“Ayusin mong magluto ng isda ha. Kapag iyan hindi masarap, makukutusan kita.” pang-iinis ni Ilah kay Raven na ngayon ay abala sa pag-iihaw ng isda.
Nakaupo na sa aking tabi si Ilah. Katulong nina Alex at Raven ang iba pang mga kawal na Mulawin sa paghahanda ng pagkain.
“Hindi ba dapat ay tumutulong tayo sa kanila? Nakakahiya namang narito lang tayo.”
Tumingin sa akin si Ilah at saka marahang umiling.
“Nope, nope. Hindi puwede. Ikaw ang sugo.Sa ibang tawag, ikaw na ang Prinsesa. Kaya dapat lang na paghandaan ka nila ng pagkain.”
Sinamaan ko nang tingin si Ilah.
“Alam mo naman diba na hindi ako mahilig sa ganiyan. Lumaki naman akong hindi kailangang pagsilbihan. Sanay akong tumutulong sa mga trabaho, Ilah.” Sabi ko sa kanya.
Akmang tatayo na ako nang bigla niya akong hinawakan sa braso at muling pinaupo sa batuhan. Ngumiti siya sa akin at umiling.
“Hindi. Dito ka lang. Hayaan mo na sila roon.”
Imbes na makipagtalo pa ako sa kaniya ay pinili ko na lamang na tumahimik habang nagmamasid sa kawal at kina Alex at Raven.
Makalipas ang ilang minuto ay tinawag na kami nito. Nang makita ko ang kanilang inihanda ay agad akong nagpasalamat sa mga ito. Lalo na sa mga kawal na nagpakahirap sa paghuli ng mga isda.
Pinamunuan ni Ilah ang panalangin bago kami kumain.
“Maraming salamat sa effort niyo sa paghuli ng mga isda.” nakangiting sambit ko kay Alex.
Ngumiti siya sa akin at saka kinuhanan ako nito ng isda at pinaghimay pa. Ilang beses akong tumanggi pero hindi niya ako pinakinggan. Hindi tuloy maiwasan nina Raven at Ilah na mapatingin sa amin, maging ng ibang kawal. Hindi ko tuloy alam kung ngingiti ako sa kanila o ano. Hindi ko maiwasang mahiya dahil baka isipin nila ay may something sa aming dalawa kahit wala naman.
“Ako na Alex. Kaya ko naman.” saad ko sa kaniya at pilit na kinukuha sa kaniya ang dahon ng saging kung saan niya inilalagay ang nahimay na isda.
Pagkakuha ko niyon ay agad akong lumipat ng posisyon sa tabi ni Ilah. Bigla namang nagbago ang ekspresyon ni Alex dahil sa ginawa ko.
“Bakit mo naman ginawa ‘yon?” tanong ni Ilah sa akin habang nagliligpit kami ng mga pinagkainan namin.
Nakagat ko ang aking ibabang labi habang nakamasid kina Alex at Raven sa hindi kalayuan. Humugot ako nang malalim na hininga.
“Hindi ko naman ginusto, okay? Nag-panic lang ako. Alam mo namang hindi ako sanay sa mga ganoon. Saka ang nasa isip ko noon ay baka iba ang isipin niyo sa paraan ng pakikitungo niya sa akin.”
Umayos sa pagkakatayo si Ilah at saka humarap siya sa akin.
“Wala namang kaso sa amin iyon. Natural lang iyon para sa inyong dalawa. Kayo ang nakatakdang mamuno sa Avila. Pasasaan ba’t kayo rin naman ang nakatadhana para sa isa’t-isa. Napakatagal kang hinintay ni Alex, Kierra. Asahan mo nang magiging ganoon ang pakikitungo niya sa iyo.”
Kumunot ang aking noo nang marinig ko ang sinabi ni Ilah. Anong ibig niyang sabihin sa parteng kami ni Alex ang nakatadhana para sa isa’t isa?”
“Kaming dalawa? Anong ibig sabihin noon?”
Tumingin siya nang diretso sa aking mga mata at humawak sa aking balikat.
“Oo, Kierra. Kayo ni Alex ang nakatakda para sa isa’t isa. Kayo ang sugo ng ating lahi. Kayo rin ang magpapatuloy nito.”
Bumaling siya kay Alex na nagsisimula nang mag-ayos ng mga gamit nito.
“Napakasuwerte mo dahil siya ang nakatadhana para sa iyo. Napakabuting tao ni Alexus. Isa rin siya sa mga pinakamagiting na mandirigmang mulawin na lumalaban sa digmaan. Napakaraming mga Mulawin ang nagnanais na mapansin niya.”
Huminto si Ilah sa pagsasalita at tumalikod na para asikasuhin ang kaniyang sandata.
“Pati ba ikaw ay nagnais din na mapansin ni Alex?”
Narinig ko ang kaniyang malalim na pagbuntong-hininga.
“Noon. Pero matagal ko na ring natanggap na kahit kailan ay hindi niya ako magugustuhan.”
Pagkalagay niya nang kaniyang sandata sa kaniyang tagiliran ay muli siyang humarap sa akin.
“Sa buong buhay ni Alex ay wala siyang ibang Mulawin na minahal. Noon ay nagtataka ako kung bakit. Pero ngayon, alam ko na ang dahilan. Dahil ang puso niya ay para sa iyo lang. Kaya kung ako sa’yo, humingi ka na nang patawad sa kaniya dahil sa ginawa mong paglayo sa kaniya kanina. Paniguradong sumama ang loob niyon.”
Pagkasabi niya niyon ay agad siyang naglakad patungo kay Raven at hinila na ito palayo kay Alex. Sa totoo lang, hindi ko alam kung tama bang ganoon ang mangyari sa amin. Wala ba kaming karapatang mamili ng mamahalin naming? Hindi naman sa pinangungunahan ko ang mangyayari. Pero paano kung ma-realize namin na hindi pala namin gusto ang isa’t isa? Dapat ba ay sumunod nalang kami sa nakasaad sa propesiya?
Humugot ako nang malalim na hininga at saka naglakad patungo sa kinaroroonan ni Alex. Nang makarating ako sa kaniyang harapan ay agad kong kinuha ang kaniyang kamay at marahang pinisil ito.
“Pasensiya na kanina. Hindi ko sinasadya. Gusto ko lang malaman mo na hindi ako sanay na may nag-aasikaso sa akin lalo na at isa pang lalaki. Nasanay kasi ako na ako ang nag-aasikaso para sa sarili ko. Sana hindi ka galit.”
Tipid siyang ngumiti sa akin at hinigpitan din ang kapit sa aking kamay.
“Nais ko lang na magkalapit tayo kaya ko iyon ginawa. Alam kong hindi mo ugali na dumepende sa ibang tao. Pero gusto ko lang na malaman mong maaari kang dumepende sa akin kahit kailan mo gusto nang walang kapalit, Kierra.”
Ngumiti ako sa kaniya at marahang tumango.
“Maraming salamat, Alex.”
Ipinagpatuloy namin ang paglalakbay patungo sa tirahan ng mga Tres Aves. Sa pagkakataong ito ay mas may lakas na ako dahil nabusog ako sa pagkain na kinain namin kanina. Nasa tabi ko lamang si Alex habang sina Ilah ay nasa aming harapan.
“Magmatiyag kayong mabuti sa paligid dahil maraming patibong sa paligid ng tahanan ng mga Tres Aves.” Paalala sa amin ni Raven.
Gaya nang sinabi nito, agad kong iginala ang aking paningin. Hindi rin sinasadya na napatingin ako sa taas ng puno. Napakunot ang aking noo nang may makita akong isang hayop na malaki na nagtatago sa sanga nito.
“Alex.” agad kong tawag sa kaniya. Humawak pa ako sa kaniyang braso dahil kinakabahan na naman ako.
Ano na naman ba ito? Kanina may hunyango kaming nakita, tapos ngayon ibang uri ng nilalang naman.
“Mga musang!”
Pagsigaw ni Alex ay agad na naging alerto ang mga kawal sa pagbabantay sa paligid. Ang akala ko ay nag-iisa lamang ito, ngunit nagkamali ako. Parang mga hunyango kanina ay isa-isa ring naglabasan sa mga sanga ang mga musang. Kalahating tao at kalahating pusa ang hitsura nito.
“Huwag kayong matakot, mga kakampi sila!” sigaw ni Ilah.
“Paano ka nakakasiguro? Alam nating matagal nang tumalikod ang mga musang sa mga Mulawin magmula noong mamatay si Reyna Anya at Haring Almiro.” Sagot naman sa kaniya ni Alex.
Naramdaman ko ang paghawak ni Alex sa aking beywang. Marahil ay paraan niya para maprotektahan ako. Muntik pa akong mapatili nang biglang tumalon ang mga ito sa lupa. Napapikit ako at napayakap kay Alex.
“Totoo nga ang sabi ng ibang mga nilalang. Nagbalik na nga ang anak nina Amira at Dawis.”
“Oo, nagbalik na ang nararapat na pinuno ng Avila. Kung kaya’t kailangan niyo nang muling makipagtulungan sa amin.”
Bumaling ang musang kay Ilah.
“Hindi kami sigurado tungkol sa bagay na iyan. Isa rin siyang Ravena dahil ang kaniyang ama ay isang puro. At may narinig kaming balita galing sa Halconia. Galing mismo kay Reyna Eliana.”
Kumunot ang noo ni Ilah sa kaniyang narinig.
“Reyna Eliana? Ang kasalukuyang pinuno ng mga Ravena?”
“Tama ka. At ayon sa kaniya, nakatakdang maging pinuno ng Halconia ang anak ni Haran at nakatakda rin itong maging asawa ng kaniyang anak na si Lance.”
Marahan akong bumaling sa musang na nagsalita. Marahan itong naglakad patungo sa akin ngunit agad din siyang hinarang ng mga kawal. Hindi nito inalis ang kaniyang paningin sa akin.
“Tunay ngang napakaganda ng anak ni Amira. Kamukhang-kamukha niya ang sugo ng dalawang lahi. Pero hindi maitatanggi ng iyong mga mata na isa kang Ravena. Kalahating berde at kalahating pula. Nakamamangha!”
Ano bang pinagsasabi nito? Pagkalipas ng ilang sandali ay biglang sumakit ang aking mga mata. Napapikit ako nang mariin dahil sa labis nitong pagkirot Naramdaman ko ang pag-alalay sa akin ni Alex.
“Kierra!” tawag ni Ilah sa akin.
Hinawakan niya ang aking magkabilang pisngi at iniangat ang aking mukha.
“Anong nangyayari sa iyo?”
“Hindi ko alam, sumakit bigla ang aking mga mata.” sagot ko sa kaniya.
Ilang sandali pa ay unti-unti kong naramdaman ang paglaho ng kirot nito. Dahan-dahan akong nagmulat ng aking mga mata. Pagtingin ko kay Ilah ay nakita ko ang pagbabago ng kaniyang ekspresyon.
“Ang iyong mga mata.” nag-aalalang sambit niya.
Bakas din sa mukha nina Alex at Raven ang pangamba sa kanilang nakita. Nang marinig ko ang pagpalakpak ng musang ay agad akong napabaling dito.
“Ang pinakamalakas na nilalang na nagmula sa lahi ni Dakila. Tunay na nakamamangha.”
Muli akong bumaling kay Ilah.
“Anong nangyari sa akin? Sa mga mata ko?”
Humugot siya nang malalim na hininga.
“Nagbago ang kulay ng iyong mga mata. Ang isa ay naging kulay berde, patunay na isa kang Mulawin, habang ang isa naman ay kulay pula na nagpapatunay na mayroon kang dugong Ravena.”
Sa pagkakataong iyon ay hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. Pakiramdam ko ay pasan ko ang buong daigdig.
“B-babalik pa ba sa normal ang kulay ng aking mga mata, Ilah?”
Marahan siyang umiling.
“Ikinalulungkot kong sabihin ngunit hindi na. Iyan na ang normal para sa iyo.”
Naramdaman ko ang paghawak ni Raven sa aking braso.
“Huwag kang mag-aalala, kahit ano ka pa, tanggap ka namin. Isa ka pa ring Mulawin, Kierra.”
Unti-unti kong naramdaman ang pag-init ng palibot ng aking mga mata at ilang sandali pa ay tumulo na ang luha sa aking pisngi.
“Simula pa lamang ito ng bagong buhay mo, Kierra. Hindi ka namin iiwan. Kaya dapat ay tatagan mo rin ang iyong loob.” Sambit ni Ilah.
Marahan akong tumango at pinunasan ang luha sa aking pisngi. Naramdaman ko ang pagdampi ng daliri ni Alex sa aking pisngi.
“Ikaw pa rin ang pinakamagandang Mulawin na nakilala ko.” aniya sa pinunasan ang natitirang luha sa aking mukha.
Tumalikod naman si Ilah nang makita niya ang ginawa ni Alex. Nagtungo siya sa mga musang at seryosong nakipag-usap sa mga ito. Mabilis na nagsialisan ang mga musang pagkatalikod sa kanila ni Ilah.
“Kailangan na nating magmadali. Malapit nang mag-alas dose.” sambit ni Ilah.
Nauna na siyang maglakad para pangunahan ang paglalakbay. Mabilis namang tumakbo si Raven para habulin siya.
“Okay ka na ba?” tanong sa akin ni Alex.
Marahan akong tumango sa kaniya. Bago kami nagpatuloy sa paglalakad at hinawakan niya ang kamay ko kaya napatingin ako agad doon.
“Para maramdaman mong hindi ka nag-iisa.”
Tipid akong ngumiti sa kaniya at mahigpit na rin akong humawak sa kamay niya.