Chapter 1 - Mission to London

2845 Words
"Keno! Keno!" Alas-sais pa lang ng umaga ay naririnig na niya ang ina na sumisigaw sa pangalan ng kapatid niya. Sakto namang pababa siya ng kanilang hagdanan at naabutan ang ina sa sala na nagliligpit ng kalat. "Keno! Ano ba? Hindi ka pa ba tapos diyan?" Sigaw pa rin ng ina niya habang abala sa ginagawa nito. "Ma, ang aga-agang sigaw iyan. Hindi ba pwedeng isang beses lang? Iyang boses niyo ay abot hanggang ilog," napapailing niyang sabi rito. "Sino ba ang hindi sisigaw? Itong kapatid mo ay ang kupad kung kumilos! Papasok na sa paaralan nasa banyo pa rin. Ikaw ba? Papasok ka na rin?" tanong nito sa kaniya. "Oho." "May hinanda na akong almusal kumain ka na at ihatid mo muna ang mga kapatid mo sa eskwelahan pagkatapos." Nilagpasan niya ang ina saka siya naglakad patungong kusina. "Sige po," tugon niya. Sumunod naman ang ina niya sa kusina at inasikaso pa ang bunso nilang kapatid. Panganay si Khale sa tatlo niyang mga bata pang mga kapatid na sina Keno at Kathleen. Labindalawang taong gulang na si Keno at walong taong gulang naman si Kathleen. Ang ina niya ay may maliit na sari-sari store habang ang tatay niya ay tumutulong naman sa kaniyang ina. Nagpatayo siya noon para sa mga ito upang may mapagkikitaan habang siya na ang sumusuporta sa mga ito mula nang nawalan ng trabaho ang kaniyang ama sa pinapasukan nito. May plano na rin siyang lumipat sila ng tinitirhan dahil nahihirapan na siyang makita ang pamilya niyang nakikisiksik sa mga tabi-tabing bahay sa tabing-ilog ng Santolan. Hindi naman niya ikinahiya na laki siya sa hirap at naging daan ito upang maabot niya ang kaniyang mga pangarap para sa pamilya niya. Isa rin ito sa dahilan kung bakit hindi na siya tumangging suungin ang pinakadelikadong trabahong napasukan nila ng mga kaibigan. Ang pagiging isang undercover agent. "Oh, Keno." Sambit niya nang nasa tapat na sila ng eskwelahang pinapasukan ng mga kapatid. "Ikaw na ang bahala sa kapatid mo mamayang uwian. Gabi na ako makakauwi." Ngumiti si Keno. "Oo, Ate Khale. Ako na ang bahala kay Kathleen." "Kapag hindi ako sinundo ni Kuya Keno mamaya sa room namin ay isusumbong ko siya kay nanay," sabat ng kapatid niya. Bahagya siyang yumuko. "Naku, walang sumbungan sa nanay basta susunduin ka ni Kuya Keno mo. Mag-aral ng mabuti." Pangangaral niya sa bunso nila. "Opo!" Sabay-sabay na wika ng dalawa. "Sige na at pumasok na kayo sa loob. Oh, kiss muna sa ate." Isa-isa namang nagsihalikan ang dalawang kapatid sa pisngi niya saka tumalikod ang dalawa at pumasok na sa loob. Kapag hindi hectic ang schedule niya ay naiihahatid niya ang mga ito. Malapit lang din naman ang paaralan sa bahay nila kaya nilalakad lang nila ito. Nang hindi na niya masilayan ang dalawang kapatid, umalis na rin siya. Habang naglalakad siya pabalik sa kanilang bahay ay biglang tumunog ang cell phone niya sa bulsa. Agad niyang dinukot ito at tiningnan ang caller sa screen. Si Po? Sinagot niya agad ito at baka mahalaga ang tawag ng kasama. "Khale! Nasaan ka? Nagpatawag ng meeting si Miss Jow sa condo unit niya sa BGC. Pumunta kana agad!" Hindi pa nga siya nakapag-hello ay iyon na agad ang bungad ni Po sa kaniya. "Urgent ba ito?" tanong niya. "Yes! Kung gusto mo ay daanan kita sa inyo?" "Hindi na. Sasabay na lang ako kay Jingky at malapit lang naman siya sa amin. Isang tawid lang sa bangka." "Hindi ka magdadala ng sasakyan?" "Gagamitin ng papa ko ang kotse dahil may delivery sila sa Pasig." "Okay. See you there. Bye." Ini-off na rin niya ang tawag habang napapaisip kung ano ang pag-uusapan nila. Malamang confidential na naman ito. Kakatapos ko lang sa isang misyon at may misyon na naman. Matatapos ko na rin ang pinagawang bahay para sa pamilya ko. Hindi niya maitago sa sarili ang excitement dahil alam niyang malaki na naman ang ibibigay sa kanila plus tip pa galing sa mga client. Nagmamadali na siyang umuwi upang kunin ang kaniyang mga gamit.    PABALIK na sila ng Eastwood lulan ang kotseng minamaneho ng kaibigang si Jingky. Napapaisip siya sa pinag-usapan nila kanina tungkol sa misyon ni Mitch sa London. Iyon na ang pinaka-creepy sa lahat dahil bigla na lang sumabog ang katawan ng isang tao at malinaw iyong nasaksihan nila mula sa isang CCTV footage. "Grabe! Hindi ako makapaniwala sa nakita natin. Isa akong chemist pero imposibleng cyborg ang mga taong iyon na basta-basta na lang sumabog sa kawalan. Maaaring may hindi magandang nangyari kay Mitch. Ayos lang kaya siya?" Binasag ng kaibigan niya ang katahimikan nilang dalawa sa loob ng sasakyan. "Kahit ako ay hindi ako makapaniwala. Napaka-advance ng technology na ginamit nila kung iyon ay mga tauhan ni Uzik Umerged ang may kagagawan. I hope our friend Mitch is alright. Nag-aalala rin ako sa kalagayan niya since siya ang ipinadala roon. Kung bakit pa kasi hindi na lang tayo isinama." Napapailing siya habang nagmamasid sa nadadaanan nila. "We are going to London in an instant. Hindi ba nakarating ka na roon?" Sinulyapan niya ito. "Dalawang beses pa lang. Alam mo naman ang frontline job ko na kung saan ang mga sikat na fashion shows ay naroon ako." "At ni hindi mo na nakatagpo ang lalaking hinampas mo ng mga rosas noon?" Napapangiti ang kaibigan niya habang nakatuon lang ang mga mata nito sa daan. "Huh?" Napakunot-noo siya rito. Hindi pa pala nakalimutan ng kaibigan niya ang nangyaring iyon dalawang taon na ang nakalilipas. "Hindi mo pa nakalimutan iyon?" "Of course not! Girl, nakita mo ba sa profiles list ng G&A? Maaari natin siyang makasalubong sa Green Valley kung sakaling naroon na tayo. Ni hindi ka pa nga nag-sorry sa boss natin." Natatawang wika nito. "Mabuti nga at hindi ka pinatalsik.” "Teh, below the belt na iyong sinasabi niya. Hindi magandang biro iyon 'no! At sa lahat talaga ay ako ang pagsasabihan niya ng ganoon? Ang daming mga chakaness na modelong nakasama ko noong araw na iyon tapos ako pa talaga ang pagtitripan niya. Sana man lang diniretso niyang sabihing chaka rin ako." Naalala na naman niya ang eksenang iyon sa pagitan nila ng binatang boss. Natawa si Jingky. "He's very handsome and you dumped a bunch of roses on his face. Hindi ka na naawa sa mukha niya at baka nagasgasan. Bagay pa naman kayo, Khale." "Heh!" Angil niya rito. "Hindi ko kailangan ng bastos na lalaki sa buhay ko. Antipatiko pa!" "Ang sabihin mo ay romantiko! Ang hot kaya niya. And he's maginoo! Maginoo pero medyo bastos!" Sabay napahampas ito sa manibela habang natatawa sa sariling biro. "Isusumbong kita sa jowa mo. Gusto mo pala ang maginoo pero medyo bastos!" "Biro lang ito naman." Sumeryoso ito. "Pero...paano kung magtagpo kayo roon? Anong gagawin mo?" Muli niyang ibinaling ang tingin sa labas. "Bahala na. Baka nga at gagawin ko iyong sinabi mong mag-sorry. Pero...basta! Bahala na talaga." "Ikaw ang bahala." Muli silang natahimik. Alam niyang hindi pa siya handang magtagpo ang landas nila dahil sa nangyari. Sana ay hindi kami paglalaruan ng pagkakataon. Ayoko siyang makasalubong o makaharap man lang. Kasalanan talaga ito ng pulang rosas na iyon. Napahalukipkip na lang siya.    INIHATID siya ng mga magulang sa airport nang malaman nitong aalis siya patungong ibang bansa. Mas excited pa ang mga ito sa kaniya dahil marami na naman siyang mauuwing mga pasalubong. "Anak, mag-ingat ka roon. Galingan mo iyong pagrampa mo sa stage. Inumin mo lagi ang vitamins mo at kumain ka sa tamang oras!" Sunod-sunod na sambit ng kaniyang ina. "Ma, ayos lang ako. Kaya ko ang sarili ko." Bumaling siya sa kaniyang ama. "Pa, huwag mo silang pababayaan. Hindi ko pa alam kung kailan kami babalik at magpapadala na lang ako ng pera para sa inyo." "Huwag mo kaming alalahanin. Isipin mo ang trabaho mo roon," seryosong wika ng ama niya. Tumango na lang siya upang hindi humaba ang kanilang diskusyunan. Mahigpit na niyakap niya ang mga ito dahil pakiramdam niya ay matagal siyang makakabalik ng Pilipinas. Sa puntong iyon, nakadama siya ng kalungkutan. Matapos siyang makapagpaalam dito ay pumasok na siya sa loob ng NAIA Terminal 1.    NAKARATING na sila pamosong lugar ng Green Valley nang biglang nagkaroon ng aberya sa kanilang bookings. Nasa lobby sila ng isang magarang hotel habang lalong lumakas pa ang ulan. Ipinagtataka nila ang bagay na iyon dahil maayos naman ang panahon kanina habang bumabiyahe sila. Habang naghihintay sila na makausap ang manager, nasulyapan niya ang isang grupong papasok ngunit natuon ang mga mata niya sa isang pamilyar na lalaki.  "Jingky..." Pasimple siyang lumingon sa kaibigan at tila humihingi ng solusyon sa kung anong gagawin niya. Inilapit nito ang mukha sa kaniya at bumulong. "Si Adrian."  Pasimple siyang tumugon. "Lagot na. Bakit sila nandito?" "I don't know. Magkunwari ka na lang na hindi mo na siya naalala. Amnesia ganern!" Wala siyang naging option kung 'di ang umaktong wala siyang naalala. Ibinaling na lamang niya ang direksiyon sa mga kasama nito hanggang sa naaayos ang problema sa bookings nila. Nakikisabay din siya sa mga banat ni Jingky upang hindi makahalata ang binata. Lord! Hindi sana niya ako naalala. Jusko! Sa dami-daming pagkakataon na pwede kaming magtagpo ay dito pa mismo. Ito na nga ba ang sinasabi ni Jingky kung sakaling mag-krus ang landas namin. Hindi ko siyang tingnan, Lord! Alam ko naman na may kasalanan ako sa parteng iyon pero hindi ko rin masisisi ang sarili ko dahil hindi naman talaga magandang biro iyon. I can't take it anymore! Oh, lupa! Lamunin mo na ako! Abot-abot ang dalangin niya sa sarili. Nang mga oras na iyon, hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit gusto niyang sulyapan ito. May kung anong nagtulak sa kaniyang lumingon sa binata. When her eyes meet his gaze, the time stops. His magnificent steel-grey eyes with a perfect smile make her uneasy. Tila may isang mahika itong ginamit na nagsasabing doon lang siya dapat nakatitig. Maaaring naalala siya ni Adrian base na rin sa kilos nito at ang pagpapakawala ng isang ngiting hindi niya makalimutan. Pakiwari niya ay nanumbalik ang lahat nang mga sandaling ibinato niya ang mga pulang rosas dito. Nagulat din siyang magtagpo ang landas nila ng dating kasamahan niya sa trabaho bilang mga undercover. Naroon ito sa hotel at masaya naman niyang makita ang dalawang kaibigang sina Jho at Khorie. Napag-alaman din nila na nasa Root Valley si Mitch ayon na rin sa mga ito. Isang malaki at malawak mansiyon pagmamay-ari ng mga boss nila. Habang inisa-isa niya lahat ng mga nangyari sa kanila sa Green Valley, hindi niya naiwasang magduda. Isang pangyayaring pinagtagpo ang landas nilang lahat sa isang pagkakataon. Mahiwaga man iyon para sa kaniya ngunit tikom pa rin ang kanilang bibig sa pag-uusisa.   NAGTUNGO siya sa kusina matapos marinig ang rebelasyon mula sa kaibigan nila. Halos hindi siya makapaniwala sa narinig niya tungkol sa sinasabing tadhana nila sa mga binatang imortal na nakasalamuha kanina kabilang si Adrian. "Ikaw pala, Khale. Gusto mo?" Napatitig siya sa kaibigang si Jingky na nauna na pala roon. Inialok sa kaniya ang isang light beer in can at isang basong may yelo. "Nandito ka rin pala." Kinuha niya mula rito ang light beer.  "Oo. Nauhaw ako sa narinig ko kanina. Sabi ko na nga ba. Tama ang hinala kong mga maligno ang mga iyon." Napailing ito saka nagsalin ng beer sa basong may yelo. "Maligno?" Napakunot-noo siya. "Hindi na ako natutuwa sa mga pangyayari ngayon." Nagsalin din siya ng beer sa baso. "Una, nagka-aberya sa bookings natin. Pangalawa, nagtagpo na naman kaming muli ni Adrian. Pangatlo, nakatagpo rin natin sina Jho at Khorie. Pang-apat, ang tungkol sa isiniwalat ni Mitch. Baka may gusto pa silang malaman natin, sabihin na nila para matapos na ang lahat ng ito!" Inis din siyang nilagok ang laman ng basong punong-puno ng light beer. "For sure, sila rin ang may kagagawan ng aberya kanina. Biruin mo, asawa na ni Mitch si Hesophagus—" "Hephaestus!" Pagtatama niya sa kaibigan. Pinigilan na naman niyang matawa sa biro nito.  "Pareho lang iyon! And then, asawa ni Khorie si Hercules ba iyon? Talagang pinaglaruan tayo ng tadhana!" Hinila nito ang upuan sa mesa saka naupo. Gumaya rin siya sa kaibigan. "Imbes na mag-beauty rest ako ay hindi ko na magawa." "So, paano iyan? Mukhang nagdilang anghel ako na magtagpo ang landas niyong dalawa." Sumeryoso na ito. "I really don't know. Iisipin ko pa ba iyon gayong may isa pa tayong problema rito. At isa pa...hindi ko naman dala ang mahiwagang sinasabi nila. Baka nga tinapon na iyon ng nanay ko." "Ako rin naman. Hindi ko iyon dala. Malay ko ba sa tsuka na iyon. Hindi naman magagamit iyon dahil wala namang blade." "Ubusin na lang natin ito at umakyat na tayo. Napagod na ako—" Natigilan siya nang mahagip niya ang platong unti-unting umangat ar lumutang. "J-jingky..." "K-khale...nakikita mo ba? A-ang plato..." "N-nakikita mo rin pala," marahan ang pagkasabi niya. "Khale, takbo!" Sigaw ni Jingky. Mabilis silang napatayo mula sa kinauupuan at kumaripas. Imbes na umakyat sa pangalawang palapag ng mansiyon ay lumabas silang pareho. Abot-abot ang kaba niya sa dibdib sa nakita sa kusina. Noon lang niya naranasan makita iyon ng personal at isa rin siyang matatakutin pagdating sa paranormal. "Khale! Hintay!" Sumigaw siya. "Bilisan mo!" "Aahh!" Narinig niyang sumigaw ang kaibigan kaya nilingon niya ito sa likuran. Napasalampak na ito sa damuhan at may iniinda. Muli siyang bumalik at tinungo ang kinaroroonan ni Jingky. Nakita niyang duguan ang tuhod nito at may nakatusok na maliit na tangkay. "Khale...tumawag ka ng tulong!" Napangiwi siya sa nakita. "S-sige! S-sandali lang at—tatawag ako ng tulong—" "Leave it to me!" Nagulat siyang may dalawang lalaking lumapit sa kanila. Ang isa ay dinaluhan agad ang kaibigan habang ang isa naman ay muli na namang nakatitig sa kaniya. Adrian?! Hindi siya makapaniwalang naroon na ang mga ito gayong wala naman siyang nakitang anino ng mga taong papasok sa mansiyon. Hinuha niyang alam na ng dalawa ang nangyari sa kanila. "Tumingin ka sa mga mata ko," anang binata kay Jingky. "Ha? Sa mga mata mo? H-hindi sa iba?" tanong nito. Ngumiti ang binata. "Yeah." Tinakpan ng kamay nito ang sugat ng kaibigan. "Open-minded ka ba?" Nagkatinginan sila ni Jingky saka siya bumaling sa binata. "Sir, networking? I mean—kailangan ng kaibigan ko ang doctor!" Hindi niya napigilan ang sariling humiyaw. Nagawa pa ng binatang magbiro sa sitwasyon nilang iyon. "He's a doctor. Don't worry, your friend will be fine." Achilles calmly said. Sumulyap siya rito. "Pero—" "Wow! Wala na ang sugat ko!" Muli siyang bumaling sa kaibigan na nakatayo na pala. Tumingin din siya sa tuhod nito na wala na ang sugat nito na siyang ikinabigla naman niya. Mabilis siyang lumapit kay Jingky at napahawak sa braso nito. "Hey! It's alright. H-hindi kami masamang tao." Nahalata agad ng binatang gumamot sa kaibigan niya ang takot niya sa mga ito.  Mahigpit pa rin ang pagkakahawak niya habang palipat-lipat ang tingin sa dalawa. "Mukhang hindi nga kayo masamang nilalang. Salamat sa paggamot ng tuhod ko," kalmadong wika ng kaibigan niya. "It's okay. Mabuti at napadaan kami. Anyway, maaari ba namin malaman kung bakit kayo tumatakbo? By the way, I'm Hermes and this is Achilles." Pagpapakilala nito sa kanila. "H-hi!" Sabay nilang wikang dalawa. "I'm Jingky, Sir Hermes. And nice to see you again, Sir Adrian." "Achilles." Saka ito sumulyap sa kaniya. "Nice to see you again, ladies." Nagsimula na siyang kabahang muli. Kung abot-abot ang kaba niya kanina, mas lalo na ngayong kaharap na naman niya nag binata. Nyemas! "Hindi ko na aalamin ang nangyari sa inyong dalawa. Pumasok na kayo sa loob at malamig na rito sa labas," wika ni Hermes. "S-sige. Salamat ulit," tugon ng kaibigan. Matapos magpaalam sa dalawa ay dali-dali na silang pumasok sa loob. Dalawang beses na silang nagtagpo ng binata at ilang beses na rin siyang nakaramdam ng kakaiba sa tuwing napapalapat ang tingin nila sa isa't isa. Wala man siyang masyadong alam kung bakit nais ng lumikhang laging mag-krus ang landas nila ni Achilles.     NANG gabi rin iyon ay nagligpit na rin sila ng kanilang gamit ni Jingky habang ang iba naman ay nagpapahinga na. habang inaayos nila ang mga dami sa closet, napuna niya ang isang bagay na pinag-usapan lang nila kanina. Sabay pa nilang kinuha ito ni Jingky at nagkatinginan. Pareho silang nagtataka kung paano ito napunta roon gayong hindi naman nila ito isinama sa kanilang bagahe. “My goodness! Paanong nangyaring nasa mga gamit na natin ito?” tanong ni Jingky. Napakuno-noo rin ito. “Hindi na dapat tayo nasorpresa dahil dito. Kung ganoon…gumawa ng paraan ang tadhana. Wala talaga tayong magiging lusot nito kung ang kalaban natin ay ang mahiwagang propesiya.” “Tama ka. Kahit ang agham ay hindi ito kayang ipaliwanag. Kung ang paggamot nga ni Hermes sugat ko, namangha na ako. I am now interested in their magical world.” Napapailing na lamang siya saka nila muling ibinalik ang tsuka sa closet. Mag-uumpisa na silang tuklasin ang mga bagay na may kinalaman sa propesiya ng imortal at kung bakit sila ang napili gayong wala silang kakaibang kakayahan.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD