LIPAD 17

1107 Words
“Alam mo bang bagay sa iyo ang nakangiti?” Napabaling ako ng tingin kay Alex nang marinig ko ang kaniyang sinabi. Kasalukuyan kaming naglalakad ngayon sa kakahuyan para maghanap ng pagkain. Sa ilang minutong paghahanap namin ng pagkain ay wala pa kaming nakikita tapos bigla siyang magsasalita ng ganoon. Hindi ko tuloy alam kung tatawa ako o maiinis. “Kung mapapakain lang tayo ng ngiti ko—” “Paniguradong busog na ako ngayon.” seryosong sambit niya. Lumapit ako sa kaniya at inis na hinampas siya sa kaniyang braso. “Nagagawa mo pa talagang gumanyan ha.” Labis kong ikinabigla nang hawakan niya ang kamay ko at hilahin niya ako palapit sa kaniya. Inilagay niya ang kaniyang isang kamay sa kaniyang likuran. Ilang sandali pa ay wala na ang kaniyang pakpak. Naramdaman ko rin na kusa akong bumalik sa pagiging tao. Hindi pa rin kami bumibitaw ng tingin sa isa’t isa. Binitiwan ni Alex ang aking kamay. Ang kaniyang palad ay kaniyang inilapat sa aking pisngi kaya marahan akong napapikit. Humakbang ako palapit sa kaniya at hinawakan ko rin ang kaniyang kanang pisngi. Unti-unting bumaba ang aking paningin sa kaniyang ilong hanggang dumako ito sa kaniyang labi. Nakatingin din siya sa aking labi ngayon. Nakita ko ang ilang beses niyang paglunok. Ang t***k ng aking puso ay unti-unting bumibilis. Nang ilapit niya ang kaniyang mukha sa akin ay napapikit na ako agad. Hindi ko pa ito nararanasan kaya ngayon ko lang natanto na ganito pala ang pakiramdam ng kinikilig. “Papayag ka ba kung sakaling hahalikan kita?” Nagmulat ako ng aking mga mata nang marinig ang kaniyang tanong. Hindi ko maiwasang mapangiti dahil sa tanong na iyon. Humingi talaga siya ng permiso. Kagat ko ang aking ibabang labi na tumango sa kaniya. Bakas ang pagkagulat sa kaniyang  mga mata sa naging sagot ko. Marahil ay hindi niya inakalang papayag ako. Matagal siyang napatingin sa aking labi bago niya ako tuluyang hinalikan. Napapikit ako nang mariin nang maramdaman ang kaniyang malambot na labi sa akin. Marahang halik lang iyon pero parang natutunaw ang puso ko sa labis na galak. Nang maghiwalay ang aming mga labi ay agad niya akong niyakap. “Poprotektahan kita sa abot ng makakaya ko. Ilalayo kita sa panganib at sisiguraduhin kong ligtas tayong makakabalik ng Avila.” Mahigpit akong yumakap sa kaniya. Hinalikan pa niya ako sa aking noob ago muling yumakap sa akin. Pagkalipas ng ilang sandali ay nagpatuloy na kami sa paghahanap ng pagkain. Sa hindi kalayuan ay nakakita naman kami ng mga kuneho. Hinuli namin iyon at dinala sa lugar na pinag-iwanan namin sa dalawa. Pagdating namin doon ay tahimik na nagkukuwentuhan ang dalawa. Napatayo sila nang makita kaming parating. “Ang tagal niyo.” reklamo ni Raven. Itinaas naman ni Alex ang kaniyang nahuling kuneho para ipakita sa mga ito. “Ayos ‘yan, ‘lex. The best ka talaga. Paborito ni Ilah ‘yan.” Lumapit agad si Raven kay Alex at kinuha ang kuneho. Niyaya rin niya ito na linisan muna nila sa may sapa bago lutuin. Kami nalang ni Ilah ang naiwan doon. At aaminin ko, sa ilang taon naming magkaibigan ni Ilah, ngayon lang ako nakaramdam ng awkwardness sa kanya. Hindi ko alam kung kakausapin ko ba siya o hindi. Baka kasi hindi niya lang pansinin yung sasabihin ko. Natatakot din ako na mabalewala ako. Umupo nalang ako sa isang tabi habang nakamasid sa kawalan. Ilang sandali pa ay naramdaman kong may umupo sa aking tabi kaya naman napalingon agad ako rito. Nakasimangot na mukha ni Ilah ang bumungad sa akin. Ang ipinagtataka ko ay bakit may hawak siyang mangga. Narinig ko ang kaniyang pagbuntong-hininga saka iniabot iyon sa akin. “Sorry.” Matagal akong napatitig sa manga na iniabot niya. “Huwag kang mag-alala walang lason iyan.” Dahil sa sinabi niya ay napangiti ako. “Wala naman akong sinabing may lason, ah.” depensa ko sa sarili ko. Nagkatinginan kami at ilang sandali lang ay pareho na kaming tumawa. “Alam mo sa totoo lang, hindi ko alam kung paano ako makikipagbati sa’yo. Kasi sa ilang taon naman nating pagkakaibigan, hindi naman tayo nag-away eh.  Aaminin ko, nahirapan ako sa sitwasyon natin. Kahit ilang oras palang ang lumilipas, habang tumatagal pakiramdam ko ay patuloy lang na bumibigat ang dibdib ko.” Tipid akong ngumiti nang marinig ko ang kaniyang sinabi. “Ako rin naman. Hindi ko alam kung paano magso-sorry sa’yo.” Humugot ako ng malalim na hininga at saka humarap ako sa kaniya. “Hindi ko alam kung paano ko ipaliliwanag ang tungkol sa nangyayari sa akin. Pakiramdam ko, sa patuloy na paglipas ng oras ay maraming nagbabago sa akin. Hindi lang sa pisikal na anyo ko kundi pati na rin ang aking isipan. May mga bagay na hindi ako nakokontrol. Gustuhin ko man, pero hindi ko magawa. Kaya pasensiya na rin kung ayaw kong ipaalam sa kahit sino man sa inyo tungkol sa iniisip ko. Iyon ay dahil ayaw ko lamang kayo mag-aalala. Marami na kayong pinagdaanan para lang mabantayan ako, ayoko na pati iniisip ko ay problemahin niyo pa rin.” Hinawakan ni Ilah ang aking kamay. “Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit. Gusto ko ulit humingi ng paumanhin tungkol sa ginawa ko sa iyo kanina.” Umusod ako palapit sa kaniya at marahan kong inihiga ang aking ulo sa kaniyang balikat. Paglipas ng ilang minuto ay dumating na rin ang dalawa. Nang makita kami ng mga ito ay agad na lumapit si Raven kay Alex at may ibinulong dito. “Uy bati na sila!” sabay na sabi ng dalawa. Sabay din kami ni Ilah na umirap sa kanila. “Ayusin mo ang pagluto ha, ayoko nang may natitirang dugo.” utos ni Ilah kay Raven. Ito kasi ang nag-iihaw ng karne ng kuneho. Naroon silang dalawa, habang kami ni Alex ay nagboluntaryong magbalat ng mga nakuha nilang prutas. “Kumusta na ang pakiramdam mo?” Napangiti ako sa tanong niya. “Ayos naman. Mas gumaan dahil nagkausap na rin kami ni Ilah.” “Mabuti naman. Kahit paano nabawasan na ang iniisip mo.” Inihinto ko ang ginagawa ko at tumingin ako sa kaniya nang diretso. “Alam mo, hindi ko alam kung anong gagawin ko kung sakaling wala kayo sa tabi ko. Lalo ka na. Salamat kasi hindi mo ako pinabayaan.” Ngumiti siya sa akin at marahang hinawi ang piraso ng aking buhok na humaharang sa aking mukha. Marahan siyang yumuko para halikan ako sa noo. “Palagi akong nasa tabi mo. Hindi ako aalis, Kierra. Hindi magbabago ang samahan natin kahit ano pa mang pagsubok ang dumating sa ating dalawa.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD