Lumiit ang mga mata ng matandang nakasalubong nila. Mabilis nitong binitawan ang dalang mga panggatong at lumingon sa isa pang lalaki na mas bata rito. Parang nawalan ng lakas ang buo nitong katawan.
"Anong ginagawa niyo rito?" Tanong nito sa kanya. Kinuwento niya ang kanilang pinagdaanan sa mababang boses. Base sa mukha nito ay ilang beses na yatang may nakasalubong ang dalawang lalaki at ilang beses na ring napagtanungan. Muli siyang nagsalita at nakiusap upang sila ay matulungan.
"Dapat ay hindi na kayo nagpunta rito! Ano ba sa tingin niyo ang dahilan kung bakit ganito ang ipinangalan sa bundok?"
Napayuko ang kanyang mga kasama. Wala namang may kagustuhan sa mga nangyari. Masaya naman sila noong unang mga araw. Kung hindi nawala si Rosalie ay malamang nakauwi na sila sa Maynila at nakapost na sa social media ang mga kinunang larawan. Malamang ay nasa cafeteria sila ngayon at nagkukwentuhan ng mga masasayang alaala sa bundok.
"Pasesnya na po kayo, sir. Hindi po namin inasahan na ganito ang mangyayari. Ang gusto lang po namin ay makalabas rito ngayon upang matulungan ang mga kaibigan namin."
Natampal ng matanda ang noo nito. Nakahanap na sila ng pag-asa. Kahit gaano pa kalayo ang kailangan nilang lakarin pabalik sa entrada ay titiisin niya makasama lang niya muli ang mga magulang.
Nilingon niya ang kasama nitong lalaki na mukhang trenta anyos lang. Binitawan din nito ang dalang sako at ang gulok sa kabilang kamay.
"Itay." Tawag niya sa matanda. Nagbigay ito ng makahulugang tingin sa ama. "Saan ba kayo galing?" Tanong nito.
"Sa Maynila." Tugon niya sa estrangherong lalaki. Simple lang ito at tingin niya'y mabait dahil malumanay magsalita. Ang ama naman nito ay may katulad ng kanyang ama kung magsalita.
"Ang ibig kong sabihin ay saan kayo namalagi rito sa bundok." Napangiti ito sa kanya.
"Sa Silent Peak ho." Tugon ni Selma na ngayon ay nakatingin na sa lalaki. Muling nagkatinginan ang mag-ama.
"S-Saan ba 'yan?" Tanong nito. Ngayon ay silang apat naman ang nagkatinginan. Natumba ang sako sa paanan nito at gumulong ang laman niyon na isang kamote. Hula niya ay kabisado ng mag-ama ang bundok dahil sa mga dala. Sa bundok ba naninirahan ang mga ito? Tanong niya sa sarili.
"H-Hindi na po namin matandaan kung saan banda iyon. Pero may dala po kaming mapa." Inabot ni Nikki ang mapa sa matanda na kaharap nito. Ilang segundo pa lang nitong tinitigan ang mapa ay tinapon na ito ng matanda sa mukha ni Nikki. Napaatras ang dalaga at siya naman ay nagulat sa ginawa nito.
"Saan niyo ba nakuha ang mapang iyan?!"
"S-Sa kasama po namin. Wala po siya rito." Tugon ni Selma at muling tumingin sa kanya.
Nagtalo ang mag-ama dahil nais ng umuwi ng matanda ngunit ang anak ay nais silang tulungan. Matagal bago nila napapayag ang ama. Lagi nitong sinasabi na mag-aalala ang asawa nito kung matatagalan sa pag-uwi. Bukod pa roon ay naghihintay din ito sa mga kamote na kakainin sa hapunan. Patuloy pa rin sa pagdedebate ang mag-ama.
"Sir, ituro niyo na lang po ang pinakamadaling daan palabas sa bundok na ito." Natigil ang mag-ama at napatingin sa kanya. Hindi naman sa nahihiya siyang pilitin ang mga ito ngunit nais na niyang kunin ang pagkakataong makahingi ng tulong.
"Hindi mo naiintindihan ineng. Hindi lang tayo ang nasa bundok na ito." Tugon ng matanda sa kanya.
"Opo. May nakita po kasi kaming dalawang hikers na nandito-" Naputol ang kanyang tugon nang itaas nito ang kamay na siya ay pinapatahimik.
"Hindi iyon ang ibig kong sabihin. Kung may pumunta rin dito bukod sa inyo, ibig sabihin ay nanganganib din sila. M-Maraming...Maraming n-nakatira rito."
"Bakit po sila nanganganib? Ano pong alam niyo?" Tugon ni Teddy sa kanyang likod. Akala niya ay wala na itong planong magsalita.
__________________________
Kasalukuyan silang kumakain ng kamote. Nakapaikot sila sa ginawang apoy na pumapawi sa lamig ng gabi. Tahimik niyang pinapanuod ang mga kasama na lumalamon. Ang mag-ama ay magkatabi na nakaupo sa kanyang harapan. Pinagbalatan ng anak ang ama nito.
"Ano ba ang dahilan kung bakit sa dinami-rami ng bundok, dito niyo pa naisipang pumunta? Wala bang bundok na malapit sa inyo?"
Si Selma ang sumagot sa tanong na ibinato ni Lauro. "Gusto ko po kasing dalhin ang kaibigan ko sa bundok na hindi pa niya naaakyat. P-Para maging masaya siya." Nilingon niya ito. Ngayon ay mas nakita niya ang pagmamahal ni Selma sa kanilang pagkakaibigan.
"Tapos dinala mo kami sa lugar na ang kaligayahan, dalawang araw lang, tapos ang natira, puro bangungot." Tugon ni Teddy na nakailang kamote na. Natahimik ang kanyang kaibigan at parang nahiya. Tinaasan niya ng kilay ang binata na hindi naman nakatingin sa kanya. Nasa matandang si Lauro ang mga mata nito.
"Huwag na tayong magsisihan. Nandito na tayo at hindi na natin maibabalik ang panahon. Ang importante ay magkakasama pa rin tayo." Wika niya sa mga kasama. Nagkibit-balikat lang si Teddy.
Sandali pa silang nagtalo dahil patuloy sa pagbibitaw ng matatalim na salita ang binata. Parang ito lang ang namomroblema sa kanila. Parang ito lang ang nagnanais na makauwi sa Maynila.
"Tama na 'yan. Baka magkasakitan pa kayo. Mabuti pa ay magpahinga na muna tayo." Sita ng matanda sa kanila. Tatayo na sana ito nang bigla niyang maalala ang sinabi nito kaninang hapon.
"Mang Lauro, ano po ba ang ibig niyong sabihin kanina marami pong nandito sa bundok? Ibig niyo po bang sabihin ay may mga residente rito?"
Hindi ito sumagot. Iniisa-isa sila nito ng tingin. Umubo si Leon at tumingin sa kanya. Ito na ang sumagot sa tanong na ibinato niya.
"Ang bundok na ito ay pinaghahatian ng dalawang probinsya. Ang parteng ito ay ang pinaniniwalaan na tahanan ng mga Timbaw."
''Timbaw?" Ulit ng kanyang kaibigan. Tumango si Leon at nagpatuloy.
"Usap-usapan sa baryo namin na matagal na silang nawala sa mapa, ngunit hindi dahil sila’y patay na, kundi dahil pinili nilang burahin ang kanilang bakas dito sa mundo. Ang mga Timbaw ay minsang tribu ng mga tagapangalaga ng kagubatan. Sila ay mga manggagamot at espiritista. Ngunit isang taggutom ang sumubok sa kanila. Nasira ang kanilang mga pananim ay naubos ang mga hayop sa gubat. Dahil dito ay isa-isang namatay ang mga bata, at nang walang natirang pagkain sa gubat, napilitan silang kainin ang kanilang mga patay."
Pagkatapos nitong magsalita ay sumabat ang ama sa tabi nito. "Sila ang mga Timbaw… mga aninong walang pangalan, nakatira sa pagitan ng usok at apoy. Hindi sila hinahanap. Dumarating sila kapag may dumanas ng matinding takot. Ang sinumang nahulog sa kagubatan… ay pagkain ng kagutuman ng lahing hindi matunton ng panahon."
Wala sa kanyang mga kasama ang nagsalita. Pati siya ay hindi makaintindi sa sinabi ng mag-ama. Tumayo na ang mga ito at nagtungo sa nilatag na dahon ng saging. Magkatabing nagpahinga ang mag-ama. Wala sa kanila ang sumunod sa mga ito. Hindi rin siya inaantok at tingin niya'y ganoon din ang tatlo.
"Sa mga sinabi ng mag-ama, isa lang ang naiintindihan ko. May posibilidad na hindi na tayo makauwi dahil kapag nahanap nila tayo, siguradong hindi na ligtas ang lugar na ito para sa atin."
"Nikki, may kasama na tayo. Bukas ay makakalabas na tayo." Tugon niya sa dalaga. Pinagmasdan niya ang tatlo at lahat ay halatang pagod ng umasa. Hindi na niya alam kung ano na ang ginagawa ng mga magulang nila. Kung saan na inabot ang paghahanap ng mga ito. Hindi niya nasabi sa mga magulang kung saan sila pupunta. Paniguradong hindi rin nasabi ni Selma sa ate nito.
Parang naulit lang ang nangyari sa kanyang kapatid.
"Hindi ba't nais mong kumanta? Pwede mo bang iparinig 'yun sa'min?" Napatingin ang lahat kay Nikki. Nais niyang gumaan ang kalooban nito. Ito lang ang naging mabuti ang pakikitungo sa kanya.
Sa huli ay pumayag ito. Nagsisimula na namang bumigat ang hangin sa paligid at nararamdaman niya ang presensya ng kung sino sa mga puno sa kanyang likuran. Pinili niyang isantabi ang pakiramdam upang hindi matakot ang mga kasama.
Umayos ng upo si Nikki at pinagdikit ang mga binti. Nakaupo sila sa katawan ng mga nabuwal na puno. Ipinatong nito ang mga kamay sa hita at nagsimulang umawit.
"I've kissed your lips and held your head
Shared your dreams and shared your bed
I know you well, I know your smell
I've been addicted to you
Goodbye my lover
Goodbye my friend
You have been the one
You have been the one for me"
Tahimik lang silang nakatingin kay Nikki na nakapikit at mas lalong dinama ang liriko ng kanta. Napakalungkot ng awiting napili nito.
"I've seen you cry, I've seen you smile
I've watched you sleeping for a while
I'd be the mother of your child
I'd spend a lifetime with you
I know your fears and you know mine
We've had our doubts but now we're fine
And I love you, I swear that's true
I cannot live without you"
Iminulat nito ang mga mata at tumingala sa langit. Kahit makakapal ang mga dahon ay nasisilip pa rin nila ang mga bituin. Gusto niya itong lapitan at yakapin. Mapayapa ang buhay ng mga ito ngunit dahil sa kanya, naging miserable ang lahat. Ang apoy sa kanyang harap ay sumasayaw dahil sa pag-ihip ng hangin na galing sa iba't-ibang direksyon.
Muling nagsalita si Nikki. Nakatingala pa rin ito sa langit.
"Sana malaman niya... na sinubukan ko namang umuwi."