LIPAD 16

1871 Words
Nang makabalik kami ni Alex sa kinaroroonan nina Ilah at Raven ay agad na bumaling sa amin ang dalawa. Nang akmang lalapit sa akin si Ilah ay napaatras ako. Dahil sa ginawa ko ay huminto siya sa paglalakad patungo sa akin. “Sorry.” mahina niyang sambit. Kung normal na hindi pagkakaintindihan lang ito, madali ko siyang mapapatawad. Hindi naman ako mapagtanim ng galit sa mga taong nakagagawa ng pagkakamali sa akin. Dati rati ay hindi ko kayang lumipas ang isang oras na hindi kami magkaayos. Pero ngayon, hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko ay may parte sa akin na ayos lang na kahit hindi ko siya pansinin. “Marahil ay nabubuhay na nga sa iyong katawan ang pagiging isang Ravena.” Bumaling ako sa kaniya. At anong gusto niyang iparating sa kaniyang sinabi. “Ilah, tama na.” saad ni Raven at hinawakan siya sa braso. Pagod na umiling si Ilah at muling tumingin sa akin. Ang unang pumasok sa aking isipan ay kailangan kong bakuran ang aking isip nang sa gayon ay hindi niya ito mabasa. Nanatili ang kaniyang titig sa mata ko. Ilang sandali pa ay bigla nalang binawi ang kaniyang braso sa pagkakahawak ni Raven at humakbang palapit sa akin. “Paano mo nagawa ‘yon?” Hindi makapaniwala na tingin ang ibinigay ko sa kaniya. “Anong pinagsasasabi mo?” Bahagya akong napaigtad nang hawakan niya nang mariin ang aking magkabilang balikat. “Paanong hindi ko na nababasa kung ano ang nasa isipan mo? Anong ginawa mo?” “Ilah! Tama na!” sigaw ni Alex. “Tumahimik ka, Alexus!” aniya na nagpupuyos sa galit. Para siyang isang baliw na panay ang pag-alog sa balikat ko. Nang maramdaman ko ang pagbaon ng kaniyang kuko sa balat ng aking balikat ay doon na ako nagsimulang mainis. Agad kong pinalis ang kaniyang dalawang kamay. Pagkatapos ay tinulak ko siya palayo sa akin. Ang nais ko lamang ay maitulak siya palayo sa akin dahil nasasaktan na ako sa ginawa niya. Pero hindi ko akalaing ganoon kalakas ang impact ng pagtulak ko sa kaniya. Hindi ko sinasadyang tumilapon siya at tumama ang kaniyang likuran sa malaking puno ng acasia. Dahil sa labis na pagkagulat ko sa aking nagawa ay napatingin ako sa aking mga kamay. Paano ko nagawa iyon? Hindi naman malakas ang puwersa na pinakawalan ko sa pagkakatulak sa kaniya. “Pasensiya na. Hindi ko sinasadya.” Lumapit sa akin si Alex para kalmahin ako. Marahil napansin niyang nagpapanic ako. “Hindi ko alam kung anong nangyayari sa akin, Alex.” kinakabahang saad ko. Hinawakan niya naman ang aking magkabilang pisngi at pinilit niya akong pinaharap sa kaniya. “Kierra. Kumalma ka muna.” Nang subukan kong dungawin muli ang kalagayan ni Ilah ay doon na si Alex nagdesisyon na tumapat sa harapan ko para ang atensiyon ko ay sa kaniya ko lamang maibigay. “Huminga ka nang malalim.” utos niya sa akin. Bumaba ang kaniyang mga kamay para hawakan ang akin habang kinakalma ako. “Hindi ko sinasadya. Bigla nalang—” Napahinto ako sa aking sasabihin nang bigla niyang halikan ang aking noo. Sa pagkakataong iyon ay biglang gumaan ang aking paligid. “Okay lang. Hindi mo kasalanan. Alam kong hindi mo sinasadya. Naniniwala ako sa’yo.” Nanatili ang kaniyang labi sa aking noo at ang kaniyang braso ay nakayakap sa akin. Dama ko ang kaniyang marahang tapik sa aking likuran.   “Dito na tayo magpalipas ng gabi.” Napahinto kami sa paglalakad nang marinig ang sinabi ni Raven. “Hindi, kailangan na nating umuwi ng Avila ngayon din.” sagot naman ni Ilah. Ramdam kong galit ito sa paraan ng kaniyang pananalita. Magmula pa kanina ay hindi na niya ako iniimik. Hindi ko siya maintindihan sa totoo lang. Dapat nga ay siya iyong humingi sa akin ng paumanhin dahil sa ginawa niya sa akin kanina. At yung pagkatulak ko sa kaniya, hindi ko naman iyon sinasadya. Talagang nasaktan lang ako. Ako na ang naunang humingin ng pasensiya sa kaniya dahil na-guilty ako sa nangyari. Pero alam ko naman sa sarili kong hindi lang ako ang may mali. Siya ang nauna. “Hindi tayo puwedeng umuwi ng Avila nang ganyan ka.” seryosong sabi ni Alex. “Bakit? Anong problema sa akin? Okay naman ako ah.” Humugot ng malalim na hininga si Raven. “Hindi ka okay Ilah. Dito muna tayo magpahinga. Kailangan mong kumalma. Humingi na ng paumanhin si Kierra sa iyo hindi ba? Ano pang gusto mo?” tila pagod na tanong sa kaniya ni Raven. Mahinang natawa si Ilah. “So, ipinagtatanggol niyo pa iyan?” Bahagyang umawang ang aking bibig nang marinig ang kaniyang tinuran. Imbes na tawagin niya ako sa aking pangalan, “iyan” ang sinabi niya. Naramdaman ko naman ang unti-untin pagbangon ng kung anong pakiramdam sa aking dibdib. “Kasi ikaw naman ang nagsimula. Kung hindi ka lumapit sa kaniya at pinilit siyang sagutin ang tanong mo, hindi ka niya maitutulak!” Sa tono na ginamit ni Raven ay halatang naiinis na rin siya. “Alam mo Ilah, hindi ko alam kung anong nangyayari sa’yo. Sa isang iglap nagbago ka, hindi ba okay naman tayo? Ayos naman tayo eh. Bakit ginagawa mong kumplikado ang mga bagay?” Bakas sa hitsura ni Ilah ang pagkagulat sa kaniyang narinig. Ilang minuto siyang tumitig kay Raven pagkatapos ay tumawa nang mahina. “Oo nga, ayos naman tayong apat. Nagbago lang noong nalaman ni Kierra na binabasa ko ang isipan niya.” Naglakad palapit si Alex kay Ilah. “Tama na. Aminin mo nalang sa sarili mo na ikaw ang mali magmula pa kanina. Hindi mo dapat binabasa kung ano ang iniisip niya.” Napaatras si Ilah palayo kay Alex. “Ginawa ko lang iyon dahil iyon ang sa tingin kong tama. Mas mababantayan natin siya—” “Hindi mo ako kailangang bantayan.” Hindi ko na napigilan ang aking sarili na makisali sa kanilang usapan. “Alam kong bago lang ako sa mundo niyo. Alam kong hindi ko pa gaanong gamay ang kakayahang mayroon ako. Pero may sarili akong pag-iisip. Kaya ko ang sarili ko, Ilah. Hindi mo na kailangang basahin ang nilalaman ng isipan ko.” Bumaling siya sa akin at saka ngumisi. “Nasasabi mo na iyan ngayon dahil lang alam mo na kung sino ka at ano ka. Malakas na ang loob mo ngayon.” “Malakas naman talaga ang loob ko noon pa man. Kahit noong hindi ko pa alam ang tungkol sa sarili kong pagkatao. Ilah alam mo sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit nagagalit ka noong malaman mong kaya ko nang guwardiyahan ang sarili kong isipan. Hindi ko alam kung anong ikinagagalit mo. Sabihin mo nga sa akin, bakit ganyan ka?” Lumapit pa ako sa kaniya para makita ko ang kaniyang mukha. Nakaharang pa rin ang kamay ni Alex sa pagitan naming dalawa. “Lahat ng kakayahang mayroon ako, matagal ko ‘yon bago nagawa nang perpekto. Matagal akong nag-aral, nagsanay tapos ikaw, napakadali lang para sa iyo na gawin ang mga bagay na hindi mo naman pinaghirapang aralin. Pero ayos lang, kasi naisip ko, baka ganoon lang talaga. Baka normal sa iyo ang mabilis na matuto. Pero noong isinara mo ang iyong isipan sa akin, pakiramdam ko ay nawalan ka na rin ng tiwala sa akin. Kierra, kaibigan mo ako. Sanay ako na nasa tabi kita, sanay ako na pinorotektahan ka. Pero ngayon, pakiramdam ko ay wala na akong halaga dahil alam kong kaya mo nang mag-isa. Dahil kaya mo na ang sarili mo.” “Hindi ba mas okay na iyon? Mas okay na hindi ako dumidepende sa kahit sino sa inyo?” Nang hindi siya sumagot sa tanong ko ay marahan kong kinagat ang aking ibabang labi at saka ibinaling ang aking paningin sa ibang direksiyon. Sa pagkakataong iyon ay ako na ang naglakad palayo sa kaniya. May punto siya sa lahat ng kaniyang sinabi. Sa ilang taon naming pagsasama bilang magkaibigan, malaki ang naitulong sa akin ni Ilah. Parang yaya ko na nga siya noon sa school dahil kapag kailangan ko ng tulong lagi siyang nariyan. Mahalaga sila ni Raven sa akin dahil sila ang naging tunay kong mga kaibigan. Pero anong gagawin ko kung ganito ako? Maging emosyon ko, nahihirapan akong balansehen. Para akong nahahati sa dalawang pagkatao na magkasalungat ang pag-uugali. Pinipilit ko ang sarili ko na palaging kumalma. Pero nahihirapan ako. Kung nahihirapan sila, mas nahihirapan ako. Dahil hindi pa man kami nakakabalik sa Avila, ramdam ko na agad ang bigat ng responsibilidad na nakaatang sa mga balikat ko. Ang bigat, ang hirap. Napayakap ako sa aking sarili habang nakatanaw sa mga isdang lumalangoy sa kailaliman ng tubig ng ilog. Naramdaman ko ang pag-init ng palibot ng aking mga mata kaya naman agad akong tumingala. Nang may humawak sa aking balikat ay agad kong nilingon kung sino ito. “Alex.” Sinubukan kong patatagin ang boses ko. Sinubukan ko ring ngumiti sa kaniya para isipin niyang okay lang ako. “Huwag ka nang ngumiti, huwag mo nang ipilit. Alam kong hindi ka okay.” Hindi ko alam kung bakit bigla nalang namuong muli ang luha sa aking mga mata. Akala ko ay nawala na iyon kanina. Agad niyang hinawakan ang aking magkabilang pisngi at saka marahan niya akong dinala sa kaniyang dibdib. “Okay lang na umiyak. Okay lang kung sa tingin mo ay hindi umaayon sa iyo ang mga pangyayari.” Naramdaman ko ang pagtulo ng luha ko. Kusa na rin akong yumakap sa kaniya. “Hindi ko naman ginusto ang lahat ng ito. Gusto ko lang ng normal na buhay, Alex. Lahat ng ito, malayo sa mga pangarap ko. Ang hirap at ang sakit-sakit.” Mas humigpit ang yakap niya sa akin habang ang kaniyang kamay ay humahagod sa aking likuran. “Hindi ko masasabing alam ko kung anong nararamdaman mo, pero gusto ko lang na malaman mong naranasan ko rin ang mga nararanasan mo ngayon. Gayo mo, gusto ko rin mabuhay ng normal. Pero paulit-ulit ko ring sinasabi na wala rin namang mangyayari kung palagi nating iiyakan ang bagay na ito. Bakit natin pipiliing maging malungkot kung puwede naman tayong lumaban nang magkasama?” Marahan akong tumango sa kaniya. Nanatili kami sa ganoong posisyon hanggang sa kumalma na ako. Magdidilim nan ang maisipan naming bumalik kung saan naroon ang dalawa. Pagdating namin ay nakahanda na ang aming tutuluyan. May mga kahoy na rin na nakatumpok na gagamitin mamaya. Sa hindi kalayuan ay nakita ko sina Raven at Ilah na may mga dalang prutas. Nakamasid ako sa kanilang dalawa nang mapabaling si Ilah sa akin. Hindi siya ngumiti sa akin pero hindi rin naman niya ako inirapan at mukhang hindi na rin siya galit. Nang hawakan ni Alex ang kamay ko ay napaangat ang tingin ko sa kaniya. “Bakit?” kunot-noong tanong ko. “Hindi lang naman puwedeng sila lang ang may ambag ng pagkain sa atin. Kailangan din nating maghanap ng pandagdag sa mga nakuha nila.” Napangiti ako sa sinabi niya. Ipinakita niya sa akin ang kaniyang ugat-pak at agad iyong itinarak sa kaniyang gulugod. Ganoon din ang ginawa ko. Mahigpit ang hawak namin sa kamay ng isa’t isa bago kami naglakad para maghanap ng makakain. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD