LIPAD 18

1669 Words
“Wala na bang ibibilis yang ginagawa niyo? Gutom na kami!” nakangusong tanong ni Raven habang naglalakad ito patungo sa amin. “Patapos na.” nakangiting sagot naman ni Alex. Nakita kong naningkit ang mga mata ni Raven habang pinagmamasdan kaming dalawa ni Alex. “Bakit pakiramdam ko ay may nagbago sa inyong dalawa?” tanong niya. Nagkatinginan naman kaming dalawa ni Alex bago sabay na napatingin sa kaniya. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko kaya tumahimik nalang ako. “Huwag niyo sabihing…” “Pakidala na ito roon, Raven.” sabi ni Alex saka iniabot kay Raven ang dahon ng saging na may lamang mga nahiwang prutas. Muli ay naningkit ang mga mata nito sa amin. Ngumiti lang ako sa kaniya para hindi halata na nabigla ako sa sinabi niya. Sa pagkakataong iyon, napaisip din ako tungkol sa aming dalawa ni Alex. Ano na nga ba kami? Yung nangyaring halik kanina. Hindi iyon wala lang. Iyon ang unang beses kong naranasan na mahalikan. Hindi ko maiwasang magtanong sa aking isipan kung siya ba ay may nahalikan na ba dati. “Natahimik ka yata bigla.” “Ha?” nabigla kong tanong sa kaniya. Saka ko lang napansin na natulala pala ako. Nang yumuko ako ay saka ko lang napansin na hindi pa pala ako tapos sa ginagawa ko. Ngiti nalang ang ibinigay ko kay Alex saka pinagpatuloy ko ang aking ginagawa. Sinabihan ko na rin siya na puwede na siyang mauna roon pero hindi niya naman ginawa dahil ayaw niya raw ako iwan. Ayaw ba niya akong iwan dahil gusto niya akong makasama o ayaw niya akong iwan dahil natatakot siyang may ibang kumuha sa akin? “Pareho.” Napaangat ako nang tingin kay Ilah na nakangising naglalakad patungo sa akin. “H-ha?” nauutal na tanong ko sa kaniya. “Yung sagot sa tanong mo. Ang sagot ay ‘pareho’.” Teka lang sandali— “Nababasa ko ang isipan mo ngayon. Masyado kang distracted, Kierra kaya bumababa ang harang mo sa mga iniisip mo.” Nang marinig ko ang kaniyang sinabi ay  agad akong naging mas alerto. Ngumisi agad si Ilah. Paniguradong alam na agad niya na itinaas ko ang harang ng aking isipan para hindi niya na ito mabasa. “Alexus, pakitulungan na roon si Raven.” Tumayo na agad si Alex at sa naglakad para matulungan na si Raven sa paghahain ng nilutong kuneho sa dahon ng saging. “May nangyari ba sa inyong dalawa noong naghanap kayo ng makakain kanina?” Agad na kumunot ang noo ko sa tanong ni Ilah. “Ang ibig kong sabihin, may iba bang nangyari? Sorry, mali yung pagkakatanong ko. Baka iniisip mo…” “Hindi. Wala namang nangyari. Nanghuli lang kami ng kuneho kanina.” Ngumiti sa akin si Ilah saka marahang tumango. Halata naman sa kaniyang hitsura na hindi siya naniniwala. Biglang nanlaki ang mata ko nang ma-realize kong may kakayahan nga pala siyang magbasa ng iniisip ng tao. “Huwag mo sabihing—” “Nabasa ko sa isipan ni Alexus.” Humugot ako nang malalim na hininga at agad na lumapit ako sa kaniya. Hinawakan ko siya sa kamay. Kinakabahan ako dahil baka kung ano ang isipin niya sa akin. “Alam kong gusto mo si Alex.” panimula ko. Nag-angat ako ng tingin at lakas-loob na sinalubong ang kaniyang mga tingin sa akin. “Pasensiya na, Ilah. Alam kong wala akong ibang puwedeng irason dahil ang totoo niyan, ginusto ko rin naman talaga yung nangyari.” Hinawakan niya naman ako agad sa balikat at saka siya tumawa. “Ano ka ba, hindi mo kailangang magpaliwanag sa akin dahil wala iyon. Ang totoo niyan, masaya ako para sa inyong dalawa.” “Pero hindi ba masyadong mabilis?” Seryoso siyang tumingin sa akin saka marahang umiling. “Siguro para sa’yo, mabilis. Pero para kay Alex, hindi. Sobrang tagal ka niyang hinintay, Kierra. Marami siyang pinagdaanan para lang makasama ka niya ngayon. Magmula noong nalaman namin na siya ang nasa propesiya na makakasama mo para wakasan ang digmaan, mula noon ay walang araw na hindi siya naghintay para sa iyo. Noong lumaki na kami at sinabi ng isang kawal na Mulawin na ikaw ay kanila nang natagpuan, halos magtatalon siya sa tuwa. Noon palang ay gusto ka na niyang makita. Pero hindi siya pinayagan ng iyong Lolo. Malaki ang sama niya ng loob sa amin noong napili kami ng konseho na ipadala sa mundo ng mga tao, para samahan ka.” Natahimik naman ako sa aking narinig. Sa totoo lang, hindi ko inakalang ganoon ang epekto sa kaniya ng propesiyang iyon. “Hindi kaya dahil lang sa propesiya kaya ganoon siya sa akin?” Tumaas ang kilay ni Ilah sa tanong ko sa kaniya. “Ang ibig mo bang sabihin, kinukuwestiyon mo ang nararamdaman ni Alex para sa iyo?” Tumingin ako sa kaniya. Hindi ko maiwasang ma-guilty sa sinasabi ko ngayon pero ayoko namang magsinungaling tungkol sa nararamdaman ko. “Kierra, kilala namin si Alex. Magmula noong makita ka niya kahit nasa malayo pa siya, pagkatapos ng araw na iyon ay wala na siyang naging ibang bukambibig kundi ang pangalan mo. Ikaw ang palagi niyang ikinukwento kapag magkakasama kami. Kapag pinapatawag siya ng iyong Lolo para sumama sa pulong ng konseho, wala siyang ibang baong kuwento para sa mga ito kundi puro tungkol sa iyo.” Humugot ako ng malalim na hininga at ngumiti kay Ilah. “Sa totoo lang, hindi ko alam kung dapat bang maramdaman ko ito ngayon. Pakiramdam ko ay nagugustuhan ko na siya. Hindi normal hindi ba? Ilang araw palang kaming nagkakasama!” Tumalikod na ako sa kaniya at naglakad pabalik sa aking ginagawa. Inayos ko na sa pagkakasalansan ang mga prutas sa dahon ng saging na naroon. “Normal lang iyon, Kierra. Isa pa, walang masama roon dahil para naman talaga kayo para sa isa’t isa.” Kinuha ko na ang dahon ng saging na iniabot sa kaniya. “Ingatan mo, baka matapon ang laman.” Inirapan niya lang ako saka nauna nang naglakad pabalik sa kinaroroonan ng dalawa. Mataman akong nakamasid kay Ilah habang naglalakad ito. May punto naman siya sa sinabi niya. Naiintindihan ko rin kung ano ang nais niyang iparating. Ang hindi ko maintindihan ay yung sarili ko. Kung bakit ko kinukuwestiyon ang mga nangyayari sa akin ngayon. Umayos ako sa pagkakatayo nang makita si Alex na naglalakad papunta sa akin. Siguro ay susunduin niya ako dahil kakain na kami. “Okay ka lang ba?” tanong agad niya nang makalapit siya sa akin. Ngumiti ako sa kaniya at marahan akong tumango. “Tara na, kain na tayo roon. Naghihintay na yung dalawa sa atin.” Nang ilahad niya ang kaniyang kamay sa akin ay agad ko naman itong inabot. “Sabi ko na nga ba ay may nagbago sa inyong dalawa eh.” Kinurot ni Ilah sa tagiliran si Raven kaya naman napilitan itong tumahimik. “Alam mo, kumain ka nalang. Ang dami mong sinasabi.” ani Ilah saka sinubuan si Raven ng prutas. Wala naman itong nagawa kundi kainin ang saging dahil sinasamaan siya ni Ilah nang tingin. Habang kumakain kami ay masayang nagkukuwento sina Raven ng mga hindi nila malilimutang pangyayari sa kanila noong bata pa sila. Aliw na aliw ako habang nakikinig nang biglang bumuhos ang mahinang ulan. “Ano ba naman ‘yan, akala ko pa naman magiging masaya ang huling gabi natin dito sa gubat.” inis na reklamo ni Raven pagkapasok namin sa ginawa nilang tulugan. “Mabuti nalang ay naisipan nating gumawa ng masisilungan.” ani Alex.  Bahagya siyang nababasa dahil nasa bandang labas siya ng kubo na ginawa nila. Hinawakan ko naman siya sa kamay at marahang hinila papasok sa loob. “Nababasa ka.” mahinang sambit ko, Nang makita kong bahagyang basa ang kaniyang noo ay agad akong tumingkayad para punasan iyon gamit ang aking palad. Dahil sa ginawa ko ay napatitig naman siya sa akin. Sa pagkakataong iyon ay hindi ko na rin maalis ang aking paningin sa kaniya. Parang may humahatak sa akin na enerhiya na tumingin lang doon. Bakas sa kaniyang mga mata ang kasiyahan. Kahit hindi niya sabihin ay alam kong masaya siya at naipapakita niya iyon sa pamamagitan ng kaniyang pagtingin sa akin. “Ehem.” Naputol ang aming titigan nang marinig namin ang boses ni Raven. Sabay kaming bumaling sa kaniya at ngumiti. Mapang-asar na ngiti ang kaniyang ibinigay sa amin saka nagkibit balikat ito. Nang gabing iyon ay tabi-tabi kaming natulog. Dahil malamig ang panahon at patuloy pa rin ang pag-ambon ay napayakap na ako kay Alex. Antok na ako kaya wala na akong oras para makaramdam ng hiya. Gusto ko lang na makaramdam ng init dahil lamig na lamig na ako. “Nilalamig ka ba ng sobra?” mahinang tanong niya sa akin. Tumango lang ako sa kaniya. Naramdaman ko na mas lalo pa niyang hinigpitan ang kaniyang pagkayakap sa akin. “Salamat.” bulong ko. “Basta ikaw.” Nakita ko ang dahan-dahang paglapit ng kaniyang labi sa aking noo. Marahang halik ang ibinigay niya sa akin. Napangiti ako sa ginawa niya at dahil sa labis na tuwang nadarama ay isiniksik ko ang aking mukha sa kaniyang leeg. Kinabukasan ay maliwanag na nang magising ako. Mukhang napasarap yata ang tulog ko. Pagtingin ko sa aking likuran ay wala na roon si Ilah at Raven. Pero si Alex ay nasa tabi ko pa rin at mahimbing na natutulog. Marahan kong tinapik ang kaniyang braso. Ilang sandali lang din ay nagmulat na siya ng mga mata. “Bangon na. Maliwanag na.” Dahil parang ayaw pa niyang tumayo kaya nagdesisyon akong hilahin na ang kaniyang braso. Paglabas namin ay nakahanda na ang kakainin namin sa araw na ito. “Kailangan muna naming kumain bago tayo bumalik ng Avila.” nakangiting sambit ni Ilah. Nang marinig ko ang sinabi ni Ilah ay napahugot ako ng malalim na hininga. Oo nga pala, ngayon na nga pala kami babalik ng Avila. Muntik ko nang makalimutan. Mabuti nalang ay binanggit niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD