NAIINIS na binalingan ni Kring-Kring ang mga estudyante niyang nagbubungisngisan sa likod ng klase. May nagkukumpulang mga dalagita roon habang may kung anong pinagkakaabalahan. Dahan-dahan siyang sumilip sa hawak na cell phone ni Tracy. Malaki ang screen niyon kaya nakikita niyang may tila nobelang binabasa ang mga ito. Malamang ay Booklat iyon, isang sikat na online writing site. Pero hindi siya papayag na nagbabasa ang mga batang ito sa oras ng kanyang klase! "Tracy, gadgets are not allowed during class hours," sermon ni Kring-Kring sa dalagitang may hawak ng cell phone. Namula ang mukha ni Tracy dala marahil ng pagkapahiya. "Eh, sorry na, Ma'am. Nag-update na kasi ang paborito naming blogger ng love story niya." Kumunot ang noo niya. "Last week ko pa naririnig sa inyo 'yang blogger

