“Handa ka na ba?” tanong ni Alex. Agad niyang hinawakan ang kamay ko marahil ay para ipaalam na nariyan lang siya sa tabi ko at hindi ko kailangang kabahan.
Pero pakiramdam ko ay kahit anong sabihin nila para palakasin ang loob ko ay hindi pa rin sasapat para mawala yung kabang nararamdaman ko. Ang totoo niyan, kanina pa nagpapabalik-balik si Ilah at Raven para lang paulit-ulit na ipaalala sa akin na magiging maayos lang ang lahat. Naniniwala naman ako roon. Hindi ko lang maalis sa isip ko ang mga posibilidad. Paano kung hindi nila ako magustuhan? Paano kapag nakita ng mga taga-Avila ang aking pakpak at mga mata. Ayokong matakot sila sa akin.
“Sa tingin mo magugustuhan nila ako?” mahinang tanong ko kay Alex.
Narinig ko ang kaniyang pagbuntong-hininga. Mas hinigpitan pa niya ang paghawak sa aking mga kamay.
“Sigurado akong mamahalin ka nila.”
Ngumuso ako saka tumingin nang diretso sa kaniyang mga mata.
“Pero iba ang kulay ng pakpak ko. Iba rin ang kulay ng aking mga mata. Hindi ako purong Mulawin at—”
“At iyon ang naging rason kung bakit mas espesyal ka. Hindi lang sa akin, kundi sa mga Mulawin. Kahit na magkaiba ang kulay ng iyong mga mata at pakpak, hindi pa rin maitatangging anak ka ni Amira at ikaw ang apo ni Haring Alastor.”
Nakagat ko ang aking ibabang labi saka tumango. Lumapit na rin ako sa kaniya at marahang yumakap. Naramdaman ko naman ang pagpulupot ng kaniyang braso sa aking beywang.
“Tayo na?” tanong ni Raven sa aming dalawa.
Binigyan ko siya ng isang marahang tango. Kumalas na ako nang yakap kay Alex pero hindi ako bumitaw sa pagkakahawak sa kaniyang kamay. Pumuwesto na kaming apat at sabay-sabay na bumuka ang aming mga pakpak.
Sa buong buhay ko, hindi ko naisip na makakalipad ako nang ganito kataas. Noon ay pinapangarap ko lang na makasakay ng eroplano. Iyon kasi ang paraan ko para makita ang mga lugar mula sa isang mataas na lugar. Ngayon, Malaya ko na itong nakikita. Hindi ko maiwasang mapangiti nang marahan akong bitawan ni Alex.
Bumaling ako sa kaniya at nakita ko ang kaniyang napakaguwapong mukha. Kung guwapo siya bilang tao, mas guwapo siya kapag nagkaroon na siya ng pakpak.
“Napakaganda mo, Kierra.” dinig kong sambit niya.
Pinigilan ko ang aking sarili na mapangiti lalo na at nakita kong nakatingin sa akin si Raven. Mas mukhang kinikilig pa siya kumpara sa akin.
“Malapit na ba tayo?” tanong ko sa kanila.
Humarap sa akin si Raven at marahang tumawa.
“Hindi pa tayo nangangalahati, Kierra.”
Tumawa na rin lang ako sa sinabi niya.
“Napakarami mo pang makikitang mga tanawin. Madadaanan pa natin ang lumang tirahan ng mga Tabon noon.”
Inilibot ko naman ang aking paningin sa paligid at pinagmasdan ang aming nadaraanan. Sobrang saya sa pakiramdam na nararanasan ko ito ngayon.
“Ganda ‘di ba?” buong pagmamalaki na sambit ni Ilah.
Tumango naman ako sa kaniya. Matagal ang aming naging paglalakbay bago kami nakarating sa isang isang arko.
“Narito na tayo.” bakas ang excitement sa tono ni Raven.
Naramdaman ko naman ang pagbilis ng t***k ng aking puso nang marinig ang tinuran ni Raven.
Ito na iyon, Kierra. Narito ka na sa tunay mong tirahan. Sa lugar kung saan lumaki ang aking ina.
Ipinagpatuloy namin ang aming paglipad. Sa hindi kalayuan ay tanaw ko na ang mga Mulawin na nakaabang sa bungad ng Avila. Habang palapit kami nang palapit ay patuloy na dumarami ang mga Mulawin na naroon.
“Narito na sila. Kasama nila ang sugo!” sigaw ng isang Mulawin kasabay ng pagtakbo nito sa kung saan man.
Hindi ko pa kasi gamay ang lugar pero sigurado akong napakalawak nito. Nang ibaling ko ang aking paningin sa bawat sulok ay mayroon akong nakitang mga kawal na Mulawin na nakabantay roon. Para na rin siguro masiguro ang seguridad ng lugar at madaling maabisuhan ang kanilang mga kasama kung sakaling may parating na mga Ravena.
“Narito na ang anak ni Amira!” masayang sigaw ng isang babaeng Mulawin. May edad na ito ngunit nananatiling matikas ang pagtayo nito.
Pagbaba namin sa lupa ay agad akong lumapit kay Alex. Bahagya akong nagtago sa kaniyang likuran dahil hindi naman ako sanay sa ganitong atensiyon. Nang humawak ako sa kaniyang braso ay narinig ko ang kaniyang mahinang pagtawa.
“Natatakot ka ba sa kanila?” mahinang tanong niya.
Umiling ako. Hindi naman ako natatakot. Pakiramdam ko lang sa ngayon ay nalulunod ako sa atensiyon na ibinibigay nila sa akin. Hindi ko alam kung paano ako babati sa kanila. Nahihiya rin ako. Baka kapag naging masyadong magaan ang loob ko sa kanila ay isipin nilang feeling close ako. Ayoko nang ganoon dahil hindi naman ako ganoon.
“Masaya lang sila na narito ka na.” saad ni Alex at marahang hinaplos ang aking pisngi.
“Hindi naman lahat masaya sa pagbabalik mo.”
Lahat ng mga Mulawin ay napalingon sa babaeng paparating. Kagaya ko ay hati rin ang kulay ng pakpak nito. Kalahating pula at kalahating kulay abo. Ngunit ang kaniyang mga mata ay parehong kulay pula.
“Avira.”
Napalingon ako kay Alex nang marinig kong banggitin nito ang ngalan ng babae. Nakita ko namang sumama ang timpla ng hitsura nina Raven at Ilah nang makita nila ang babaeng ito.
“Magdahan-dahan ka sa pananalita mo, Avira. Baka nakakalimutan mong narito ka lang dahil sa bilin ng iyong inang si Magindara. Kaya huwag kang magsalita ng kahit anong ikasasama ng loob ni Kierra.”
Tumaas ang kilay ng babaeng nagngangalang Avira kay Ilah.
“Hindi ko akalaing napaka-protective mo naman sa kaibigan, Ilah.” mapang-asar nitong sambit. Ilang sandali pa ay bumaling na ito kay Alex. Naglakad ito palapit sa kaniya at agad siya nitong hinawakan sa braso.
“Hindi mo man lang ba ako namiss, Alexus?” malambing nitong tanong.
Nanatiling walang emosyon ang mukha ni Alex. Pero nakita ko ang ginawa niyang pagbawi ng kaniyang braso sa pagkakahawak nito. Sumama tuloy ang hitsura ni Avira.
“Hindi ko alam kung bakit kayo naniniwalang siya ang magdadala ng kapayapaan sa pagitan ng mga Ravena at Avila. Matagal nang walang kapayapaan sa pagitan ng dalawang lahi. Habambuhay na ang digmaan, mga hangal!” galit nitong sigaw sa mga Mulawing naroon.
Napailing nalang si Raven habang si Ilah naman ay nakasunod lang nang tingin kay Avira.
“Huwag mong masamain ang sinabi niya. Nagseselos lang siya dahil malaki ang pagkakagusto niya kay Alex.”
Sabay kaming bumaling ni Alex kay Ilah dahil sa sinabi niya.
“Oh, bakit? Parang hindi mo naman alam na may gusto siya sa’yo. Bata palang tayo ay may paghanga na siya sa’yo. Huwag mo sabihing hindi mo alam?” gulat na tanong ni Ilah sa katabi ko.
Nang umiling si Alexus ay sabay na nasapo ng dalawa ang kanilang mga noo.
“Ang manhid!” natatawang sambit ni Raven.
Bawat madaanan kong mga Mulawin ay bumabati sa akin. Habang naglalakad kami ay hindi ko maiwasang mapahanga sa ganda ng lugar. Mayroong mga halaman, matataas na puno na namumunga.
“Puwede bang kainin yun?” tanong ko kay Ilah at itinuro ang prutas na kasing-laki ng ubas.
Tinawanan naman ako nito saka tinapik sa balikat.
“Puwede naman, kung gusto mong mamatay agad.”
Napasimangot naman ako sa sinabi niya.
“Mag-iingat ka sa mga hahawakan mo rito. Maganda lang silang tingnan pero hindi mo alam baka sila pala ang papatay sa’yo. Hindi lang sila simpleng hayop at halaman. Kung baguhan ka rito, matatagalan ka para makuha ang kanilang loob. Lalo na ang hayop na iyon.” Saad niya sabay turo sa akin ng hayop na bago sa aking paningin.
Para itong aso na may pagka-kambing dahil may sungay itong mahahaba.
“Iyan si Paras. Ang alaga ng iyong ina noong maliit pa siya. Ang mga hayop na tulad ni Paras ay matagal mabuhay sa mundong ito, Kaya kung nakikita mo, napakalakas pa niya kahit na kasing-edad niya ang iyong ina.”
Abala ako sa pagmamasid sa paligid nang maramdaman kong hinawakan ni Alex ang kamay ko.
“Nariyan na ang iyong Lolo.” bulong niya sa akin.
Napaayos naman ako nang tayo. Nakita ko agad ang isang grupo ng mga taong-ibon na naglalakad patungo sa amin. Nang makita ko ang hitsura nito ay may kung anong kabang sumabog sa aking dibdib. Sa hitsura pa lang nito, halata nang istrikto.
“Magandang araw, haring Alastor.” bati nina Ilah saka yumukod ang mga kasama ko sa harapan nito. Alam ko sa aking sarili na dapat ay ginawa ko rin ang ginawa ng aking mga kasama ngunit may parte rin sa akin na gusto lamang pagmasdan ang mukha nito.
Nang makita ni Alex na nakatayo lamang ako ay hinawakan niya ang kamay ko at sumenyas sa akin na yumuko rin. Kaya naman yumukod na rin ako.
“Maligayang pagbabalik sa Avila, Mithi.”
Nang marinig ko ang sinabi ng Hari ay tumayo na ako.
“Kierra ho ang aking pangalan.” magalang na sambit ko.
“Hindi na Kierra ang gagamitin mong ngalan lalo na at narito ka na sa iyong tunay na tirahan. Mithi ang ngalang ibinigay sa iyo ng aking anak na si Amira. Kaya marapat lang na iyon ang iyong gamitin.”
“Pero mas sanay po ako sa ngalang Kierra—”
Napahinto ako nang ihampas ng Hari ang kaniyang tungkod sa lupa.
“Hindi na mahalaga ang iyong mga dahilan.”
Kumunot ang aking noo nang marinig ang tinuran nito. Anong ibig niyang sabihin? Bakit parang hindi ako puwedeng magdesisyon ng sa akin. Hindi nga ako sanay sa pangalang iyon, bakit nila ipipilit sa akin na tawagin akong Mithi?
Tahimik lamang ako habang nakayuko. Masama ang loob ko sa ama ng aking ina. Kararating ko palang sa Avila pero ganoon agad ang kaniyang ibinungad sa akin. Akala ko ay sasalubungin niya ako ng yakap pero nagkamali ako.
“Hindi na ako magtataka kung bakit nilisan niya ang Avila.” sambit ko dahilan para mapalingon silang lahat sa akin.
May kung anong pakiramdam na bumangon sa aking dibdib. Tila naghalo ang pagkadismaya at lungkot na aking nadarama kaya ngayon ay nakakaramdam ako ng galit para sa Hari ng mga Mulawin na Lolo ko pa man din mismo.
“Marahil ay natanto ng aking ina na hindi para sa kaniya ang lugar na ito. Dahil nasasakal siya sa inyo.”