Chapter 5
LINCY
"ANO ba, Andrew? Hanggang kailan ba tayo maghihintay? Desididong humanap ang matandang hukluban na 'yon ng ebidensya para sa kamatayan ng anak niya. Maghihintay na lang ba tayo na mabuking at mabulok sa kulungan?" galit na sabi ni Freya kay Andrew. Nasa loob sila ng kwarto naming mag-asawa.
"Puwede ba, Freya! Tumahimik ka. Bakit ka ba takot na takot? Ako ang may ginawa, hindi ba? Sinigurado kong malinis ang trabaho ko. Sino ba ang makapagsasabi na may inilagay ako sa inumin niya bago siya umalis sa party? Itinapon ko ang ebidensya. Bahala silang hanapin iyon sa kung saan!" Mayabang na sabi niya at parang proud pa na mahihirapan ang mga pulis na humanap ng ebidensya.
"Eh, kasi. H-hindi lang droga ang ikinamatay niya. May inilagay rin akong gamot sa inumin niya no'ng umaga pa lang," pagtatapat ni Freya. Nagsalubong ang mga kilay ni Andrew at hindi maintindihan ang nais iparating ni Freya.
"May duda kasi akong buntis siya dahil madalas ko siyang makita na nahihilo at nagiging pihikan sa mga pagkain. Naisip ko na baka buntis siya kaya araw-araw ay nagbuboluntaryo akong magtimpla ng gatas o kape niya at nilalagyan ko ng gamot na pampalaglag."
"Ano?! Ginawa mo 'yon?" Hindi ko mawari kung gulat ba 'yon para sa simpatya sa batang dinala ko o pagkabilib na nagawa iyon ni Freya sa akin.
"Ayaw ko kasi na magkaroon kayo ng anak at isa pa tatlong beses ko pa lang naman nagagawa 'yon. Hindi ko naman akalain na may plano ka na palang patayin siya sa party pa lang."
"Hayaan mo na 'yon. Kahit naman hindi mo iyon ginawa ay mamamatay pa rin ang nasa sinapupunan niya dahil sa aksidente. Ang kailangan nating gawin ngayon ay kumbinsihin ang mga matatanda na ipatigil na ang imbestigasyon at mag-move on na. Kailangan pa nating galingan ang pag-arte natin para hindi sila makahalata at hindi tayo pagdudahan."
Anak rin niya ang tinutukoy niya pero hindi man lang siya nangilabot o kinabahan habang nagsasalita.
"Sige na nga. Kakalma na lang ako at kakaririn ang acting natin," malanding sabi nito sabay lingkis ng mga braso nito sa leeg ni Andrew. Dinampian naman ng halik ni Andrew ang mga labi niya. Ang isang dampi ay nasundan pa hanggang sa lumalim ang kanilang paghahalikan.
Hindi ko maipaliwanag pero wala na akong maramdaman kahit pinanonood ko silang ipagpatuloy ang panloloko sa akin.
Unang bumitaw si Freya. "Oops! Mamaya na lang. Nandito tayo sa kwarto ng asawa mo," pigil nito kay Andrew. Mukhang nabitin naman ang aking asawa.
"At ano naman kung nandito tayo? Wala na siya. Kung narito man ang kaluluwa niya ay wala rin 'yong magagawa."
"Anyway, loves. May tanong ako."
"Ano 'yon? Hindi ka ba nakokonsensya na kasamang namatay ni Lincy ang baby niyo? S'yempre, anak niyo pa rin 'yon. Anak mo 'yon," tanong ni Freya sa kaniya. Ngumisi lamang ito. "Kapag ba nasagot ko na ang tanong mo ay pa-i-score-in mo na ako?" malanding sagot niya.
"I'm serious, loves. I want to know your answer."
"Bakit mo naisip itanong 'yan? Tama lang na nawala 'yon dahil magiging pampagulo lang 'yon ng mga plano natin. Gusto kong magkaroon ng anak pero hindi kay Lincy. Alam mo naman na ikaw ang mahal ko, Freya. Kahit ano ay gagawin ko para mapatunayan ko ang pagmamahal ko sa'yo."
"Aww! Ang sweet naman. Mahal na mahal rin kita, loves. Labas na tayo at baka may makahalata pa sa atin dito. Mamaya na 'yong reward mo."
Nakaalis na sila pero ayaw ko silang sundan. Hindi na mahalaga sa akin ngayon ang panloloko nila. Tatlong araw at tatlong gabi na akong nakaburol. Palapit-lapit na nang palapit ang araw na ihahatid sa huling hantungan ang katawang-lupa ko. Kailangan ko nang gumawa ng paraan sa lalong madaling panahon.
Kaysa panoorin ang mga kahayupan ng mga nagtaksil sa akin ay nagdesisyon akong balikan ang lugar kung saan nakatira ang babaeng nakakakita sa akin.
Medyo malayo pa ako sa mismong harap ng tinitirhan niya pero natanaw ko na siya. Base sa postura niya ay mukhang may lakad ito. Sa halip na lapitan ay nakontento na lang ako sa pagtanaw mula sa malayo. Ayaw ko namang abalahin siya sa kung ano man ang gagawin niya ngayon. Naglakad ito hanggang makarating sa isang grocery store. Nagtataka ako kung bakit hindi niya ako nakikita o napapansin man lang kahit katabi niya ako sa mismong counter kung saan siya naka-assign. Marahil ay nagkukunwari lamang siyang hindi ako nakikita para hindi ko na siya kulitin. Kumaway-kaway pa nga ako sa harapan niya sa pagbabakasakaling mapansin niya ako ngunit bigo ako.
Isang sitsit ang pumukaw sa atensyon ko. Hinanap ko ang pinanggalingan ng sitsit at isang batang babae na sa tantiya ko ay nasa pito hanggang sampung taon ang edad ang nakita ko na nagtatago sa shelf ng mga candy at chocolates. Nakangiti ito at sinenyasan akong lumapit.
"Nagtataka ka kung bakit hindi ka niya nakikita, ano?" tanong niya sa akin. Hindi ko mapigilang mamangha sa mga kaluluwa na nakakasalamuha ko. Alam agad nila ang gusto kong itanong kahit hindi ko pa ito nasasabi.
"Oo."
"Tayong mga kaluluwa ay may kakayahang magpakita depende sa kagustuhan natin. Hindi lamang iyon nakadepende sa kakayahan ng isang tao na makakita ng kaluluwa o hindi."
Namangha ako sa sinabi niyang iyon. "Paano iyon nangyayari?"
"Simple lang. Kapag inisip mo na makikita ka niya ay mangyayari nga iyon at kung isipin mo naman na ayaw mo ay hindi ka niya makikita," nakangiting pagpapaliwanag niya sa akin.
"Nakikita ka rin ba niya?" tanong kong muli sabay turo sa kaniya ng babae sa counter.
"Oo naman! Sa totoo nga niyan ay magkaibigan kaming dalawa. Napagkakamalan na rin siyang baliw dahil sa pakikipag-usap sa akin. Kaya madalang na rin ako magpakita sa kaniya. Sinisiguro ko muna na walang ibang makakakita sa kaniya na may kinakausap bago ako magpakita. Napakabait niya. Kahit hindi ako nagpapakita sa kaniya ay nag-iiwan pa rin siya ng candy o chocolates para sa akin," pagkukuwento niya. Tama ang kutob ko na isang mabuting tao nga siya.
"Nakakakain rin ang multo?" hindi makapaniwalang tanong ko. Natawa siya sa tanong ko. "Kamamatay mo lang ba?" tanong nito at tumango ako bilang tugon. "Hindi na tayo puwedeng kumain kahit gustuhin natin. Iniipon ko lang ang mga ibinibigay niya sa akin dahil iyon ang mga favorite ko no'ng nabubuhay pa ako."
"Bakit hindi ka pa rin nakakatawid sa kabilang-buhay?" curious kong tanong sa kaniya.
"May hindi pa kasi ako maiwan rito," nakayukong sagot niya sa akin.
"Mga magulang mo ba? Paniguradong na-mi-miss ka na rin nila," nakangiting sabi ko para hindi na siya malungkot.
"Hindi po. 'Yong kapatid ko po."
Napakunot ang noo ko sinabi niya. Alam ko namang normal lang na ma-miss niya ang kapatid niya pero nagtataka akong hindi niya na-mi-miss ang mga magulang niya.
"Kapatid mo? Nasaan ba ang kapatid mo?"
Itinuro nito ang isang bahay katapat ng grocery store. "Diyan ang bahay namin. Lagi akong nandito kasi binabantayan ko ang kapatid ko."
"Wala bang nagbabantay sa kaniya?"
"Wala na. Wala na pong nagbabantay sa kaniya simula nang mamatay ako."
"Nasaan ang mga magulang ninyo?"
"Nandiyan rin po nakatira."
"Eh, 'di may nagbabantay naman pala sa kapatid mo."
"Sinasaktan po kami ng mga magulang namin. Lasinggero si Papa at sugarol naman si Mama. Kapag umuuwi sila at walang naabutang pagkain ay sinasaktan nila ako. Sinasaktan rin nila ang kapatid ko kapag lagi itong umiiyak."
Labis ang pagkahabag ko nang marinig ko ang kuwento niya. Sa murang edad ay nagdanas na siya ng katakot-takot na hirap sa kamay pa mismo ng mga magulang niya.
"K-kailan ka pa namatay at ano ang ikinamatay mo?" hindi ko napigilang itanong sa kaniya.
"Siguro po ay mga dalawang taon na po ang nakalilipas. Namatay po ako sa pagkakabagok. Lasing at galit na galit po no'n ang aking mama dahil naubos ang pera niya sa pagkatalo sa sugal. Nang manghingi po ako ng pambili ng pagkain ay sa akin po siya nagalit at sa akin ibinuhos ang lahat ng init ng ulo niya. Nahampas niya ako ng kahoy sa ulo. Bumulagta ang katawan ko habang walang tigil ang pagdurugo ng aking ulo. Sa takot ni mama na makulong dahil sa ginawa niya sa akin ay nagmadali siyang hanapin ang papa ko para hingian ng tulong. Hanggang sa napagkasunduan nilang ibaon na lang ako sa likod ng aming bahay."
Hindi ako makapaniwala na may ganoong klase ng mga magulang. Paano nila naatim na patayin ang sarili nilang dugo at laman? Nasaan ang konsensya nila? Nakaramdam ako ng pag-aalala para sa kapatid niya.
"Ganoon rin ba ang ginagawa nila sa kapatid mo? Paano na siya ngayon na wala ka na?" nag-aalalang tanong ko.
"Nakita ng kapatid ko ang lahat ng pangyayari tungkol sa kamatayan ko. Halos mabaliw ito sa takot sa nangyari sa akin at sa araw-araw na pagbabanta sa kaniya ng mga magulang ko upang huwag magsumbong. Ikinulong nila ang kapatid ko sa aming bahay at gaya nang ginagawa nila sa akin ay sinasaktan rin nila ito. Nang dahil sa araw-araw na p*******t nila sa kaniya ay nanghina na ang buong katawan niya at naratay na nang tuluyan nitong nakaraang dalawang buwan. Nagpakita ako sa kaniya at sinabi niyang gusto na raw niya sumama sa akin. Hinang-hina na siya sa tingin ko ay malapit na rin siyang bumitaw. Siya ang hinihintay ko. Alam kong hindi siya ipagagamot ng mga magulang namin kaya mas makabubuti na matapos na ang paghihirap niya. Sabay na lang kaming tatawid sa kabilang-buhay."
Hindi ako nakaimik sa mga narinig ko sa kaniya. Sino bang mag-aakala na sa mura niyang edad ay naniniwala siya na mas mainam pa ang kamatayan para sa kanilang dalawa dahil wala ng sakit o takot ang magpapahirap pa sa kanila.
Tumingin siya sa akin at ako naman ang tinanong. "Ikaw ate? Ano ang ikinamatay mo?"
"Aksidente. Aksidente na pinagplanuhan ng asawa ko at ng kaibigan ko."
"Gusto mong gumanti, ano?" nakangiting tanong niya.
Napaawang ang bibig ko. "P-paano mo nalaman?"
"Nakikita ko sa mga mata mo ang galit, ate. Gusto mo silang gantihan dahil sa ginawa nila sa'yo kaya hindi ka pa rin nakakatawid sa kabilang-buhay."
"Gusto ko silang pagbayarin. Gusto kong maalis na sila sa landas ng matatanda kong mga magulang. Pinagpaplanuhan rin silang patayin."
"Ayaw mo ba 'yon, ate? Kapag pinatay nila ang mga magulang mo, magkakasama na kayong tatawid sa kabilang-buhay. Wala ka nang aalalahanin. Hindi ka na matatakot para sa kanila."
Hindi ko siya masisisi kung bakit ganoon ang kaniyang pananaw. Iyon marahil ang natutunan niya sa lahat ng hirap na pinagdaanan niya.
"Mas magiging masaya ako kapag nabigyan pa sila ng pagkakataon para i-enjoy ang buhay nila kahit sa kaunting panahon pa. Tingnan mo tayo, hindi na nga tayo maaaring saktan ninuman pero wala na rin tayong kakayahan na gawin ang mga bagay na gusto natin no'ng tayo ay nabubuhay pa. Hindi na tayo puwedeng mangarap pa. Hindi na rin natin mararanasan ang tumanda."
Nanahimik siya at mukhang naintindihan ang nais kong ipahiwatig. "Mali po ba ako dahil hinihintay kong mamatay ang kapatid ko para magkasama na kami?" malungkot niyang tanong sa akin.
"Hindi. 'Di ba't iyon na rin ang gusto ng kapatid mo? Iba-iba ang kagustuhan ng tao base sa sitwasyon na kinalalagyan niya. Walang masama kung gusto niyo nang makaalis sa puder ng mga mapang-abuso niyong mga magulang niyo. Kahit ako man siguro ay 'yon rin ang gugustuhin ko."
"Paano mo po gagawin ang paghihiganti mo? Eh, hindi na po nila tayo nakikita?"
Ngumuso ako para ituro ang kinaroroonan ng babaeng nakakakita sa akin. "Si Ate Elliana po?"
Elliana pala ang pangalan niya. "Oo."
"Ate, ang sabi po sa akin dati ng isang tagapagsundo ay bawal raw pong gumawa ng ikasasakit ng mga buhay ang isang kaluluwa dahil itatapon ang kaniyang kaluluwa sa isang napakalalim at madilim na lugar," pagpapaalala niya sa akin. Wala akong alam tungkol sa bagay na iyon dahil wala pa akong nakakasalamuha na isang tagapagsundo.
"Hindi ko sila sasaktan o papatayin katulad ng ginawa nila sa akin. Gusto ko lang na managot sila sa batas kaya hihingiin ko ang tulong ng Ate Elliana mo."
"Ah, gano'n po ba? Sana ay mahanap mo na po ang hustisya na gusto mo, ate."
"Ano'ng pangalan mo neng?" tanong ko sa bata na kanina ko pa kausap pero hindi ko alam ang pangalan.
"Angel po."
Bagay na bagay sa kaniya ang pangalan niya at marahil ay nakatakda siyang maging anghel sa kabilang-buhay at hindi sa buhay na ito.