Kabanata 13

1923 Words
HIS LOVE, HIS OBSESSION Keehana “A-Al,” nanginginig kong pigil sa pisngi nito nang tangkain muli nitong dampian ng labi ang akin. Mabilis kong iwinaksi ang mga kamay nito nang inambahan niya ako ng yakap. Tila ba bumalik na naman sa isip ko ang nangyari noong nakaraan. Shit! Bakit ba ako nadala masiyado sa karangyaan niya? Baka katawan ko naman ang kapalit niyon. Inabot ko ang seradura ngunit agad ding dinumbol ng kaba nang mapantantong hindi iyon mabuksan. “Keehana,” malumanay na tawag nito sa pangalan ko at marahang hinawakan ang kamay ko na nakahawak sa door knob—na naging dahilan ng pag-igtad ko. Tumingala ako rito at napaluha nang wala sa sarili. Agad nitong sinapo ang pisngi ko matapos akong iharap sa kaniya at niyakap nang mahigpit ngunit may pag-iingat. “Shh, don’t worry, sweetheart. Hindi kita sasaktan dito, walang mananakit sa iyo rito, hmm? Tumahan ka na.” Napahikbi ako sa dibdib nito at bahagyang kumalma sa sinabi nito. “B-Bakit mo ba ito ginagawa sa akin, Al?” Ngumiti lamang ito nang tipid bago ako hilahin pahiga sa kama. “Matulog ka na, Keehana. Ipahinga mo muna ang katawan mo at isip, bukas din ay mag-uusap tayo nang masinsinan tungkol sa nangyari sa iyo at sa mga dapat na gawin. Ipakukulong natin ang mga iyon, hmm?” Bumuka ang bibig ko sa sinabi nito at bahagyang kinabahan. Tila ako nakaramdam ng hiya na magkuwento tungkol doon sa kaniya, lalo na at nagkasagutan kami kagabi at sinabi ko pang hindi ko kailangan ng tulong niya. Nagsisisi tuloy ako sa mga sinabi ko kagabi. Kakainin ko rin naman pala ang mga salita ko dahil alam ko sa sarili ko na kailangan ko nga ng tulong niya. Natulala ako sa mukha nito habang nakaupo ito sa gilid ng kama at inaayos ang kumot ko. Pambabaeng-pambabae rin ang kamang kinahihigaan ko dahil pink ang kumot at puso na puti at pink pa ang ng unan. Tumikhim ako matapos isara ang bibig nang mapansin na nakatitig ito roon. “Salamat, Al. Saan ka pala matutulog?” “My pleasure, sweetheart,” ngiting anito at pasimpleng hinaplos ang kamay ko na nakapatong sa tiyan. “Diyan lang ako sa couch matutulog. This is my room also.” “Ha?” Awtomatiko akong napabangon sa narinig. Kuwarto niya ito? Hindi nga? “Mahilig ka pala sa pink?” hindi makapaniwalang tanong ko rito. Iyon naman halos ang kulay ng mga kagamitan niya rito. Lalo na ang higaan. Natigilan ito sandali, mayamaya ay natawa sa sarili. “No, pinapalitan ko lang ang mga gamit ko rito para naman maging komportable sa iyo.” “A-Ano?” Muli akong napatanga rito. Nang tila mapagtanto nito ang sinabi ay agad itong napamura nang malutong at tumayo. “Nevermind. Matulog ka na lang, Keehana.” Agad itong naupo sa couch nito at sinulyapan ako bago mahiga. Tumango na lamang ako sa kawalan at nahiga. Ngunit nang maalala na basa pa pala ang buhok ko ay bumangon akong muli. Nagkuwentuhan na lamang kami habang hinihintay kong matuyo ang buhok ko, at nang matuyo ay nakatulog akong muli. Nagising na lamang ako kinabukasan nang alas siete. Masiyadong napasarap ang tulog ko sa malambot na kama at malamig-lamig na temperatura. Agad akong bumangon at naglinis ng sarili sa magarang banyo. Matapos ay gumala ako sa labas ng room ni Al upang busugin ang mga mata. Nakapagtataka na wala siya masiyadong litrato rito. Isa lamang ang natiyempuhan kong litrato niya rito at iyon ay nakasakay siya sa itim na kabayo. Sa pader ng sala niya iyon ikinabit kaya kitang-kita. Grabe talaga rito. First time kong makatapak sa ganito karangyang bahay. Ang sarap lang sa pakiramdam. Napangiti ako na tila ba walang problema at patakbong nagtungo sa kusina. Doon ay naabutan ko si Al na iniinit ang mga natirang pagkain kahapon, kasama ang mga kapatid ko na nakikipagbiruan sa kaniya habang nakaupo sa mataas na upuan. Sa balikat naman nito ay nakasakay si Melanie na tuwang-tuwa. “Good morning, Keehana.” Nilingon ako ni Al nang mapansin ang presensiya ko. Ngumiti ako rito at excited na naupo sa mataas na upuan sa tabi ng mga kapatid ko. “Magandang umaga rin,” bati ko pabalik na ikinalapad ng ngiti nito. Bumalik ito sa ginagawa kaya binalingan ko si Owen sa tabi na walang imik. Ni hindi rin ito ngumingiti kaya bahagya akong nagtaka. Nang matapos ang lalaki sa ginagawa ay inilapag nito ang ininit na pagkain kaya muli akong natakam. “Aalis ako mamaya, Keehana. Gagabihin ako ng uwi. Now, here’s the deal. Gusto kong makita kayo rito pag-uwi ko, I’ll give you something.” “Ha?” nabibiglang sambit ko. Seryoso lamang ang mukha nito kaya marahan akong napalunok. “E, kailan naman kami makababalik sa bahay? Baka kasi pasukin iyon ng masasamang-loob,” nag-aalangan kong turan. Napahinga ito nang malalim at ibinaba ang hawak na kutsara. “Don’t worry about it, ligtas ang bahay ninyo.” Uminom ito ng tubig habang hindi inaalis sa akin ang tingin. “Why you look bothered? Ayaw n’yo na ba rito?” Napayuko ako at mabilis na umiling. “Hindi naman sa ganoon. Naninibago lang siguro ako ngayon kasi wala kami sa sariling bahay namin.” Kahit naman masarap at komportable matulog dito sa bahay niya ay kahit papaano, mas sanay pa rin akong matulog sa bahay namin. Naintindihan ako nito kaya ipinagpatuloy namin ang pagkain. Matapos niyon ay umalis siya kaya naiwan kami ng mga kapatid ko kasama ang mga kasambahay na naroon. May mga guard pa roon sa gate kaya tiyak na hindi kami makalalabas mamaya. “Sabihin mo lang ang mga nais mo, hija. Ipabibigay agad sa iyo ni Señorito para malibang kayo rito...” Napaigtad ako nang may magsalita mula sa likod ko. Hinarap ko ang matandang kasambahay na tipid ang mga ngiti sa akin. Hindi naman ito mukhang masungit, tila kalmado lamang. “H-Ho? He-he. Okay na po ako,” ilang kong turan dahil sa kakaibang tingin nito sa akin. Matapos ako nitong titigan ay may kinuha ito mula sa ref at inabot sa akin na ikinalaway ko agad. “Bumili ng mga prutas si Señorito para sa inyo rito kahapon. Kainin ninyo na at baka masayang pa rito,” anito at inabot sa akin ang ilang pirasong malalaking orange. Tiyak na matamis iyon. Bihira lamang ako makatikim niyon kaya hindi ko na tinanggihan. Naupo akong muli sa harap ng hapag at binalatan iyon. Muntik ko na itong makalimutan kung hindi lamang ito nagsalita. “Ilang taon ka na nga, hija? Bente na, hindi ba?” Tiningala ko ito at agad na tinanguan. “Saan at paano kayo nagkakilala ni Señorito, hija?” nahihiwagaang tanong nito at tumayo sa gilid ko. Naroon ang kunot sa kaniyang noo, tila hindi alam kung matutuwa sa akin o hindi. Marahan kong nakagat ang ibabang labi at napalunok. “S-Sa bahay po namin. Hinahanap niya si Mama ko,” pag-amin ko rito na bahagyang nagpamaang sa mukha nito. Ilang sandali pa ako nitong tinitigan bago pasimpleng napailing. “Hindi ko alam kung ano ang plano ng Señorito at dinala pa kayo rito sa teritoryo niya, ngunit mag-iingat ka masyado sa mga ipinapakita niya sa iyo, hija. Hindi lahat ng kabaitan ng tao ay totoo, may ibang mga nagpapanggap lamang para mahulog sa bitag ang biktima nila,” makahulugang anito at iniwan ako roon na gulong-gulo sa narinig. Nais ko sanang intindihin pa iyon kung hindi lamang ako pinukaw ni Owen mula sa likod ko. “Ate...” “Oh, Owen, bakit?” Marahan akong tumayo at lumapit dito. Ni walang kangiti-ngiti ang mga labi nito kaya bahagya akong nabahala. Inaya ako nitong umakyat sa kuwartong tinulugan nila kaya napahinga ako nang malalim. Pareho kaming naupo sa kama at nagkatinginan. “Ate, gusto ko nang umalis dito,” agad na amin nito na ikinamaang ko. Umawang ang aking bibig, ngunit nang makahuma ay inayos ang sarili. “B-Bakit, Owen? Ayaw mo na ba rito?” Walang pag-aalinlangan itong tumango. “Ayaw ko rito, Ate. Ayoko rin sa lalaking iyon dahil parang may masamang balak sa iyo. Tapos tinatawag ka pang sweetheart. Sino ba siya sa inaakala niya?” tila inis na anas nito. Nais ko itong sitahin ngunit hindi ko na itinuloy pa ang binabalak. Napayuko na lamang ako at huminga nang malalim. “Sige, baka bukas ay makaalis na tayo rito. Hihintayin pa kasi natin si Al, gabi pa iyon uuwi.” “Bukas? At bakit naman natin siya kailangan pang hintayin? Baka naman may iba talaga iyong binabalak, Ate. Sa hitsura niya pa lang ay mukha na siyang tuso. Ayoko sa kaniya,” galit na saad nito at ikinuyom ang kamay. Muli akong napahinga nang malalim. Sa murang edad nito ay mayroon na siyang ganoong obserbasyon. Hinaplos ko ang buhok nito at tipid na ngumiti. “Tahimik na, Owen. Baka may makarinig pa sa iyo, nandito pa naman tayo sa lungga ni Al.” Bumaha ang pagkainis sa mukha nito na ikinabigla ko. “E, paano kung kuhanin ka niya sa amin? Ayoko pang mawalan ng ate,” maktol nito na lalong nagpamaang sa akin. Kuhanin? Natawa tuloy ako nang bahagya sa naisip nito. “Bakit naman ako niyon kukuhanin? Ikaw talaga. Mabuti pa at kumain ka na lang ng orange. Masarap ito.” Inabot ko rito ang ilang piraso ng orange bago ito ayain sa labas. Sa malawak na hardin kami dumeretso upang maglibang. Naroon ang mga babae kong kapatid na takbo nang takbo habang nagpapasahan ng bola. Napangiti ako nang bahagya at naupo sa upuang kahoy na nasa tabi. Pinapak ko roon ang prutas hanggang sa maaliw ako at halos makalimutan na ang ilang araw na iniiyakan ko. Kung naririto lamang kami palagi ay tiyak na lulusog kaming mga magkakapatid. Puro kasi mga payat dahil sa malnutrisiyon at kakulangan sa pagkain. Si Lanie na pinakabata ay nakikipagsabayan sa mga ate niya kaya tatawa-tawa ko itong tiningnan. Pati ang mga guwardiya na nakabantay sa gate ay aliw na aliw sa ingay ng mga kapatid ko. Naroon lamang kami maghapon, at nang medyo dumilim na ay nagsipasok kami sa loob. Nagluluto na ng pagkain ang mga katulong kaya pinaglinis ko na lamang ng katawan ang mga bata para mamaya. Ako man ay naligo upang hindi nakakahiya kay Al. Doon ko lamang naalala na wala nga pala akong damit na dinala. Napakagat ako ng ibabang labi at maingat na binuksan ang magarang closet ng lalaki. Naghanap ako ng maaaring maisuot sa tabi ng damitan nito na puro na pambabae. Kanino kaya ang mga damit na ito? Puro mga bago at amoy mamahalin. Kinuha ko ang isang pulang bestida na hanggang itaas ng tuhod at may tali-tali pa para sa balikat. Iyon ang isinuot ko. Bahagya pa akong nahirapan sa pagtali niyon sa balikat ko, kaya nang matapos ay napangiti ako sa harap ng salamin. Tila ba ako basahan na binihisan ng magarang damit kaya nagmukhang tao. Hindi ko napigilan ang kuryosidad kaya sinilip ko ang mga mamahaling relo ni Al na nakalagay pa sa drawer niya. Hile-hilera iyon at hindi ko naman kilala ang mga brand, pero sa hitsura ay sigurado talaga akong pang mga galante ang mga iyon. Malalaki pa at tila ipinasadya talaga para sa malaki niyang pulso. Gaano kaya siya kayaman? Masiyadong nakaka-curious. Hindi ba siya natatakot na baka kidnap-in siya at ipatubos? Pagala-gala siya sa labas palagi. Maingat kong kinuha ang isa roon at pinagmasdan nang maigi. May mga kung ano-anong disenyo roon na hindi ko halos maintindihan. Ang gara.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD