Sigurado akong kaba ang una kong naramdaman noong makita ko siya. Pero noong marinig ko ang kaniyang boses, tila may kumurot sa aking puso. Ramdam ko ang lungkot at pangungulila sa kaniyang sinabi. Hindi ko maintindihan kung bakit ako nakakaramdam ng lungkot at awa para sa kaniya. May kung ano sa aking puso na biglang bumukas noong makita ko siya. Nakakapanibago at hindi ko maipalaiwanag ang nararamdaman ko sa pagkakataong ito.
“Kierra.”
Nang marinig ko ang pagtawag ni Alex sa akin ay agad akong napabaling sa kaniya. Kumunot ang kaniyang noon ang mapatingin sa aking kanang mata.
“Ang mga mata mo.”
Bahagya akong kinabahan nang marinig ang kaniyang sinabi. Hindi sinasadyang bumaba ang aking paningin sa tubig na umaagos. Doon ko nasilayan ang aking mga mata. Labis na mas matingkad ang kulay pula kumpara sa berdeng kulay ng aking kaliwang mata.
“Kierra, masaya ka ba?” tanong muli ni Lance na nasa kabilang bahagi ng ilog.
Muli akong nag-angat ng tingin sa kaniya. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko kaya yumuko nalang ako. Nang makahuma ay agad akong naglakad patungo kay Alex at hinawakan ko ang kamay nito.
“Umalis na tayo rito.”
Tumango naman agad si Alex. Bago ako tuluyang tumalikod ay bumaling muna ako kay Lance. Kumunot ang aking noo nang mayroon akong mapansin kong namumula ang leeg nito. Nakatingin pa rin ako kay Lance nang biglang hatakin ni Alex ang aking kamay. Wala akong ibang nagawa kung hindi tumakbo palayo sa kaniya.
Halos mag-iisang oras kami na patuloy lang sa pagtakbo. Nang masiguro na naming wala nang nakasunod sa amin ay saka lang kami huminto para makapagpahinga.
“Grabe, talagang sa Sinaag pa talaga tayo magkakasalubong nina Lance at ng mga kawal niya. Kung mamalasin ka nga naman.” saad ni Raven habang nakaupo sa malaking ugat ng puno. Si Ilah naman ay nananatiling tahimik sa kaniyang kinatatayuan. Paminsan-minsan siyang napapatingin sa akin kaya hindi ko maiwasang mapatingin sa kaniya. Si Alex ay hindi umalis sa aking tabi.
Marahan akong napaupo sa lupa. Hindi pa rin maalis sa aking isipan ang tungkol sa aking nakita kanina. Sadya lang bang mapula ang leeg ni Lance? Bakit noong huli kaming nagkita ay hindi naman ganoon ang kaniyang hitsura. Bakit biglang nagbago ang kaniyang aura?
“Hindi tayo puwedeng manatili rito. Hindi kailangang makita ni Lance si Kierra. Dahil nabubuhay ang pagiging Ravena ni Kierra kapag ganoon.”
Agad akong napaangat ng tingin kay Ilah nang marinig ko ang kaniyang sinabi.
“Alam mo namang nababasa ko ang iyong isipan hindi ba? Nag-aalala ka sa kaniya, alam ko.”
Nang marinig nina Raven at Alex ang tinuran ni Ilah ay halos sabay ang mga ito na napatingin sa akin.
Hindi naman sa minamasama ko ang sinabi ni Ilah pero sa pagkakataong ito ay biglang bumigat ang pakiramdam ko sa kaniyang sinabi. Bakit pakiramdam ko ay wala na akong privacy pati sa pag-iisip ko?
Mahina akong natawa sa sinabi niya.
“Kailangan ba talagang basahin mo kung ano ang nasa isip ko?” hindi ko na napigilang itanong sa kaniya.
“Huwag mong masamain iyong ginawa ko, kailangan lang nilang malaman ang tungkol sa iniisip mo para aware sila.”
Walang gana akong napailing sa kaniya.
“Kailangan bang sa lahat ng pagkakataon, alam niyo kung anong iniisip ko?”
Natahimik naman sila sa tinuran ko. Si Ilah ay napatitig nalang sa akin. Marahil ay hindi niya inaasahan ang tanong kong iyon mula sa kaniya.
“You’re invading my privacy, Ilah.”
Pagkasabi ko niyon ay agad akong naglakad. Kung saan ako pupunta, hindi ko alam. Basta malayo sa kaniya. Ayokong nababasa niya kung ano ang nasa isip ko.
“Kierra, sandali!” dinig kong sigaw ni Raven.
Hindi ako huminto sa paglalakad kahit anong sigaw niya. Nagulat nalang ako nang maramdaman ang paghawak niya sa braso ko.
“Kierra, sandali. Kausapin mo naman ako.”
Tumingin ako sa kaniya at saka marahan akong umiling.
“Mamaya nalang siguro, Raven. Hindi ko pa kayang makipag-usap sa iyo ngayon o kahit sino sa inyo. Gusto ko munang mapag-isa, kung puwede lang sana.”
Bumitaw naman siya sa pagkakahawak sa akin at saka tumango.
“Pagpasensiyahan mo na si Ilah. Hindi niya naman sinasadya na—”
Hindi ko na pinatapos ang kaniyang sasabihin. Tumalikod na ako agad kaya naman napahinto rin siya sa pagsasalita. Ayoko rin sanang maging bastos pero hindi ko pa talaga kaya. May kung anong damdamin sa dibdib ko na gustong kumawala at pakiramdam ko kapag kinausap pa nila ako at pinilit ako sa bagay na ayaw ko ay baka masaktan ko sila. Nagtitimpi lang ako.
Naglakad ako nang naglakad hanggang sa may makita akong maliit na lawa sa hindi kalayuan. Humugot ako ng malalim na hininga bago ako naglakad patungo roon. Pagtapat ko sa tubigan ay agad kong nakita ang aking hitsura.
Wala pa rin akong pinagbago. Ang damit na suot ko magmula noong araw na umalis ako sa bahay ay iyon pa rin. Sa isang iglap ang daming nangyari sa akin. Hindi lang sa pisikal na anyo, maging sa pag-uugali ko. Nahihirapan akong kontrolin ang sarili kong emosyon.
Yumuko ako sa tubig para pagmasdang maigi ang aking mga mata. Talaga ngang kakaiba ang kulay ng aking kanang mata. Parang nag-aapoy ang kulay nito. Tila nagpapakita ng lakas. Samantalang ang aking berdeng mata ay kalmado lamang.
Kung hindi mo nais na mabasa ng kung sino man ang iyong isipan ay marapat lamang na isara mo ito.
Gulat na napalingon ako sa aking likuran nang mayroon akong narinig na nagsalita. Lumakas ang t***k ng aking dibdib at marahan akong napalayo sa tubigan.
Huwag kang matakot. Ako lamang ito.
Sa gitna ng lawa ay mayroong biglang umahon na isang magandang babae. Marahil ay isa itong Diwata. Ang damit nito ay kulay puti at ang buhok nito ay napakahaba. Marahan itong naglakad palapit sa akin. Kung normal na tao lamang ako ay siguro, tumakbo na ako palayo sa kaniya. Pero iba na ang katauhan ko. Hindi na ako puwedeng matakot ngayon. Dahil ang nakikita ko ngayon ay normal sa mundong ito.
“Mithi.” Nakangiti nitong sambit sa akin.
Umiling ako.
“Hindi Mithi ang aking pangalan. Kierra. Kierra Anna Ricafrente.”
Ngumiti sa akin ang Diwata.
“Hindi ba dapat ay hindi mo na ginagamit ang pangalang iyan. Wala ka na sa mundo ng mga tao ngayon. Marapat lang na gamitin mo ang pangalan na binigay sa iyo ng iyong ina.”
Hindi ako sumagot. Pinanatili ko lamang ang aking tingin sa kaniya.
“Nabanggit mo ang tungkol sa pagsara ng aking isipan sa mga nilalang na maaaring makabasa nito. Alam mo ba kung paano?”
“Alam ko. Pero sa tingin ko ay alam mo rin iyon. Alam ng iyong isipan pero hindi pa kayang gawin ng iyong katawan.”
Kumunot ang noo ko sa kaniyang sinabi.
“Anong ibig mong sabihin?”
“Hindi mo ba alam na lahat ng kapangyarihan mula sa angkan nina Aguiluz at Alwina maging nina Gabriel at Rashana ay nananalaytay sa iyong dugo. Nasa iyo ang lahat ng kapangyarihan na mayroon sila kaya ikaw ang pinakamalakas na taong-ibon na nabuo rito sa mundo natin. Ibig sabihin, ang pagsasara ng iyong isipan ay nakasalalay sa iyong desisyon. Kung gugustuhin mo ay magagawa mo.”
Ako iyong tipo ng tao na hindi madaling maniwala sa sinasabi ng ibang tao lalo na kung hindi ko ito kilala.
“Paano ako nakakasigurong totoo ang sinasabi mo at hindi ka lamang gumagawa ng kuwento?”
Naglakad itong muli palapit sa akin.
“Ako si Yara, ang anak ni Magindara. Dito ako sa gubat na ito nakatira. Ako ang nangangasiwa at pinuno ng kagubatang ito. Ang aking ina ay anak ni Sandawa, at siya ang Diwata ng mga anyong tubig.”
“Paano mo nalaman ang tungkol sa akin? Paano mo nalaman ang tungkol sa aking kakayahan?”
Ngumiti itong muli sa akin. Ikinumpas niya ang kaniyang isang kamay at ipinakita niya sa akin ang nangyari kanina.
“Ang iyong mga mata ay patunay na ikaw ang sugo. At walang hindi nakakilala sa iyo, Mithi. Lahat ay alam ang taglay mong lakas at kakayahan.”
Nakaramdam ako ng paggaan ng aking pakiramdam nang marinig ang kaniyang mga tinuran. Isa nga siyang Diwata base sa kaniyang kakayahan.
“Alam kong sa ngayon ay nahihirapan ka pang magtiwala sa mga tao at mga nilalang na nakakasalamuha mo dahil hindi ka sigurado kung totoo ba sila sa’yo o hindi. Kaya kung nagbibigay sa iyo ng palaisipan ang mga bagay-bagay at natatakot sa mga posibleng mangyari, mabuti pa ngang isara mo na ang iyong isipan sa mga kasama mo.
“Kung sana kaya ko iyong gawin agad.”
Hinawakan ng Diwata ang aking balikat.
“Kaya mo. Kailangan mo lang mag-ensayo. Tatandaan mo, nasa iyo pa rin ang desisyon. Para magawa mo, isipin mo lang na nilalagyan mo ng bakod ang iyong isipan at ayaw mong mayroong makapasok doon na kahit na sino. Paniguradong unti-unti ay magagawa mo ito.”
“Kierra!”
Sabay kaming napabaling ng Diwatang Yara sa taong tumawag sa pangalan ko. Nakita ko si Alex na tumatakbo patungo sa akin. Nang tumingin ako muli sa aking harapan ay wala na roon ang Diwata. Napakabilis naman nitong maglaho. Nakamamangha talaga ang kapangyarihan ng mga nilalang sa mundong ito.
“Kanina pa kita hinahanap. Akala namin ay kung saan ka na. Natakot ako na baka kinuha ka na ng mga Ravena.”
Ngumiti ako sa kaniya.
“Huwag kang mag-alala, wala namang nangyari sa akin.”
Hinawakan ng kaniyang dalawang palad ang aking pisngi. Ilang sandali pa ay niyakap niya na ako.
“Pasensiya ka na talaga sa nangyari kanina. Pagsasabihan ko si Ilah na huwag na iyon muling gawin sa’yo.”
Umiling ako.
“Hindi na kailangan. Ayos lang ako.”
Hindi na kailangan, dahil ako na ang gagawa ng paraan para hindi na niya mabasa kung ano ang nasa isip ko.