Kanina pa nila sinusuri ang kweba.
Wala silang napansin na kakaiba sa bungad nito ngunit nang makapasok ay doon nag-iba ang kanyang pakiramdam. Hindi niya alam kung ganoon ba ang naramdaman ng mga kasama. Pagod na pagod na ang kanyang katawan at nais niyang magpahinga saglit.
"Gael, I’ll try searching this way." Tinuro ni Gideon ang panibagong daan na hindi niya alam kung ligtas bang daanan. Parang walang katapusan ang kwebang ito.
Nawawala sila. Nagpahinga lang sila saglit at hinintay ang pagtila ng ulan. Nagpasya sila na lumusot sa kabilang dako ng kweba ngunit habang naglalakad ay napagtanto nilang wala pala itong lagusan sa likod. Ngayon ay hindi na nila alam ang pabalik sa entrada.
Inayos niya ang headlamp at nagtungo sa kabilang parte. Nakasunod sa kanya si Ismael.
Napatigil siya sa paglalakad nang maaninag ang kakaibang mga larawan sa paligid. Sa mga bato ay naroon ang iba't-ibang guhit na hindi niya maintindihan. Nakaluhod ang mga taong nakapaikot sa isang altar. Sa kabilang banda ay may mga guhit din ng iba't-ibang mukha ng tao. Ngunit nagtaka siya sa itsura ng mga ito.
"Ismael, t-tignan mo ang mga ito."
Mabilis itong lumapit sa kanya. Itinuro niya ang mga larawan at natigilan ito.
"Ano ang mga ito?" Tanong nito na hindi niya nagawang sagutin. Nararamdaman niya na unti-unti na nilang matutuklasan ang lihim ng bundok.
"Ismael."
"Hm?" Tugon nito. Nilingon niya ito at inilawan.
"Alam mo ba kung bakit tinawag ang bundok na ito na The Lost Mountain?" Umiling ito. Muli siyang nagtanong sa kasama.
"Alam mo ba kung ano ang tinutukoy ni Raquel na sinabi ng matanda na nagtitinda sa gilid ng kalsada?"
"Ang sabi ni Raquel, pinag-iingat raw tayo ng matanda na huwag maligaw sa lugar na ito. Hindi sinabi ang rason. Hula ni Raquel ay ayaw lang ng matanda na maligaw tayo."
"Kung nagbigay siya ng babala, ibig sabihin ay naakyat na niya ang bundok na ito. Ibig sabihin ay alam niyang may posibilidad na may mawala rito ngunit hinayaan niya lang tayo."
"Baka narinig niya lang ang kwento sa mga hikers o residente rito." Inosenting tugon ni Ismael. Ngayon ay napuno na ng pagdududa ang kanyang isip. Hinila niya si Ismael at hinanap si Gideon. Napakalakas ng t***k ng kanyang puso.
"Damn, where the hell did that jerk go?" Hindi tumugon si Ismael. Inilawan nito ang bawat daan na possibleng dinaanan ng kanilang kasama.
"Gideon, where are you?!" Paulit-ulit nila itong sinisigaw ngunit walang tugon mula sa kasama.
Natigilan siya nang may mailawan sa dulo ng daan. Nakasilip ito sa kanila at mukhang kanina pa nakasunod. Dahan-dahan niya itong nilapitan. Hindi niya pinansin ang paulit-ulit na pagtawag ni Ismael sa kanya.
Muli niyang itinapat ang ilaw sa sulok kung saan niya nakita ang maliit na nilalang ngunit wala kung sino o ano roon. Kanina niya pa napapansin na may nakamasid sa kanila.
Napahinto siya sa paglalakad nang marinig ang boses ni Gideon. "Gael! Ismael!"
Hinanap nila ang pinanggagalingan ng boses. Bumibigat na ang kanilang paghinga at sumisikip na ang lugar. Lalo yata silang naligaw. Nagpalitan sila ng sigaw hanggang makabalik sila sa entrada. Naroon si Gideon at nakatayo sa labas hawak ang dalang ilaw. Mabilis niyang hinila ang dalawang kasama palayo sa lugar. Madilim na ang paligid.
"Can we just stop here to sleep? Walking at night will be difficult." Wika ni Gideon. 'Yun din sana ang gusto niya ngunit hindi mawala ang kaba niya sa kwebang iyon.
"We need to find Rosalie, right? That means we can't stop here and sleep peacefully while your girlfriend is still missing."
Hindi na pumalag si Gideon nang marinig ang pangalan ng nobya.
_______________________________
Hindi siya nakatulog. Binantayan niya ang mga kasama na natutulog sa loob ng tent at muling inaral ang bundok. Wala na silang pagkain. Isang galon na lang ng tubig ang natira sa kanilang dala. Pinaghatian nila ito at bukas ay plano nilang maghanap ng makakain.
Hindi siya mapakali habang pinapakinggan ang boses ng kwago. May mga insekto rin siyang naririnig sa paligid. Inayos niya ang kumot ng kaibigan na nasa bandang hita na.
"I promise... no matter what it takes, I’ll do everything to get you home." Bulong niya at hinimas ang ulo nito. Sa oras na may mangyaring hindi maganda sa kanyang kaibigan ay habambuhay niyang kamumuhian ang sarili.
Hindi pa gaanong sumisikat ang araw ay ginising na niya ang mga kasama. Alam niyang pagod pa rin ang mga ito ngunit ayaw na niyang manatili sa lugar na iyon. Lagi niyang sinusunod ang nararamdaman ng katawan at sinasabi nitong huwag manatili sa lugar na iyon kaya pakikinggan niya ito.
Maliliit ang hakbang ng kanyang mga kasama. Nasa unahan si Teddy at Selma at mukhang may pinag-uusapan. Si Nikki naman ay tahimik lang at tila malalim ang iniisip. Tinapik niya ito sa balikat. Napaigtad ito sa kanyang ginawa.
"Are you okay?"
Tumango si Nikki sa kanyang tanong. Nakayuko lamang ito habang naglalakad sa gilid niya. Kanina niya pa napapansin ang katahimikan nito magmula pa paggising. Ngayon ay si Teddy at Selma naman ang walang humpay sa pagsasalita.
"Naiisip mo ba ang lola mo?" Ngumiti ito at tumango.
"Bago tayo umalis, nagkaroon kami ng hindi pagkakaintindihan. Nasaktan ko siya sa mga salita na binitawan ko. Ngayon ay namimiss ko siya."
"Pwede bang malaman kung ano ang pinagtalunan niyo?"
"Nais niyang magresign na ako sa kompanya at mag-apply sa mga hospital. Alam mo namang ayaw kong maging nurse. Pinipilit niya ako sa bagay na hindi ko kayang gawin."
"Pero nag top ka sa nakaraang board exam. Nakita ko 'yung isa sa nakapin mong post."
"Alam mo Raquel, nais ko talagang maging sikat na mang-aawit." Nagulat siya sa inamin nito. Ilang buwan niya pa lamang itong nakikilala at hindi niya pa ito narinig na kumanta.
"Sana sa paglabas natin sa bundok na ito, magawa ko ng habulin ang pangarap na matagal ko ng kinalimutan. Dahil kahit isang beses lang, nais kong mabuhay para sa sarili ko. Mahal ko ang lola, Raquel. Siya ang naging magulang ko magmula ng iwan ako ng aking ina. Pero ayokong mabuhay para sa ekspektasyon ng iba sa akin."
Tahimik lang siyang nakinig sa dalaga. Ngayon ay mas nakikilala na niya ito at masaya siya na naibahagi nito ang isa sa pinakaimportanteng bagay sa buhay ng tao. Ito ay ang tinatawag na pangarap.
"Raquel, malayo pa ba?" Tanong ni Teddy. Ngayon ay bigla itong bumait sa kanilang lahat.
"H-Hindi ko alam. S-Siguro." Hindi ito napikon sa kanyang sagot. Nagpatuloy lang ito sa paglalakad na ikinagulat niya. Ano na naman kaya ang tumatakbo sa isip nito? Tanong niya sa sarili.
Ilang minuto pa silang naglakad hanggang madaanan ang puno ng bayabas. Mabilis nilang binitawan ang mga dalang gamit at nag-unahan sa puno. Hitik ito sa bunga at halatang hinog na ang mga ito. Marami ring bunga na nahulog na sa lupa.
Natawa siya nang lumambitin si Teddy sa sanga ng puno. Si Selma ay agad naghanap ng panungkit. Gutom na gutom na nga ang mga ito.
Pinanood niya ang mga kasama na nakaupo sa damuhan.
"We need to go now! We can't stay here!" Wika niya sa mga kasama. Parang walang narinig ang mga ito at nagpatuloy lang sa pagkain. Napatingin si Selma sa kanya at inaya siyang kumain. Umiling siya at muling inaral ang mapa.
"Ang sabi mo ay kapag nakarating na tayo sa ilog, may pag-asa na matukoy natin ang daan pabalik sa entrada." Wika ni Selma. Tumango si Nikki sa sinabi ng kanyang kaibigan.
"Nakalimutan niyo na ba ang kailangan nating gawin? Ang mga kasama natin na naghahanap kay Rosalie ay umaasa sa atin! Ni hindi natin alam kung ano na ang nangyari sa kanila!"
Parang natauhan naman ang kanyang mga kasama dahil madaling tumayo ang mga ito at lumapit sa kanya. Wala silang panahon na magsaya sa ganitong sitwasyon. Bawat segundong nasasayang ay naglalayo sa kanila sa pag-asang makauwi.
Iniwan niya ang mga kasama at nauna ng maglakad.
Hindi niya alam kung tama ba ang daang nilalakaran. Kung saan man sila makarating, sana'y hindi siya panghinaan ng loob.