“Mabuti naman at bumalik na kayo. Akala namin ay kung napaano na kayong dalawa sa gubat.” bungad sa amin ni Ilah pagkabalik namin sa kinaroroonan ng mga karamihan ng mga Mulawin.
“Sa susunod, kapag aalis kayo, o isa man sa inyo ay magpaalam naman kayo para hindi kami na nangangamba sa inyong kaligtasan.” seryosong sambit ni Raven.
Tipid akong ngumiti sa kanilang dalawa at saka tinapik ang kanilang balikat.
“Wala kayong dapat ipag-alala. Kasama ko naman si Alex. Hindi ako mapapahamak.”
Nang bumaling sa akin si Alex ay agad akong ngumiti sa kaniya.
Dahil magliliwanag na, nagsimula na ring ligpitin ng mga kawal na Mulawin ang kanilang itinayong pansamantalang tulugan. Habang naroon kami sa aming kinatatayuan ay bigla akong nakaramdam ng kakaiba. Hindi ko mawari kung ano iyon pero malakas ang pakiramdam kong may mga taoong nagmamasid sa amin sa paligid.
Nang inikot ko ang aking paningin ay saka naman nagtaka ang aking mga kasama.
“Kierra, bakit?” tanong sa akin ni Ilah.
“Hindi ko alam pero parang mayroong mali sa paligid. Malakas ang aking pakiramdam na may ibang nagmamasid sa atin.”
Nang marinig nila ang aking sinabi ay agad silang humugot ng kanilang sandata.
“Magtiyag kayong lahat sa paligid mga kawal.” Sigaw ni Alex sa iba pang mga Mulawin.
Nang bumaling ako sa bandang puno ay mayroon akong nakita roong kakaiba. Hindi ko mawari kung anong hitsura nito dahil sa biglang pagbabagong anyo nito. Nanlaki ang aking mata nang makita ang isang uri ng halimaw na ni sa aking panaginip ay hindi ko pa nakikita.
“Mga hunyango!” sigaw ni Raven para magbigay alam sa karamihan.
Agad akong napalunok nang makita na hindi lang ito nag-iisa. Napakarami nilang unti-unting naglalabasan sa likuran ng mga puno. Ang kanilang kulay ay berde at napakapangit ng kanilang hitsura.
“Ang sugo ng lahi ng mga Ravena.”
Napakunot ang aking noo nang maintindihan ang sinambit ng isa sa kanila. Hindi ko alam kung bakit ko sila naiintindihan gayong kakaiba ang kanilang salita.
“Hindi ko kayo kilala. At hindi ako sugo ng mga Ravena. Mula ako sa lahi ng mga Mulawin at lahing mulawin ang aking pinipili.”
Napatingin sa akin sina Ilah.
Bigla namang tumawa ang mga hunyango.
“Kakatuwa. Para ka ring si Gabriel noon. Pilit na itinatanggi na hindi siya isang Ravena. Pero kahit anong pilit mong itakwil ang iyong lahing pinagmulan, lalapit at lalapit pa rin sa iyo ang katotohanang isa ka sa nakatakdang mamuno sa lahing Ravena. Tingnan mo, naiintindihan mo ang aming wika. Isa iyang patunay na isa kang Ravena.”
Pakiramdam ko ay nagulo ang aking isipan nang marinig ang pangalang Gabriel. Hindi ko alam kung nabanggit na iyon sa akin ni Ilah noong magkuwento siya pero pakiramdam ko ay may koneksiyon sa akin ang Gabriel na binanggit ng mga ito.
“S-sino si Gabriel?” tanong ko kay Alex.
“Sa kaniyang lahi nanggaling ang iyong ama.”
“Matutuwa ang Reynang Eliana kapag nalaman niyang natagpuan ng mga Hunyango ang nawawalang sugo.”
Pagkatapos nitong magsalita ay bigla na lamang silang naglaho sa aming paningin.
Bigla akong napaupo sa lupa nang maramdaman ang malakas na pagtibok ng aking puso. Agad naman akong nilapitan ni Ilah upang tanungin kung ayos lang daw ba ako. Tumango naman ako at saka pinilit ang aking sarili na tumayo. Ngunit katatayo ko pa lamang ay unti-unti akong nakaramdam ng pagsakit ng aking gulugod.
Halos mapasigaw ako sa sakit na aking naramdaman nang maramdaman kong parang bumabaon at pumapasok sa aking likuran ang aking pakpak. Muli ay bumagsak ako sa lupa ngunit sa pagkakataong ito ay naitukod ko na ang aking braso bilang suporta sa aking katawan, para hindi ako bumagsak nang tuluyan.
“Kasabay ng pagsikat ng araw ay pag-urong ng iyong pakpak. Tutubo lang itong muli kapag sumapit ang takipsilim. Dahil matagal mong hindi nalaman ang tungkol sa iyong ugatpak ay nanghina ito. Kumuha rin sa iyong ugatpak ng lakas ang puno ng Mulawin para manatili itong buhay. Kayo ni Alex at ang inyong mga ugatpak ang bumubuhay sa puno ng Mulawin at sa ating lahi, Kierra.”
Marahang iniluhod ni Alex ang isa niyang tuhod sa lupa para mapantayan ako. Hinawakan ni Alex ang kamay ko at marahan itong pinisil.
“Nandito lang ako.”
Pagod akong tumango sa kaniya. Hindi ko mawari kung bakit ganito ang aking pakiramdam. Noong mayroon akong pakpak, ang lakas ng aking katawan. Pero noong dumating ang liwanag ay bigla akong nanghina.
“Ayos ka lang ba?”
Napabaling ako kay Raven nang marinig ang kaniyang tanong. Ngumiti ako sa kaniya at marahang tumango.
“Ayos lang naman.” Pagsisinungaling ko.
Ang totoo niyan, pakiramdam ko ay bibigay na ang katawan ko dahil malayo-layo na rin ang aming nilakbay. Hindi ko mawari kung bakit kami naglalakad sa gitna ng kagubatan ngayon.
“May itatanong ako sa’yo.”
Agad naman niyang ibinaling sa akin ang kaniyang atensiyon.
“Bakit tayo naglalakad sa gubat?”
Huminto siya sa paglalakad kaya maging ako ay napahinto na rin.
“Kailangan nating puntahan ang Tres Aves.”
Bahagyang kumunot ang aking noo nang marinig ang binanggit ni Raven. Tres Aves? Ano iyon?
“Hindi lang naman mga Mulawin ang mga taong ibon sa buong mundo. Marami sila. Ang Tres Aves ng henerasyong ito ay anak na ng tatlong Tres Aves na malaki ang naitulong noon sa digmaan ng dalawang lahi. Ang Tres Aves noon, sila ang nakapatay sa Buwarka sa ikalawang pagkakataon. Kung sakali mang mapasakamay ng mga Ravena ang gintong binhi at binuhay nilang muli ang buwarka, paniguradong mauubos ang ating lahi. Kung kaya kinakailangan natin ang tulong ng Tres Aves.”
Nang mapansin nina Alex at Ilah na huminto kami ay nagpasya itong maglakad pabalik para kumustahin kaming dalawa.
“Ipinaliwanag ko lamang kay Kierra kung ano ang dahilan kung bakit tayo naglalakbay sa kagubatan.”
Ngumiti naman si Ilah sa akin.
“Wala kang dapat ikabahala. Kasama mo kami. Isa pa, hindi naman mahirap kausap ang bagong henerasyon ng Tres Aves.”
Mahinang tumawa si Raven. Tumaas tuloy ang kilay ni Ilah at sinamaan siya nito ng tingin.
“Bakit?” natatawang tanong ni Raven sa kaniya.
“Naririnig ko ang pang-aasar sa tawa mo.”
“Sino ba naman kasing hindi matatawa sa sinabi mo. Baka nakakalimutan mong may pagkamayabang ang anak ni Palong na si Felix. Naalala mo noong tinalo ka niya sa isang palaro noong mga bata pa tayo? Galit na galit ka sa kaniya hindi ba at magmula noon ay hindi na kayo nagkasundo.”
Inirapan siya ni Ilah.
“Hindi lang naman si Felix ang miyembro ng Tres Aves. Nariyan si Mayi at Leon. Iyong dalawang iyon ay malapit sa akin.” paliwanag ni Ilah.
Tumango na lamang si Raven sa sinabi niya.
“Tama na ‘yan. Magpatuloy na tayo sa paglalakad. Kailangan na nating makarating doon bago pa sumapit ang tanghali.” ani Alex.
Nang biglang tumunog ang aking sikmura ay napatingin sila sa akin. Napahawak ako agad sa aking tiyan at alanganing napangiti sa kanila.
“Hindi pa ba tayo kakain?” nahihiyang tanong ko.
Nagkatinginan silang tatlo saka sabay-sabay na natawa. Hindi ko tuloy alam kung matatawa rin ako o maiinsulto sa reaksiyon nila.
Pansamantala kaming nagpahinga sa tabi ng ilog habang ang mga kawal kasama si Raven at Alexus ay nanghuli ng isda.
“Kumakain ka naman siguro ng isda ano?” tanong ni Ilah habang naghahanda ito ng kahoy na gagamitin mamaya sa pagluluto. Ilang beses akong nagsabi na tutulong ako pero hindi siya pumayag. Nararamdaman daw kasi niyang pagod ako, hindi lang ako nagsasabi sa kaniya.
“Oo kumakain naman.”
Ngumiti siya sa akin at saka nagsimulang magkaskas ng bato. Ilang sandali lang ay umapoy na ito at iyon ang kaniyang ginamit para magpaapoy ng mga kahoy. Nang maihanda niya na ang apoy ay tumayo na siya at saka lumapit sa akin. Umupo siya sa aking tabi at kinuha niya ang aking kamay.
“Kierra. Alam kong mahirap ang mga nangyayari sa’yo ngayon. Alam ko ring gusto mong magpakatatag at magmukhang matapang, pero hindi naman kabawasan sa pagkatao mo kung magsasabi kang napapagod ka minsan. Hindi mo kailangang magpanggap na ayos lang palagi. Taong-ibon tayo. Mayroon din tayong nararamdaman katulad ng mga normal na tao.”
Tumingin ako sa kaniya at marahang pinisil ang kaniyang kamay.
“Bigla lang akong nawalan ng lakas noong bumalik ako sa pagiging tao kanina. Pakiramdam ko ay naubos ang lakas ko, Ilah.”
“Alam mo bang ang pinagdadaanan mo ngayon ay minsan ding napagdaanan nina Alwina at Aguiluz? Noong mapadpad sila sa mundo ng mga tao noon, nawala ang kanilang mga alaala dahil wala rin sa kanila ang kanilang mga ugatpak. At nang gamitin nilang muli ang kanilang ugatpak ay nanghina rin sila kapag bumabalik sila sa pagiging tao kapag sumapit ang umaga.”
Yumuko ako at napatingin sa mga maliliit na bato. Bahagyang gumaan ang aking pakiramdam dahil sa aking nalaman. Ibig sabihin ay hindi rin pala ako ganoon kahina at hindi lang ako ang nakaranas ng ganito.
“Nariyan na sila!” tuwang sambit ni Ilah nang makita sina Raven na may dalang mga nahuling isda.
Tumayo si Ilah para salubungin sila. Habang ako ay nakatanaw lamang sa kanila. Ang mga ngiti sa kanilang labi ang isa sa mga nagbibigay sa akin ng lakas sa ngayon. Sana ay hindi iyon maglaho.