M A X I N E A two-storey white mansion na parang four-storey tingnan sa labas dahil sa mataas na kisame at malawak na espasyo. Hindi ko rin maalis ang mata ko sa labas ng pinto kung saan may malaking water fountain na napapalibutan ng mga bulaklak at may mga lion na disenyo. Pero ang mas nakakamangha ay ang hilera ng benteng naka-uniform na mga kasambahay sa gilid ng pinto para sumalubong sa aming tatlo. May lalaking lumapit kay Lourdes at saka bumulong sa kanya. Kung ano man 'yun ay mukhang importante ito dahil nagmamadaling sumama si Lourdes sa kanya at iniwan akong mag-isa rito kasama si Mateo at ang mga kasambahay nila. Sabay na nagsiyuko ang mga ito nang umabante na si Mateo, aligaga naman akong sumunod sa kanya. Hindi ko maiwasan na luminga-linga at baka may camera sa paligid.

