Sa totoo lang, hindi ko alam kung anong mararamdaman ko nang yumukod ang matanda sa aking harapan. Pakiramdam ko ay hindi ako karapat-dapat sa pagbibigay-respeto niyang iyon. Agad akong lumapit sa matanda at inalalayan itong tumayo nang mapansin kong nahihirapan itong kumilos.
“Hindi niyo po kailangang gawin iyon.”
Ilang beses pa itong yumuko sa akin.
“Nararapat na irespeto ka hija. Kay tagal na hinintay ng mga Mulawin ang iyong pagbabalik. Ilang taon din nilang ipinagdasal sa mahal na Sandawa na sana ay matagpuan mong muli ang iyong daan pabalik sa Avila. Ngayong kasama mo na si Alexus, marahil ay labis na kagalakan ang kanilang nadarama.”
Bumaling ako kay Alex at tipid na ngumiti.
“Bibil’hin po namin itong sandata, Manong Kiko.”
“Naku hindi niyo na kailangang bayaran pa. Iyan ay sadyang ginawa ko para kay Mithi.”
Sa ikalawang pagkakataon ay narinig ko ang pangalan na iyon mula kay Manong Kiko kaya hindi ko na napigilan ang aking sariling magtanong.
“Manong Kiko, sino ho ba si Mithi?”
Sandaling napahinto si Manong Kiko at napatingin sa akin nang diretso.
“Alexus. Hindi ba alam nitong batang ito na Mithi ang ngalan na ibinigay sa kaniya ng kaniyang ina?”
Nagkatinginan kami ni Alex sandali. Sa pagkakataong iyon ay naalala ko ang tungkol sa panaginip ko. Naalala ko ang imahe ng babae na may dalang sanggol. Hinding-hindi ko malilimutang tinawag niya itong Mithi. Ako ba iyon? Ako ba ang sanggol na bitbit ng babae? At siya ba ang aking ina?
“Ayos ka lang ba?” tanong ni Alex sa akin.
Nang maramdaman ko ang marahang paghawak niya sa aking balikat ay napaangat ako nang tingin sa kanilang dalawa.
“Ah, oo. May naalala lang ako.”
Hindi sinasadyang napabaling naman ako sa mga taong naglalakad. Sa hindi kalayuan ay may nakita akong isang babaeng ubod ng pamilyar sa akin ang hitsura. Kamukha nito ang babae sa aking panaginip. Nakasuot ito ng normal na damit kagaya ng mga tao, habang ang kaniyang ulo ay may taklob na malaking tela. Nang makita ako nitong nakatingin sa kaniya ay agad nitong tinabunan ang kaniyang mukha at tumalikod na.
“Sandali!” sigaw ko dahilan para gulat na mapatingin sa akin sina Alex at Mang Kiko.
Walang paalam na tumakbo ako para habulin ang babaeng nakita ko. Narinig ko ang ilang beses na pagtawag sa akin nina Alex. Maging sina Ilah at Raven ay tinawag rin ako pero walang mas importante sa akin sa pagkakataong ito kundi mahabol ko ang babaeng iyon. Dahil kung hindi ako nagkakamali sa aking nakita, ibig sabihin, buhay pa si Amira. Buhay pa ang aking ina.
“Kierra!”
Boses ni Alexus ang paulit-ulit kong naririnig pero hindi ko iyon pinansin. Halos maubusan ako ng hangin sa aking baga dahil sa walang tigil kong pagtakbo. Dahil na rin sa hindi ako nagmamasid sa aking dinaraanan ay hindi ko napansin ang malaking bato na naging dahilan kung bakit ako nadapa.
“Tulungan na kita.” sambit ng lalaki na naglahad ng kamay sa akin.
Pagkahawak ko sa kamay nito ay saka lang ako nagtaas ng paningin dito. Nang magtagpo ang aming mga mata ay pareho na lamang ang aming pagkabigla.
“Kierra?”
“Lance?”
Halos sabay naming tawag sa pangalan ng bawat isa. Agad kong napansin ang kakaibang tingkad ng pagkapula ng kaniyang mga mata. Saka ko lang naalala na isa pala siyang Ravena. Agad akong tumayo. Hindi ko na pinagpag ang aking kasuotan. Bagkus ay agad akong bumalik sa kinaroroonan nina Alex.
“Kierra!” pagtawag pa ni Lance sa akin pero hindi na ako lumingon sa kaniya pabalik.
Mas lalo kong binilisan ang aking pagtakbo. Panay ang paghingi ko ng pasensiya sa mga nadaraanan kong hindi ko sinasadyang maitulak. Nang makita ko si Alex ay agad akong kumaway sa kaniya. Sa dami ng tao sa Sinaag, ang hirap na sumalungat sa daloy kung saan patungo ang mga tao. Nang makarating si Alex sa kinaroroonan ko ay hindi ko na napigilan ang aking sarili na yumakap sa kaniya.
“Alex… si Lance. Narito siya.” hingal na sambit ko.
Hindi na kami nag-aksaya ng panahon. Mahigpit niyang hinawakan ang aking kamay at saka tumakbo na kami pabalik sa tindahan ni Mang Kiko. Nakapameywang si Ilah habang hinihintay kami nitong makapasok sa loob.
“Bakit mo ginawa iyon? Bakit bigla-bigla kang umaalis?”
Nanatili akong nakayuko. Hindi ko alam kung paano sasagutin ang kaniyang tanong. Paano ko ba naman sasabihin na nakita ko ang aking ina? Paniguradong hindi sila maniniwala. Ang buong alam kasi nila ay wala na ito. Pero totoo nga bang wala na si Amira?
“Tama na Ilah. Kailangan na nating umalis. Narito si Lance sa Sinaag. Mas mabuti kung makaalis na tayo habang hindi pa nila tayo natatagpuan.”
Nakita ko ang pagbabago sa ekspresyon ni Ilah. Kung kanina’y dismayado ito, ngayon naman ay pangamba ang bumalot sa kaniyang mukha. Halata rin kay Raven ang labis na kaba. Pagkapasok muli ni Mang Kiko sa loob ng kaniyang tinutuluyan ay kinuha na naming ang pagkakataon na makapagpaalam sa kaniya.
“Mag-iingat kayo. Nawa ay gabayan kayo ng Diyosang Sandawa.”
Nagpasalamat kaming muli sa matanda bago umalis. Naghanap kami ng lugar kung saan maraming tao para kahit paano ay hindi kami agad mapapansin. Hindi binitawan ni Alex ang kamay ko. Alam kong kabado rin siya nang malaman ang tungkol kay Lance. Alam kong sila ang mahigpit na magkalaban bilang susunod na mga pinuno ng kani-kanilang lahi.
“Dito tayo.” Saad ni Raven saka naunang lumiko sa maliit na daan patungong labasan.
Sinubukan kong kalmahin ang aking sarili sa pagkakataong iyon pero hindi ko magawa. Halos pigil ang aking paghinga dahil sa labis na kabang nararamdaman ko. Nang lumingon ako sa aking likuran ay agad kong napansin ang ilang pares ng mga matang kulay pula na nakasunod sa amin. Hindi ko na iyon sinabi pa kina Alex. Hinigpitan ko na lamang ang pagkakahawak sa kaniyang kamay at mas binilisan pa ang paglalakad.
Nang makalabas kami ng Sinaag ay mas lalo akong kinabahan. Ibig sabihin ay mas malaki ang tiyansa na mahabol nila kami.
“Anon ang gagawin natin?” kabadong tanong ni Ilah.
“Wala tayong ibang choice kundi tumakbo. Kailangan nating makalayo sa kanila. Kung hindi, paniguradong gagawin nilang lahat para makuha si Kierra.” ani Raven.
Mas lalong humigpit ang hawak ni Alex sa aking kamay. Nagpatuloy kami sa pagtakbo hanggang sa tuluyan kaming makalayo sa Sinaag. Hindi ko na alam kung nasaan na kami. Hindi na rin ako nagtanong pa dahil ayokong mabaling ang atensiyon nila sa ibang bagay. Sa ngayon ay kailangan lang naming masigurong hindi kami mahahabol ng mga Ravena. Nang makarating kami sa ilog ay huminto sandali sina Ilah at Raven.
“Hindi ko alam kung bakit niyo inilalayo sa amin si Kierra, gayong parte rin naman kami ng kaniyang pagkatao.”
Agad kaming napabaling sa taong nagsalita sa kabilang parte ng ilog. Kumabog ang aking dibdib nang makita ko si Lance na matamang nakatitig sa akin.
“Bakit kailangan mong lumayo sa amin, Kierra?”