Sikel Villavicencio
Mabilis pa sa segundo ang pintig ng aking puso, mas naririnig pa sa ihip ng hangin ang aking hininga at kahit anong paggalaw, batid kong mahuhuli ako ng lalaki. Sinubukan kong punitin ang aking damit para sana maipantakip doon na siyang inaasahan ko na makakapagpigil ng paglabas ng dugo. Wala akong alam sa medisina, o kahit sa first aid kit kung kaya hindi ko alam ang gagawin ko, umaasa na lamang sa mga palabas sa telibisyon na tumatak sa aking memorya. Kahit na hindi gaano kaganda ang mga tema ng palabas sa Pilipinas, umaasa pa rin ako kahit papaaano na ang mga aral o bagay na ipanalabas nila ay may halong katotohanan. Kahit gaano ka hindi angkop ang sitwasyon ng isang tao o bagay para sa ating mga prinsipyo o desisyon, may parte sa atin na umaasang tumutugma rin ang mga iyon sa kabilang banda, ngunit ang mga pag-asa kung minsan ay tuluyan na ring nasisira. Sa mga pagkakataong ito, ang tanging nais ko na lamang ay makalayo at maisuplong sa mga awtoridad ang mga nangyayari.
Huminga ako nang malalim at sinubukang gumawa ng maliit na butas para sa paninimula ng pagpunit ko, ngunit dahil sa kapal ng puting tela na ginamit sa paggawa ng damit, imposibleng magawa iyon sa pamamagitan lamang ng kuko. Huminga ako nang malalim para tumingin sa aking binti, sinubukan kong tanggalin paunti-unti ang aking mga daliri, binabalak na sa sandaling pagkakataon na iyon ay napunit ang damit gamit ang dalawang kamay ngunit hindi pa man nakakaisang dangkal ay muling tumindi ang sakit nanaramdaman, parang may pumupulit sa aking binti, ramdam kong hinihila iyon papalayo kahit na halos mamanhid na ay hindi maipagkakaila na malalim ang tama niyon.Napabuga ako ng hangin at napatingala, parang lumalapit ang ulap sa aking direksyon. Ramdam ko ang katahimikan ng paligid, nawala ang kaninang mga pagbabanta na aking mga naririnig, nagiging kalmado rin ang aking pakiramdam na tila ba hinihele ako, bumabalik sa mga alaala ang mga nakaraan; ang palagiang pagbuhat sa akin ni Mama, ang mga dalang pasalubong ni Papa no'ng galing siya sa bayan matapos ang pangingisda, noong nakilala ko si Cruz, at ang unang pagkikita namin ni Darius. Parang isang magandang paniginip, nakatingin ako sa kanila mula sa malayo habang sila ay tumatakbo papalapit. Ngunit nang halos magtagpo na ang kamay ng bawat isa ay may isang anyo na lumitaw sa aming harapan, purong itim ito at hindi ko makita ang mukha. Humarap ito sa akin, ramdam ko ang paghigop nito sa aking pagkatao, namalayan ko na lamang ang sarili na nakaangat sa lupa at nang ibaling ang tingin sa ibaba, nasa kawalan na ako. Walang miski ano sa paligid, nag-iisa na lamang ako at pilit na sinusubukang kumawala sa pagkakasakal sa aking leeg. Walang naging patunguhan ang aking mga sigaw, um-echo lang ito sa pagilid na para bang mga taong naghihinagpis, nakabibingi ang mga tunog na iyon, halos sumabog ang aking ulo. Bumagsak ako nang tuluyan na para bang nasa walang hanggan, parang natanggal ang aking puso dahil sa pagkabigla, muli akong nagsusumigaw, at sa pagkakataon na iyon ay tuluyan na akong nagising.
Malamig.
Iyon lamang ang tumatakbo sa aking isipan nang imulat ko ang aking mga mata. Yakap ko ang sarili sa isang parihabang kahoy na upuan habang nanginginig. May inilahad sa aking kumot na siyang kaagad ko namang tinanggap at ibanalot sa sarili habang ang mga tuhod ay niyayakap pa rin. Ilang minuto akong nanatili sa gano'ng posisyon at nang mahimasmasan ay iginala ang tingin sa paligid. Naroroon sa harap ko si Darius, nakaupo ito at may bitbit na serbesa, malalim ang kaniyang mga mata at kahit mukhang inaantok ay bilang sa mga daliri kung ilang beses ito kung pumikit, paulit-ulit din nitong kinukurot ang sarili. Sa kaniyang tabi naman ay ang isang malaking lalaki, nakatingin ito sa akin, nakikilala ko ang mga matang iyon. Nang kaniyang ibuka ang bibig at humakbang patungo sa aking ay kaagad akong umatras. Ramdam ko ang mabilis na pagtibok ng puso habang nakatingin sa itim na bagay na hawak niya.
"Ilayo mo nga 'yan," may pumasok na babae. Maluwang ang damit nito, hindi maayos ang pagkakatali ng buhok, may hawak ding planggana ng tubig. Tinaasan niya ng kilay ang malaking lalaki, napakamot na lamang ito ng ulo bago pumunta sa direksyon ko. "Siraulo talaga iyon," bulong pa nito at nang tumama ang mata sa akin ay nawala ang kaniyang masungit na ekspresyon. Lumapit ito sa akin, inilapag niya ang planggana at pagtatakang pinagmasdan ang basang sisiw na tulad ko.
"Binangungot siya kaya binuhusan ko ng tubig, p'wede ka namang mag-igib uli."
Pinaikutan niya ng mata si Darius, "Aba, eh kung ikaw kaya ang gumagawa nito? Ang dambuhala mong tao, pa-flex lang ng abs inaatupag mo." Tinalukuran nito ang lalaki kahit na umaalma pa ito, ngunit bakas sa mukha ng dalaga ang pagpipigil ng ngiti. Nang mapansin niyang nakatingin ako sa kaniya ay kaagad na nawala iyon. Lumapit ito sa akin at may pag-iingat na hinawakan ang aking binti, at itinaas ang tingin sa akin. "Masakit pa ba?"
Tumango ako. "Salamat."
Umiling siya, "Kung iniisip mong ako ang may gawa nito, nagkakamali ka. May pumunta rito kanina para gamutin ka..."
"Doktor," wika ni Darius
"Oo, siya nga. Mabuti nalang dahil may doktor sa military force, pero umalis na siya. Kinailangan lang talaga niyang tanggalin ang bala sa binti mo at bilinan kami kung ano ang mga dapat gawin sa iyo." Tumango na lamang ako habang pinagmamasdan siyang nililinis ang aking natamong sugat, pinalitan niya ito ng tela na bago ngunit bago iyon ay may mga inilagay siyang gamot na hindi ko alam kung ano. Hindi rin ako nag-abala pa na tanungin siya dahil inutusan lang din naman siyang ilagay ang mga iyon. Napatingala ako, pinagmasdan ko ang mga naumong sapot ng gagamba sa bawat sulok ng bahay. Mabuti pa ang mga ito, nahahanap nila ang bawat tahamam sa kung saan sila. Miski maulan, nakakahanap ito ng pagkakataon na gumawa ng sapot sa mga dahon. Mabuti pa ang mga ito, madaling nakaa-adopt sa mga bagay-bagay sa kanilang paligid, sa temperatura, at sa lagay ng panahon.
"Sa iyo nalang ito," tumingin muli ako sa babae. Nakalahad ang panyo sa aking harapan na nagmumula sa kaniya. Inilagay nito ang kamay sa pisngi na parang sinesenyas na may dumi ako sa mukha. Kinuha ko ang kaniyang panyo at ipinampunas doon, ngunit nang tingnan ko ang tela ay wala itong dumi. "Umiiyak ka. Uh, nagugutom ka ba? Noodles lang ang meron kami ngayon, pero meron ding sarndinas. Nakonsumo na kasi namin 'yong mga gulay noong nakaraan. Anong gusto mo?" Sinubukan nitong pasiglahin ang boses, inaasahang makukuha ko ang kasiyahan niya ngunit hindi ako isang gagamba, hindi ako nakaka-adopt sa mga bagay-bagay lalo na kung ang tama nito ay sa aking emosyon.
"Busog pa ako," Nagdadalawang isip ito kung maniniwala sa aking mga sasabihin, ngunit tumango na lamang at nagtangkang umalis. Kumibit balikat ito, tumalikod sa akin at nagsimulang humakbang. Nawala ang pagiging masiglahin ng boses nito. Sa tingin ko, mahirap na panindigan ang pagiging positibo kung nasa isang lugar kayo tulad nito.
"Noodles," tumama ang tingin ni Darius sa akin. "Kunan mo siya ng noodles, sabayan mo rin ng kanin na mainit-init para sa sikmura niya."
"Busog pa ako." Pag-uulit ko, ngunit umiling lang ito at ibinaling ang tingin sa babae. Napayukom ako ng aking kamao.
"Kailangan din niya ng mga damit para sa kaniya. Magdala ka na rin ng tubig saka vitamins, kung meron pang natitirang tsokolate ang mga bata baka p'wedeng kunin mo at saka —"
"Sinabing busog pa ako!" Itinulak ko ang dalang maliit na planggana ng babae kanina. Tumilapon ang tubig na laman nito sa kanilang dalawa, ngunit wala akong pakialam, nabubulag ako ng galit sa mga nangyayari. "Bingi ka ba?!"
Pilit na naging kalmado si Darius at ayaw ko ng pag-uugali niyang gano'n. Pinunasan nito ang tubig na tumalsik sa kaniyang mukha bago muling nagsalita. "Mula pa kaninang umaga ay hindi ka kumain, simula ng tumakas ka. Hapon na ngayon, oras din ang itinulog mo kaya kailangan mo ng lakas."
Ngumiti ako nang may halong sarkasmo. Nag-aalala ba ito? Malabo. Suntok sa buwan ang isipin na may halong sensiridad ang mga binibitawan niyang salita. Hindi na ako natuto. Mapanlinlang na ito mula pa noon kaya hindi na dapat ako nagugulat pa kung kaya nito muli akong subukang linlangin ngayon. Mariing pinunasan ang tumulong luha, ngunit sunod-sunod ang pagpatak niyon. Sinisisi ba ako nito na tumakas ako? Kwinikwestyon ba niya kung bakit ayaw kong manatili sa lugar na ito? Napasabunot ako ng aking sarili dahil sa inis, inihakbang ni Darius ang kaniyang mga paa ngunit kaagad akong umatras. Kinuha ko ang injection na siyang nasa isang tabi at nakahanda na upang itapon, mukhang ito ang isa sa mga ginamit ng doktor kanina. Itinapat ko iyon sa aking pulso, nataranta ang babae, habang si Darius ay mahinang napamura. Patuloy akong lumalayo sa kanila, kahit na paika-ikang naglalakad at ginagawang alalay ang pader ay sinubukan ko pa ring magpakatatag. Nararamdaman ko pa rin ang sarili na parang nasa ulap, at kung paminsan-minsan ay nag-iiba ang estilo ng paligid. Nakakainis. Ano bang nangyayari sa akin?
"Sierra, huminahon ka, kailangan mong ibaba 'yan." Nanatiling kalmado ang boses ng lalaki, umiling-iling ako. Nawala siya sa kaniyang kinaroroonan, maya-maya ay lumitaw din doon. "Babalik ka rin sa inyo, ibabalik din kita kapag nasa maayos na ang lahat."
"At si Jordan?" Hindi ito nakasagot, muli akong nagsalita. "At si kapitan?"
Huminga ito nang malalim, tila ba napipilitan pa sa isasagot o hindi kaya ay nababagot lamang ito sa mga nagyayari at nais na matapos ang eksena. "Hahanapin namin si Jordan, hindi namin gagalawin si Kapitan."
"Sinungaling!" Hindi niya ako maloloko. Hindi ako naniniwalang kaya niyang suwayin si Senator Agustin kapalit ng prinsipyo niya o kung mayroon pa ba siya niyon. Itinaas ko ang bagay na hawak, handa nang isaksak iyon sa sarili ngunit bumukas ang pinto at iniluwa nito ang malaking lalaki. Mahigpit nitong hinawakan ang aking pulso hanggang sa mabitawan ko ang bagay na iyon. Pagkatapos ay itinulak ako nito, nawalan ako ng balanse, walang lakas ang aking paa bilang pangsuporta. Ramdam ko ang marahas nitong kamay, ang mistula kong paglipad sa ere, hanggang sa tuluyan kong pagbagsak sa sementong sahig. Kaagad na pumaroon sa akin si Darius, tinanong ako nito kung ano ang aking nararamdaman ngunit nang hindi ako sumagot ay tumayo siya at itinulak ang lalaki. Wala sa kaniyang isipan ang katotohanang mas malaki ito sa kaniya, bumunot siya ng itim na bagay at pinaputukan ito.
Nakuha namin ang atensyon ng mga nasa labas. Pumasok ang ilan sa kanila sa loob, dala-dala ang kanilang mga proteksyon ngunit nang mapagtanto kung ano ang nangyayari ay napahilamos sila ng mga mukha. Lumapit ang mga ito sa malaking lalaki at inilayo ito gaya ng iniutos ni Darius. Nagpupumiglas ito at patuloy na pinagmumura kami, may sinasabi ito ukol sa akin na ikinapintig ng tenga ng lalaki kaya muli nitong tinutukan ng baril, ngunit nagsalita ang katabi ko.
"Jose!" pagpigil ng babaeng umaalalay sa akin. Kamuntikan ko nang makalimutan na nagtatago nga pala ang mga ito sa mga alyas, at sa pagkakataong ito, si Darius ay si Jose. "Tulungan mo akong itayo siya, mukhang hindi niya kaya, napalakas ang pagbagsak niya." Ibinalik nito ang tingin sa akin, bakas rito ang pag-aalala at pagkabalisa. Paulit-ulit nitong tinatanong kung ano ang aking pakiramdam, at pilit na pinapaalala na huwag akong pipikit. "Bilis, Jose!"
Ginawa naman iyon ng lalaki. Natataranta pa ito sa gagawin, inilapag nito ang armas sa gilid bago muling bumalik at ituon ang pansin sa akin. Hindi pa ata ako buena mano sa mga masasakit na nangyari mula pa kahapon dahil nadagdagan na naman ngayon. Lumapit ito sa akin ngunit pilit kong pinaalis. Wala ni isa man sa kanila ang nais kong mahawakan ako. Kung ang inutos sa kanila ni Senator Agustin ay panatilihin akong ligtas at nasa maayos na kalagayan, mas gugustuhin kong mamatay na lamang sa sakit kaysa kumain ng mga pagkain na galing sa mga pagkitil nila ng buhay ng tao, at pagsira ng buhay ng kapwa nila. Kung ito lang ang paraan upang makaganti, gagawin ko.
Makaganti. Kamatayan.
Hindi, hindi tama ang mga iniisip ko. Walang mabuting maidudulot kung mata sa mata at ngipin sa ngipin ang aking paiiralin. May batas at may hukuman. Naniniwala pa rin ako sa proseso ng hustisya sa Pilipinas kahit na ang sariling dugo at laman ang isa sa mga gumagawa ng batas. Alam ko na hindi pa huli ang lahat para sa mga taong kagaya nila. Muli kong ibinalik ang tingin kay Darius, unti-unti itong lumapit sa akin at nang buhatin ako nito ay hindi na ako muli pang nagsalita. Kailangan kong maging matatag. Para kina Mama at Papa, para kay Jordan, at para sa kinabukasan ng mga batang napasailalim ng mga iresponsableng mga magulang na naririto.