Chapter 6

1902 Words
Chapter 6 LINCY "Angel, puwede mo ba akong tulungan na mapapayag si Ate Elliana mo para tulungan akong isagawa ang plano ko?" pakiusap ko kay Angel. Napakamot ito sa ulo niya. "Eh, kasi po. Mabait si Ate Elliana pero mahirap siyang pilitin kapag ayaw niya. Pero, susubukan ko po. Marami rin po kasing problema si Ate." "Problema? Ano'ng problema?" tanong ko sa kaniya. "Nagpapakasubsob po si Ate sa pagtatrabaho dahil gusto niyang maipagawa ang bahay na natitirang alaala ng kaniyang mga magulang. Kinamkam po kasi ng mga kamag-anak niya ang mga naiwan ng magulang niya at tanging bahay lamang nila ang natira sa kaniya. Sira-sira na po ito at luma na." "Wala bang kamag-anak ang Ate Elliana mo? Nakapunta na ako sa bahay na tinitirhan niya at nakakapag-alala ang pagtira niya roon nang mag-isa." "Mayro'n po. Ang kaso ay hindi po maganda ang trato nila kay Ate. Ginawa nilang alila si Ate at hindi sinuportahan para makapag-aral. Hindi na yata niya kinaya ang pangmamaltrato nila sa kaniya kaya umalis siya at bumalik sa lumang bahay nila. Buti nga po at hindi kasama sa kinamkam ng kamag-anak niya ang bahay nila ng mga magulang niya." "Ang dami mong alam tungkol sa kaniya, ano?" "Buhay pa ako ay magkakilala na po kami. Lagi akong bumibili rito ng candy o 'di kaya chocolates na pasalubong ko sa kapatid ko, pero nalaman lang niya ang tungkol sa buhay ko no'ng namatay ako. Nagkuwento rin si Ate ng tungkol sa buhay niya." "Iyong sinasabi mong tagasundo. Babae ba 'yon o lalaki?" curious kong tanong. Napapaisip tuloy ako kung sino ang tinutukoy niya. "Babae po ang dumating na tagasundo sa akin, pero hindi po muna ako sumama. Sinabi ko po na gusto kong bantayan ang kapatid ko." "Buti ay pumayag sila sa gusto mo." "Kaya nga po maraming kaluluwa pa rin ang narito sa mundo ng mga buhay ay dahil may mga bagay pa silang hindi kayang bitiwan at may mga bagay pa silang gustong gawin gaya natin. Hindi naman po lahat ng namamatay ay gusto nang mamatay. Minsan ay napapaaga dahil sa masasamang tao." "Napakasuwerte sana ng mga magulang mo sa'yo, Angel. Ang dami mo na agad alam sa buhay. Kung inalagaan at pinalaki ka sana nila nang maayos ay malaki ang maitutulong mo sa kanila. Hindi ka ba galit sa kanila dahil sa ginawa nila sa'yo at sa mga kapatid mo?" "Galit? Oo, ate. Galit ako sa kanila. Galit na galit. Ipinagkait nila sa aming magkapatid ang maayos na buhay at sila ang dahilan ng paghihirap namin. Sila nga ang nagbigay ng buhay sa amin pero sila rin ang kumitil. Kaya nga po mabilis kong natanggap ang maagang kamatayan ko. Wala namang silbi ang buhay ko. Walang magandang kinabukasang naghihintay." "Gusto kong sabihin sa'yo na huwag kang magtanim ng galit pero wala akong karapatan, Angel. Maging ako man ay puno rin ng galit. Pareho tayong biktima ng mga taong walang ibang pinahahalagahan kundi ang mga sarili lamang nila." "Ang kapatid ko lang po ang inaalala ko ngayon. Ang mahalaga sa akin ay maging okay siya gaya nang pag-aalala mo sa mga magulang mo. Sandali lang, ate. Kakausapin ko muna si Ate Elliana habang wala pang mga customer," pagpapaalam niya sa akin. NILAPITAN niya si Elliana at kinausap. Pumayag lamang siya ay ibibigay ko sa kaniya ang mga kailangan niya. Hindi ko naman hahayaan na mapahamak siya dahil sa akin. Maya-maya ay tumingin ito sa dakong kinaroroonan ko at nilapitan ako. "Ang sabi ko ay pag-iisipan ko muna. Mahirap ba sa'yo ang maghintay?" inis niyang tanong sa akin. Nahiya ako pero kailangan kong tatagan ang loob ko at kapalan ang mukha ko. "Kung paghihintay lang ay kayang-kaya ko. Kahit gaano pa katagal ay mahihintay ko kung para sa sarili ko lamang, pero buhay ng mga magulang ko ang nakasalalay sa paglapit ko sa'yo. Hindi ko kaya na may mangyaring masama sa kanila. Gusto rin silang patayin ng mga taong walang-pusong pumatay sa akin para makamkam ang mga ari-arian namin. Wala akong pakialam sa pera. Mas mahalaga sa akin ang mga magulang ko. Ayaw kong sapitin nila ang sinapit ko sa mga taong inakala naming mabuting tao." Natahimik siya at nag-isip nang malalim. "Ano ang maitutulong ko sa'yo?" tanong niya. Pumalakpak ang aking tainga dahil mukhang payag na siyang tulungan ako. "Gusto kong pagbayarin ang mga pumatay sa akin. Gusto ko silang managot sa batas. Hangga't malaya sila ay hindi ako mapapanatag para sa mga magulang ko." "At paano naman kita matutulungan? Hindi ako puwedeng tumestigo laban sa kanila sa hukuman dahil wala akong ebidensya na magpapatotoo upang maipakulong sila." "Ipahihiram mo sa akin ang katawan mo." "Ano?! Nasisiraan ka na ba?!" halos pasigaw nitong sabi. "Makinig ka muna. Pagkatapos ng libing ko ay pupunta ka sa aming mansiyon upang mag-apply bilang kasambahay." "Paano ka naman nakasisiguro na tatanggapin ako ng mga magulang mo bilang kasambahay?" "Maaawain ang aking mga magulang. Lahat ng lumalapit sa kanila ay hindi nila pinahihindian. Iyon ang dahilan kaya sila nasa alanganin ngayon. Kasama nila sa bahay ang mga ahas na tinutulungan nila noon." "At kapag tinanggap na nila ako ay ano ang gagawin ko?" "Wala. Ako ang kikilos gamit ang katawan mo. Ipahihiram mo sa akin ang katawan mo at ako na ang bahala sa lahat ng dapat gawin." "May trabaho ako rito." "Mag-resign ka. Babayaran kita ng doble pa sa sinasahod mo rito. Hindi ka malulugi dahil sa araw mo lang ipahihiram sa akin ang katawan mo at sa gabi ay malaya kang gawin ang gusto mo bilang ikaw." Napalunok siya nang ilang ulit bago tumingin sa akin. "P-puwede ba akong mag-request?" nahihiyang tanong niya sa akin. "Ano 'yon?" "Puwede bang ang kapalit ng gagawin ko para sa iyo ay pagpapaayos ng bahay na naiwan sa akin ng mga magulang ko," nahihiyang sabi niya. Tama nga ang kuwento sa akin ni Angel. Malaki nga ang pangangailangan at kagustuhan niya na ipaayos ang bahay. "Iyon lang ba?" nakangiti kong tugon sa kaniya. "G-gusto ko rin sana makapagtapos sa pag-aaral para magkaroon ako ng maayos na buhay," nahihiya pa ring sabi nito. "Kung iyon ang gusto mo ay ibibigay ko sa'yo. Basta matapos ko lang ang dapat kong tapusin dito sa mundo ay aayusin ko rin ang buhay mo bago ako tuluyang umalis," pangako ko sa kaniya. "Sige na. Babalik na ako sa trabaho ko. Mamaya na tayo mag-usap." Bumalik siya sa counter niya at kami naman ni Angel ang magkasamang muli sa labas ng grocery store. "Angel, hindi ka ba umaalis rito?" pagsisimula ko ng topic. "Hindi po, ate. Dito lang ako tumatambay pagkatapos kong bisitahin ang kapatid ko. Bakit mo po naitanong?" "Wala naman. Gusto ko sanang makita ang kapatid mo. Hindi mo ba sinubukang humingi ng tulong para maisalba pa ang buhay niya kaysa sa naghihintay na lang ng kamatayan?" tanong ko sa kaniya. Nalungkot ang maamo niyang mukha at yumuko ito upang itago ang sakit sa mga mata niya. "W-wala po akong malalapitan." "Hindi mo ba sinubukang pakiusapan ang Ate Elliana mo? Kahit i-report man lang sa mga pulis para mai-alis ang kapatid mo sa puder ng mga magulang mo?" Bagama't naiintindihan ko ang kagustuhan niya na tapusin na ang paghihirap ng kaniyang kapatid nang sa gano'n ay malaya na silang magkakasama sa kabilang-buhay ay naisip ko na may iba pang paraan. Nanghihinayang ako sa buhay ng kapatid niya. Hindi lang naman kamatayan ang paraan para makaahon sa hirap na pinagdaraanan nila. "Narinig ko po ang pag-uusap niyo. Bibigyan niyo po si ate ng pampagawa ng bahay nila kapalit ng tulong niya. Wala po akong maipambabayad sa kaniya," malungkot na sabi niya. Nahabag ako sa sinabi niyang iyon. "Subukan natin na kausapin ang Ate Elliana