Chapter 3

1356 Words
CHAPTER 3-HIS LUSTFUL KARMA LINCY Para akong bata na nakabuntot kay nanay kahit hindi naman niya ako nakikita. Nag-aalala na rin ako sa kaniyang kalusugan dahil isang subo ng pagkain na sapilitan lang ang kinakain niya. Lalong lumalalim ang galit ko kay Andrew at Freya. Nagdesisyon si nanay na lumabas ng kwarto at hinarap ang mga bisita na nakikiramay sa pagkamatay ko. Tumabi ito kay tatay na nakaupo at nagbabantay sa kabaong ko. Walang imik si tatay. Sa tuwing may kakausap sa kaniya, tipid na ngiti at pagtango lang ang isinasagot niya sa kanila. Malayong-malayo sa masayahin at mapagbiro kong tatay. Walang luha sa kaniyang mga mata pero ramdam ko bilang anak na labis ang pagdadalamhati ng kaniyang puso. Natanawan ko sa hindi kalayuan si Andrew at Freya na mukhang nagtatalo. Lumapit ako sa kinaroroonan nila at pinakinggan ko ano ang pinag-uusapan nila. "Mukhang pinagdududahan ka na ng matandang hukluban na iyon! Kailangang maunahan mo siya bago pa mabulilyaso ang mga plano natin." Halos pabulong pero gigil na turan ni Freya. Masyado rin talaga siyang atat na makamkam ang yaman ng pamilya ko. Maling tao ang pinag-aksayahan ng pera ng mga magulang ko para pag-aralin. Gumastos sila para bigyan ng karunungan ang isang kriminal. "Alam ko, pero hindi pa tayo puwedeng kumilos agad ngayon dahil kamamatay lang ng asawa ko. Mas pagdududahan tayo." "At hanggang kailan pa tayo makikipagluksa? Kapag pinatagal nating buhay ang matandang mag-asawa na iyon ay baka sa kangkungan pa tayo pulutin. Narinig mo naman, 'di ba? Magpapa-imbestiga ulit dahil hindi siya naniniwalang walang foul play na nangyari." "Kamamatay lang ni Lincy at hindi pa nalilipat sa pangalan ko ang mga ari-arian na nakapangalan sa kaniya. Kaunting tiis pa. Hindi tayo puwedeng magpadalos-dalos at baka lalo tayong pagdudahan ng mga magulang niya." "Bakit ba naman kasi droga pa ang naisip mong ilagay? Hindi mo man lang naisip na baka malaman 'yon sa imbestigasyon. Akala ko ba malinis kang magtrabaho?" Paninisi ni Freya kay Andrew na nagpainit naman sa bungo ni Andrew. "Sinisisi mo ba ako? Buti nga ako may ginagawa para mapunta sa atin ang yaman ng pamilya ni Lincy, eh, ikaw? Naghihintay ka na lang ng resulta, demanding ka pa. Ipapaalala ko lang sayo, ako ang asawa. Ibig sabihin ay ako ang may karapatan sa ari-arian ng asawa ko at kung gusto mong maambunan ng grasya ay itikom mo na lang 'yang bibig mo." "At sana hindi mo rin nakakalimutan na ako ang nakakaalam ng mga ginawa mo sa sarili mong asawa. Kapag nagsalita ako, wala kang makukuha na kahit singkong duling at mabubulok ka sa kulungan." Mayabang na pananakot naman ni Freya kay Andrew. "Pamba-blackmail ba ang tawag mo diyan? Magkasama tayo nagplano kaya magkasama tayong mabubulok sa kulungan." "Ewan ko sa'yo! Basta ayusin mo 'yang trabaho mo. Baka naman bigla kang makonsensya lalo pa at kasamang namatay ng asawa mo ang bata sa sinapupunan niya." Napaawang ang bibig ko sa huling sinabi ni Freya. Buntis ako? Kaya pala madalas akong mahilo at naging maselan ang pang-amoy at panlasa ko nitong mga nakaraang araw. Napahawak ako sa tiyan ko at hinayaan kong dumaloy ang masaganang luha mula sa aking mga mata. Hindi lang buhay ko ang sapilitan nilang kinuha kundi pati ang buhay ng isang walang muwang na bata sa sinapupunan ko. "Of course, not. Ewan ko ba sa babaeng 'yon kung alam niyang buntis siya. Mga pulis lang naman ang nagsabi sa akin na buntis raw siya nang maaksidente. Hindi na mahalaga 'yon sa ngayon. Puwede naman tayong magkaroon ng maraming gano'n kapag nakuha na natin ang dapat nating makuha at nakalayo na dito." Tila ay wala sa loob na sagot ni Andrew. Dugo niya rin ang nananalaytay sa batang kinitil niya kasama ko pero wala man lang itong naging epekto sa kaniya. Ni hindi man lang nabagbag ang kalooban niya o nakonsensya. Ang tanga ko talaga! Sa dinami-dami ng lalaki ay siya pa ang pinakasalan ko. Masyado akong naniwala sa mabulaklak niyang pananalita at magandang prinsipyo na nakita ko sa kaniya noon. Hindi man lang pumasok sa isip ko na baka hindi malinis ang intensyon niya sa paglapit sa akin at yaman lang namin ang puntirya niya. Kailangan kong itama ang lahat ng ito. Kailangan kong gumawa ng paraan para mabigyan ng hustisya ang ginawa niya sa akin lalong-lalo na sa anak ko. Ewan ko ba naman sa sarili ko. Alam kong masasakit na bagay lang ang maririnig ko sa usapan nilang dalawa pero nakikinig pa rin ako. Mabigat ang pakiramdam ko at gusto kong magkaroon ng karamay. Naglakad-lakad lang ako kahit walang kasiguraduhan kung saan ako pupunta. Dinala ako ng aking mga paa sa isang park. Madaming tao ang naroon at mukhang masasaya. Naiyak ako ulit nang may makita akong babae na may kargang bata at itinuturo ang lobo. Kung buhay pa sana ako ay magsisilang rin ako ng isang sanggol at kapag malaki na siya ay isasama kong mamasyal din dito. Umupo ako sa isang bench na may isang babaeng nakaupo at mukhang may matindi ring pinagdadaanan. Magulo ang kaniyang buhok pati na rin ang suot niya. Dahil kaluluwa na lamang ako ay isinigaw ako ang lahat ng sakit ng kalooban ko. Hindi naman ako pagtitinginan ng mga tao dito dahil wala namang makakarinig sa akin. Hindi pa man ako nagsasalita ay nag-uunahan na ang mga luha sa mga mata ko. "Hayop ka Andrew! Wala kayong puso ni Freya. Paano niyo nagawa sa akin ito? Pinagkatiwalaan ko kayo. Minahal ko kayo. Akala ko pamilya tayo pero ako lang pala ang sobrang nagpahalaga sa inyo." Sigaw ko ng buong lakas. Napatingin akong muli sa tiyan ko at hinimas ito kahit alam kong wala na siya sa sinapupunan ko. "Anak, patawarin mo si mama. Hindi man lang kita nagawang ingatan, ni hindi ko man lang nalaman na nandiyan ka na pala. Patawarin mo ako dahil hindi ko nagawang mamili ng mabuting ama para sa'yo kaya nadamay ka sa masaklap na kapalaran ko. 'Di bale anak ko, magkasama naman tayo. Wala ng puwedeng manakit sa'yo. Sa pupuntahan natin ay wala ng sakit at hirap, at malaya kitang maaalagaan at mamahalin. Ngayon pa lang ay patawarin mo ako sa gagawin ko sa papa mo. Hindi ako matatahimik hangga't malaya siya sa kabila ng ginawa niyang krimen at malaya silang saktan ang lolo at lola mo. Huwag ka sanang magagalit sa akin, anak. Mahal na mahal kita. Hindi man tayo nabigyan ng pagkakataon na makapamuhay kasama ang lolo at lola mo ay masaya pa rin akong wala nang kamatayan pa ang makapaghihiwalay sa atin." Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ko nang mailabas ang saloobin ko kahit wala ng makaririnig pa sa akin. Napatingin ako sa babaeng katabi ko na kanina pa nakatulala. Marahil ay gaya ko wala rin siyang matakbuhan. Laking gulat ko nang bigla itong magsalita. "Ang unfair ng buhay, ano? 'Yong iba ay ipinanganak na napaka-swerte sa buhay at may mga taong gaya natin na parang pinagdadamutan ng universe. Masyadong ipinapasan sa atin ang bigat ng mundo kaya wala nang natira para sa iba at naging hayahay lang ang buhay nila. Puwede namang hati-hati tayo sa bigat ng pagsubok, 'di ba? Unfair talaga,eh." Madamdaming sabi nito sabay tawa ng mapakla. Napakurap ako ng ilang ulit hindi dahil first time ko makarinig ng hinaing sa buhay kundi dahil sa ideyang naririnig niya ako o puwede ring nakikita niya ako. Para makasigurado ay nagtanong ako. "N-nakikita mo ba ako, miss?" Natawa lang ito at tumingin sa akin. "Oo naman, mukha ba akong bulag? Saka ang lakas kaya ng boses mo." Nakaramdam ako ng tuwa dahil sa sinabi niya. Nabuhayan ako ng pag-asa. "Talaga? Nakikita mo ako?" Hindi makapaniwalang tanong ko. "Makulit ka rin, ano? Nakikita kita dahil may mga mata ako. Parang 'yon lang tuwang-tuwa ka na." "Eh, kasi..." "Kaluluwa ka na. Bago ka pa magtanong ulit, oo, nakakakita ako ng multo. Bata pa ako ay normal na sa akin ang ganito." Magtatanong pa sana ako pero tumayo na ito mula sa pagkakaupo at nagsimulang lumakad palayo sa akin. Isang ideya ang pumasok sa isip ko dahil sa nakikita niya ako. Maaari akong magpatulong sa kaniya para maisagawa ang plano ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD