CECIL
“Sige na po, Yaya Puring! ‘Wag n’yo na lang pong babanggitin kay Mommy–”
Hindi ko pa natatapos ang pagsasalita ay tinakpan na kaagad ni Jonas ang bibig ko. Kanina ko pa kinukumbinsi si Yaya Puring na ‘wag na lang sanang banggitin kina Mommy at Daddy ang nangyari kanina sa school. Kaya lang ay may isang epal na naman dito na mukhang kaya sumunod sa akin hanggang dito sa bahay namin ay dahil alam niyang pakikiusapan ko si Yaya Puring na ‘wag akong isumbong kay Mommy!
Busy pa naman sila ngayon at kasalukuyang nasa Australia dahil nagkaroon ng problema ang isa sa mga cruise ship. Isa iyon sa mga subsidiary ng Cordova Caribbean Group, na siyang pag-aari ng pamilya namin.
“Kapag ho hindi ninyo pinaalam kay Ninong Chris ang ginawa nitong si Cecil ay kayo ho ang mananagot sa school,” pananakot ni Jonas kaya gigil na kinagat ko ang kamay niya na pinantakip sa bibig ko. Napadaing siya sa sakit at saka nagmumurang tiningnan ang kamay niya na kinagat ko. Bumakat ang ngipin ko doon pero wala akong pakialam.
“‘Yan ang napapala mo sa pagiging pakialamero!” singhal ko sa kanya at saka muling lumapit kay Yaya Puring na mukhang mas pinili talaga na makinig kay Jonas kesa sa akin na alaga niya!
“Yaya!” malakas na tawag ko at saka hahakbang na sana para sundan siya pero nahawakan na ni Jonas ang strap ng bag ko kaya kahit ayaw kong tumigil ay napatigil ako sa paglalakad!
“Let the old woman free from headaches caused by you, Cecil. Ano ba kasing nakain mo at nagdala ka ng tuta sa loob ng library? Napuno ba ng hangin ‘yang utak mo dahil sa pag stroll natin noong nakaraan?” tuloy-tuloy na sermon niya. Mariing napapikit ako dahil sa gigil.
Wala nga akong kuya pero itong si Jonas ay parang gusto pang angkinin ang papel ng pagiging kuya sa akin dahil lang inaanak siya ng daddy ko!
“The puppy was cold and abandoned! Anong gusto mong gawin ko? Panoorin ang kawawang tuta na mamatay na lang dahil basta na lang iniwan sa labas ng school?” mariing katwiran ko. Nanliit ang mga mata niya.
“You can just put it temporarily in our classroom. Mas madali sanang itago doon kesa sa library ng main building,” paliwanag niya. Nanliit din ang mga mata ko at saka nameywang sa harapan niya.
“Paano ko namang ilalagay yung tuta sa classroom natin kung ni-locked ng gagong president ng klase ang room?” katwiran ko at saka tumingin sa kanya ng diretso.
Masyadong mahigpit si Jonas bilang President ng klase. Ayaw na ayaw niya na kapag pinapunta kami sa library ay hindi pupunta lahat. Ang iba kasi ay hindi pumupunta sa library at nagpapaiwan lang sa classroom para magdaldalan kaya para siguradong lahat ay pupunta, nilolock niya ang classroom!
“So, kasalanan ko pa ngayon–”
“Yes, Mr. President! Kasalanan mo kasi gago ka!” bulalas ko at saka hinawi ang kamay niyang nakahawak sa strap ng bag ko para muling sundan si Yaya Puring. Pero huli na ang lahat dahil naabutan ko siya na kausap na sa video call sina Mommy at Daddy!
Narinig kong sumunod pa rin si Jonas sa akin kaya gigil na nilingon ko siya at pinandilatan. Masyado pa namang mahigpit sina Mommy at Daddy sa akin. Kahit na nag-iisa nila akong anak ay hindi nila ako in-spoil kahit kailan. Pinaghihirapan ko lahat ng bagay na gusto ko kaya kung wala si Jonas ay siguradong hindi ako nakapasa sa Wesley University at hindi magiging proud sa akin sina Mommy at Daddy.
Ang ibang mga kaibigan ko ay hindi maintindihan na hindi ako lumaki na kagaya nila. Most of my elite friends usually get what they want because their parents are spoiling them. Hindi nila naiintindihan na hindi ganon ang naging pagpapalaki sa akin ng mga magulang ko. Tanging ang bestfriend ko lang na si Jonas ang nakakaintindi at nakakaalam kung paano ako pinalaki ng parents ko. Parehong may dugong Chinese ang mga parents namin at sobrang matalik na magkaibigan kaya halos sabay kaming lumaki ni Jonas lalo na at magkatabi lang ang mga bahay namin.
Nagkibit balikat lang siya at hindi pinansin ang masamang tingin na pinupukol ko sa kanya. Maya-maya lang ay pinatawag na ako ni Yaya Puring dahil gusto daw akong makausap nina Mommy at Daddy.
“What did you do this time, Cecil?” Halata sa boses ni Mommy ang pagod nang magtanong sa akin. Halata rin sa itsura niya na mukhang stress siya kaya hindi na ako susubok na mangatwiran dahil kapag ginawa ko pa ay siguradong mas lalo lang akong mapapagalitan.
“Isang buwan na lang ay eighteen ka na, Cecil. But you still act like a kid!” iritado at mariing sermon niya sa akin. Napalunok ako. Sa tono pa lang ng pagsasalita niya ay alam ko nang galit na siya kaya wala na akong ginawa kung hindi ang humingi ng tawad.
“I’m sorry, Mommy. Hindi ko na po uulitin–”
“Talagang hindi na mauulit, Cecil,” mariing sambit niya kaya napatitig ako sa kanya sa screen. Narinig ko ang pasimpleng pagsaway sa kanya ni Daddy na kakaiba rin ang itsura. They both looked stressed out. Mukhang hindi talaga biro ang problema na inaayos nila sa Australia kaya pareho silang mukhang pagod at puyat na puyat.
“Do that again and you will be forced to stop coming to school!” iritadong paalala pa ni Mommy at hindi na nagdalawang isip na putulin ang tawag. Napabuntonghininga ako. Sanay na ako na ganito nila akong pagalitan kahit na sa personal pero minsan ay hindi ko maiwasan na sumama ang loob.
Nag-iisa nila akong anak pero parang pagdating sa akin ay sobrang ikli ng pasensya nila. Sa mga simpleng pagkakamali ko lang ay galit na kaagad sila. Ang mga achievements ko naman ay sinasabi nilang masaya sila pero madalas ay hindi ko nararamdaman. Mas ramdam ko pa ang concern ni Yaya Puring sa akin dahil kahit na pinapagalitan niya rin ako ay hindi siya kagaya nila Mommy na parang bawal akong magkamali. Dapat ay tama ang lahat ng gagawin ko dahil kapag may mali ay matagal bago nila iyon makalimutan.
“Ayos ka lang ba, Cecil?”
Hindi na ako nagtaka nang lapitan ako ni Yaya Puring. Kitang-kita ko na naman sa mga mata niya ang simpatya na palagi kong nakikita sa tuwing pinapagalitan ako nina Mommy at Daddy.
How I wish Mom and Dad would look at me this way, too.
Tahimik na tumango lang ako. Hindi naman ako galit sa kanya dahil sinabi niya kina Mommy ang nangyari kanina sa school. Kahit anong mangyari ay makakarating din naman sa kanila ang ginawa ko. Maybe, I was just trying to delay it, that's why I wanna stop her earlier.
“Bakit po kaya ganun sina Mommy at Daddy sa akin, Yaya?” Hindi ko na naman mapigilang tanong.
Kanina ay nararamdaman ko na sumasakit ang puson ko. Parating na ang period ko kaya masyado akong sensitive ngayon. I am always trying to be jolly and to live my life to the fullest because I don’t wanna have any regrets later on. Gusto kong mag enjoy at gawin ang mga gusto ko habang nabubuhay pa ako kaya kahit na mas maraming pagkakataon na masama ang loob ko sa mga magulang ko ay mas pinipili ko pa rin na ipakitang masaya ako, na maayos ang buhay na meron ako.
“Pagpasensyahan mo na sila, Cecil. Baka pagod lang sa trabaho ang Mommy at Daddy mo–”
“Dahil po ba babae ako at lalaki ang in-e-expect nila na maging anak?” Hindi ko na naman mapigilan na tanong.
Dahil mas lamang ang Chinese blood nina Mommy at Daddy ay madalas kong marinig sa mga kamag anak namin na dapat daw ay naging lalaki na lang ako para hindi na mamroblema ang parents ko sa pagpasa sa akin sa negosyo namin.
Most of my cousins are boys. Kami lang ni Althea ang babae kaya kaming dalawa lang ang magkasundo. Hindi ko alam kung saan nagsimula ng discrimination sa angkan namin pero mas pinapaboran ng pamilya ang mga lalaking anak nila kesa sa mga babae. Mas mahigpit nga lang sa akin sina Mommy at Daddy kesa sa pinsan kong si Althea na nagagawa halos ang lahat ng gustong gawin.
“Hindi mo na kasalanan na babae kang lumabas sa mundo, Cecil. Siguro ay masyado lang na nag expect ang lolo mo noon sa lalaking apo dahil panganay ang Daddy mo,” paliwanag ni Yaya Puring. Iyon naman parati ang sinasabi niyang dahilan sa akin pero hindi ko pa rin maintindihan kung sapat na bang dahilan ‘yon para maging ganito ang pakikitungo niya sa akin.
Pagkatapos naming mag usap ni Yaya Puring ay umakyat ako sa itaas at nagkulong sa kwarto. Hindi ko namalayan na nakaidlip ako pero nang nagising ay halos kilabutan ako sa nararamdamang sakit ng puson.
Hilong-hilo rin ako at pinagpapawisan ng malamig kahit na nakatodo naman ang aircon dito sa kwarto ko.
“Y-yaya…”
Sumubok akong tawagin si Yaya Puring pero masyadong mahina ang boses ko. Inabot ko ang phone ko sa gilid ng kama para tawagan siya pero naka off ang phone niya kaya napamura ako at napahawak sa puson ko.
Hindi na ako nagdalawang isip na tawagan si Jonas. Ilang beses na rin na hinahatid niya ako sa bahay sa tuwing sasakit ang puson ko at inaabutan ako ng period sa school.
“Why? I’m doing our homeworks,” paliwanag agad niya nang sagutin ang tawag ko.
“I… I need your help, Jo…” halos pabulong na lang na sambit ko. Pawis na pawis ako at hinang-hina dahil sa pagsakit ng puson ko. Narinig kong nagmura siya matapos manahimik ng ilang sandali.
“Period cramps again?! Where are you?!” tanong niya.
“D-dito lang sa… sa bahay–”
“How about Yaya Puring?!” tanong niya.
“H-hindi sumasagot. Baka… b-baka umuwi saglit sa bahay nila–”
“Wait for me there!” agad na sambit niya at pinutol na ang tawag. Nanghihina na binaba ko ang phone at saka nakapikit na hinintay si Jonas.
Hindi naman nagtagal ay nandito na siya. Kabisado na ni Jonas ang kwarto ko at kung saan nakalagay ang mga gamit kaya ilang sandali lang ay kinakabit na niya sa akin ang portable heating pad. Binuhat niya ako at pinaupo sa kama. Narinig kong nagmura siya kaya napadilat ako at napatingin sa kanya.
Nakatitig siya sa ibabaw ng kama ko at nang sundan ko ang tinitingnan niya ay parang gusto kong lumubog na lang sa kung saan dahil sa dami ng mantsa ng dugo na nasa beddings!
“L-lumabas ka na,” agad na taboy ko sa kanya. Napatingin siya sa akin.
“How about the stains–”
“Labas na sabi! Ako na ang bahala dyan!” bulalas ko. Napahawak siya sa leeg bago tumalikod at saka naglakad palabas sa kwarto ko!
Mariing napapikit ako at sinapo ng mga palad ang mukha.
“Shìt, Cecil! Kahit ang period mo ay alam na ni Jonas ang itsura! Paano kung kayo pala talaga ang end game?” wala sa sariling sambit ko. Agad na binatukan ko ang sarili dahil sa kung anong kalokohang pumasok sa isip ko!
“Yuck! No! Hindi, Cecil! Hindi mo dapat pinagnanasaan ang bestfriend mo! Nakakadiri ka!” tuloy-tuloy na sermon ko sa sarili!