“Hindi ka ba makatulog?”
Bumaling ako kay Ilah nang marinig kong magsalita ito sa aking likuran. Marahan akong umikot para humarap sa kaniya. Bahagya kasi akong nahihirapan dahil sa aking pakpak. Pakiramdam ko ay napakabigat nito. Gayunpaman, nararamdaman kong mas mabigat pa sa aking pakpak ang responsibilidad ko sa panibagong mundong aking tatahakin.
Tumango ako sa kaniya bilang sagot.
“Hindi ko alam. Ayaw lang talaga akong dalawin ng antok.”
Marahan niyang hinawakan ang aking magkabilang balikat. Magaan siyang nakakagalaw ngayon dahil wala na siyang pakpak. May parte sa akin na naiinggit ako dahil kahit kailanman nila gustuhin ay maaari nilang itago ang kanilang pagkatao. Samantalang ako ay hindi makontrol ang sarili kong pakpak.
“Nababasa ko ang iyong isipan, Kierra.”
Humugot ako ng malalim na hininga at muling tumalikod sa kaniya.
“Pasensiya na. Ang bigat lang kasi talaga.”
Naramdaman ko ang pag-init ng palibot ng aking mga mata. Ilang sandali pa ay bumagsak na ang luha sa aking pisngi. Mahirap tanggapin ang biglaang pagbabago. Hindi ka agad masasanay. Kailangan mo ulit matuto. Para akong isang bata at pakiramdam ko ay kailangan ko muling matutunan ang paglalakad.
“Ilabas mo na iyan.” saad ni Ilah saka marahang hinagod ang aking likuran.
Imbes na umiyak dahil sa mga pangyayari, mas pinili ko nalang patatagin ang aking kalooban. Pinunasan ko ang aking pisngi gamit ang aking mga palad.
“Ang inyong pakpak ni Raven, bakit halos magkakulay. Nagtataka lamang ako at nais kong malaman kung bakit hati ang kulay ng aking pakpak.”
Tumabi sa akin si Ilah at pinagmasdang mabuti ang aking mukha.
“Nais mo bang malaman kung sino ang iyong mga ninuno?”
Marahan akong tumango kay Ilah. Siguro ay kung may nais man akong malaman sa ngayon, ay iyon ay kung ano ang aking lahing pinagmulan.
“Ang iyong ninuno ay si Aviona. Siya ang isa sa mga kaibigan ng dalawang sugo ng lahi ng mga Mulawin noong unang panahon na sina Alwina at Aguiluz. Si Aviona ay may lihim na pagkatingin noon kay Aguiluz. Ngunit wala siyang nagawa kundi tanggapin na lamang ang katotohanang may ibang tinatangi si Aguiluz at iyon ay walang iba kundi si Alwina. Nang lumaon, nang mapadpad si Aviona sa mundo ng mga tao ay napamahal siya sa isang lalaki na nagngangalang Rodrigo. Bunga ng kanilang pagmamahalan ay ipinanganak si Anya. Ang anak ni Aguiluz at Alwina na si Almiro ang naging kasintahan ni Anya. Nakipaglaban din sila sa mga Ravena noong kanilang panahon at nang tumagal ay ikinasal din ang dalawa. Nagbunga ang kanilang pagmamahalan ng isang malusog na isang Mulawin, ang iyong Lolo Alastor na siyang nakatakdang mamuno sa lahi ng mga Mulawin. Nakilala niya ang isang babaeng bumihag ng kaniyang puso, si Cierra. Isa itong tao. Dahil sa kanilang pagmamahalan ay nabuo ang iyong inang si Amira.
Lumaki ang iyong ina bilang masunurin at magiting na mandirigma ng mga Mulawin. Siya ang naging tagapagsanay ng mga batang Mulawin. Maraming nagmamahal sa iyong ina dahil tunay na isa siyang mabait na pinuno. Sa kaniyang ikadalawampung taon ay nakatakda na ilipat sa kaniya ang pamumuno ng kaniyang amang si Alastor. Ngunit ang iyong ina ay lihim na nakikipagkita sa iyong ama noong panahong iyon. Ang iyong ama na si Dawis ay anak nang maituturing ng pinuno ng mga Ravena na si Haran. Ang kapatid ng iyong ama na si Sebastian ay may lihim ding pagtingin sa iyong ina noon.”
Kumunot ang aking noo. Bahagya akong naguluhan. Hindi ko masundan ang kaniyang kuwento. Ganoon ba talaga kasalimuot ang buhay ng mga magulang ko noon?
“Sino si Sebastian?”
Humugot nang malalim na hininga si Ilah.
“Siya ang ama ni Lance.”
Napapikit ako nang mariiin at inalala si Lance. Kaya ba kilala niya na ako noong unang beses naming magkita? Kasi matagal niya na rin akong binabantayan?
“Ngunit walang laban si Sebastian kay Dawis noon. At dahil sa labis na inggit, isinuplong niya sa konseho ng dalawang panig ang tungkol sa lihim na relasyon ng iyong mga magulang.”
“Bawal ba ang pag-iibigan sa pagitan ng magkaibang lahi?” tanong ko sa kaniya.
“Itinuturing iyong kasalanan na ang parusa ay kamatayan.”
Napabaling ako kay Raven na bigla na lamang sumulpot sa aking likuran.
“Pilit na pinaghiwalay ng konseho ang iyong mga magulang. Ngunit sa mismong araw na dapat ay paglalayuin sila, ay mismong araw na nalaman ng lahat na ipinagbubuntis ka ng iyong ina. Nang malaman iyon ng iyong ama ay kinuha niya ang pagkakataong iyon mismo para tumakas sa Avila.”
Naglakad si Raven palapit kay Ilah at tinapik ang balikat nito. Marahil ay kaniyang sinasabi na si Ilah na ang magtuloy ng kuwento.
“Sa loob ng ilang taon ay naging payapa ang parehong lahi mula pakikipaglaban sa isa’t isa, sa loob ng ilang taon ay walang namatay sa lahi ng mga purong Mulawin, ganoon din sa mga Ravena. Ngunit dahil sa ginawa ng iyong mga magulang ay muling sumiklab ang digmaan laban sa dalawang lahi.”
Itinaas ko ang aking kamay para pahintuin si Ilah.
“Paano nagawang makatakas ng aking mga magulang ung napakaraming bantay sa paligid?”
Nagkatinginan sina Ilah at Raven.
“Tinulungan nina Lana at Marcus ang iyong mga magulang para makatakas sila. Sina Marcus at Lana ang mga magulang ni Alex. Ilang buwan pa lamang pagkatapos na maisilang ni Alex ay pinatawan na ng parusang kamatayan dahil ginawa nilang pagtulong sa iyong mga magulang.”
Napalunok ako sa aking narinig. Pakiramdam ko mas lalong bumigat ang aking dinadala.
“Ibig sabihin ay dahil sa akin kung bakit namatay ang kaniyang mga magulang?” pagod na tanong ko.
Natahimik naman sila sa narinig.
Lumapit sa akin si Ilah at sinubukang hawakan ang kamay ko pero marahan akong umatras.
“Huwag mong isipin na dahil sa iyo. Noon pa man ay matalik ng magkakaibigan ang magulang niyong dalawa. Desisyon ng mga magulang ni Alex na iligtas si Amira at Dawis.”
Ganoon pa rin iyon. Kung hindi ako pinagbuntis ng aking ina ay hindi mangyayari iyon.
“Kierra. Hindi ito ang panahon para sisihin mo ang iyong sarili. Ikaw at si Alex ang panibagong sugo ng lahi ng mga Mulawin. Kayo ang nakatakdang magligtas sa ating lahi mula sa pagkakaubos nito.”
Hindi ko maintindihan kung bakit nila ako tinatawag na sugo gayong may dugo rin akong Ravena.
“Pero may dugo akong Ravena.”
Lumapit sa akin si Ilah at sa pagkakataong ito ay nahawakan na niya ang aking kamay.
“Ganoon din si Alex. May dugong Ravena ring nananalaytay sa kaniyang ugat dahil ang isa sa kaniyang mga ninuno ay isang Ravena, si Lawiswis. Ngunit hindi iyon nakasagabal sa kaniya na yakapin nang buo ang pagiging isang Mulawin. Ang batayan ng pagiging isang Mulawin ay nasa kabutihan ng puso nito. Ang iyong amang si Dawis ay isang mabait na Ravena. Hindi siya katulad ng mga Ravenang sumugod sa atin kanina.”
Nang matapos nilang ipaliwanag sa akin ang tungkol sa aking pinagmulan ay hindi na maalis sa aking isipan ang tungkol sa nangyaring trahedya sa mga magulang ni Alex. Hindi ko maiwasang tanungin sa aking sarili kung galit ba siya sa akin.
“Magliliwanag na, hindi ka pa rin nakakapagpahinga.”
Nang marinig ko ang boses ni Alex ay bumaling ako sa aking likuran. Lumayo ako sa kinaroroonan ng karamihan para makapag-isip isip ako at para na rin mapanatag ang aking isipan.
“Hindi talaga ako inaantok.” sagot ko naman.
Tumango naman siya sa akin. Nakaupo ako sa isang malaking puno na nakatumba. Magmula pa kanina ay naroon na ako. Hindi ko akalaing pupuntahan niya ako.
“Anong nasa isip mo?”
Napatingin ako sa kabuuan ng kaniyang mukha nang marinig ang kaniyang tanong. Tumagal ang tingin ko sa kaniyang mga mata.
“Marami. Marami pa ring gumugulo sa isipan ko.”
Sabay naming ibinaling ang aming paningin sa kakahuyan.
“Ayaw mo bang ibahagi iyan? Baka sakaling makatulong ako sa iyo.”
Nakagat ko ang aking ibabang labi. Muli akong bumaling sa kaniya.
“May isang tanong lang ako sa’yo Alex. Galit ka ba sa akin?”
Bumaling siya sa akin at kunot noong tumingin sa mga mata ko.
“Saan mo napulot ang tanong na iyan?”
“Sagutin mo nalang yung tanong ko.”
Marahan niyang hinawakan ang aking kanang kamay kaya naman napatingin ako roon. Muli akong tumingin sa kaniyang mga mata. Doon ko napagtantong hindi niya inalis sa akin ang kaniyang paningin.
“Hindi ako galit sa’yo.”
“Kahit na namatay ang mga magulang mo dahil sa pagtulong sa mga magulang ko?” alanganing tanong ko.
Tipid siyang ngumiti sa akin at umiling.
“Nangyari na ang mga nakatakdang mangyari. Ginawa ng mga magulang ko iyon dahil iyon ang sa tingin nilang tama. Hindi ko rin sila masisisi dahil kaibigan nila ang kanilang tinulungang makatakas. Walang dapat sisisihin. Tayo na ang bagong henerasyon ng mga Mulawin. At bilang nakatakda, tayong dalawa ang sasagip sa lahi na ating pinagmulan.”
Napayuko ako at pinagmasdan ang aming kamay. Bahagyang lumiwanag ang paligid nang magsiklop ang aming mga daliri. Maya-maya ay may gumuhit na hugis balahibo ng ibon sa aming palapulsuhan.
“Ito ang patunay na tayo ang sugo ng ating lahi.”
Lumapit siya sa akin at marahan niya akong niyakap.
“Masaya ako at nakasama na kita, Kierra. Alam kong hindi magiging madali ang pagbalik natin sa Avila, pero naniniwala akong makakabalik tayo roon nang magkasama.”