mo para mag-report sa mga pulis." "Huwag na po, ate. Baka mapahamak po si Ate Elliana. Noon pa man po ay sinubukan ko ng mag-report sa mga pulis. Pinuntahan nila sa bahay sina Mama at Papa pero nagsinungaling lang sila at sinabing nag-away kaming magkapatid kaya ako may mga pasa. Kung gagawa po ako ng paraan para i-report ulit sila ay paniguradong pagbubuntunan nila ng sisi ang kapatid at iisiping tumakas ito para magsumbong." Napakahirap naman pala ng kalagayan ng kapatid niya. Naiintindihan ko ang pinupunto niya. Baka ang pagdating ng mga pulis sa kanilang bahay pa ang maging mitsa ng buhay nito. Marahil ay gumagamit na rin ng ipinagbabawal na gamot ang mga magulang nito kaya hindi na sila normal mag-isip. Isang ideya ang pumasok sa isip ko para matulungan ang kapatid niya. "Gusto mo bang isama na lang ng Ate Elliana mo ang kapatid mo sa bahay namin. Mag-a-apply siya ro'n bilang kasambahay. Mabait ang mga magulang ko. Kapag nakita nila ang kalagayan ng kapatid mo ay paniguradong tutulungan nila ito." Umaliwalas ang mukha nito at bakas sa mukha niya na nabuhayan ito ng pag-asa. "Talaga po? Tatanggapin nila ang kapatid ko?" "Oo naman. Mahilig tumulong ang mga magulang ko. Hindi sila namimili ng taong tutulungan. Maniwala ka sa akin magiging maayos rin ang lagay ng kapatid mo," nakangiting sabi ko. "Iyon nga lang, h-hindi mo na siya kasamang aalis," malungkot na pahabol ko. Ngumiti siya sa akin. "Hindi ko naman gustong mamatay ang kapatid ko, ate. Ang gusto ko lang ay maging maayos na ang lagay niya at matapos na ang paghihirap niya. Kung mabibigyan mo siya ng pagkakataon para magkaroon ng maayos na buhay ay sisikapin kong matulungan ka at tatanawin ko po itong utang na loob hanggang sa kabilang-buhay." "Kung gayon ay planuhin natin nang mabuti ang gagawin para maitakas ni Ate Elliana mo ang kapatid mo. Puwede mo ba akong samahan sa bahay niyo para makita ko ang lagay niya?" Nagpunta kami kanilang bahay sa tapat lang mismo ng grocery store kung saan nagtatrabaho si Elliana. Hindi naka-lock ang pinto at bahagya itong nakabukas. Naroon ang kapatid niya nakaratay at hinang-hina. Maputla na ito at nag-iisa. Awang-awa ako sa kalagayan nito. Marami rin itong mga pasa sa iba't-ibang parte ng kaniyang katawan. Nabigla ako nang magsalita ito. "A-ate, sino 'yang kasama mo?" tanong nito kahit hirap na hirap na ito sa pagsasalita. "Huwag mo na pilitin pang magsalita. Nandito na ang ate. May kasama akong makakatulong sa'yo. Maipagagamot ka niya," masayang pagbabalita nito sa kaniya. Tipid ang ngiting mula sa maputla niyang mga labi ang isinukli nito sa kaniyang kapatid. Payat na payat ito at mukhang hindi rin nakakakain ng maayos. Sa palagay ko ay dala lamang ng gutom ang dahilan ng kaniyang panghihina. "Talaga, Ate? Iaalis niyo ako rito?" paos niyang tanong. "Oo, Andrea. Gagawa kami ng paraan para maitakas ka rito." "Ano ba, Andrea! Sinabi ko na sa'yo na tigilan mo na ang pagsasalita nang mag-isa! Huwag kang tumigil at tatamaan ka sa akin!" sigaw ng isang lasing na lalaki sa batang nakaratay. "Siya ang papa namin," sabi ni Angel. "N-nandito si Ate. L-lagi niya akong binabantayan," pagpupumilit ni Andrea. "Ano?! Hindi ba't sinabi ko na tigilan mo na ang kuwento mo tungkol sa ate mo? Makulit ka talagang bata ka!" sigaw muli nito sabay sampal ng malakas sa bata. Napangiwi ito sa sakit. Ang mas ikinagulat ko ay ang reaksyon ni Angel. Nakapikit ito at nakatakip sa magkabilang tenga niya na tila takot na takot. Mabilis kong naunawaan ang ibig sabihin ng reaksyon niya. Iyon ay ang trauma na nakuha niya sa p*******t sa kaniya noong siya ay nabubuhay pa. Sumilay sa puso ko ang maigting na kagustuhang maialis ito upang isalba ang buhay niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD