4

1549 Words
TEN YEARS AGO.... Kahit inaantok at medyo masakit pa ang ulo dahil sa puyat ay pinilit pa rin ni Melody na tapusin ang ginagawa niyang assignment. Dahil wala pa naman siyang sunod na klase ay naisipan niyang tumambay na muna sa school library. Kailangan niyang matapos ang assignment ngayon para mamaya pagkauwi niya ng bahay ay magrereview na lang siya. Seryoso siya pagdating sa pag aaral at kahit madalas na gumagala siya at sumasama sa mga kaibigan ay hindi pa rin niya maaaring pabayaan ang pag aaral niya. Hindi rin kasi biro ang kursong kinuha niya na Marketing Management lalo pa at nasa ikatlong taon na siya. Idagdag pa na required sa scholarhip na kinuha niya na hindi dapat bumaba ng line of ninety five ang mga grades niya. Kayang kaya naman niyang magbalance pagdating sa pag aaral at pagbabarkada. Sa eskwelahan na iyon ay hindi siya maaaring pumasok ng walang kaibigan. Kadalasan kasi sa mga estudyante na gustong magsolo lang ay nabubully at pinagtatawanan ng iba. Ayaw naman niyang maging outcast kaya kahit hindi niya minsan nagugustuhan ang ginagawa ng mga kaibigan niya ay nakikisama pa rin siya sa mga ito. May mga pagkakataon pa rin na parang naninibago siya sa mga taong nakakasama niya sa campus. Iba pa rin siguro talaga sa pakiramdam kapag katulad niya na nanggaling sa isang simpleng pamilya dahil nang pumasok siya sa prestihiyosong unibersidad na iyon ay parang bigla siyang nanliit. Bigatin kasi ang mga naging kaklase niya at balita niya ay karamihan ng mga scholar doon ay napagdidiskitahan ng iba. Pero iba ang naging kaso niya dahil sa unang araw pa lang ng klase ay nagpakitang gilas na siya. Maraming natuwa sa kaniya at may mga nainis din. Pero mas marami ang gustong lumapit sa kaniya para makipagkaibigan. Miss Friendship nga ang tawag sa kaniya ng mga estudyante dahil halos lahat ay nakakasundo niya. Marami rin ang lumalapit sa kaniya para magpaturo sa mga subject na nahihirapan ang mga ito at hindi naman siya tumatanggi. Pero ngayon na third year college na siya ay nahirapan siya dahil ang mga kaibigan niya ay wala ng ibang ginawa kundi ang gumala. Kung minsan nga ay kinukumbinsi pa siya ng mga ito na huwag pumasok sa mga boring na subject pero hindi naman siya pumapayag. Para hindi na magtampo ang mga ito sa kaniya ay sumasama na lang siya sa mga party na pinupuntahan ng mga ito. Pinapayagan naman siya ng mga magulang niya dahil normal lang daw iyon sa edad niya. Pero dahil protective ang daddy niya ay sinusundo rin naman siya nito pagpatak ng alas dose ng gabi. Nang mapahikab si Melody ay bahagya niyang tinakpan ang bibig. Napaluha pa siya dahil sa pagpipigil ng antok. Bitbit ang isang makapal na libro na tinungo niya ang long table kung saan niya iniwan kanina ang mga gamit niya. Nagsimula na siyang gawin ang assignment niya. Masyadong tahimik ang library kaya inilabas niya mula sa bag ang maliit at kulay pink na MP3 player niya at inilagay niya iyon sa bulsa ng suot niyang white jeans. Inilagay niya sa magkabilang tenga ang headset at nagsimulang magpatugtog habang abala na siya sa pagbubukas ng mga pahina ng libro. Napangiti pa siya nang marinig ang ‘Nothing’s gonna stop us now’ na siyang paborito niyang kanta. Pero agad na nasira ang magandang mood niya ng bigla na lang ay may mabigat na bagay ang bumagsak sa bumbunan niya. “Aw!” mahinang napaungol siya at nakangiwing tinanggal sa mga tenga ang headset. Lumingon siya sa bandang likuran para alamin kung lumilindol ba at baka nagsipaglaglagan na ang mga libro sa estanteng malapit sa mesa na kinaroroonan niya. Pero hindi naman nangyari ang inaakala niya dahil isang matangkad at maputing lalaki na may suot na makapal na eyeglasses ang tumambad sa kaniya. Nakaluhod ito sa sahig habang hindi na magkandatuto kung paano pupulutin ang makakapal na mga libro. Napahinga siya ng malalim at tumayo na. Nilapitan niya ang lalaki at tinulungan ito sa pagdampot ng mga libro. “S-salamat. Pasensiya na kung nabagsakan ka ng libro, nadapa kasi ako.” Nahihiyang sabi nito. Pinaningkitan niya lang ito ng mga mata at nang tingnan niya ang pinanggalingan nito kanina ay awtomatikong tumaas ang isang kilay niya nang makita ang isang grupo ng mga estudyante na nakatingin dito habang nagtatawanan. Alam niyang hindi naman talaga ito nadapa. Siguradong pinatid ito at hindi sinasadyang nabagsakan siya ng isa sa mga librong hawak nito kanina. Kahit naiinis siya sa mga estudyante ay mas pinili na lang niyang huwag patulan ang mga ito. Nasa library sila at baka mapagalitan pa sya ng librarian kung sakaling lumala ang gulo. Isa pa ay hindi niya hilig ang makipag away sa iba. Hindi naman kasi dapat pang patulan ang pagpapapansin ng mga ito. “Ayos lang, sa susunod mag iingat ka, ha? Maraming mga multong masasama ang ugali ang basta na lang nanunulak o kaya ay nangpapatid.” Pagpaparinig niya. Napangisi siya nang makita na natigilan ang grupong nanakit sa lalaking kausap niya. “Salamat,” kinuha na nito mula sa kaniya ang libro. Napangiwi na naman siya nang mapansin na halos matabunan na ng mga libro ang lalaki. Medyo payat pa naman ito kaya parang mas siya pa ang nag aalala sa ginagawa nito. “Sigurado ka ba kaya mo? Pwede naman kitang tulungan ‘eh.” Alok pa niya. “Okay lang.” nahihiyang ngumiti ito at iniwan na siya. Lumagpas sa kaniya ang lalaki at natigilan siya nang makita itong naupo sa tabi niya. Mukhang kanina pa ito naroon dahil nakita niyang nagkalat ang mga gamit nito sa mesa. Napa ‘oh’ pa siya nang silipin ang mga libro na puro mga tungkol sa Science pala. Base sa suot nitong uniporme na red slacks at red polo ay nasisiguro niya na BSMT o Bachelor of Science in Medical Technology ang kurso nito. Bigatin ang kurso ng lalaki at alam niyang mas mahirap iyon kompara sa kursong kinukuha niya. Kaya siguro ganoon na lang ito kung magconcentrate sa pag aaral. Bumalik na siya sa dating pwesto at ipinagpatuloy ang paggawa ng assignment. Hindi na siya naglagay ng headset sa tenga at nakiramdam na lang siya sa paligid. Napansin niya ang paglapit ng isa pang lalaki sa lalaking katabi niya. Pareho nang uniporme ang dalawa kaya siguradong magkaklase ang mga ito. Medyo malayo man ang agwat nila ay hindi naman nakaligtas sa kaniya ang pag uusap ng dalawa. “Train, may pera ka ba diyan? Pahingi naman.” “Wala, Trevor.” Nakayukong sabi ng lalaki. Napadiretso siya ng upo nang maupo sa upuan ang lalaki sa bandang kaliwa ng lalaking tinawag nitong Train at tinapik nito iyon ng malakas sa balikat. Dahilan para mapaigik si Train. Nabitiwan pa nito ang hawak na ballpen at sinapo ang nasaktang balikat. “May pera ka, alam kong palaging nagpapadala ng pera si tito Philip sa'yo at saka may trabaho ka, 'di ba?” “Nagbayad kasi ako sa accounting dahil may idinagdag pa na bagong subject at saka next week pa ang sweldo ko. Next week na lang kita—” “Ngayon ko nga kailangan, alam mo naman na hindi ako bibigyan ni mommy ng pera dahil magagalit iyon kapag nalaman niya na naibangga ko ang kotse ko. Kailangan ko ng limang libo.” “Susubukan ko, baka makausap ko bukas si daddy.” “Good—aray!” natigilan ang lalaking nagngangalang Trevor ng hindi na siya makapagtimpi at ibinato niya dito ang notebook niya. Sa noo tinamaan ang lalaki at hindi niya mapigilang magbunyi nang makita ang pagbalatay ng sakit at pagkagulat sa mukha nito. Matapang na tumayo siya at lumapit sa dalawang lalaki para bawiin ang notebook niya. Namumutlang tumingin sa kaniya si Train pero si Trevor ay masama ang tingin sa kaniya at halatang galit at gusto na siyang sipain palabas ng library. “Ang lakas ng loob mong batuhin ako—” “Alam mo ba kung gaano kaliit ang tingin ko sa'yo ngayon ha, mister?” mahina at mariing sabi niya. “Anong—” “Mas maliit ka pa sa kuto!” sikmat niya dito. “Nagpapakahirap iyong tao na magtrabaho tapos hihingi ka lang? kapal mo naman. Mabuti sana kung pulubi ka para bigyan niya ng pera.” Umismid siya at tiningnan si Train. “At ikaw, huwag kang pumapayag na ginaganyan ka ng ibang tao. Lumaban ka dahil kung hindi mo gagawin iyon ay kakainin ka nila ng buong buo. Tingnan mo na lang itong isang ito.” Itinuro niya si Trevor. “Parang zombie na gustong makinabang sa utak ng iba, kapal ng mukha!” “Sh~t!” mura ni Trevor. “Sh~t ka rin!” napansin niya na nakatingin na sa kaniya ang assistant librarian kaya mabilis ang mga kilos na bumalik siya sa pwesto niya at inayos ang mga gamit. Ibinalik niya sa bookshelf ang librong kinuha niya at nilayasan ang dalawang lalaki na nakatulala na lang sa kaniya. Pagkalabas ng library ay kinakabahang sinapo niya ang tapat ng puso niya. Kanina lang halos manginig na siya sa inis kay Trevor pero nang magtama naman ang mga mata nila ni Train ay para na siyang nagkaroon ng amnesia at gusto nang lumipad ng inis niya patungong Mars. Kainis! Ano bang nangyayari sa kaniya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD