LIPAD 12

1628 Words
“Hindi ko akalaing magagawa mo iyon. Hindi lang ako ang napahanga mo, pati na rin ang mga kasama natin. Pati ang Tres Aves.” sambit ni Ilah nang samahan niya akong uminom sa batis. Pagkatapos kasi ng aming duwelo ni Felix ay pakiramdam ko naubusan ako ng tubig sa katawan. Nagbalik na rin ako sa pagiging tao. Nakapagtataka ring kusang nawala sa pagkakatarak ang ugat-pak sa aking gulugod. “May gusto lang akong itanong tungkol sa aking ugat-pak. Hindi ko kasi alam kung bakit ganoon. Bigla nalang siyang tumarak sa gulugod ko kanina.” Napatahimik si Ilah sa isang lugar. Halata sa kaniyang nag-iisip din siya. “Sa totoo lang, hindi ko rin alam. Ngayon lang ako nakakita ng isang taong-ibon na kusang tumatarak ang kaniyang ugat-pak sa gulugod. Lahat ng taong ibon ay kailangan pa kasing gumamit ng kamay at puwersa. Kaya naguguluhan din ako.” Hinawakan niya ako sa kamay at seryosong tumingin sa akin. “Huwag kang mag-alala, kapag nakauwi na tayo sa Avila, itatanong agad natin kay Haring Alastor ang tungkol diyan.” “Haring Alastor?” kunot-noong tanong ko. Alam ko ay may nabanggit si Ilah sa akin na Alastor pero hindi gaanong tumatak iyon sa aking isipan. “Si Haring Alastor ang ama ng iyong ina. Siya ang iyong Lolo, Kierra.” Sa pagkakataong iyon, marami akong gustong itanong kay Ilah. Gusto kong malaman kung anong hitsura ng ama ng aking ina. Gusto kong malaman kung mabuti bai tong pinuno. Gusto kong malaman kung mabait ba siya. Kung gaano na siya katanda. Siya nalang kasi ang kapamilya ko sa Avila, kaya gusto kong malaman ang mga bagay-bagay tungkol sa kaniya. “Mabait si Haring Alastor, Kierra. At aminado siyang nagsisisi siya sa sinapit ng iyong ama at ina.” Ngumiti ako ng matipid at saka hinawakan ang kamay ni Ilah. Hawak ang kanyang kamay ay sabay na kaming bumalik sa kuweba kung saan naghihintay sa amin sina Raven at Alex kasama ang Tres Aves. “Mabuti naman at nakabalik na kayo. Akala namin ay kung ano na ang nangyari sa inyo.” Nag-aalalang sambit ni Alex. Nakita kong tumaas ang kilay ni Raven. “Anong “niyo”? eh ikaw lang naman ang nag-aalala riyan. Naku, huwag kayong maniwala sa sinabi niyong si Alexus. Siya lang talaga ang nag-aalala para kay Kierra.” Mahinang natawa si Ilah. Bumitaw siya sa pagkakahawak ko at ipinag-krus ang kaniyang braso habang nakaharap kay Alex. “Grabe naman mag-alala ‘yan. Parang hindi ka pa namin nakitang ganiyan ka-concern. Sa amin ni Raven, hindi ka naging ganyan, kahit tumilapon pa kami sa lupa ng ilang beses sa ensayo.” Napahawak naman si Raven sa kaniyang dibdib at nagpanggap na nasasaktan. “Ang sakit, Alexus.” saad ni Raven saka marahang napahawak sa balikat ni Alex. “Ewan ko sa inyo.” Naiiling na hinawi ni Alex ang kamay ni Raven. “Nag-alala lang ako kasi ang tagal nila sa batis.” “Wala kang dapat ipag-alala, Alexus. Sa ating lahat, si Kierra ang mas makapangyarihan. Naniniwala akong mas may ilalakas pa siya basta ba magabayan niyo siya nang maayos sa pag-eensayo.” ani Mayi. Naglakad ito patungo sa kinaroroonan ko at may iniabot na maayos pulseras. Kinuha niya ang aking kamay at isinuot iyon sa aking palapulsuhan. “Ito ang pulseras na nagsisilbing tanda na kami ay kaanib niyo. Mag-iingat kayo sa inyong paglalakbay. Nawa ay gabayan kayo ni Bathala at ni Dakila.” Sabay kaming yumukod sa bawat isa. “Maraming salamat sa inyong lahat.” sambit ko bago kami lumabas ng kuweba. Nais pa nga sana kaming ihatid ng tatlo sa dulong bahagi ng kagubatan pero tumanggi na kami. Ayaw na rin naming maabala ang kanilang pahinga. “Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala sa nagawa mo, Kierra. Amazing!” Tumawa ako sa sinabi ni Raven. “Ako rin naman, hindi ko rin alam kung paano ko iyon nagawa.” Nang huminto si Alex sa paglalakad at napahinto na rin kami. “Kailangan na ni Kierra na magkaroon ng kaniyang sariling sandata. Sa tingin ko ay kailangan nating dumaan sa pamilihan ng Sanaag bago tayo magpatuloy sa ating paglalakbay.” Tumingin ako kay Ilah dahil hindi ko naman alam kung saan matatagpuan ang pamilihan ng Sanaag. “Ano iyon?” “Ang pamilihan ng Sanaag ay natatanging pamilihan para sa iba’t ibang uri ng nilalang. Hindi lamang tayong mga taong-ibon ang nagtutungo sa ganoong lugar, maging ang iba pang mga nilalang na kakaiba rin. Makikita mo bukas, kapag narating natin iyon. Paniguradong mamamangha ka.” “Bukas? Bakit bukas pa? Malayo ba ang lugar na iyon?” Nagkatinginan naman silang tatlo at sabay-sabay na tumango. “Kung liliparin ay mabilis lang, pero hindi natin iyon puwedeng gawin dahil posibleng may mga Ravena na makakita sa atin. Kailangan ka naming ingatan.” Ani Alex. Marahan naman akong tumango. Ipinagpatuloy naming ang aming paglalakad. Nakikinig lamang ako sa kanilang pinag-uusapan. Habang tumatagal, naiintindihan ko na rin ang mga salitang hindi ko naririnig sa mundo ng mga tao. Napagkuwentuhan din nila ang unang beses nilang pumunta sa pamilihan ng Sanaag. Panay tawa lang sila kaya maging ako ay hindi maiwasang mapangiti. Nang sumapit ang gabi ay naghanap kami ng lugar na maaaring pagpahingahan. Habang inaayos naming ang tent na tutulugan ay bigla na lamang akong nakarinig ng pagaspas ng pakpak. “Ilah, mukhang may tao sa labas.” kinakabahang sambit ko. Kumunot ang noo ni Ilah at mabilis na hinawi ang ang bungad ng tent para silipin ang nangyayari.  Sa hindi kalayuan ay nakita namin si Alex at Raven na kausap ang mga taong-ibon na hindi pamilyar sa akin. Mukhang sila iyong narinig ko na dumating. Nang mapatingin ito sa amin ni Ilah ay marahan itong yumukod. Inanyayahan ni Alex na lumapit ito sa amin. Apat lamang sila at sigurado akong iyong lalaking kausap ni Alex ang kanilang pinuno. “Masaya ako at nagkaroon ako ng pagkakataon na makita ka, aming sugo.” saad nito sa akin. Ngumiti naman ako sa lalaki. “Kierra ang pangalan ko.” sambit ko saka inilahad ang aking kamay sa kaniya. Matagal siyang napatitig sa aking kamay. Mukhang nagdadalawang isip siya kung aabutin niya ba ito o hindi. “Sige na Raoul, ganiyan talaga ang paraan ng pagbati sa mundo ng mga tao.” Paliwanag sa kaniya ni Raven. Alanganin siyang ngumiti at saka inabot ang aking kamay.  “Narito kami para sana para pansamantalang hiramin ang ilang kawal, kailangan ng Avila ng dagdag proteksiyon dahil sa sunod-sunod na pagsalakay ng mga Ravena.” Wala namang pinatagal na oras pa si Alex. Ang anim na kawal na aming kasama ay pinasama niya sa grupo nina Raoul. “Mag-iingat kayong apat. Alexus, kailangan niyo nang umuwi ng Avila sa lalong madaling panahon.” Tumango naman si Alex. “Pakisabi sa mahal na hari na ligtas ang anak ni Amira.” Yumuko naman ito sa amin saka agad ding nagpaalam. Nag-aalalang mukha ni Ilah ang aking nakita nang bumaling ako sa kaniya. “Tayong apat nalang. Sana ay walang mangyari sa atin.” Marahan kong tinapik ang kaniyang balikat at saka naglakad-lakad muna sa paligid. “Hindi ka na natulog noong isang gabi, dapat ay matulog ka na ngayon. Napansin kong malaki ang lakas na kinukuha sa iyo ng iyong ugatpak at kapag naging tao kang muli ay nanghihina ka.” Bumaling ako kay Alex na kararating lang. “Huwag mo akong alalahanin. Okay lang ako.” “Alam mo bang ganiyan din ang naririnig ko kina Ilah. Palagi nilang sinasabing okay lang sila, pero ang totoo ay alam kong pagod na rin sila. Noong mga panahong nag-aaral ka pa sa mundo ng mga tao, wala silang magawa kundi sundan ka at siguraduhing ligtas ka. Nahati ang kanilang responsibilidad. Ang gabayan ka at ang kanilang gawain sa Avila. Pero wala akong ibang narinig sa kanila kundi ang salitang “okay lang ako”. At ni minsan, hindi ko pinaniwalaan iyon. Alam kong ayaw lang nilang magsabi ng totoo dahil baka bigla akong panghinaan ng loob.” Natahimik ako sa sinabi niya. “Hindi naman masama na magsabi ng totoo. Alam kong iniisip mo ang mga magulang mo. Iniisip mo kung anong mangyayari sa’yo, sa ating apat lalo na at tayo na lang ang magkakasama.” Marahan akong tumango. “Tama ka, hindi ako okay. At sinasabi ko lang iyon para hindi ka na mamroblema pa. Alam kong may iba ka pang iniisip at ayaw ko nang dumagdag pa roon. Isa pa, pakiramdam ko, kapag sinasabi kong okay ako, gumagaan ang pakiramdam. Napapaniwala ko ang aking sarili na ayos lang ako. Mahirap ipaliwanag, Alex. Alam kong hindi mo ako maiintindihan.” Umiling naman siya at inabot ang kamay ko. “Kung sino man ang nakakaintindi sa nararamdaman mo, ako iyon. Halos pareho tayo ng pinagdadaanan at ng nararamdaman. Mahirap. Mataas ang ekspektasyon ng konseho sa akin. Kapag nakabalik na tayo ng Avila ay paniguradong ganoon din ang mararamdaman mo.” Tumingin ako sa kaniyang mga mata. Nakita ko ang kalungkutan doon. “Minsan, pinangarap ko ring maging isang normal na Mulawin. Yung walang iniisip na problema kinabukasan. Yung sarili niya lang ang kaniyang iniisip.” “Nagsisisi ka ba at ikaw ang naging sugo?” tanong ko sa mahinang boses. Humugot siya ng malalim na hininga saka tumango. “Minsan na akong nagsisi. Pero noong unang beses kitang makita, nagbago ang pananaw ko. Noong makita kita,naramdaman ko agad ang tinataglay mong kapangyarihan. Sa pagkakataong iyon, naisip ko na hindi pa rin kami tinatalikuran ni Sandawa. Mayroon at mayroon talaga siyang ibibigay na tutulong sa amin. At ikaw iyon, Kierra.” Humugot ako ng malalim na hininga at bumaling sa madilim na parte ng kakahuyan. Sana nga ay matulungan ko sila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD