CHAPTER 2- HIS LUSTFUL KARMA
LINCY
HINDI ko kinaya ang lahat ng narinig ko sa usapan ng ahas kong kaibigan at taksil kong asawa. Ang tanging nasa isip ko lang ay maingatan ang mga magulang ko at mapagbayad sila sa mga ginawa nila.
Nagtungo ako sa bahay ng aking mga magulang. Dapat pala ay sila ang una kong binisita sa halip na ang walang puso at konsensyang Andrew na iyon.
Sa labas pa lang ng mansyon ay ramdam ko na ang matinding pagluluksa nila. Nawala ang sigla ng magarang bahay na ito kahit pa puno ito ng magagandang halaman at mga palamuti.
Mabigat ang mga paa kong pumasok sa loob. Maging ang mga kasambahay ay tahimik. Wala si tatay sa paborito niyang puwesto sa tuwing nagbabasa siya ng diyaryo. Wala rin ang maingay na boses ni nanay sa tuwing nakikipag-biruan ito sa mga kasambahay habang naglilinis ang mga ito.
Tanging ang puting kabaong na napaliligiran ng mga bulaklak ng pakikiramay ang sumalubong sa akin. Bagama't may taong nagdadatingan para makiramay ay hindi naging sapat iyon upang umupo ang nanay sa harap ng kabaong upang magbantay.
Tinahak ko ang silid ng aking mga magulang. At hindi nga ako nagkamali. Naroon si nanay nakaupo sa kanilang kama at malalim ang iniisip. Gustuhin ko mang pagaanin ang kalooban niya ay hindi ko alam kung paano. Lalong nadudurog ang kalooban ko sa nakikita ko tapos wala man lang akong kapatid na dadamay sa kaniya sa ganitong pagkakataon. Tanging sila lamang ni tatay ang magkatuwang na ngayon sa buhay.
Maya-maya ay pumasok si Ate Mia, ang isa sa mga kasambahay nila nanay at sinabing bumisita raw ang asawa ko kasama si Freya.
"Doña Corazon, nasa baba po sina Sir Andrew at Ma'am Freya. Gusto raw po kayong makausap."
Pilit ang naging ngiti ni nanay. "Sabihin mo ay umakyat na lamang sila dito."
"Sige po at sasabihin ko po."
Ang kapal din talaga ng mukha nila. May lakas ng loob pa silang magpakita rito at magkunwaring nagluluksa sa pagkamatay ko na sinadya naman nila.
Maya-maya ay pumasok na ang dalawa. Unang lumapit si Freya na maluha-luha pa at yumakap kay nanay.
" 'Nay, kumusta na po kayo? Pasensya na po ngayon lang ako nakabisita dito. Kaninang umaga ko lang po nalaman ang masamang balita. Nakakaawa naman po si Lincy. Ang best friend ko. Napakabata pa niya at napakarami pa sanang magagandang bagay na magagawa." May paiyak-iyak pa niyang sabi kay nanay.
Hindi na rin napigilan ni nanay ang mapaluha. Ramdam ko ang labis na pagdadalamhati niya kahit hindi siya nagpapalahaw ng iyak.
"Oo nga, Freya. Sayang ang best friend mo. Napakabata pa ng anak ko. Diyos ko po!"
"Nandito pa naman po kami. Para mo na rin po kaming mga anak. Nawala man po ang asawa ko ay hindi ka namin pababayaan. Patawad po kung hindi ako agad nakapunta dito kagabi. Nasa meeting po ako kasama ang isang kliyente at inaamin ko po na hindi ko alam kung paano ko titingnan ang asawa ko habang nasa loob ng kabaong."
Pigil ang luha na sabi ng walang hiya kong asawa. Nakakasuka ang mga kasinungalingan nila. Sagad na sa buto ang kasamaan na nananalaytay sa kanila.
"Ano nga po pala ang naging dahilan ng aksidente na ikinamatay ni Lincy? Magaling siyang gumamit ng kotse niya at wala naman daw pong traffic no'ng naaksidente siya." Maang-maangan na tanong ni Freya. Kung may awarding lang ngayon for best actress paniguradong siya na ang magwawagi.
"Sabi ng mga pulis ay naka-droga raw si Lincy kaya nawalan ng kontrol sa pagmamaneho niya. Hindi ko makapaniwala na magagawa iyon ng anak ko. Kilala ko ang anak ko, hindi siya gagawa ng ganoon karuming gawain. Ni kahit pag-inom nga ng alak ay hindi niya masikmura, droga pa kaya?" Dismayadong sabi ni nanay sa kanila. Pasimpleng umirap si Freya sa naging sagot ni nanay sa kaniya.
"Baka naman po naisip niyang i-try. Hindi ko naman po sinasabi na nagiging wild na si Lincy pero baka lang po."
"Imposible 'yan! Napakabuting bata ng anak ko. Hindi niya magagawa iyon. Hindi ako kontento sa paliwanag ng mga pulis na iyon. Kung kinakailangan kong magpa-imbestiga ulit para malaman kung may nangyaring foul play sa pagkakadroga sa kaniya." Halos pagwawala na sabi ni nanay. Gustong-gusto ko siyang tulungan para sa panibagong imbestigasyon na ipagagawa niya. Ipinapangako ko sa sarili ko na pagtapos ng libing ko ay magsisimula ang paghihiganti ko.
Kinalma ni Andrew si nanay. Hinagod niya ang likod nito para kumalma. "H-hindi naman po sa pinapangunahan ko kayo tungkol sa nangyari kay Lincy. Masakit rin po sa akin ang biglaang pagkamatay niya lalo na ang dahilan ng pagkamatay niya. Sa tingin ko po ay hayaan na lang natin na manahimik ang kaluluwa niya at pumunta na sa dapat niyang paroonan. Isipin na lang po natin na aksidente lang ang nangyari sa kaniya para maka-move on po tayong lahat sa pagkawala niya."
"Paano mo nasasabi 'yan, Andrew? Asawa mo ang namatay! Sinabi mismo ng mga pulis na droga ang dahilan ng aksidente niya pero gusto mong hayaan lang? Paano kung mayroong isa o dalawang tao ang nagplanong maglagay ng droga sa inumin niya para maaksidente siya? Ibig sabihin ay hindi lang aksidente 'yon. Kailangan niya ng hustisya. Kung tutuusin ay ikaw dapat ang unang hindi mapapakali sa naging resulta ng imbestigasyon pero parang napakadali lang sa'yo." Halos pasigaw na sabi ni nanay kay Andrew. Kung alam lang ni nanay kung gaano kahayop ang lalaking sumalubong sa akin sa altar upang maging asawa ko at maging parte ng pamilya namin ay baka siya pa mismo ang gumawa ng paraan para mabulok siya sa kulungan.
Namutla si Andrew at kitang-kita ko sa reaksyon niya ang pagkabigla sa sinabi ni nanay. Maging si Freya ay hindi na rin mapakali sa pagkakaupo sa tabi mismo ni nanay. Kulang pa ang kaba na 'yan. Ako mismo ang gagawa ng paraan para ibigay sa kanila ang doble o tripleng kaba at takot na hindi pa nila nararanasan sa buong buhay nila.
"B-bakit po parang ako ang pinagbibintangan ninyo? Sa tingin niyo po ba ay wala lang sa akin ang nangyari sa asawa ko? Ang akin lang naman po ay hayaan na nating mamayapa ang kaluluwa ng asawa ko at ayaw ko rin naman pong may mangyaring hindi maganda sa inyo. Para ko na kayong sariling magulang. Kung mayroon mang naglagay ng droga sa inumin niya ay ipasa-Diyos na lang po natin. Sigurado 'ho akong hindi patatahimikin ng konsensya niya at ngayon pa lang sinusunog na ang kaluluwa niya sa impiyerno. Kung nandito si Lincy ay paniguradong iyon din ang sasabihin niya sa inyo." Mahabang paliwanag ni Andrew.
Hanga talaga ako na nagawa niya pang idamay ang Diyos para pagtakpan ang kasinungalingan niya. Tama siya, ngayon pa lang ay naghihintay na si Satanas sa impiyerno para bumaba sa puwesto at ibigay sa kaniya ang trono. Sisiguraduhin ko namang ako mismo ang maghahatid sa kaniya doon para sa crowning ceremony niya.
"Hindi naman sa ganoon, Andrew. Patawarin mo ako sa mga nasabi ko. Masyado lang akong frustrated sa naging dahilan ng kamatayan ng anak ko. Pero hindi mo maiaalis sa akin bilang ina ang kagustuhan na magpa-imbestiga ulit. Puwede bang iwan niyo muna ako? Gusto ko lang muna mapag-isa."