KAHIT nakakaramdam na ng pagkainip ay hindi pa rin magawang umalis ni Melody sa labas ng science laboratory habang hinihintay niyang matapos ang klase ni Train. Ilang minuto na lang naman siyang maghihintay sa lalaki kaya kaya na niyang pagtiisan ang pagtayo sa labas ng laboratory habang pinagtitinginan siya ng mga estudyante na napapadaan sa gawi niya. Isang matipid na ngiti lang naman ang iginaganti niya sa mga ito.
Pagkalipas ng mahigit sampung minutong paghihintay ay bumukas na ang pinto at lumabas si Doctor Arevalo na siyang professor nila Train. Magalang na bumati siya sa matandang doktor na sinagot lang nito ng matipid na tango at saka umalis na. Nagsipaglabasan na rin ng laboratory room ang mga estudyante at nakangiting bumati sa kaniya. May iba pa nga na nagyaya sa kaniya na kumain ng merienda pero tumanggi naman siya.
“May hinihintay ako,” sabi niya sa isang makulit na lalaki.
“Sino?” magkakasabay na tanong sa kaniya ng grupo ng lalaking nangungulit sa kaniya. Sakto naman na pagsilip niya sa loob ng laboratory ay nakita niya si Train na papalabas na rin.
“Siya,” aniya at itinuro si Train sa mga ito. Napaawang ang mga labi ng ibang estudyante pero hindi na niya pinansin pa ang mga ito. Nakangiting sinalubong niya si Train at kumaway dito. Nagulat naman ang binata nang mapansin ang paglapit niya.
“Hi,” bati niya dito.
“Ha?” naikurap nito ang mga mata dahil sa pagkagulat. Inayos nito ang suot na salamin na bahagya nang nalaglag sa tungki ng matangos na ilong nito bago muling sumulyap sa kaniya. “A-ako?”
“Oo.” Napangiti na naman siya dahil hindi nito magawang itago ang hiya sa kaniya. “Wala naman ibang tao sa likod mo.”
Dahil umalis na ang mga kaklase ni Train na nangungulit sa kaniya kanina ay nagawa na niya itong lapitan. Sumunod siya dito nang lumabas na ito ng laboratory at naglakad sa pasilyo.
“May kailangan ka ba?” nagtatakang tanong nito. Napansin niya na mas binilisan pa nito ang paglalakad na para bang ayaw nito na maabutan niya ito. Sinundan pa rin niya ito kahit nararamdaman niya na hindi ito komportable sa presensiya niya.
“Nalaman ko kasi na hinimatay ka daw kanina sa cafeteria,”
“A-ah,” awtomatikong namula ang mga pisngi at batok nito. Napahagikhik siya at mahinang tinampal ito sa braso.
“Huwag kang mahiya, alam ko naman na masyado ka lang stressed kaya ka hinimatay. Minsan parang ganiyan din ako, ‘eh. Sa sobrang pagod ko para na akong hihimatayin.”
“S-sorry.”
“Sorry saan?” napakunot noo siya.
“Nakakahiya sa'yo, nagpunta ka ba dito para itanong sa akin kung okay lang ako?”
“Oo,” mabilis na tugon niya. “Okay ka na ba? Sana umuwi ka na lang para mas nakapagpahinga ka.”
Nakarating sa kaniya ang balita na nawalan daw ito ng malay sa cafeteria at dinala ng ilang kaklase nito sa school clinic. Nang magkamalay naman ito ay pinayuhan ito ng doktor na umuwi pero hindi ito nakinig. Hindi daw kasi pwedeng umabsent si Train sa last subject nito ngayong araw dahil mahigpit si Doctor Arevalo pagdating sa attendance ng mga estudyante. Isa pa ay may long quiz pala ito ngayong araw kaya kahit reasonable naman ang pag absent ay hindi pa rin nito ginawa.
“Natutulog ka pa ba?”
“Oo naman, isa o dalawang oras sa isang araw.”
“Ha?” nawalan siya ng imik bigla. Kahit naman nagsusunog rin siya ng kilay ay hindi niya kakayanin na matulog lang ng isa o dalawang oras sa isang araw.
“'di ba, delikado iyon? Medtech ang course mo, meaning may mga alam ka tungkol sa mga pwedeng maging risk nang pagpupuyat mo.” Daig pa niya ang nanay na nanermon kay Train. Napansin niya na tumigil ito sa paglalakad at pumihit paharap sa kaniya.
Kumurap ang mga mata nito at hindi niya mapigilang salubungin ng tingin ang binata. Ngayon lang niya ito nagawang titigan ng ganoon kalapit. Nasisiguro niya na kung maaayusan si Train ay mas gwapo pa ito kumpara sa mga kilalang campus heartthrob nila. Mestiso ang lalaki at kahit medyo payat ang pangangatawan ay matangkad ito. Maganda ang mga mata nito na palaging natatakpan ng makapal na eyeglasses. Matangos ang ilong nito at may makipot at mapupulang labi. Kung magagawa nitong palakihin ang katawan at alisin ang pagiging mahiyain ay baka maungusan pa nito ang mga mayayabang na lalaking estudyante sa university nila.
Si Train ang klase ng estudyante na may pagkaoutcast ang dating. Siguro dahil na rin sa issue nito sa pamilya ng ama nito kaya natuto itong umiwas sa mga tao. Nalaman niya ang tungkol sa bagay na iyon dahil nagtanong siya sa ilang schoolmates niya.
Pansin niya ay wala itong kaibigan sa campus nila at madalas itong mag isa. Hindi ito katulad niya na kahit saan ilagay ay madaling makakahanap ng taong kasundo. Mabilis kasi siyang makaadopt sa paligid at marunong siyang makisama sa mga tao.
Naaawa siya kay Train kaya naisipan niya na kaibiganin ito. Wala naman masama doon, sa palagay niya. Kung hindi kaya ng iba na makipaglapit dito ay siya ang gagawa. Malinis naman ang intensiyon niya dahil ang gusto lang niya ay makatulong sa binata. Isa pa ay ayaw na niyang mangyari ulit ang ginawa dito ni Trevor na pinsan pala nito. Paano nito hinahayaan ang ibang tao na apihin na lang ito ng ganoon? hindi siya bayolenteng tao pero ang pinakaayaw niya sa lahat ay may taong sinasaktan sa harap niya.
“May v-vitamins naman akong iniinom.” Nauutal na saad nito.
“Kahit na, masama pa rin sa kalusugan ang pagpupuyat.” Napailing siya at ibinigay dito ang dala niyang plastic bag na may tatak ng pangalan ng botica. Napilitan itong kunin mula sa kaniya ang plastic bag at hindi makapaniwalang tiningnan siya pagkatapos nitong silipin ang laman niyon.
“May Chinese medicated oil diyan, kapag nararamdaman mo na parang nahihilo ka o masakit ang ulo mo magpahid ka agad sa noo mo. May mga gamot at biscuit din diyan. Hay, daig ko pa ang nurse nito.”
“Bakit mo ba ito ginagawa?” natitigilang tanong ni Train sa kaniya.
Siya naman ang napakurap ng mata. Bakit nga ba niya gustong tulungan si Train? Kung sasabihin niya na naaawa siya dito ay baka mainsulto naman ito at ihagis pa pabalik sa kaniya ang ibinigay niyang gamot at pagkain.
“W-wala,” kahit kumakabog ang dibdib ay pilit na ngumiti siya. “Gusto ko lang makipagkaibigan.”
Sumungaw ang matinding pagkagulat sa mga mata ng binata. Nahihiyang ngumiti ito.
“Salamat pero hindi ko naman kailangan ng kaibigan.” Mahinang sabi nito bago tumalikod at humakbang na paalis.
Gulat na nanlaki ang mga mata at pati na rin yata ang butas ng ilong niya.
Ano? Reject agad ako?!