Lewd

4128 Words
Sikel Villavicencio "Tawag nalang mula sa District Office, teacher na tayo!" itinaas ni Cruz ang bote ng alak na kaniyang kanina pa niyang iininom. Kasama niya ang ilan naming mga kaklase, napapatingin ang lahat sa kaniya, hindi naman maipagkakaila kasi na malakas ang kaniyang karisma na nakaaagaw ng atensyon ng mga tao. Kahit nga sa paaralan, simula pa man noon ay hindi na mabilang ang secret admirer niya. Kung tatanungin ko siya ngayon kung ilan ang mga manliligaw niya, hindi niya ako kakausapin nang matino na katulad din ng dati. Hindi na nga ako makakakuha ng matinong sagot, malaki ang tyansa na aasarin na naman niya ako na katulad din ng dati. Naaalala ko pa noong kung gaano siya kairitable dahil sa panay ang tanggap niya ng mensahe mula sa mga hindi niya kilalang tao. Wala siyang ideya kung papaanong kumalat ang number niya sa paaralan at naipost pa ito sa mga secret confessions na mga pages. Kahit na gusto niyang pagmumurahin ang bawat estudyanteng kaniyang nakikita, hindi naman niya iyon magagawa dahil may iniingatan din siyang pangalan. Kaya nga isang paraan lang ang naisip niyang gawin niyon, ‘yon ang bumili ng bagong sim card at cellphone na para lang sa aming mga malalapit sa kaniya. Pero isang araw, may isang lalaki ang lumapit sa akin, sinabi niya sa akin nang harapan na alam niyang may bagong number si Cruz. Wala naman talaga akong pakialam sa mga sasabihin niya kung hindi lamang siya naglabas ng pera. Sabi pa nito, desidido raw siyang ligawan ang kaibigan ko at kung ang kapalit niyon ay ang pera kapalit ng number nito, ibibigay niya raw nang walang pasubali. Siyempre ay nagulat ako, hindi ko alam ang isasagot ko sa kaniya. Alam kong mali pero hindi naman ako makasabi nang diretso na ayoko ko, na kahit anong mangyari, kahit gaano kahalaga ay hindi ko kayang gawin iyon. Kaya nasabi ko nalang ang dalawang salita, “Pag-iisipan ko.” Naalala ko pa kung papaanong lumiwanag ang mukha ng lalaki, ‘tapos inabot nito ang kamay ko at inilagay doon ang dalawang libo. Ang sabi niya, isipin ko nalang daw na downpayment iyon. Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko, natatakot akong lumingon dahil baka may mga matang nakatingin sa akin lalo na dahil ang lalaking iyon ang nakausap ko. Nakatingin lang ako sa pera, malaking halaga na ang dalawang libo at pinag-iisipan ko kung gagastusin ko ba. Hindi ko naman magawang itapon, pero kapag ginastos ko ibig sabihin lang niyon ay tinatanggap ko na ang alok niya. Naisipan ko nalang na ibalik iyon kinabukasan, pero tila ba sinadya niyang magtago dahil hindi ko siya makita noong mga oras na iyon. Sa loob ng mga taon na nakasama ko si Cruz, ang mga lalaking nanliligaw sa kaniya ay panay bulaklak at chocolate lang ang dala. Karamihan ay secret admirer, bilang lang sa daliri ko ang nagpakilala nang personal dahil ang iba sa kanila ay batid na suntok sa buwan na mapa-oo ang babae. Hindi naman sa masiyadong pinupuri ko pero totoo naman kasi talaga, matangkad siyang baae, may kurba ang katawan at chinita. Aakalain mong may lahi, at talagang mapapatitig ka lalo na kapag ngimingiti siya dahil sumisingkit talaga ang mga mata niya. At ang mga naglakas loob na manligaw ay wala ring napala, sumuko lang din sila kinalaunan at ibinigay ang interes sa akin. Alam kong hindi totoo ang mga interes na iyon, nagkukunwari lang silang nanliligaw sa akin pero ang totoo, si Cruz talaga ang puntirya nila. Ginawa lang nila akong palusot dahil palagi kaming magkasama ng babae at talaga namang kinikilig si Cruz kapag may nagbibigay sa akin ng bulaklak at gustong-gusto ng mga lalaking iyon na natutuwa sa kanila ang kasama ko. Natutuwa sila na sa tuwing lalapit sila sa akin ay masisilayan na nila kaagad ang babae. Sa totoo lang, nakakapagod na. Sa pagkakataon na iyon, nagsawa na akong palaging nasa tabi niya at binabantayan siya kaya naisipan kong tanggapin ang alok ng isang lalaki. Pero hindi ko naman alam na magsisisi ako sa desisyong iyon. Naalala ko ang sampung libong piso na natanggap kong pera para lang sa number na iyon. Oo, gano’n kalaki. Pero kasabay niyon ay ang kasunduan namin ng lalaki na ako ang magiging tulay. Kapag naisipan ni Cruz na magpalit ng number dahil may nangungulit na naman sa kaniya, dapat pilitin ko ang babae o gumawa ako ng paraan para hindi mangyari iyon. “Nakaka-stress!” Padabog na umupo si Cruz sa tambayan namin. Magkaiba kami ng building at nauna akong nakapunta rito dahil sa walang klase. College student palang kami, ito ang tambayan namin dahil sa preskong hangin dito. Yumuko ang babae, isiniksik ang ulo sa mga braso na nakalapat sa mesa. “Bakit ba palagi nalang kaming ganito? Nagtatago? Nakakahiya ba ako?” Akala ko noong una ay tungkol sa subject niya iyon. Nasa isip ko pa na alukin siyang ako nalang ang gagawa ng mga assignments niya pero mukhang hindi naman pala tungkol sa academics ang problema. Tahimik siyang umiiyak sa tabi ko, nagsasabi ng sama ng loob pero hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Hindi ko gustong lalo siyang masaktan kapag sinabi kong medyo tanga siya dahil pumatol sa isang guro na nagiging sugar daddy na rin niya. Nasa sapat na siyang edad, oo, nandoon na tayo sa katotohanang iyon, ngunit hindi pa rin maganda na pumapatol siya sa taong may sabit na. Ano ba ang ipinangako sa kaniya ang lalaking iyon? Wala akong magawa noong mga oras na iyon kung ‘di samahan nalang siya. “Ano ‘to?” nawala ang ngiti sa labi ni Cruz nang mabasa ang text. Akala niya ay boyfriend niya na iyon na hindi hamak na mas matanda sa kaniya dahil lampas sampung taon ang agwat ng edad nila sa isa at isa. “Binigay mo ba number ko sa iba?” Doon na pumasok sa isip ko na baka galing iyon sa lalaking irereto ko. Bahagya akong kinabahan pero hindi ko ipinahalata. Sinilip ko pa ‘yong text pero nabura kaagad iyon ni Cruz, balak pa sana niyang i-block ang number nang magsalita ako. “Subukan mo kayang ituon muna ang atensyon mo sa iba?” Nanliit ang mga mata niya. “Ikaw ang nagbigay?” Nagtaka pa ako sa tanong niya pero nang mapagtanto ko ang ibig niyang sabihin, kaagad akong umiling at tumanggi. “Bakit ko naman gagawin ‘yon? Nagbibigay lang ako ng suhestyon. Alam ko naman na mahal mo ang gurong iyon kaya hindi ko sinasabing ipagpalit mo siya. Ang ibig ko lang sabihin, kumausap ka rin ng iba, hindi lang ako, para mawala ang galit mo sa mundo.” Iginiling niya ang kaniyang puwet, itinataas-baba ang kamay at ulo na kulang na lamang ay matanggal ang mga ito. Dumidikit ang kaniyang buhok sa malagkit niyang mukha, nakakain na nga ito, ngunit patuloy lamang siya sa ginagawa. Muli niyang itinungga ang alak, kamuntikan na siyang tumumba ngunit kaagad na may mga brasong humila sa kaniyang bewang. Hamagikgik siya, marahas na ikinawit ang mga braso sa leeg nito at hinalikan ang lalaki. Nakarinig ako ng hiyawan, kasabay nito ang mga pabirong salita. "Malalande!" Okray ng isang binabae, nasa inflatable float siya kanina nang mawalan ng balanse dahil sa pagkagulat sa nakita. Sinabuyan niya ng tubig ang dalawa na tumawa lang. "Magjowa na kasi nang 'di nagsa-sanaol!" Banat naman ng isang lalaki na naka-hilig sa hita ng kasintahan niya, habang ang babae naman ay nilalaro ang tubig gamit ang mga paa. Tumingin sa direksyon ko ang lalaki, kaagad kong iniwas ang mga mata ko. Iginala ko ang aking paningin. Kahit medyo madilim, kitang-kita ko mula rito ang usok na nagmumula sa niluluto ng mga kasama ko. Hindi pa man oras ng kainan, nagugutom na ako. Parang gusto ko tuloy lumapit sa kanila at kunin na agad ang parte ko. Tatlong babae ang naroroon, pawang naka-swim suit, at isa sa kanila ang agaw pansin dahil sa sukat ng katawan, ngunit kahit gano'n, makikita sa postura nito ang kumpyansa sa sarili. Nakikipagbiruan ang tatlo sa isa at isa, makaraan ng ilang minuto ay umalis upang asikasuhin ang mesa kung saan tambak ang mga pagkain. Ang totoo niyan, hindi lang pagkain ang nandoon kundi ang ilang mga tuwalya. "Kadiri!" Sigaw nito, itinaas niya ang isang tela-isang underwear. Tumingin ang lahat sa kaniya, parang slow motion ang nangyari nang ihagis niya iyon sa swimming pool at sa isang iglap, nawala ang mga tao sa p'westong iyon. "Kanino 'yon ha?!" "Baka kay Sikel!" kaagad akong humindi. Malalakas talaga ang tama ng mga ito. Tumayo ako at naglakad palayo mula saa kubo, at nang makarating sa gilid ng swimming pool ay iniangat ko ang aking mga braso, yumuko nang bahagya at kapagdaka ay inihanda ang sarili, nakarinig ako ng mga hiyawan nang bumwelo ako, napapailing nalang ako nang asarin nila ang isang kasama naming lalaki dahil nakatitig daw ito nang malagkit sa akin. Sumeryoso ang tingin ko, huminga nang malalim at pumailalim sa tubig. Sa pag-ahon ko, iwinasiwas ang mga paa at braso. 'Tapos nang makarating sa dulo ay agad kong napansin ang tuwalyang nakalahad sa harapan ko. Nang iangat ang tingin, nakita ko ang lalaking kanina lamang ay kasaklop-labi ni Cruz. Tinanguan ako nito, "Pinaaabot niya." Kinuha ko naman ito, pinunas sa sarili at nagpasalamat. "Hindi na kasi niya kayang maglakad." Umiiling pa ito at natatawa bagi ako niyayang kumain. Pinagmasdan ko ang lalaki, namumula pa ng bahagya ang labi nito. Basâ ang buhok na tumutulo patungo sa matipuno nitong dibdib. Naka-swimming trunks lang siya at halatang 'di napag-iiwanan ang gym. Hindi naman nakakapagtaka 'yon dahil parte ng pagiging Physical Education instructor niya at pagiging dancer na rin. "May plano ka bang umuwi mamaya?" Tumango ako habang inaayos ang tuwalya na ipinaikot sa ulo. "Usap tayo pagkatapos." Tukoy nito sa pagkain. Usap? Hindi ko na kailangan pang pasakitin ang ulo ko sa kakaisip ng kung ano ang dahilan. Alam ko noong una palang ay hindi ako makaliligtas sa mapanuring mga mata ng lalaki, batid kong bukod sa ipinagmamalaking "female instincts", mayroon din nito ang mga katulad niya. "Kapag talaga natanggap ko unang sahod ko, hindi makakatikim ang mga kamag-anak ko," Dahil sa kalasingan, samu at saring hinanakit na ang nagsisilabasan. Umiiyak na ang mga ito at hindi na halos mainguya nang mabuti ang karne, nalalaglag pa ang ilang piraso ng kanin. Humalakhak naman ang nasa kabilang parte ng mesa, halata ang pagka-hindi gusto sa mukha nito. "Para namang ang laki ng magiging sweldo natin dito sa Pilipinas." Sumang-ayon naman ang mga nasa paligid. "Nakalista na nga 'yong pinabibili sa 'kin ng mga kapatid ko. Ni hindi nga magawang mag-po sa akin 'tapos ang lakas mag-demand." "Paano naman ako? 'Yong unang magiging sweldo ko, paniguradong bayad utang. Salamat sa libre, Sikel!" Ngumiti ako sa kaniya. Itinaas ko ang baso ng alak, kapwa dinapuan ng tingin ang lahat. "Para sa tagumpay!" Pagkatapos ng sigaw ko na 'yon ay walang sumunod sa akin. Tumitig lang sila, parang may kuliglig sa paligid. Maya-maya ay kumawala ang tawa sa isa sa kanila, humahawak pa ito sa tiyan at napayuko. "Nakng, parang katipunero lang ah!" Napuno ang gabing iyon ng kasiyahan. Kwentuhan ng buhay mapa-ano pa man iyan. Habang pinagmamasdan konsila, maaaring aakalain na hindi pagiging guro ang kinuha dahil sa ginagawa-umiinom, sayawan, at pagmumura. Ngunit normal na tao lang din naman ang mga katulad namin, hindi dapat kami itinuturing na banal dahil lamang sa nakatatak sa aming mga noo. Pinagmasdan ko si Cruz na nakahiga. May nakabalot na kumot sa kaniya dahil sa lamig ng hangin, mahimbing na natutulog na parang walang problema. Parehas lang kami ni Cruz ng sitwasyon. Siguro, 'yon ang dahilan kung bakit mas naging malapit ako sa kaniya kaysa sa iba. Ang mga kaklase ko, oo, nakakasalamuha ko sila, nakakatuwaan, ngunit hindi espesyal kagaya ng babaeng nasa harapan ko. Huminga ako nang malalim at pinigilan ang sarili na hamplusin ang kaniyang mukha. May nakita akong papalapit sa puwesto ko, walang gana ito at mukhang bagot na bagot-malayong-malayo sa ekspresyon na ipinakita niya kanina. Tahimik na ang paligid, pawang naghahanda na ang lahat ng mga gamit para makatulog. May iba na hindi na nagawang-tumayo at nakayuko na lamang sa mesa. "Bakit?" Bungad na tanong ko. "Alam mong hindi ako kampante na umaaligid ka sa girlfriend ko, Villavicencio." Mariin itong nakatingin sa akin, binibigkas ang bawat salita nang may diin. "Bakit?" Sumalubong ang kilay nito sa tanong ko. Tila ba nawawalan na ang pasensya kahit na hindi pa tumatagal ng isang minuto ang pag-uusap namin. Sayang nga lang at tulog na si Cruz; ano kayang iisipin nito kapag nagising siya at nakita niyang ganito ang ipinapakita ng boyfriend niya? Siguro ay madidismaya ito nang husto. Ni ayaw nga niyang mapalayo sa akin 'tapos ang lalaking ito, inaapoy ng insecurity sa katawan at tinataboy ako? "Alam kong tibo ka. Hindi mo na kailangang magsingungaling dahil ramdam ko." Pero hindi mo mapapatunayan ang kasarian ng isang tao base lamang sa perception at criteria mo ng pagiging ano dapat siya bilang isang indibidwal. Ngunit hindi ko sinabi iyon. Tahimik lamang akong nakikinig sa mga pinagsasabi niya. Hinahayaan ko lamang na magmistula siyang katawa-tawa. "Kapag nagsasama kayong dalawa, hindi ako nakasisigurado kung ano ang ginagawa mo. Ano bang malay ko kung kinukunan mo siya ng litrato? Ano bang malay ko kung pinagnanasaan mo na ang katawan niya? Alam ko ang hilantya ng mga katulad mo. Gusto kong layuan mo ang girlfriend ko. Ayaw ko siyang mapahamak lalo pa ngayon." "Ngayon?" "Ngayon na buntis siya." Kamuntikan nang umangat ang labi ko sa sa kaimpokritohan ng kausap ko. Tumingin ako kay Cruz, napansin ko ngang medyo tumataba ito at lumulusog ang dibdib. Mabilis nga namang magpabago ng hormones ang pagbubuntis. Hindi ko siya nagawang kausapin tungkol doon dahil hindi ko na dapat pinakikialaman. Nilingon ko ang lalaki, anong sabi niya? Ayaw niya raw ito na mapahamak, pero hinayaan niyang magpakalunod sa alak? Salubong ang titig namin ng lalaki. Naalala ko, ganitong-ganito rin ang senaryo noong unang beses niya akong nilapitan at pinakiusapan na ibigay ang number ni Cruz sa kaniya. Paulit-ulit niyang sinasabi na seryoso siya sa kaniyang nararamdaman at magbabayad siya ng pera sa akin kung kinakailangan para lamang maging tulay ako sa kanila. At ako naman ito, nadala ng emosyon kaya pumayag. Pumayag akong maging tulay hindi dahil sa may perang kapalit kung ‘di dahil ayaw ko na paulit-ulit nalang na nasasaktan ang kaibigan ko sa dati niyang kasindahan na guro na higit sampung taon ang agwat nila sa isa at isa. Nagbigay lang naman ako ng suhestyon kay Cruz at wala akong ideya na kung saang lupalop na ng utak at puso ng babae napunta ang suhestyon na iyon. Basta nalaman ko nalang na sila ng dalawa, magkaholding hands na pumasok sa paaralan. Kung mayroon nga lang paraan para maulit ang panahon para makunan ng litrato ang mukha ng dalawang lalaking tinamaan sa kaibigan ko ay ginawa ko na. Kung gaano naman kasaya ang mukha ni Reginald⸻kasalukuyang kasintahan ni Cruz, ay ganoong naman ang kabaligtaran ng mukha ni Eduardo⸻dating kasintahan nito na guro. Pero marami na ang nagbago. Taon na rin ang lumipas, at ilang taon ko na ring pinapakisamahan si Reginald. Hindi talaga kami magkasundong dalawa, kahit na pilitin kong pakisamahan siya, siya naman itong patuloy na lumalayo na para bang may matindi akong karamdaman. Dapat nga magpasalamat siya dahil ako ang naging tulay sa relasyon nilang dalawa. Pero iyon na nga mismo ang nasa isip ng lalaki, una na niyang sinabi sa akin nang maging sila ay huwag ko raw ipapamukha na ako ang naging tulay sa relasyon nila dahil binayaran daw niya ako. Lahat ng mga pagkilos ay ginawa niya at wala siyang ibang dapat pasalamatan kung ‘di ang sarili at walang tatanawin na utang na loob kahit kanino man. Ayos lang naman iyon. Ang akin lang naman ay maging masaya si Cruz sa piling niya at alagaan niya itong mabuti. Ngunit magkaiba ang pag-aalaga sa pananakal, pero ang bagay na iyon ay mahirap ipaunawa sa babae. Hindi niya maintindiihan na kasukdulan na ang ginagawa ng nobyo niya at hindi lang ako ang nakapapansin nito. Pero bulag sa pag-ibig ang babae, katulad lang din noon na umibig siya sa guro na may asawa na. Hindi na siya natuto. Kung ibigay niya ang pagmamahal niya, buong-buo na wala na siyang itinitira para sa sarili. Naiinis tuloy ako sa kaniya. Gusto kong sabihin ang mga nararamdaman ko pero alam kong hindi siya makikinig, isa pa, palaging nasa paligid si Reginald at nakabantay sa mga sasabihin ko. Hindi ko nais na dumating sa puntong pipili siya kung sino ang paniniwalaan sa aming dalawa ng kasintahan niya. Madalas kong nasisisi ang sarili ko kung bakit ito nangyari. Hindi ko maiwasan iyon lalo na dahil alam kona naging malaking parte ako kung bakit umusbong ang relasyon nila. Sino ba si Reginald dati? Mananayaw siya pero hindi naman gano’n kasikat. Ngunit nang malaman ng mga tao ang relasyon niya kay Cruz, tuluyan na niyang nakuha ang atensyon ng mga tao. At alam kong gustong-gusto niya iyon. May usapan pa nga na may iba siyang naging karelasyon habang kasintahan niya si Cruz. Sinubukan kong buksan ang usaping iyon sa babae pero hindi niya ako pinaniwalaan, bagkus sinabi pa niya kay Reginald at direktang tinanong ang lalaki kung totoo ba. Nang tanungin siya ni Reginald kung kanino niya narinig ang chismis, sinabi ni Cruz na galing sa akin. Huli na para ipaliwanag ang parte ko. Inis na tiningnan ako ng lalaki, may mga pagbabanta roon. Sa tingin ko, iyon ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin kami magkasundong dalawa. Dapat ko raw na ilugar ang sarili ko at huwag nang makisama sa relasyon. Napabuntong hininga ako. Masyado na akong maraming iniisip, mula sa mga pagbabaliktanaw at sa mga nangyayari ngayon. Hindi ko nga alam kung bakit ko pa pinoproblema ang problema ni Cruz gayo’ng wala naman na akong kontrol sa mga desisyon niya sa buhay. Muli kong tiningnan si Cruz na walang kamalay-malay sa mainit na usapan. Inalala ko ang mga lalaking lumalapit sa kaniya na kinikilatis, pero kahit mapait sa pakiramdam, hindi ako kailanman gumawa ng eskandalo. Hindi ko kayang isakripisyo ang dignidad para sa pag-ibig. Isa sa mga dahilan kung bakit nandito ako ngayon, ipinagsisiksikan ang sarili sa grupo ng mga taong ito ay dahil kay Cruz. Kung saan siya, naroon ako. Gusto kong makita siyang ligtas araw-araw kahit alam kong may kasintahan na siya. Wala akong tiwala sa boyfriend niya, pero ano bang pinanghahawakan ko? Bakit nga ba ako nagdadalawang-isip na sabihin kay Cruz na lalaki ang tingin ko sa sarili ko? Kung totoong kaibigan niya ako, hindi naman niya ako iiwan sa ere, hindi ba? Kahit bilang pa-consuelo lang sa pinagsamahan, pero alam kong mahirap. Hindi naman ako tanga para i-risk ang pagkakaibigan namin, para lang sa nararamdaman ko na walang seguridad na may sasalo. Maraming taon na ang nakalipas, marami na kaming napagdaan, marami na ang iniyak niya na aking mga nasaksihan. Tiwala ang malaking usapin dito at hindi ko hahayaang mabahiran ang tiwalang iyon dahil lang sa nararamdaman ko. Nilingon ko ang lalaki na naghihintay sa magiging sagot ko; salubong pa rin ang kilay nito at nilalaklak ang alak. Ngumiti ako sa kaniya, "Alam mo, kaibigan ko si Cruz." Tumingin ito sa akin, naka-arko ang kilay habang naghihintay ng susunod kong sasabihin. "At ang bawat desisyon niya ay nirerespeto ko. Walang sinuman ang makakapagpaalis ng posisyon ko sa buhay niya bukod sa mismong siya." Tinalikuran ko siya , dala-dala ang ideyang papipiliin niya ang babae kung sino sa amin ang mas matimbang. Hindi na bago iyon, palaging ang pagpili ang nagiging huling option ng mga katulad niya. Tinawag pa nito ang pangalan ko, ngunit hindi ko siya nilingon. Wala akong pakialam sa iisipin at ididikta niya sa akin. Hindi naman siya ang kaibigan ko at higit sa lahat, wala naman akong masamang ginagawa. Ilusyon lamang niya iyon, nasa isip lang niya ang mga maruruming bagay at wala akong kontrol doon. Kung nais niyang isipin na sinasamantalahan ko si Cruz, isipin niya. Pero kung dumating na sa puntong lumala ang usaping ito at ipagkalat ang mga bagay na walang basehan, marahil ay magiging malaking gulo ito. Napasuntok siya sa kubo dahil sa panggigigil, pero hinayaan ko lang. Wala akong ideya kung nagising ba si Cruz nang gawin niya iyon at wala na akong oras para alamin pa. Lumabas ako ng resort nang nag-iisa. Madilim pa ang paligid, at madalang ang mga sasakyan na dumaraan. Mukhang mali ang desisyon kong umalis nang ganito kaaga. Anong oras na ba? Tumingin ako sa cellphone ko, pinunasan ko pa iyon dahil basâ at hindi ko maigalaw. Alas-cuatro. Madaling-araw na pala. Hindi ko na kailangan pang bumalik dahil magkakaroon na rin mamaya ng liwanag at mga sasakyan. At saka, kailangan ko pang maghanda para sa demo class mamaya. Hindi pa naman kinakain ng alak ang aking buong sistema, sapat ng nakainom ako ng alak sa isang maliit na baso. Wala sa sariling napangiti ako. Kinailangan ko talagang gawin iyon—ang magpanggap na nahihilo habang iniinom ang juice—dahil walang kasiguraduhan kung ano ang maaaring mangyari sakaling malasing ako. “Aalis ka na?” Napalingon ako sa likuran. Iyon ang lalaking inaasar sa akin ng mga nandito. Sa pagkakaalam ko, Jasper ang pangalan niya. “Gusto mo bang ihatid na kita?” “Lasing ka, ‘di ba?” “Bakit ikaw, hindi ba?” Umiling ako sa tanong niya. Akala ko pa naman ay magiging komportable na ako rito sa labas dahil ako nalang mag-isa, pero hindi pa pala. Hindi naman kami lubusang magkakilala, kaklase siya ni Cruz at nakikita ko lang at nakakasama paminsan-minsan, kaya hindi ko tuloy alam ang sasabihin ko sa kaniya. “Hindi rin ako lasing,” sabi nito. Tiningnan ko siya ng may pagdududa. “Bakit? Tingin mo ba hindi ko alam ang pagkakaiba ng iced tea at alak?” Naibuka ko ang bibig ko sa gulat. Natawa nalang siya bago bumalik sa loob para kunin ang motor niya. “Science ituturo mo, ‘di ba?” tanong ko sa kaniya. Tumango ito. “Kaya naman pala.” Nagising ako sa kuwarto ko. Sandali pa akong napatitig sa kisame habang yakap ang makapal na kumot. Sinariwa ko ang mga nangyari; ang init at lagkit ng mga katawan sa bumalot sa isa at isa, ang pagsalok nito sa tubig na pinaiikutan ng nagliliwanag na mga bagay, ang mainit na pagdampi ng bawat mga labi na parang hindi nanggaling sa pagsuka, ang pag-uusap namin ng kasintahan ni Cruz, ang mag-isa kong pagbyahe. Panaginip. Kinain ng utak ko ang tanong ni Tado kahapon sa kung saan ako nanggaling. Nilingon ko ang standard na orasan at napagtanto na alas-onse na kung kaya nagmamadaling bumangon. Kumukulo na ang sikmura ko kaya kaagad na naghanap ng pagkain. Nagtataka ako kung bakit wala pa rin si Mama. Dapat ay nandirito ito ngayon para maghanda ng panibagong mga dadalhin sa ospital.Kinuha ko ang cellphone ko, tinawagan ko siya habang inaasikaso ang pang-sipilyo. Hindi ito sumagot sa unang tawag, pero sa ikalawa, oo. Naririnig ko ang ingay sa paligid, nasa public hospital kasi ito dinala at sa isang area, mayroong sampung hospital bed at sa bawat isang hospital bed ay merong mga kamag-anak na nagbabantay. Noong pumunta ako roon, nagmistulang family reunion ang ilan sa mga katabi namin dahil sa ingay nila. Mabuti na lamang at hindi sila pinaalis. "Ma?" "Sikel! Naku buti napatawag ka. Hindi kasi ako makatawag sa 'yo kanina dahil expired na pala itong load ko. Yung isa rito merong load, pero 'di raw unli at to all networks." Ah, kaya pala. Mukhang wala naman pala akong dapat ipag-alala. "Uuwi ka ba, Ma?" "Medyo malabo, 'nak. Hindi ba p'wedeng dalhin mo nalang 'yang mga gamit dito? Kahit sandali lang, alis ka lang din kaagad. Ayaw akong paalisin ng Papa mo rito, ang tigas nga ng ulo parang bata, babalik din naman ako kaagad." Umangat ang sulok ng labi ko nang marinig ang mga segunda ni Papa. Kahit ako kung minsan ay naiirita dahil sa katigasan ng ulo nito. Kagaya na lamang noong natusok siya ng pako at sinabing malayo raw sa bituka, ni hindi naniwalang maiinpeksyon ito at nagpatuloy lang sa trabaho. Pinagdidiinan niya na makukuha raw ito sa laway hanggang sa nakita ko nalang siya na namumutla sa kama niya. Bumuntong hininga ako at tumingin sa orasan. Hindi kakayanin ng oras ko kung gagawin ko 'yon. Matapos ng pag-uusap, ibinaba ko ang tawag at inihanda ang ang gamit. Nagmamadali rin akong lumabas at tumawag ng nakaparadang tricycle na kilala ko ang driver. "Pakidaan ho sana ito sa District." Pagkatapos sabihin sa kaniya ang iba pang detalye, inabot ko ang isang daan piso at alam kong sapat na iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD