Keehana
Nais kong magtanong ngunit naglakad pa rin ako palapit sa bintana ng sasakyan nito. May kinuha ito sa likurang bahagi ng upuan kaya sinilip ko iyon.
Sinenyasan ko si Oliver na sandali lamang habang medyo malayo-layo pa ito sa akin.
Nang ibaling ko ulit kay Al ang tingin ay napanganga ako dahil agad nitong iniabot sa akin ang isang plastik ng inihaw na manok.
Hindi na ako nakapag-usal ng pasasalamat sa kaniya dahil agad niyang isinara ang bintana niya at pinaharurot ang kotse.
Nagtatakang sinundan ko ng tingin ang kotse nito na papalayo.
Ano kaya ang problema niyon at mukhang galit?
Napanguso ako at nagkibit-balikat na lamang. Pero thanks dito sa manok na bigay niya, may uulamin na kami mamaya na masarap. Tiyak na matutuwa ang mga kapatid ko.
“Uy! Sino iyon?” agad na tanong nito nang makalapit.
Binangga ko ang balikat nito na ikinatawa nito. “Wala, kaibigan lang ni Mama. Tara,” walang gana kong turan.
Sabay kaming naglakad pauwi dahil magkalapit lang naman ang bahay namin.
Tiningnan ko ang kalsadang puno ng halaman at puno sa gilid niyon. Napakaganda rito. Preskong-presko ang hangin.
“Kumusta naman ang pag-aaral natin? Congrats pala,” masayang wika ko rito. Masuwerte siya dahil naambunan siya ng tulong mula sa gobernadorang may napakabuting puso.
Nilingon ako nito mula sa pagpipitas nito ng mga dahon sa puno na malapit dito. Ngumiti ito nang malaki. “Okay na okay, Keehana. Nakakakaba lang pero para sa pamilya ay gagawin ko ang makakaya ko.”
“Ayan! Ayan ang gusto ko sa iyo, Oli, e. Tama ’yan, positive lang dapat. Diyan tayo aahon sa hirap, e.” Itinaas-baba ko ang mga kilay na ikinatawa nito.
“Sira. Pero salamat talaga, Keehana. Hayaan mo, kapag nakatapos ako rito at nangibang bansa na ay bibigyan kita ng pera bilang pasasalamat ko sa iyo,” anito na ikinatawa ko.
Tiningnan ko ito na tila ba nahihibang na ito. “Baliw. Hindi na kailangan, ’no. Pera mo iyan, para sa pamilya mo kaya huwag mo na akong isipin. Kaya ko pa namang kumita, hindi pa ako baldado,” pagbibiro ko. Tumingin ako sa unahan dahil may napansin akong sasalubong sa amin. “O, wow! Bili tayo n’yon, o! Tara!”
Hinila ko siya papunta sa lalaking naglalako ng ice cream. Minsan lang ako makakita nito kaya susulitin ko na. Ngumiti ako at dumukot sa bulsa ko ng sampung piso. Iyon na nga ata ang pinakamalaking halaga na naiwaldas ko para lamang sa isang ice cream. Tagli-lima lamang kasi ang binibili naming magkakapatid noon.
“Paborito mo talaga ’yan, e, ’no?” ani Oli at kumuha rin ng pera sa bulsa niya. “Magkano ang binili mo?” dagdag pa niya habang nagbibilang ng pera.
“Yup. Tag-sampo sa akin, e. Sa iyo?” excited kong wika habang pinagmamasdan ang manong na nagsasandok.
Naglapag si Oli ng sampo sa tabi ng pantakip sa ice cream. “Tag-sampo rin sa akin para parehas tayo.” Kumindat ito pagkatapos.
Umismid na lamang ako at inabot ang ice cream ko. Agad kong dinilaan iyon dahil miss na miss ko na talaga ang tamis at lasa nito. Hay!
Hinintay kong matapos ang kay Oliver bago kami tumuloy sa paglalakad. Puro kami kuwentuhan at tawanan habang inuubos ang kinakain.
Nakakatuwa talaga itong lalaki na ito dahil palatawa siya at mahilig magbiro ng kung ano-ano. Talaga namang kahit napaka-simple niya lang na lalaki ay maraming nagkakagusto sa kaniya dahil sa personalidad niya.
Mayamaya’y tumigil ito na tila may naalala. Nagtatakang nilingon ko ito.
