Chapter 7

1429 Words
Chapter 7 LINCY NGAYON ang araw ng aking libing. Huling araw ng aking katawang-lupa sa mundong ibabaw. Huling araw na makakasama ito ng aking Nanay at Tatay. Ito ang araw na dapat ko ng tanggapin nang tuluyan na tapos na ang buhay ko sa mundong ito at hindi na ako maaari pang magkaroon ng pagkakataon para makasama pa sina Tatay at Nanay. Nakipaglibing ang malalapit kong mga kakilala at kaibigan. Dumalo rin ang mga kamag-anak at kaibigan nina Nanay at Tatay. Malungkot sila at nagluluksa. Ngunit ang pinakamalakas sa lahat ng pagluluksa ay ang sa aking mga magulang. Nadurog ang puso ko nang lumuhod si Tatay sa harap ng kabaong ko na unti-unting inilulubog sa lupa at nagpalahaw ng iyak. Wala siyang anumang salita na binitawan ngunit sapat na ang mga luha niyang dumadaloy sa pisngi niya upang ipahayag ang nararamdaman niya. Impit ang mga hikbi ng aking ina na inaalo naman ng mapagkunwari kong asawa. Naroon rin ang ahas kong kaibigan na may papunas-punas pa ng luha. Natapos ang misa at naihatid na ako sa aking huling hantungan. Sabay-sabay na umalis ang mga nakiramay ngunit nagpaiwan pa ang aking asawa at malanding kaibigan. "Ang tagal ko ring tiniis na pakisamahan ka pero ngayon ay malaya na ako," nakangiting sabi ng asawa ko. "Malaya na akong umalis sa tabi mo at kunin ang lahat ng yaman mo. Hindi ka naman lugi dahil tinulungan kitang palaguin ang negosyo ninyo. Isipin mo na lang na ito ang paraan ko para kunin ang kabayaran sa lahat ng pagod ko. Ikaw kasi, eh. Kung pumayag ka sa kagustuhan ko na ipangalan sa akin ang negosyo, buhay ka pa sana," tila ay paninisi pa nitong sabi sa puntod ko. Nagbalik sa alaala ko ang pagpipilit niya noon sa akin na ipangalan sa kaniya ang negosyong binuksan namin pagtapos ng kasal. Hindi ako pumayag dahil hindi ako komportable na ipagkatiwala sa iba ang mga bagay na ako mismo ang nagplano. Nagalit siya sa akin at inakusahang wala raw tiwala sa kaniya. Good thing, sinunod ko ang instincts ko. Kung inaakala niya na makukuha niya ang gusto niya nang walang kahirap-hirap ay nagkakamali siya. Wala siyang makukuha kahit piso at babawiin ko pa ang lahat ng mayro'n siya. "Kawawang Lincy! Akala niya ay nakahanap na siya ng happily ever after niya pero si Kamatayan pala!" patawa-tawa pang dagdag ni Freya. Pasalamat sila dahil hindi ako mamatay-tao na gaya nila. Maipakulong ko lamang sila at maalisan ng kayabangan sa katawan ay sapat na sa akin. "Malay natin ay nasa kabilang-buhay ang soulmate niya," patawa-tawa ring sabi ni Andrew. "Ano ang plano mo sa mga matatandang hukluban? Hadlang lamang sila sa ating mga plano. Siguro naman ay may plano ka na sa kanila dahil nailibing na ang tanga mong asawa?" inip na tanong ni Freya. "One step at a time, my love. Sa tingin mo ba ay hindi tayo pagdududahan ng mga kamag-anak ng mga 'yon kapag sabay na may nangyari sa kanilang mag-asawa pagtapos mamatay ng kanilang anak? Hayaan na muna natin silang magluksa hangga't gusto nila. Madali lang naman bilugin ang ulo ng mga iyon," confident na sabi ni Andrew. Inirapan siya ni Freya. "Ipaaalala ko lang sa'yo, Andrew. Hindi kontento ang nanay ng asawa mo sa resulta ng imbestigasyon. Kapag sumabit tayo ay malilintikan ka talaga sa akin," pagbabanta niya. "Matatanda na iyon, kaunting panahon na lamang ang ilalagi nila sa mundo. Baka nga kahit wala pa akong gawin ay kusa na lang mamatay ang mga iyon sa sama ng loob." "Oo nga, ano?" pagsang-ayon ni Freya. Ang araw na ito ang simula ng aking paghihiganti. Kailangan ko ng masusing plano para mapabagsak ko silang dalawa. Umalis ako sa sementeryo at nagtungo sa bahay ni Elliana. Doon ang napag-usapan naming meeting place. Gusto ko muna unahin ang pagtulong sa kapatid ni Angel. Gusto ko siyang isama sa pagbalik sa aming mansyon. Sila ang mas karapat-dapat na tulungan. "Nasaan si Angel?" tanong ko kay Elliana na abala sa pagtingin sa mga lumang larawan sa isang photo album. Hindi ito umimik at patuloy lamang sa pagbuklat ng mga pahina nito. "Na-mi-miss mo na sila, ano?" tanong kong muli. Tumango siya. "Sobra. Bakit gano'n? Kahit biniyayaan ako ng kakayahan na makita ang mga kaluluwa at ibang mga elemento sa mundo ay hindi ako nabigyan ng pagkakataon na makita ang kaluluwa ng aking mga magulang," puno ng hinanakit na sabi nito. "Baka nakatawid na sila sa kabilang-buhay kaya gano'n. Hindi ba at ang narito lamang at nakikisalamuha sa mga buhay ay ang mga kaluluwang hindi matahimik at natapos na ang misyon nila sa buhay nila sa mundo." "Nakatawid? Ganoon lang ba nila kabilis na napatawad ang gumawa ng kasuklam-suklam sa kanila. Namatay sila nang wala sa oras at hindi man lang nakamit ang hustisya para sa kanila." Napaawang ang bibig ko sa sinabi niya. "Aksidente rin ba ang ikinamatay nila?" 'di makapaniwalang tanong ko. "Oo. Aksidente na sinadya ng mga gahaman naming kamag-anak. Pinag-interesan nila ang mga ari-arian na pinaghirapang ipundar ng aking mga magulang." "Pareho pala kami ng kapalaran ng mga magulang mo. Kaya ba pumayag kang tulungan ako?" "Medyo. Maganda ang offer mo kaya pumayag ako. Gusto kong ayusing muli ang buhay ko." "Nasaan na ang mga kamag-anak mo na kumamkam sa ari-arian niyo?" "Narooon sa ipinagawa nilang mansyon. Nagpapakasasa sa yaman na kinamkam nila." "Bakit hindi mo sila ipinakulong?" Tumawa ito ng mapakla. "Bata pa ako no'n. Magkakasama kami sa sasakyan ng aking mga magulang galing sa pamamasyal. May isang sasakyan na unti-unting sumalubong sa aming sinasakyan at sa pakiwari namin ay may intensyon itong bungguin ang kotseng sinasakyan namin. Nang malapit na ito sa amin ay iniwasan ito ni Papa at bumangga ang kotse namin sa isang malaking puno. Malakas ang impact ng pagbangga kaya napuruhan si Papa. Hindi rin nakaligtas sa kamatayan ang Mama ko na tinakpan ng isang tela ang aking ulo para hindi sana tamaan ng mga basag na salamin ng kotse. Kaunting gasgas at mild head trauma ang inabot ko. Paggising ko noon ay napakaraming mga kaluluwa na ang nakikita ko. Napunta ako sa kamay ng mga kamag-anak ko matapos silang tawagan ng mga otoridad para ibigay sa kanila ang pangangalaga sa akin. At sa kasamaang-palad, ang tinawagan ng mga pulis ay ang kamag-anak ko na sinadya kaming patayin." "Nakita mo kung sino ang humarang sa inyo no'ng naaksidente kayo?" "Tiningnan ko ang lagay ng mga magulang ko at bago ako tuluyang mawalan ng malay ay nakita ko ang tiyuhin kong nakatayo habang nakangising nakatingin sa amin. Umalis ito sa pinangyarihan ng aksidente na parang walang alam. Napunta ako sa puder nila at doon nagsimula ang malagim na kalbaryo ng buhay ko. Sila na ang naging guardian ko na sinang-ayunan naman ng otoridad dahil sa pagiging malapit naming magkamag-anak at ulila na ako sa aking mga magulang. Sinamantala nila iyon at inangkin ang mga ari-arian ng mga magulang ko." "Hindi mo ba naisip na baka may iniwan o nakatabing pera para sa'yo ang mga magulang mo? Alam nila na malaki ang interes ng kamag-anak niyo na makuha ang ari-arian niyo ay maaaring may itinabi o nag-deposit sila ng pera sa ibang account na nakapangalan sa'yo. Kasi kung ako ang nasa kalagayan nila ay maghihiwalay ako ng para sa anak ko." "Imposible 'yan. Nasuhulan ng tiyuhin ko ang abogado ng mga magulang ko at siya mismo ang naglipat sa pangalan nila ng mga ari-arian na naiwan ng mga magulang ko at walang itinira para sa kinabukasan ko." "Ewan ko ba pero malakas ang pakiramdam ko na may iniwan ang mga magulang mo para sa'yo. Baka nandito lang iyon sa bahay ninyo. Mabuti at ipinaubaya na nila sa'yo itong bahay." "Ang narinig ko sa usap-usapan nila ay hindi na kukunin ang bahay namin para hindi raw makahalata ang iba sa pagnanakaw na ginawa nila sa akin." "Nakakakita ka ng mga kaluluwa, hindi ba? Ayaw mo bang kausapin sila?" curious kong tanong. Alangan namang pinagtataguan siya ng mga magulang niya. At nasisiguro kong hindi sila matatahimik dahil naiwan sa puder ng sakim nilang kamag-anak ang kaisa-isa nilang anak. Bakit nga ba ayaw nilang magpakita sa kaniya? "Matagal ko na silang hinahanap. Matagal ko nang sinusubukan na makita sila. O siya, mamaya na ang kuwentuhan. Kunin mo na ang kapatid ni Angel. Mag-ingat ka at siguruhin mong walang masamang mangyayari sa katawan ko." Sumanib ako sa katawan ni Elliana upang kunin ang kapatid ni Angel sa bahay nila. Nakakapanibago dahil ngayon lang ako ulit makakabalik bilang tao. Simula na ito ng paggawa ko ng mga bagay na dapat kong ginawa no'ng ako ay nabubuhay pa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD