HIS LOVE, HIS OBSESSION
Keehana
Sa muling pagkakataon ay umawang ang aking bibig. Wala sa wisyong sumang-ayon ako rito at nagpasalamat. Ngunit nabalik lang ako sa katinuan nang mag-demand na naman ito ng halik bilang kapalit. Tuloy ay wala akong nagawa kundi ang halikan ito sa labi.
Matapos ng pag-uusap na iyon ay ipinasandal niya ako sa dibdib niya at pl-in-ay na ang video. Ganoon lamang kami hanggang sa makatulog ako sa bisig nito.
Nagising na lamang ako nang makaramdam ng magagaang halik mula sa lalaki na agad kong naitulak sa pagkagulat.
Segundo pa ang lumipas bago ako nahimasmasan at napatakip ng mukha sa kahihiyan. Natawa ito nang mahina sa naging reaksiyon ko at marahang hinipo ang mga kamay ko na hinila nito.
“Come with me, sweetheart. Nakausap ko na ang kakilala ko at ngayon din ay pupunta na tayo roon para maipakilala kita,” bungad nito sa akin na ikinamaang ko.
Ngayon na agad? Tanggap na agad ako? Napakabilis naman!
Agad akong bumaba ng kama at ambang tatakbo papunta sa banyo nang mahablot nito ang baywang ko. Daglian akong natigilan at tumingala rito.
“You forgot something, Keehana sweetheart . . .”
“H-Huh?” tila bangag ko pang tanong.
Nagtaka pa ako nang umangat ang sulok ng labi nito at hinapit ako lalo.
“Where’s my good morning kiss?”
K-Kiss? Halik na naman?
Bumaba ang tingin ko sa katawan nito na nakabalandra sa akin. Nakapantalon lamang ito na kupas at nakasampay pa ang shirt sa balikat. Lihim tuloy akong napalunok dahil sa kagandahan ng katawan nito. Hindi ko maintindihan ang katawan ko kung bakit nag-iinit iyon sa tanawin pa lamang ng magandang hubog ng katawan ni Al sa harapan ko.
Agad kong iwinaksi ang ideyang iyon at nag-iwas ng tingin dahil nakakapangilabot na nagagawa ko iyong isipin kay Al. Nagiging mahalay na ata ako.
“K-Kailangan pa ba iyon?” pangkukuwestiyon ko rito na ikinatawa nitong muli.
“Yes, responsibilidad mo iyon sa akin . . .”
“A-Ano?” gulat kong bulalas. Anong responsibilidad ko sa kaniya na good morning kiss? Wala naman akong matandaan na responsibilidad ko ang bagay na iyon. Sinimangutan ko ito at tinangkang kumawala rito, ngunit nakapirmi talaga sa baywang ko ang malalakas nitong mga kamay at braso. “Niloloko mo ata ako, e. Hindi ko responsibilidad iyan.”
“I am dead serious here, Keehana. Ngayon pa lang ay dapat mag-practice ka na dahil magiging responsibilidad mo na iyon.”
Ngayon naman ay magiging responsibilidad. Ang gulo naman nito.
Napanguso na lamang ako at tumingkayad dito upang bigyan ng halik. Kinailangan pa nitong yumuko kaya natawa na lamang kami pareho.
Naligo ako matapos niyon at naghanda. Napamaang pa ako nang paghandaan ako ni Al ng pencit cut skirt na itim at puting long sleeve na may tatak ng ngalan ng papasukan kong shop.
Binalingan ko ang lalaki na nakamasid sa akin habang inaayos ang sinturon ng pantalon nito. Humigpit bigla ang pagkakahawak ko sa tuwalyang nakabalot sa katawan ko at dagliang nag-iwas. Naroon na naman ang angas sa mukha nito na hindi ko maintindihan kung para saan. Ganoon na ata talaga ang palagi niyang ekspresiyon.
“Pinakuha ko iyan kaninang madaling araw sa shop ng kakilala ko. Wear it, tiyak na babagay iyan sa iyo,” anito at nahigit ko pa bigla ang hininga nang mabilis itong lumapit sa akin. Kinuha nito ang uniporme sa kama at itinapat sa akin. Lumapad ang pagkakangiti nito na ikinailang ko.
“S-Salamat . . .”
“Basta para sa iyo, Keehana. I will do everything,” ngingiti-ngiting anito na ikinailang ko lalo.
Matapos kong maisuot iyon at mag-ayos ng sarili ay nilapitan ako nitong muli at pinagmasdan. Walang imik ko itong tiningala at ngumiti nang malapad habang ang mga kamay ay nasa likuran.
“Ang ganda ng uniporme nila at halatang mamahalin ang tela. Naku, baka mapagkamalan akong mayaman at ma-hold up ako nito mamaya,” pagbibiro ko ngunit hindi ata nito naintindihan na biro lang iyon.
Nandilim ang mukha nito at umigting ang panga na ikinatigil ko sandali habang nakatingala pa rin dito.
“Hindi ko hayayaan na mangyari iyon sa iyo. Kapag may napansin kang kakaiba o naramdaman ay ipagbigay alam mo agad sa akin. May mga guwardiya rin naman doon. Kung may mang-away man sa iyo nang palihim doon, just tell me or the owner of that shop, hmm?”
Alanganin akong tumango rito bilang tugon. Nakakatakot naman kasi ang awra nito ngayon. Parang galit.
Nabigla pa ako nang may isuot ito sa akin na ipinatong nito sa long sleeve ko. Nang tanungin ko naman kung ano iyon ay waistcoat daw, pormal na pormal tuloy ang hitsura ko. May ribbon pa iyon na ikinatawa ko.
Inaya ako nito pababa ng sala. Doon ay naabutan ko ang mga kapatid ko na naglalaro ng mga pambatang laruan na tiyak binili ni Al.
Napailing-iling tuloy ako dahil sa kahihiyan. Ang dami na niyang nagastos para sa aming magkakapatid.
“Ate, saan kayo pupunta?”
Binalingan ko si Nadine na itinigil ang paglalaro ng puzzle. Ngumiti ako rito bago kumalas mula sa pagkakahawak ni Al sa kamay ko upang lapitan ito.
Si Owen na nasa tabi at tahimik lang ay binalingan ko rin. “Magwo-work na si Ate. Dito lang kayo, a? Huwag magpapasaway.” Marahan kong hinaplos ang buhok ni Lanie na bumubuo rin ng puzzle.
Pansin ko pa ang biglaang pagsama ng mukha ng kapatid kong lalaki dahil sa narinig. Humalukipkip ito at sinamaan ng tingin ang lalaki sa likuran ko.
“Akala ko ba aalis na tayo rito, Ate?” anito na ikinabuka ng bibig ko.
Daglian akong napalingon kay Al na walang reaksiyon sa narinig. Nagawa pa nitong mamulsa at lumapit sa amin.
“O-Owen, teka . . .” Pipigilan ko sana ang bata nang tumayo ito at matapang na sinalubong ang lalaki.
“Ayoko sa ’yo! Ibalik mo na kami sa bahay namin!” sigaw nito na galit ang mababakas sa mukha. Namilog ang aking mga mata sa pagkabigla. Ni hindi ko inaasahan na magagawa niya ang bagay na iyon kay Al.
Nang muli kong balingan ang lalaki ay wala pa rin itong reaksiyon. Ngunit makaraan ay umangat ang sulok ng labi nito.
“Bakit?” ngising tanong nito sa bata na tila pa nanghahamon.
Doon lalong sumama ang mukha ng paslit. “Bakit mo ba kinukuha sa amin ang ate ko? Hindi naman kayo bagay! Gurang ka na!”
“Owen!” daglian kong sita sa bata at tinakpan ang bibig nito. Hinarap ko si Al at nahihiyang nagkamot ng ulo. “Pasensiya ka na, Al.”
Ngumiti lamang ito at pasensiyoso akong tiningnan. “Nah, it’s fine,” sambit nito at nagawa pang guluhin ang buhok ng paslit na lalong nalukot ang mukha. “Mamaya tayo magtutuos, bata. Sa ngayon, akin muna ang ate mo,” dagdag pa nito bago ako hilahin paalis doon.
Tila ako natameme sa nangyari. Kahit pagpasok namin sa magarang kotse nito ay wala akong imik.
Naalis lamang ang atensiyon ko rito nang maaliw ako sa sibilisasiyon sa siyudad. Napakaraming tao at mga tindahan na pilit kong hinahabol ng tingin dahil sa kuryosidad.
Ilang minuto pa ang naging biyahe namin bago nito ihinto ang kotse sa tapat ng shop na may naka-display na mga magagarang kasuotan. Halos mahigit ko pa ang hininga nang akayin ako papasok doon ni Al, mahigpit ang pagkakahawak sa nanlalamig kong mga kamay.
Sa loob ng shop ay sumalubong sa paningin ko ang mga malalaking letra na ang nakasulat ay Sew Sweet. Hindi iyon pamilyar sa tulad kong dukha kaya namangha ako. Sa lawak at ganda ng shop, parang ako na ang nahihiyang pumasok dito. Napakaraming ilaw roon at ang sahig ay nangingintab sa kinis. Maayos rin ang bawat mannequin doon na may mga suot na magagarang bestida at gown.
Nang balingan ko ang kabilang pader ay may mga lagayan doon ng mga naggagandahang heels. Nasumpungan ko pa roon ang tinatawag nilang killer heels, tila tuloy ako pa ang natakot sa sobrang taas niyon.
“Good morning po, Sir Al, Ma’am . . .”
Naalis lamang doon ang atensiyon ko nang may sabay-sabay na bumati sa amin na mga babae at kalalakihan.
Tila ako lalong nahiya nang mapako sa akin ang mga nahihiwagaan nilang mga tingin. Para bang nagtataka kung sino ba ako at bakit nakapulupot ang braso ni Al sa akin.
“Good morning din po,” nahihiya kong bati at mariing napakagat ng ibabang labi. Pasimple kong inalis ang braso ni Al sa baywang ko at nakahinga nang maluwag nang hindi niya iyon ibinalik.
Ramdam ko pa ang matiim na titig sa akin ng lalaking katabi bago tumindig nang maayos. “Where is she?”
Matigas ang boses nito. Naroon ang angas na tulad noong una ko siyang makilala, ngunit hindi na katulad nitong mga nakaraang araw. May halo na iyong lambing kapag sa akin, hindi katulad sa mga kaharap niya ngayon na para bang pinagsusungitan niya. Ganito ba talaga siya makitungo sa ibang tao?
“Ah, Sir, nagkaroon lang daw po ng kaunting problema sa mga bata kaya ho na-late ng dating si Ma’am Thy. Pero malapit na raw ho siya,” tugon ng isang tila nakatataas na rito na halatang may edad na.
Nahulog bigla ang tingin ko sa pangalang nakakabit sa bandang dibdib ng uniporme nito.
Marina . . .
Kinapa ko tuloy ang dibdib ko, ngunit wala pa akong name sa dibdib na katulad sa kanila.
“Alright. Hihintayin ko na lang siya bago ako pumasok sa trabaho. All of you, go back to work. Huwag n’yo na kaming intindihin pa,” ma-awtoridad na anang lalaki na ikinalunok ko nang lihim. Parang boss siya rito, a.
Agad namang tumalima ang mga tauhan doon na halos mga nasa sampo rin. Maayos ang pananamit nila at kilos na halatang propesyunal, kaya naman inobserbahan ko sila upang gayahin habang katabi ang lalaki—na hindi ko napansin na kanina pa pala ako tahimik na pinagmamasdan.
“Bakit?” tanong ko nang mahuli ko ang kakaibang mga tingin nito sa akin.
Dagliang nawala ang seryosong mukha nito at napalitan ng maaliwalas.
“Wala, ang ganda mo kasi pagmasdan nang ganito kalapit.”
Naitikom ko bigla ang bibig sa narinig. Mayamaya ay nag-iwas at natawa. Bakit naman kasi ganoon na lang ang mga sinasabi niya? Nakakailang kaya.
Hanggang sa napatingin na lamang ako sa salaming pader ng shop, kung saan may magarang sasakyan na pumarada.
Isang magandang babae ang iniluwa niyon na may mga kasamang bata . . .
Agad akong napatayo upang salubungin ang pagpasok ng babae. Tiyak na ito na ang magiging amo ko.
Humilera ang mga tauhan ng shop upang bumati, kaya nakisabay ako sa mga ito.
Ngunit hindi pa man nakakapasok ang magandang babae ay nasa akin na agad ang atensiyon nito. Kunot na kunot ang noo na para bang balisa.
Bumati ito pabalik bago harapin si Al sa tabi ko na seryoso lamang ang mukha.
“Let’s talk inside my office,” mariing tinig ng babae na naging dahilan ng lalong pagbilis ng t***k ng puso ko.
M-May problema ba sa akin?
Tiningala ko ang lalaki ngunit hinapit lamang ako nito at dinala sa opisina ng may-ari. Abot-abot langit ang kaba ko nang muli na naman akong pasadahan ng tingin ng shop owner. Hindi naman ito mukhang masungit, ngunit nakakangatog ng tuhod ang pag-iisang linya ng mga labi nito na para bang napakaraming nais sabihin.
Ibinaba nito ang mga bata sa gilid bago maupo sa swivel chair nito. Samantalang kami ni Al ay parehong naupo sa katapat ng mesa ng babae.
Marahan akong lumunok at napayuko nang itarak nito ang tingin sa katabi ko. “What is this, ha?” Matalim ang bawat tingin nito sa lalaki kaya sunod-sunod na akong napalunok.