Tahimik ang paligid, ngunit hindi ito payapa. Hapon na at papalubog na ang araw. Humahaplos na rin ang malamig na hangin sa balat ni Gael. Nakasilip sila mula sa likod ng makapal na damuhan. Sa di kalayuan, tanaw niya ang isang munti ngunit maruming kulungan na yari sa kawayan at kalawangin na yero. Katulad ito ng pinagkulungan sa kanilang tatlo.
Tinakpan niya ang ilong dahil amoy patay na hayop at bulok na pagkain ang paligid. Kahit distansiya sila sa kulungan ay naaamoy pa rin nila ang pinaghalong karne at dumi.
Doon, sa gitna ng kulungan, nakaupo si Rosalie. Ang mga paa ng dalaga ay nakatali ng malalaking bakal na posas na nakakabit sa sahig, at ang katawan nito ay halos wala ng saplot. Balot ng dumi at sugat ang katawan nito. Nakayuko ang ulo nito at tumatabon ang maalon na buhok. Hindi niya lubos maisip ang takot at paghihirap na nararamdaman nito sa paglipas ng mga araw.
"Put*ng ina... andiyan siya." Bulong ni Ismael sa kanyang gilid. Halos hindi na rin ito makahinga dahil sa amoy ng paligid.
"Anong plano natin?" tanong ni Gideon, habang mariing nakahawak sa kutsilyong itinatago sa likod. "Isa ang bantay sa harap. Pero may mga tao sa paligid... mukhang may nagroronda pa."
Pinikit ni Gael ang mga mata at pinakiramdaman ang paligid. "Kapag may narinig silang kahit anong kaluskos... yari tayo. Let's move fast. We get to that pig cage, grab Rosalie, and get the hell out before anyone even notices." Paalala niya sa mga kasama.
Dahan-dahan silang gumapang palapit sa kulungan. Siya ang nauuna sa kanilang tatlo dahil nawawala na naman sa pag-iisip ang nobyo ng dalaga. Mabagal ang lahat, halos walang ingay na maririnig. May hawak na patpat si Ismael, habang siya ay may dalang pinutol na lubid. Si Gideon, na nasa likod, ay hawak ang balisong. Nakahanda na itong manaksak kung kinakailangan.
Sa bawat hakbang, mas lalong sumisikip ang dibdib niya. Tila lalong bumabagal ang oras.
Napatigin si Rosalie sa kanila. Nakatupi ang mga tuhod nito habang nakaupo at bakas sa mukha nito na hindi makapaniwala sa nakikita. Sunod ay napangiti ito sa kanilang direksyon. Sumenyas siyang huwag itong gumawa ng ingay at sunod-sunod itong tumango.
Biglang silang napahinto dahil sa narinig na kaluskos sa gawing kaliwa. Mas lalo silang dumapa at pinakiramdaman ang kilos ng isa't-isa. Dahan-dahan niya itong sinilip. Isa sa mga miyembro ng mga nilalang ang dumaan sa gilid ng kulungan tangan ang sibat at may nakasukbit na bungo sa kanyang baywang nito. Mabagal ang lakad nito na paika-ika. Ganoon maglakad ang lahat ng miyembro ng grupo. Tila may kapansanan ito sa paa.
Kumapit si Gideon sa kanyang balikat at muli siyang pinayuko. Nang makalayo ang nilalang ay mabilis silang tumakbo at nagtago sa likod ng tambakan ng kahoy. Ilang segundong katahimikan hanggang tuluyan ng mawala ang nilalang.
"Tuloy na," bulong ni Gideon.
Tahimik nilang tinakbo ang kulungan. Mabilis na nilapitan ni Isamel ang bantay at pinalo sa ulo. Dumiretso si Gideon sa kulungan at sinira ang kandado nito. Hinubad nito ang pang-itaas na damit at isinuot sa nobya. Agad siyang pumasok sa loob at hindi na ininda ang amoy ng lugar.
"Rosalie..." pabulong ngunit nanginginig ang boses niya. "Nandito na kami."
Naluha ito at muling ngumiti. Kinalas niya ang tali sa kamay nito. "Akala ko ay wala ng darating." Wika nito at pinunasan ang sariling luha.
Mas naging kaawa-awa ang kalagayan nito sa malapitan. Nanghihina na ito at hindi na halos makagalaw sa kinauupuan. Napatingin siya kay Gideon nang marinig ang paulit-ulit nitong mura.
"A-Anong ginagawa mo?" Tanong niya sa binata na inilapag ang dalawang batong napulot nila sa damuhan.
"I know this trick. My father owns a mechanic shop and I used to help him break off rusty parts when we didn’t have the right tools." Wika nito at kinuha ang bilugang bato. Malakas nitong ipinukpok iyon sa mas patulis na bato, saka maingat na inipit sa pagitan ng bakal na kadena. Sa bawat hampas, ramdam niya ang determinasyon ng binata na nais nitong makauwi ang nobya. Halata rin ang kasanayan nito na nagpapatunay na lumaki nga ito sa talyer ng ama, kaya kabisado na ng kamay nito ang gawain.
"Wala na bang mas ibabagal 'yan? Baka naman ay hindi mo alam ang ginagawa mo?" Naiinip na tanong ni Ismael. Nakabantay ito sa labas ng kulungan.
"Alam ko ginagawa ko... isang bagsak pa—”
May kumalabog. Umalingawngaw ang tunog ng bakal na tila unti-unting bumibigay. Napapikit si Rosalie.
"Gael." Tawag nito sa kanya. Patuloy pa rin ito sa pagpukpok.
"What is it?" Hindi ito lumingon sa kanya.
"Kapag nasira na ang kadena, buhatin mo na siya agad at tumakbo na kayo paalis. Ako na ang bahala sa mga nilalang na susunod sa inyo." Seryoso ang mukha nito at halatang ayaw nitong marinig ang kahit anong pagtanggi mula sa kanya.
_______________________________
Naglalakad na muli sila sa kakahuyan, patungo sa tinutukoy na daan palabas ng bundok. Tahimik ang paligid, at tanging mga yapak at huni ng mga ibon ang maririnig. Napansin ni Selma na tila nalilito na ang mag-ama sa unahan. Nagbubulungan ang mga ito at bakas sa mukha ng matanda na nalilito na ito.
"Parang... hindi ito 'yung dinaanan natin kahapon." Bulong ni Selma habang nakatingin sa likod ni Mang Lauro at ni Leon. Nauunang maglakad ang mga ito.
Pero kahit naliligaw na yata ang direksyon ng dalawa, hindi maikakaila ang tuwa sa mga mukha ng kanyang mga kaibigan. Halata sa kanila ang pag-asang makakaalis na sa impyernong lugar na iyon.
Si Teddy, kahit halatang pagod, ay hindi pa rin tumigil sa pag-aalburoto. "Kung hindi ka lang talaga nagpumilit, Selma, wala tayo sa ganitong sitwasyon!" sigaw niya habang naglalakad.
"Pwede ba, Teddy, tapos na ‘yun," sabat niya. Alam niyang nasasaktan na ang kaibigan sa paninisi ng lahat kahit tahimik lang ito at hindi maipangtanggol ang sarili. "Makakalabas na tayo, 'yun ang importante." Dagdag pa niya.
Si Nikki ay nasa hulihan. Naririnig niya ang mahina nitong pag-awit habang naglalakad, tila sumisigla na ulit ito. Kagabi ay matagal bago ito tumahan sa pag-iyak dahil naiisip nito ang lola at nobyo na nasa Maynila.
Naisip niya ang mga kasama. Inisip niya kung ano na ang nangyari sa paghahanap kay Rosalie. Nahanap na kaya nila ito? Tanong niya sa sarili. Maayos kaya ang kalagayan ng mga ito? Maaaring nauna pang lumabas ang kabilang grupo dahil kung saan-saan pa sila nakapunta.
Umayaw ang mag-ama sa mungkahi niyang hanapin na lang ang mga kasama dahil malaki raw ang bundok at hindi gaanong kabisado ng matanda ang pasikot-sikot sa buong lugar.
Napahinto silang lahat sa sigaw ni Nikki at nagtayuan ang kanyang balahibo. Nahinto sa pag-uusap ang mag-ama at silang tatlo ay napalingon sa kasama. Huminto pala ito sa paglalakad at naiwan ilang metro ang layo sa kanila.
"Nikki, anong nangyari?!" tanong ni Selma at mabilis na tinakbo ang dalagang napaupo na sa lupa.
Hindi nagsalita si Nikki. Nanginginig ang kamay nitong nakaturo sa lupa sa ilalim ng punong saging.
Napalingon ang lahat... at doon nila nakita ang tinuturo nito. Isang ulo ng tao—duguan, at wala nang mga mata. Malakas ang hinala niyang bago lang itong pinutol sa katawan ng tao.
Mabilis siyang napahawak sa bibig dahil sa pagbaliktad ng sikmura. Umasim ang kanyang panlasa ngunit napigilan niyang masuka. Muli niyang nilunok ang laway at tinignan ang ulo na parang tinapon lang na parang balat ng prutas. Halatang walang pakialam ang kung sino na may makakakita sa ulong iyon. Halatang ginagawa ito sa normal na mga araw.
"What the f**k?!" napamura si Teddy at napaatras.
Napakapit si Selma sa kanyang braso at halos hindi na makahinga sa takot.
"Wala na tayong ibang gagawin kundi umalis na rito. Ngayon na," mariing sabi ng matanda habang pinipigilan ang panginginig ng boses. Kinalas niya ang kamay ni Selma at nilapitan si Nikki upang tulungan itong makatayo ngunit mabilis itong tumakbo sa kung saan. Padilim na ang paligid at natatakot siyang mawala ito dahil paniguradong mahihirapan sila sa paghahanap.
"What the hell does she think she's doing?! Goddamn lunatic!"