Process Outsourcing o BPO, required na magkaroon ka ng kumbaga fake name habang tumatawag lalo na kapag masyadong komplikadong banggitin ang isang pangalan. P’wede rin namang real name mo pero mas preferred na magkaroon ng staged name. Kapag kasi miyembro ka ng l***q community, at boses babae ka, magtataka ang mga cstomer kung bakit ang pangalan mo ay tunog lalaki. Bukod pa roon, inaayon din ang pangalan sa mas convenient na paraan para sa mga customer. May mga pangalan kasi ng mga Pilipino na mahirap bigkasin at nag-iiba ang pagbigkas dahil na rin sa lengwahe. Halimbawa: Kapag ang pangalan mo ay “Ami” (Ah-Mi), mag-iiba ang pagbigkas niyon kapag foreigner ang magsasalita, magiging “Ami” (Ey-Mi). Baka magkagulo pa kayo ng customer sa production kapag nagkataon dahil lamang sa misunderstanding sa pangalan. Sa kaso ko, naisipan kong piliin ang isang sopistikadang pangalan at hango ito kay Diana Spencer na dating asawa ni Prince Charles. Labing-siyam na taon lamang siya nang ipakasal sa dating tatlongput dalawang taong gulang na prinsipe. At dahil nasa gano'ng edad ang babae, likas sa kaniya ang maging matigas ang ulo, pero hindi sa puntong masama dahil pinilit niyang lumayo sa nakagawiang tradisyon ng mga monarkiya kung saan tanging pagsasaya ang ginagawa. Tumindig si Diana, ipinakita niyang may boses hindi lanang ang mga kababaihan, kundi ang mga mahihirap sa mundo. Naglakad siya sa landmile, pinilit na wakasan ang stigma sa mga may HIV o AIDS. Ipinakita niya ang importansya ng mental health, maging ang mga asawang kababaihan na sinasaktan ng mga lalaki. Kung kaya hindi nakapagtataka na kahit wala man si Diana dito sa mundo, ang mga ginawa niya ay patuloy na umuusad, patuloy siyang naging inspirasyon at ang kaniyang pagkatao ay mananatiling nakatatak sa kasaysayan. Hindi natin kailangang maghanap ng taong katulad niya, sapagkat tayo mismo ay pupwedeng maging siya — isang taong makatao. Iyon ang sa tingin kong mas nakatataas sa lahat sapagkat kung taglay mo ito, magkakaroon ka ng empathy na ayon sa pag-aaral ay nagiging global risks na dahil sa patuloy na pagbaba ng porsyento. "....of XX company. I've seen that you want to have a towing service near XX street..." Halos anim na buwan na ako sa kumpanyang ito, at kagaya ng karamihan sa mga call center agents, kumukuha lang din ako ng dagdgag experience para makahanap ng trabahong may mas malaking sahod. Swerte na rin siguro kung maituturing dahil may tumatanggap ng work from home kahit na bagong trabaho ko ito. Kadalasan kasi, mas gugustuhin nila na ang mga newbie ay nasa production floor mismo at nababantayan nila para kung sakaling may tanong ay maia-assist kaagad ng team leader. Sa sahod na hindi aabot sa dalawangpung libo kada buwan, kulang na kulang iyon lalo pa dahil binabawasan sa bawat para sa mga benefits. Pero hindi lang naman ito ang aking trabaho, may mga sideline din na nakakapagdagdag sa source of income kaya kahit papaano ay nakakabawas sa bills. Nasa ilalim ako ng isang multi-services account na kung saan outbound ang call; ako ang tatawag sa mga taong nangangailangan ng road side services kagaya na lamang ng towing, tire change, fuel delivery, at iba pang service na angkop at may kaugnayan doon sa mga nabanggit ko. Siyam na oras kada araw ang trabaho, dalawang araw ang off, at isang oras ang break. At oo, nagsinungaling ako para makapasok. Sabi nga nila, fake it until you make it. Pero sisiguraduhin mo na kaya mong bigyan ng justification ang mga sinabi mo. Sariwa pa sa akin ang nangyari noong unang beses akong pumasok sa ganitong industriya at hindi naman mawawala doon ang kaba. Halos isang buwan din ang naging preparasyon ko, sinaulado ang lahat ng mga isasagot sa mga tanungan kagaya ng gasgas at hindi mamatay-matay na "Tell Me About Yourself?", pero alam ko na mahalaga iyon dahil doon ginagawa ng rapport. Doon niyo kinikilala ang isa't isa, at dapat mo iyong bigyang importansya dahil kapag nakuha mo ang interes ng interviewer, lalo na pagdating sa mga hilig at paninindigan, malaki ang magiging possibility na makukuha ka, sapagkat walang employer na magha-hire sa taong salungat sa mission at vision at kumpanya. Maraming klase ang interview sa trabahong ito; p'wedeng situational, behavioural, out of the box, at general ang mga tanungan. Kung minsan pa, magtataka ka kung call center ba talaga ang trabaho o nag-aapply ka bilang isang candidate sa Miss Universe. Hindi ito katulad ng ibang foreign interview na kung madalas ay "get to know each other" lang ang nagiging siste, at mas mahalaga sa kanila ang skills kaysa sa kung papaano mo i-deliver ang sarili mo. Pero hindi dapat maging komportable at manatili sa comfort zone. Nasa 21st century na tayo at nagiging competitive na ang laban, at kung hindi ka maghahanda, mapag-iiwanan ka. Kung iisipin nga, para kang nasa hot seat o isang Miss Universe dahil sa mga tanong nila na kakabahan ka talaga kaya hindi maiwasan magkaroon ng dead air. At isa sa pangunahing ipinagbabawal ang bagay na iyon at kapag nangyari iyon sa isang tao, malaki ang tyansa na hindi ka matatanggap. Maliban na lamang kung may konsiderasyon ang interviewer sa ‘yo dahil newbie ka. Sa lahat ng mga nabanggit dito, tinutukoy lamang nito ang pinakamahalagang sandata sa lahat:ang preparasyon. Kung nauutal ka at sa tingin mo ay hindi mo kaya ang impromptu o on the spot interview, mahalagang magkaroon ka ng ideya o mas mabuti na ay ang list ng mga sagot sa mga posibleng katanungan. Ngunit kahit magkagayo’n man, may mga bagay pa rin na itinatanong na hindi naging parte ng iyong preparasyon at dapat maging bukas ang kahit sino sa katotoohanang iyon. Expect the unexpected, 'ika nga. Hindi ka dapat sumusugod sa isang bagay nang hindi ka handa dahil uuwi kang talunan, oo, nandoon na tayo sa puntong iyon, pero sa kabilang banda, hindi dapat minamaliit ng isang tao ang kakayahan niyang maka-chamba. Kung para sa iyo, para sa iyo. Malay mo may taong mas deserving para sa posisyong iyon. Napabuntong hininga ako. Kung hindi para sa akin si Cruz, wala akong magagawa kung ‘di tanggapin iyon. Pero may tao pa bang mas deserving kaysa sa akin?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD