Sikel Villavicencio
Kailangan kong kunin ang kanilang tiwala.
Ang mga salita lamang na iyon ang pangunahing tumatakbo sa aking isipan habang pinagmamasdan ang mga kabataang aking nasa harapan. Nakalagay ang kanilang mga kamay sa pagkain at ang mga ito ay nakalapat sa dahon ng saging. Nakatingin ang mga ito sa kanilang harapan ngunit ang mga mata ay nakatutok sa malayo, matuwid ang kanilang tindig at hindi manlang magawang pumikit. Nakaiilang kumain kapag nasa ganitong kalagayan, ni hindi ko alam kung ano ang aking gagawin: susunod ba ako sa mga ito o hindi? Parang nais ko tuloy umatras sa aking naging desisyon. Muling nagsalita ang mas nakatatanda, mataba itong babae at mayroong bandanang panyo ang nakapaikot sa ulo. Paulit-ulit itong naglalakad at hindi inaalis ang tingin sa mga kabataan na tila ba hinihintay itong magkamali, naka-puwesto ang magkabilang kamay sa likuran at parang dala nito ang sama ng loob ng buong daigdig. Lumipas ang ilang segundo ay may inusal itong mga salita, sa bawat mga inuusal nito ay kasunod niyon ang mga katiting na paggalaw at paghinga nila.
Nasa gano'ng posisyon ang mga ito nang biglang humatsing ang isang bata. Tumalsik ang pagkain na nasa bibig nito sa harapan ngunit hindi nagawang pumikit ng kaharap niya. Hindi nakagugulat na hindi manlang pumino ang mga iyon dahil wala pang limang segundo ay susubo ulit sila ng pagkain, sunod-sunod iyon na halos ikabulunan ko kahit pinagmamasdan ko lamang sila. Tumaas ang boses ng matabang babae, bumahid ang takot sa mata ng munti bago tumayo mula sa pagkakaupo at hinarap ang tumawag sa kaniya. Pinaalis ito ng babae at kung anuman ang gagawin sa kaniya ay hindi ko na alam.
"Paulit-ulit kong sinasabi sa inyo: Mahalaga ang disiplina sa bawat bagay na inyong gagawin. Kailangan ninyong sumunod sa patakaran ng grupo dahil ito ang inyong sinumpaan."
Sinigundahan ito ng isang lalaki, "Mas maluwang pa kami kaysa sa mga patakaran na inyong susundin sa ilalim ng pamamahala ng gobyerno."
Nais kong sagutin siya roon. Sa papaanong paraan ay sumumpa ang mga mumunting ito at ano ang mga kanilang ipinangako? Kahit pagbali-baliktarin ang mundo, ang kapasidad ng mga batng ito ay wala pa hustong nade-develop at may mga bagay silang nagagawa na hindi kaaya-aya, madaling maakit sa mga bagay dala ng kuryusidad at emosyon kung kaya ang mga mas makatatanda na siyang dapat ay nasa rasyonal na pag-iisip ang gumagabay kung papaano ito malalagpasan, ngunit batid ko na hindi ganito ang takbo ng mundo. Paulit-ulit lamang ang mga nangyayari dahil walang pumuputol sa kinagisnang kaugalian.
Lumapat sa akin ang tingin ng babae, binalot ito ng pagtataka at mukhang papagalitan ako ngunit kaagad siyang pinigilan ng isang lalaki. Hinawakan nito ang kaniyang braso, at bumulong. Umaliwalas ang tingin nito sa akin, ngunit hindi pa rin mapigilan ang pag-arko ng kilay, huminga ito nang malalim at pilit na ngumiti. "Hindi ka dapat naririto, kailangan mong pumasok sa loob para maasikaso ka nang maigi."
Dahil sa mga pag-uusap na iyon ay nakuha ko na nang tuluyan ang atensyon ng lahat. Nagbubulungan ang mga ito, naririnig kong pinag-uusapan nila ang si Senator Agustin, pagkalaan ng ilang segundo ay bumuo sila ng linya, ipinuwesto nila ang nakatiklop na kanang kamay sa dibdib, tumayo rin ang mga bata at isinagawa ang nasaksihan. Nasa gano'n silang posisyon nang makita ko si Darius, wala siyang pang-itaas na damit, basa ang katawan nito at tumutulo pa ang tubig sa buhok. Nang ibalik ko ang tingin sa mga tao, nakita kong nakayuko ang mga ito.
Naibuka ko ang aking bibig at pilit na hinanap ang mga salitang sasabihin. Hindi pa rin inaangat ng mga ito ang kanilang mga ulo kung kaya naisip ko na baka naghihintay sila ng aking mga sasabihin, ngunit papaano ko iyon gagawin kung hindi ko alam kung ano ba ang mga nararapat na mga salita? Hindi ako sanay sa ganitong pagtrato, at kung ang iba ay ikatutuwa ang espesyal na mga aksyon, salungat ang aking nararamdaman. Natagpuan ko ang aking sarili na pilit pinipigilan ang panginginig ng kamay. Ito ba ang nais nitong bagong gobyerno? Ito ba ang ipinaglalaban nilang pantay na karapatan? Sa tingin ba nila, ito ang tunay na deskripsyon ng pagkakaisa?
Sinabi ko na kailangan kong kunin ang kanilang tiwala, na kailangan kong magpanggap para lamang matakas. Hindi na bago sa akin ang pagsisinungaling, ngunit sa pagkakataong ito, hindi ko na masikmura ang lahat. Mula nang dumating kami rito ni Darius at nakita ko mga batang halos baliin ang katawan ng isa at isa sa ensayong paglalaban, mula sa mga tunog ng mga armas na halos ikabingi ko dahil sa sunod-sunod na pagpapaputok, hanggang sa hindi ko mawaring parusa sa batang nagkaroon lamang ng kaunting pagkakamali kanina, gusto ko nang tuluyang umalis.
Namalayan ko na lamang ang sarili na itinulak ang mga nasa harapan ko bago walang pagdadalawang isip na tumakbo papunta sa direksyon kung saan kami nanggaling. Hindi ko na sana nais pang tumingin sa likuran ngunit hindi ko napigilan ang sarili, nanlaki ang mga mata ko nang ikinasa ng lalaki ang kaniyang armas at itinutok sa akin, ngunit kaagad itong sinigawan ng isa pang lalaki. Pamilyar sa akin ang boses na iyon, walang iba kundi si Darius. Halos gumulong ako dahil sa kumpol ng mga dahong harang sa aking daan. Habang tumatakbo, tumitingin ako sa mga puno na siyang ginawan ko ng palatandaan nang umakyat kami rito. Nakatulong din ang aking paulit-ulit na paghinto sa paglalakad at pagpapanggap na sumasakit ang paa. Kalahating katotohanan naman iyon: Totoong sumasakit ang aking mga paa at binti ngunit hindi pa umaabot sa puntong hindi ko na kakayanin pang tumakbo.
Napahinto ako nang maramdamang wala nang sumusunod sa akin. Tuluyang nawala ang ingay, pinakiramdaman ko ang mga tunog ng dahon dahil kung may mga tao mang sumusunod sa akin, hindi malabong gagawa ang mga ito ng ingay. Ngunit dahil masyadong mahangin sa itaas, sinundan pa ng ingay ng umaagos ng tubig sa hindi kalayuan, nahihirapan akong makinig sa paligid. Nang mahanap ang hininga at maibsan pansamantala ang pagod dahil sa panandaliang pamamahinga, muli akong nagpatuloy sa pagtatakbo ngunit hindi pa man ako nakatatakbo nang malayo, nakasalubong ko ang isang lalaki na doble ang katawan sa akin.
May bibit itong malaking ibon, nakatingin sa akin nang nanliliit ang mga mata. Pareho kaming hindi magawang maalis ang tingin sa kapwa, iniisip ang mga susunod na hakbang. Nang ilapat nito nang bahagya ang paa ay umatras ako. "Asset!" Tumambol nang mabilis ang aking puso, tila nakalimutan ko nang huminga, kinuha nito ang baril at walang babalang ipinaputok sa akin. Napatakbo ako palayo sa kaniya, nang muli kong nilingon ang likuran ko at halos isipin ko nang nagtagumpay ako nang biglang nawalan ng lakas ang aking mga paa. Nang tumingin ako roon ay nagdurugo, walang tigil ang pagpatak ng pulang likido, nanginginig ang aking mga kamay at kahit sarili kong dugo iyon ay nagdadalawang isip akong hawakan. Napatingala ako upang pigilan ang mga luha ngunit kahit anong pilit ay hindi na nagawang pigilan iyon. Para akong batang naghahanap ng taong tutulong sa akin, isang partikular na taong gusto kong makita.
"M-mama..." Tuluyan akong humikbi ngunit kinagat ko ang sariling labi upang hindi na lumakas pa, parang pinuputol ang aking binti, namamanhid iyon at maya-maya pa ay tuluyan kong naramdamang humihina ang aking pandinig.
(Third Person Point of View)
Walang patid ang pagtakbo ni Darius habang paulit-ulit na humihinto upang tingnan ang paligid, nagbabakasakaling nahagip ng kaniyang mga mata si Sierra Kiel ngunit kahit anong pilit at hindi pa rin niya ito makita. Maliit ang katawan ng babae, kaya nitong magtago sa bawat puno dahil hindi maipagkakaila na kaya nitong takpan siya, iyon din ang isa sa mga dahilan kung bakit nawala sa kaniyang paningin ang tumatakbong dalaga. Sa kaniyang pagkainis ay napasipa sa isang puno at napasandal doon, hindi pa nga siya nakakapahinga mula sa byahe papunta sa Manila at pakikipaglaban sa dalawang balakid sa plano doon sa isang fast food chain, ito na naman ngayon at pinapahirapan na naman siya. Sakit talaga sa ulo si Sikel mula noon pa man.
Napasabunot siya sa kaniyang buhok nang maalala ang katangahan ng isang kasapi, balak pa nitong barilin ang dalaga na para bang kalkulado nito ang agwat ng isa at isa at siguradong masasapul ang hindi vital na parte ng katawan. Bakit ba pakiramdam niya ay siya ang bumubuhat sa grupo? Wala ba ni isa sa mga ito ang makapag-ambag manlang ng bagay na nakatutulong upang mapabilis ang mga nangyayari?
Nasa gano'ng posisyon si Darius nang mapansing tanggal ang isang balat ng puno. Pinasadasa niya ang kamay roon at tinanggal iyon lalo saka inihagis sa kung saan. Muli siyang nagpatuloy ngunit napagpasyahan niyang maglakad, muli ay naagaw ng isang puno ang kaniyang atensyon. Katulad ng kanina, tanggal din ang balat nito, hindi kalayuan ang direksyon ng dalawang punong iyon. Dala ng hinala, muli siyang naglakad at muli na naman niyang nakakita ng gano'n. Napataas ang kaniyang labi, nagpatuloy siya sa paglalakad at huminto sa isang direksyon. Iyon ang mismong puwesto kung saan umupo ang dalaga at binigyan niya ng kahoy at prutas, at katulad ng kanina ay mayroon din doon.
"Alam ko kung saan ka!" Napakunot-noo si Darius nang marinig ang pamilyar na boses. Kinuha niya ang armas na nakakabit sa gilid ng pantalon, nagpalinga-linga upang mahanap ang kinaroroonan ng may-ari ng boses na iyon. "Huwag ka nang magtago! Ang lakas naman ng loob mong sumugod mag-isa sa lungga namin. Sino ang nagpadala sa iyo ha?!"
Hindi nahirapan si Darius na mahanap ang kinaroroonan ng sumisigaw. Nakita niya ang kaibigan na nang marinig ang nagawang ingay ng kaniyang paghakbang ay kaagad na itinutok sa kaniya ang armas at walang tawad na nagpaputok. Napamura si Darius, mabuti na lamang at nakaiwas siya roon. Itinaas niya ang gitnang daliri sa bumaril sa kaniyang direksyon na kaagad humingi nang tawad nang makilala siya. Bumuntong hininga ang lalaki, "May nakalusot sa mga bantay."
"Anong ibig mong sabihin?"
"May nakasalubong akong babae kanina, nakatakas pa pero hindi rin makakalayo iyon dahil may tama," pagmamalaki pa ng lalaki. "Kapag nahuli ko siya, todas siya sa akin." Pinatunog nito ang mga diliri. Habang si Darius ay nasa tabi, dinadaga ang dibdib sa narinig. Kaagad siyang kumilos, itinutok ang atensyon sa maliliit na detalye sa paligid. Mamaya na niya tuturuan ng leksyon ang lalaking bumaril kay Sierra dahil ngayon, ang tanging nais lamang niya ay mahanap nang buhay ang babae. Hindi niya nais isipin ang gagawin sa kaniya ni Senator Agustin sa oras na malaman nitong may hindi nangyaring maganda sa anak nito.
Natuon ang atensyon ng binata sa maliit na patak ng likido sa dahon. Nang idinampi ang daliri roon ay naramdamanng malapot iyon at upang lalong makasigurado ay inamoy. Nagmamadali niyang sinundan ang bawat patak hanggang sa ang bawat maliliit na detalye ay naging malalaki, hanggang sa tuluyang maging bakas ng kamay iyon. Tumakbo patungo ang kaniyang kasama sa direksyon na iyon ngunit kaagad niyang tinutukan ng armas, sa gulat nito napaatras. Sineyasan niya itong huwag magsalita habang unti-unting lumalapit sa malaking bato, itinaas pa ng lalaki ang hintuturo upang iparating sa kasama na bantayan ang kabilang direksyon na maaaring daanan ni Sierra.
At nang tuluyan nang marating iyon nina Darius, salungat sa kaniyang inaasahan, isang payapang natutlog na babae ang tumambad sa kaniya. Nakasandal ito sa puno at para bang walang problema, nilapitan niya ito at hindi manlang nagising. Tumabi siya sa babae, isang dangkal ang layo ng mukha nila sa isa at isa, napansin ng binata ng natuyong luha sa pisngi nito na kaagad niyang pinunasan. Bumaba ang tingin ng lalaki sa kamay nito, nakahawak ito sa binti na punong-puno ng dugo. Tinapik niya ang balikat ng babae at nang hindi gumalaw ay dumako ang palad sa pisngi at tinapik din iyon para gisingin ngunit walang anumang tugon ito. Nataranta si Darius, napasabunot ito ng buhok saka walang pagdadalawang isip na binuhat ang babae, magaan ito kung kaya hindi siya nahirapan. Humarang sa kaniya ang kasama at nagpupumilit na bigyang linaw ang mga nangyayari ngunit sinigawan lamang ito ng binata. Nagmamadali siya, malalaking hakbang ang kaniyang ginagawa, at sa kabila ng magaang timbang ng babae at hindi pa rin niya mapigilan ang sariling hingalin. Magkagayunman ay patuloy pa rin siya sa ginagawa. Habang naglalakad, pasulyap-sulyap siya sa babae at kinakausap ito. Pumasok sa kaniyang alaala ang panahon kung kailan wala rin siyang magawa kundi piliin ang kaligtasan nito, at mas mabuti na rin iyon dahil hindi niya nais na mapahamak ang babae dahil sa kaniya. Masyado itong nagiging emosyonal pagdating sa mga tao at kahit gaano ito katalino, batid ni Darius na may kahinaan ang kahit na sino.
"Sierra..." pumatak ang luha sa mukha ng babae. Napagtanto niyang hindi iyon mula sa baabe kundi mula sa kaniya. Sierra, bakit ang hirap kalimutan ka?