Tiningnan pa ako nito na tila may dalawa akong ulo. “Oo nga pala!” malakas nitong turan at inakbayan ako bigla.
“Huh?”
“Alam mo, nagbabalak pumorma sa iyo ’yong mga tropa ko.”
“Sinong tropa? Iyong mga gumamit ng basahan pamunas sa katawan nila?” takang tanong ko. Marami kasi siyang ka-tropa sa lugar namin. Kaya hindi ko alam.
Bigla na lamang itong napahalakhak, ’yong tipong labas na ang ngala-ngala.
Kumunot lalo ang noo ko. Ano’ng problema nito?
“W-Wait, ha-ha!” Tumawa pa ito nang tumawa bago napapunas ng mga mata. “Oo, sila nga,” tatawa-tawa pa rin nitong sambit kaya nagkibit-balikat ako.
Okay...
Huminga ako nang malalim at tinanaw ang bahay namin na malapit na. “Pakisabi ay huwag na. Hindi pa ako handa sa mga ganiyan,” seryoso kong wika at humikab. Tiningnan ko ang relo kong luma na. “Alas tres na pala, Oli. Malamang ay gutom na ang bunso kong kapatid. Sige na, bye-bye!” Kinawayan ko ito at na ikinangiti lamang nito.
“Sige, ingat ka, Keehana-ng maganda. Sabay ulit tayo bukas, a?”
Tumango lamang ako at tinalikuran na ito.
Ngunit akmang tatakbo ako palapit sa bahay nang tawagin ako nito bigla.
Nginitian ko ito nang lingunin kong muli. “Bakit, hmm?”
Tila nag-aalangan pa ito. “Uhm, ano kasi.” Humawak siya sa batok niya at tumingin sa akin. “Nabalitaan mo na ba ang—ang tungkol kay Tita Matilda?” Bakas sa boses niya ang lungkot na ikinataas ng mga kilay ko.
Tungkol kay Mama? Bakit? Ano ba ang mayroon?
Umiling ako bilang tugon habang nagtataka pa rin ang mukha. “Bakit? Ano ang tungkol kay Mama?”
Imbis na sagutin ako ay umiling lamang ito at saka kumaway sa akin, bago dire-diretsong tumakbo palayo.
Huh? Ano ang nangyari roon? Ang weird niya.
Nagkibit-balikat na lamang ako bago tumakbo palapit sa bahay.
Ngunit agad akong binundol ng kaba nang mapansing may nakaparadang isang magarang kotse sa tapat namin. Imposibleng kay Al iyon dahil puti naman ang kulay ng isang ’to.
“Mama!” Niyakap ako ni Melanie nang makapasok ako sa bahay.
Nagulat pa ako nang makita si Mama na nag-eempake ng mga natitira niyang gamit dito, hindi naman iyon gaanon karami pero mukhang mahalaga sa kaniya ang mga ’yon.
Agad itong napatigil nang makita akong nakatayo sa likuran niya.
“Ma?” nagtatakang tawag ko rito. Bakit siya nag-iimpake? “A-Aalis ka po ba?” Hindi ko nais na itanong iyon sa kaniya pero isa lang naman ata ang ibig sabihin ng pag-iimpake niya.
Umiwas ito ng tingin at bumuntong hininga. Nagsimulang lumikot ang mga mata nito, ni hindi ako tinapunan ng sulyap. “A-Ano. Hindi, hindi ako aalis dito. Kukunin ko lang itong mga gamit ko para hindi na ako gaanong umuwi-uwi rito, masiyado na kasi akong busy sa bar,” mabilis na anito na tila nagmamadali.
Sinundan ko ito ng tingin nang lapitan niya ang tingin ko ay mamahalin at bago niyang bag na nakalapag sa upuan. “Tingnan mo, Nana, marami na akong pera rito na naipon. Panggastos ninyong magkakapatid...”
Pinagmasdan ko ito nang i-abot niya sa akin ang isang plastik na naglalaman ng tag-iisang libo. Marami iyon kaya halos lumuwa ang mga mata ko.
Marahan akong lumunok at kinuha iyon. Nahihirapan akong huminga dahil parang may mali ngayon na hindi ko mawari.
“Akala ko po ba ay wala pa kayong pera? Saan ho ito galing?”
Nakakapagtaka lamang. Hindi naman ni Mama kakayanin na magkaroon ng ganito kalaking pera sa ilang gabi lang lalo’t buntis siya. Paano siya nagkaroon ng ganitong halagang pera?
Napatingin akong muli rito nang talikuran niya ako. “Mabuti pang huwag mo nang intindihin kung saan ko iyan kinuha. Ang mahalaga ay may panggastos na kayo rito,” mailap nitong wika at kinuha ang maleta na dala.
Inayos niya iyon bago dalhin sa labas. Sinundan ko ito ng tingin. Ipinasok nito ang maleta sa kotseng puti na nasa tapat ng bahay namin.
Marahas akong napahinga at tumalikod sa pinto.
Bakit pakiramdam ko ay may mali talaga rito?
Bakit niya kinuha ang natitirang gamit niya rito? Ayaw na ba niyang umuwi rito para sa amin?
Sa isiping iyon ay lalong nanikip ang dibdib ko. Pinigil ko ang pagtangkang pagtulo ng luha ko.
Minsan na nga lamang siya umuwi rito tapos sasabihin niya pa iyon. Tila mas gusto niya pang doon tumira sa bar kaysa rito kung nasaan ang pamilya niya.
Nais kong magtampo kay ina pero inisip ko pa rin ang mga sakripisyo nito para sa aming magkakapatid mula pa noon.
Muling bumalik si Mama na balisa ang mukha. Tumapat ito sa akin at niyakap ako, maging si Melanie na hindi siya gaanong pinapansin. Hindi kasi ito malapit kay Mama dahil nga minsan lamang itong umuwi rito.
Hinalikan niya kami sa ulo ngunit tulala lamang ako rito. “Nana...”
Kumurap-kurap ako at tumikhim upang ayusin ang sarili.
Hindi naman tuluyang aalis si Mama rito. Tama.
Iisipin ko na lamang na okay lang iyon sapagkat buntis siya at kabuwanan na, hindi na maganda para sa kaniya ang bumiyahe pa at magpakapagod.
Lumunok ako at ngumiti sa kaniya na ikinangiti niya rin.
Wala akong dapat na ipag-alala, may tiwala ako kay Mama.
“Nana, hindi ba’t kaarawan mo na sa Lunes? Iyon na ang ika-twenty mo,” anito at hinawakan ang kaliwang pisngi ko.
Lalo lamang akong napangiti sa sinabi nito. Oo, kaarawan ko na sa Lunes ngunit hindi ko naman gaanong pinagtutuonan ng pansin iyon. Maghahanda na lang sana ako ng pansit para sa amin, para makakain naman ng medyo masarap-sarap ang mga kapatid ko. Kawawa naman sila.
“Opo. Pero bakit, Ma?” Siguro ay mananatili siya rito para sa kaarawan ko. Noong mga nakaraang kaarawan ko kasi ay wala siya sa tabi ko, binabati niya lamang ako kapag nakaka-uwi na siya ulit dito.
Ibinaba nito ang kamay at ngumiti sa akin nang masuyo. “Hindi ko maipapangako na makaka-uwi ako rito, Nana. Pagpasensyahan mo na si Mama, ha? May—May kailangan lang akong asikasuhin.”
Ngumiti ako rito kahit pa sa loob-loob ko ay bahagya akong nadismaya. “Naiintindihan ko po, Ma. Okay lang po...”
Umalis si Mama na sakay ng kotse na nakaparada sa tapat ng bahay namin.
Naiwan kami roon ng kapatid ko na ikinahinga ko nang malalim. Maghahanda na naman kami para sa kaarawan ko nang wala ang ina sa tabi.
Paghahandaan ko na lamang ang mga kapatid ko ng masarap na pagkain. Pag-iisipan ko pa kung dadagdagan ko ang pansit na ihahanda ko. O kung ilabas ko kaya sila sa fast-food restaurant? Hindi pa kami nakakakain doon. Nais kong subukan, tutal ay napakalaki ng halaga na ibinigay sa amin ni Mama.
Sinundo namin ang mga kapatid ko mula sa paaralan nila.
Tuwang-tuwa sila nang makitang masarap ang ulam namin para sa hapunan na galing kay Al.
Kapag nagkita kami ay pasasalamatan ko siya nang sobra.
Nakita ko ang tatak ng manok na iyon at alam kong sikat iyon sa siyudad, iyon kasi ang naririnig ko sa mga kaklase ko minsan. Mukha pang mamahalin...