Nawala lamang doon ang iniisip ko nang biglang may pumasok na lalaki. Bitbit nito ang napakaraming pagkain na tila in-order pa sa restaurant.
Para akong natulala nang mapagtantong ang asawa na tinutukoy ni Ate Thy ay ang lalaking parang nanghahamon lang ng away sa kanto. Sinundan ko ito ng tingin nang ilapag nito sa mesa sa gilid ang mga dala. Ang katawan nito, nakakatakot banggain. Ang laking tao pala.
Inaya akong maupo ni Ate kaya tila ako lalong namula sa hiya. Katabi ko lamang ito at sa kabila niya ay ang asawa’t mga anak.
“Hon, si Keehana pala. ’Yong bago rito . . .”
Hindi ko na narinig pa ang mga sumunod na ibinulong ni Ate sa asawa niya. Natigilan naman ang lalaki at napatingin sa akin na kunot na kunot ang noo, ngunit kalaunan ay napangisi.
“Welcome sa bagong salta. Steve ang pangalan ko. Kailan pa kayo nagkakilala ni—” Tumingin ang lalaki sa asawa at nangunot ang noo. “Punyetang pangalan iyan. Al! Si Al, kailan pa kayo nagkakilala ni Al, Keehana?”
H-Ha? Ang rahas naman nito manalita. Nakakakaba tuloy lalo.
Sandali kong binasa ang nanunuyong mga labi bago tumugon. “H-Hindi ko na po maalala. Pero noong mga nakaraan lang po,” nanlalamig kong saad. Paano’y nasa akin lahat ng atensiyon nila. Para bang curious na curious sa amin ni Al.
Nahigit ko bigla ang hininga nang matawa ang lalaking nagngangalang Steve.
“Bago lang pala. E, ano naman ang tingin mo sa lalaking iyon? Okay ba siya sa iyo?”
“A-Ah, ano ho . . .” Tumigil ako sandali nang hindi maproseso ang nais sabihin. Mayamaya ay ngumiti nang nahihiya. “O—Okay lang po,” tanging naisagot ko dala ng pagkailang.
Sa loob-loob ko ay tila ba nais kong magtago at umiyak kay Al. Walang tigil ang bilis ng pagtibok ng puso ko dahil para akong inaatake na hindi ko mawari. Gusto ko na lamang mapaiyak at magsumbong kay Al.
Tumungo ako, at tila ba sinagot agad ni Al ang daing ko nang tumunog ang phone ni Ate Thy. Naglagay pa ito ng paper plate at kutsara sa harapan ko bago sagutin ang tawag, dahilan upang ibulong ko ang pasasalamat.
Salamat naman at wala na sa akin ang atensiyon nila.
“How is she? Lunch n’yo na?”
Natigilan ako bigla sa pamilyar na boses na iyon. Ini-loud speaker iyon ni Ate kaya dinig namin ang usapan.
“Yep, lunch na namin dito.” Sinulyapan ako ng nakangiting amo ko habang kumakain, bago umayos ng upo. “Si Keehana ay okay lang. Nahihiya pa since first day pero masasanay rin siya. Don’t worry, safe siya rito at walang mang-aaway.”
“Good to hear that. And please, tell Steve that I am warning him. Huwag masiyadong kulitin si Keehana at masasapok ko siya.”
Hindi ko alam pero nag-init bigla ang mga pisngi ko sa narinig. Naghiyawan ang mga kasama ko na lalo kong ikinalubog sa kahihiyan.
Bakit tila nagugustuhan ko na ang pagiging concern sa akin ni Al? Dati-rati’y pinandidirihan ko at iniiwasan.
Umalingawngaw ang mapanuyang tawa ni Sir Steve habang kumakain. “Ungas,” sabi lang nito.
Agad din namang nagpaalam ang nasa kabilang linya kaya kumain na lamang kami habang nagkukuwentuhan.
Nang matapos sa pagkain ay nagpahinga kami saglit bago ako turuang muli ni Ate.
Aniya ay kapag nakabisado ko na raw iyon lahat, mananahi na kami at gagawa ng damit gamit ang sewing machine niya. Nang matutuhan ko na ang paggawa ng pattern ay nagpahinga muna kami roon. Itinuro na lamang muna nito sa akin ang paggawa ng panali sa buhok o scrunchie.
Madali lamang iyon kaya naaliw ako nang husto sa paggawa. Nakagawa pa ako ng limang schrunchies bago sumapit ang gabi ng pagsasara nila. Napangiti tuloy ako sa kasiyahan.
“Salamat po sa pagtuturo, Ate,” masayang turan ko sa babae na agad napatigil sa pagtitipa sa phone.
Lumapad ang pagkakangiti nito sa akin at tumango. “No problem. Basta agahan mo ulit bukas, a? Para palagi na akong may makakausap sa office ko. Anyways, malapit na si Al. Hintayin na lang natin ang pagdating niya bago ko isara itong shop.”
“Sige po . . .”
Ngingiti-ngiti kong pinagmasdan ang mga nagawa kong scrunchies. Lahat ng iyon ay inilagay ko sa pulso ko upang hindi mawala sa akin. Ang ganda-ganda ng pagkakagawa ko roon dahil tinuruan niya akong tahiin iyon gamit ang makina. Isang linya lang naman iyon at pinasubok lang sa akin pero tuwang-tuwa na ang kalooban ko. Maliit lang din ang garter sa loob niyon kaya napaka-cute tingnan. Ang ganda pa ng mga disenyo ng tela ni Ate Thy, mga bulaklakin na mula sa tira-tirang tela.
“Psst, Keehana!”
Nawala ang aking mga ngiti at hinanap ang nanitsit sa akin. Doon ko nasumpungan si Sir Steve na may bitbit na inumin habang naglalakad palapit sa akin. Saglit lamang kaming sinulyapan ni Ate bago nito ibalik sa mga anak ang atensiyon.
“Po?”
“Sabihin mo sa lalaki mo na break na kamo kayo.”
“P-Po?” gulat kong tanong na tinawanan agad nito. Break? E, wala namang kami ni Al.
“Steve, ano ba! Tigilan mo si Keehana. Naghahanap ka na naman ng away sa lalaking iyon,” sita ng aking amo na ikinangiwi ko.
Ngunit hindi nagpatinag ang matandang lalaki. Bahagya pa itong lumapit sa akin at bumulong ng mga katagang nagpatayo sa lahat ng mga balahibo ko sa katawan.
“Aanakan ka lang niyon, Keehana. I-break mo na, gurang naman na ang lalaking iyon at walang ligo. Hanap ka ng mas mabango at mas bata,” panunulsol nito sa akin na hindi ko maintindihan kung para saan.
Hindi na ako naka-imik habang nababahalang nakatingala sa malaking mama sa harapan ko.
A-Aanakan? At saka mabango naman si Al, a.
“Masarap bang manulsol sa walang muwang na dalaga, Steve?”
Pareho kaming natigilan nang umalingawngaw ang mariing tinig na iyon. Biglang nahawi ang malaking katawan ni Sir Steve sa harapan ko at pumalit doon si Al na madilim ang mukha dahil sa narinig . . .