LIPAD 13

1190 Words
“Maligayang pagdating sa Pamilihan ng Sinaag.” masayang sambit ni Ilah. Napahinto ako sa paglalakad nang makita ang malawak na pamilihan sa hindi kalayuan. Mali ang aking hinala. Akala ko noong una ay simpleng pamilihan lamang ito. Nagkamali ako dahil para itong isang malawak na kaharian na napupuno ng iba’t ibang tindahan. Malayo pa kami sa malawak na gate nito, pero tanaw ko na ang napakaraming mga mamimili. “Napahanga ka hindi ba?” nakangising tanong ni Raven. Nakangiti naman akong tumango. “Hindi ko akalaing ganito kalawak ang lugar na ito.” Natawa naman si Ilah. “Ganiyan din ang reaksiyon ko noong unang dalhin ako rito ni Inang. Isa iyon sa araw na hindi ko makakalimutan.” Bumaling sa akin si Ilah at pinagmasdan ang aking mga mata. “Kitang-kita ang pagkakaiba ng kulay ng iyong mga mata, Kierra. Hindi ka namin puwedeng hayaan na pumasok ng Sinaag ng ganiyan. Paniguradong may makakakilala sa’yo dahil sa hitsura ng iyong mga mata.” Kumunot ang aking noo sa aking narinig. “Anong ibig mong sabihin? Iiwan niyo lang ako rito?” Umiling naman siya agad. Lumapit siya kay Raven sandali at may inibulong dito. Maya-maya ay may inilabas si Raven na kung ano sa kaniyang suot na bag. “Gunting? Aanuhin mo ang gunting?” naguguluhang tanong ko. Ngumiti lang siya sa akin at saka naglakad palapit. Marahan niyang hinawakan ang aking buhok. “Anong gagawin mo, Ilah?” tanong ni Alex sa kaniya. “Bangs.” tipid niyang sagot. “Ha?” hindi makapaniwalang tanong ko. “Bangs. Lalagyan kita ng bangs.” Bahagya akong umatras. “Teka, sandali.” Napabuntong hininga naman siya dahil sa ginawa ko. “Please, Kierra. Huwag ka nang tumanggi. Kailangan mo ito. Para hindi mapansin ng mga tao ang mga mata mo. Kailangan lang natin na habaan ang pagkakagupit nito para matabunan ang iyong mga mata.” Napatingin naman ako kay Alex. Nang makita ko siyang tumango sa akin ay napabuntong-hininga na lamang ako. Paano ba ito? Hindi pa naman ako sanay na naglalagay ng bangs. Naiirita lang ako dahil may nakaharang sa mga mata ko. Sinubukan din ni Mama dati na lagyan ako ng bangs pero hindi ko nagustuhan. Nangako ako sa sarili ko noon na hindi na ako uulit. Tapos ngayon… “Sige na, Kierra. Para na rin iyan sa iyong kaligtasan.” Ano pa nga bang magagawa ko? Si Ilah ang nag-asikaso ng aking buhok. Hindi naman siya nagtagal sa paggupit. “Ayan, ayos na.” saad ni Ilah saka agad na isinauli ang gunting kay Raven. “Ang ganda mo, Kierra. Bagay sa’yo.” Napanguso naman ako kay Raven. “Paano naging bagay sa akin? Hindi na nga ako makakita nang ayos.” reklamo ko. “Mas okay na iyan kaysa makilala ka ng mga nilalang sa Sinaag at ibenta pa tayo sa mga Ravena. Gusto mo bang dalhin ka ng mga Ravena sa Halconia? Ha?” Marahan naman akong umiling. Naiintindihan ko namang pinoprotektahan lang nila ako. Kaya lang, naiirita talaga ako sa buhok na humaharang sa mga mata ko. “Hahaba din naman ‘yan.” saad ni Alex bilang pampalubag loob. “Tayo na.” Parang isang malawak na disyerto ang Sinaag dahil tuyo na tuyo ang lupa nito. Kapag umiihip pa ang hangin ay may dala itong alikabok. Ngunit hindi ko maiwasang mamangha nang makita na para bang may sumasangga sa alikabok, dahilan para hindi ito makapasok sa mismong Sinaag. “Invisibility Cover. Isa sa mga hinahangaan kong parte ng Sinaag ay ang cover nito sa alikabok, ulan at kung anu pa mang uri ng unos.” sambit ni Raven habang nakabaling siya sa bagay na tinitingnan ko. Bawat mga nilalang na madadaanan namin ay napapatingin sa aming gawi. Kapag nakakakita ako ng mga nilalang na nakakatakot, lumalapit ako kay Raven para kumapit. Hindi tuloy nito maiwasang matawa sa tuwing kakapit ako sa kaniya. “Hindi ko talaga maiwasang magtaka kung bakit ka natatakot sa kanila. Eh dapat nga sila ang takot sa iyo?” Sinamaan ko siya nang tingin. Sino ba naman kasing hindi matatakot kapag nakakakita ka ng malaking gagamba na nagsasalita? O hindi kaya ay manananggal na malayang umiikot sa Sinaag? Hindi ito normal! “Masasanay ka rin Kierra. Sa susunod na balik mo rito, hindi ka na matatakot nang ganiyan.” ani Alex. “Nakita ko na ang bilihan ng sandata.” tuwang sambit ni Ilah. Hinila niya ako palapit sa isang tindahan ng mga espada. “Manong Kio. Magandang umaga ho.” bati ni Raven sa matandang nagbabantay. Nang makilala siya nito ay agad na tumayo ang matanda saka masayang yumakap kay Raven. “Hindi ko kayo nakilala sa tagal niyong hindi nakabisita sa akin dito sa Sinaag.” Pinapasok kami nito sa loob ng kaniyang tinutuluyan. Pinaghanda pa kami nito ng makakain kahit na ilang beses na tumanggi si Alex. “Naku, kumain na kayo. Mas makabubuti na may laman ang inyong sikmura bago kayo muling maglakbay patungo sa Avila.” Ngumiti muli ang matanda. Akmang tatalikod na ang matanda nang mapatingin ito sa akin. Agad naman akong yumuko. “Sino pala itong bago niyong kasama?” “Ah, si Kierra ho. Taong-ibon din ho, Manong Kiko. Narito pala kami para bumili ng kaniyang magiging sandata.” Kumunot ang noo ng matanda. “Bakit? Sa edad niyang iyan ay wala pa ba siyang sandata? Hindi ba ay nakagawian ng mga Mulawin na sa edad na labing-dalawa ay magkakaroon na sila ng sandata?” Natahimik naman kaming apat sa sinabi ng matanda. Sa totoo lang, ngayon ko lang din nalaman ang tungkol doon. “Ang totoo po kasi niyan Manong Kiko—” “Nasira po kasi ang kaniyang sandata manong Kiko noong nag-eensayo kami kamakailan lang. Kaya kailangan niya po ng bago.” Pagputol ni Alex sa sasabihin sana ni Ilah. Nakita ko ang marahang pagyuko ni Ilah at pagsiko ni Raven sa kaniya. Tumango naman ang matanda saka tinawag ako nito sa labas. Sumama na rin sa akin si Alex para na rin matulungan niya ako sa pamimili ng sandata. “Nakapagtataka, parang hindi pa kita nakita hija.” saad ng matanda. Dahil hindi ko alam kung anong sasabihin ko ay ngumiti nalang ako sa matanda. Matagal kong pinagmasdan ang mga sandatang naroon pero may isang natatangi sa mga ito na labis kong nagustuhan. Kinuha ko ito at agad na hinawakan. “Naku, hindi puwede sa iyo ‘yan, hija. Ginawa ko ‘yan para sa sugo ng mga Mulawin. Para sa anak ni Amira.” Akmang kukunin nito ang sandata sa akin nang bigla ko itong ilayo sa kaniya. “Ibig sabihin, para po ito sa akin.” sambit ko saka hinawi ang buhok na humaharang sa aking mata. Halos mapaatras ang matanda nang makita niya ang aking mukha, partikular na ang aking mga mata. “Paanong?...” “Siya po ang anak ni Amira, Manong Kiko. Siya ang anak nina Amira at Dawis.” Gulat na bumaling ang matanda kay Alex at pagkalipas ng ilang sandali ay bumaling ito sa akin muli. Marahan itong yumukod bilang pagbibigay galang. “Maligayang pagbabalik, Mithi.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD