HIS LOVE, HIS OBSESSION
Keehana
“Hoy! Ikukulong na Mama mo!”
“Pulis tatay ko, Keehana!”
“Ipapakulong kitang malandi ka. Bawal malandi rito!”
Tumirik na lamang ang mga mata ko habang inaayos ang mga diary ng mga na-late na estudyante ngayong araw.
Kung bakit ba naman kasi kami pinagsama sa iisang lugar. Ayan tuloy, puro dakdak na naman si Marco na dinaig pa ang babae sa ingay.
Hindi ko ito pinapansin mula pa kanina dahil ayokong gumawa ng gulo. Bahala siya sa buhay niya, pero napaka-ingay pa rin niya. Hindi ko na alam kung papaano patatahimikin ang bibig niya.
“Magaling na pulis ang Papa ko rito, at siya ang huhuli sa nanay mong pokpok. Ipahuhuli rin kita para buntisin ka ng mga bantay roon!”
Biglang napantig ang tainga ko sa narinig. Hinarap ko ito at sinamaan ng tingin. Napakabastos talaga ng bunganga nito.
Pinagmamayabang niya ang tatay niyang magaling daw na pulis, pero ’yong ugali niya ay parang anak ng adik.
Ibinagsak ko ang hawak kong mga diary sa sahig. Nagtitimpi pa ako ngayon. Huwag niya akong buwisitin lalo.
“Napakayabang mo porke’t may katungkulan ang tatay mo rito,” nang-uuyam kong turan dito. Itinabi ko saglit ang mga diary sa harap ko. “Pulis ang Papa mo pero siraulo naman ang anak niya. Ha-ha! At excuse me, adik, malabong makulong ako dahil wala naman akong nilalabag na batas dito, baka ikaw mayroon. Ikaw ang ipatitira ko sa mga bantay roon! Sira ’yang pang-upo mo!”
Bastusan pala, a. Kanina pa ako napupuno sa bunganga niya.
“Ha, talaga? Ikaw nga hindi malabong mabuntis nang maaga dahil sa kalandian mo. Tingnan natin, hindi ka aabutan ng graduation day ay wasak ka na,” pang-aasar pa nito na ikinapikon ko lalo.
Peste talaga itong taong ito sa buhay ko. Pokpok siya nang pokpok! Malandi nang malandi! E, wala naman siyang maibigay na ebidensiya para sabihin niya iyong mga paratang niya sa akin!
Ako nga ay hindi ko na kailangang maglabas pa ng ebidensiya para sabihing adik sila ng mga ka-tropa niya, mismong mga kaklase ko ay alam iyon! Lahat kami! Buksan ko lang ang bag nilang magkakaibigan ay buking na sila.
Tumayo ako dahil sa sobrang pagkapikon.
Pang-apat na araw na namin para sa parusa namin pero ganito pa rin ang nangyayari. Imbis na magtanda kami ay tila lumalala lang.
Inis kong inayos ang palda ko nang makatayo. Kung bakit ko ba naman kasi pinapatulan ang baliw na iyon?
‘Mas matino ka roon, Keehana. Huwag mong patulan ang wala sa wisyong tao...’
Umalis ako sa lugar na iyon para lumipat. Iba na lang ang gagawin ko.
Bahala siya roon mag-ayos ng mga papel at diary.
“Ipapa-tokhang ko talaga ’yon. Buwisit siya,” bulong ko habang tinatahak ang hallway nitong first floor.
Biglang lumabas sa isang room si Sir Panganiban na siyang nagbantay sa amin noong mag-exam kami.
Napalunok agad ako dahil sinalakay ako bigla ng kaba at kahihiyan.
“M-Magandang tanghali po, Sir,” bati ko rito na ikinahinto nito sa paglalakad.
Nilingon niya ako na nakataas ang kilay. Lihim akong napairap, palibhasa’y matanda na. Mainitin na ang ulo, lalo na sa katulad kong mahina sa klase.
“Ano’ng ginagawa mo rito sa hallway? Hindi ba’t may gawain ka ngayon sa mga diary? Bawal ang pakalat-kalat dito lalo na at may bisita, Miss Louise,” halos pasigaw nitong sambit kaya yumuko na lamang ako.
“Pasensiya na po, Sir. Kukunin ko lang po sana ang walis sa likod nitong building,” palusot ko, pero iyon naman talaga ang gagawin ko para hindi kami magsama ni Marco roon.
Tumirik ang mga mata nito sa akin bago ako talikuran na ikinabuntong hininga ko.
Hays! Ang laki talaga ng galit niya sa akin. Hindi ko naman inaano.
Napaasik na lamang ako at nagpunta sa likod ng school building. Kinuha ko roon ang walis at dustpan.
Nag-inat pa muna ako ng likod dahil paniguradong mananakit na naman ito mamaya.
Tsk. Muli kong tinahak ang daan papasok sa building namin. Unang dumapo ang tingin ko sa mga kalat sa sahig. Marami-rami ring dumi kaya good luck na lamang sa akin.
Wala na akong sinayang na oras at agad kong nilinis ang sahig sa unang palapag nitong building.
Pasulyap-sulyap pa ako sa canteen namin na nagbukas na. Twenty minutes na lang kasi at lunch na namin. Nagugutom na ako ngayon. Nais ko nang kumain ng kanin at ulam doon.
“Miss Louise!”
Napaayos ako ng tayo nang may tumawag sa akin habang nagwa-walis.
Nilingon ko ang isa sa mga professor dito at binati ito. “Good afternoon po, Ma’am. Ano po iyon?” takang tanong ko.
Paniguradong utos na naman ito. Malamang, iyon talaga ang misyon namin dito ni Marco, ang sumunod sa utos.
Pinalapit niya ako kaya agad akong tumalima.
“Pakisabi naman sa bawat room dito na huwag munang uuwi mamaya pagkatapos ng klase. Nagpatawag kasi ng meeting si Sir Garry at mga kapulisan dito para sa awareness...”
Tumango agad ako at saka sinunod ang utos nito.
Itinabi ko ang hawak kong dustpan at walis tambo sa gilid bago puntahan ang bawat room.
Inimporma ko sila tungkol sa meeting mamaya kaya lahat ay nagbulong-bulungan.
Maging ako man ay nagtataka kung para saan ang awareness daw at may meeting pa. At bakit may kasama pang mga pulis? Ano ba ang nangyayari?
Ngunit nasagot niyon ang tanong ko dahil sa mga nag-uusap na estudyante sa tapat ng classroom na bukas ang pinto. Puro lamang sila harutan sa loob dahil nga wala nang gagawin pa ngayong week.
“... grabe na talaga ang mga nangyayari ngayon, ano? Ang daming nawawala na mga kababaihan...”
Sa hindi malamang dahilan ay binundol ako ng kaba.
Naalala ko tuloy ang isa sa mga sinabi sa akin ni Marco noon, na nangunguha raw ng mga babae ang ina ko at ginagawang puta.
Agad ko iyong iwinaksi sa isipan ko. Imposible iyon, kilala ko ang Mama ko kaya malabong gawin niya iyon. Tama, pang-asar lang talaga sa akin ni Marco iyon.
Aware naman ako sa kumakalat na balitang may mga nawawalang mga kababaihan. Hindi lang ako naniniwala na si Mama ang gumagawa at gagawa niyon. Never.
Pinakalma ko ang sarili dahil wala lamang iyon. Hindi ko dapat ikabahala iyon.
Suminghap ako at ipinagpatuloy na lamang ang naudlot na ginagawa. Nasabihan ko na rin naman lahat ng estudyante kaya okay na, bahala na lang sila mamaya kung susunod sila.
Tinapos ko ang pagwawalis, ngunit nang tumapat ako sa room kung nasaan si Marco ay napatigil ako.
“Opps! Bagay na bagay talaga sa iyo ang pagiging katulong at taga-linis ng kalat ng iba,” pang-iinis na naman niya sa akin na ikinairap ko. “Pakidampot na lang ng kalat ko,” aniya pa matapos maghagis sa tapat ko ng ilang piraso ng nilukot na papel.
Umismid ako.
Ayaw talaga magtigil ng timang na ito. Pinapakita niya talaga ang kabalastugan niya sa akin.
Tss. Inilagay ko na lamang ang mga iyon sa dustpan at saka dineretso sa basurahan.
Ngunit agad na nag-init na naman ang ulo ko nang magtapon ulit ito sa labas ng room na kinalalagyan niya.
Aba’t! Talaga namang sinusubukan ako ng adik na ito!
Sa inis ko ay kinuha ko ang mga ’yon at ibinato pabalik dito na ikinausok ng ilong nito.
“You b***h! Ipatitikim ko sa iyo ang galit ko!”
Napatayo ito at may kinuhang mga nilukot na papel sa gilid niya at ipinagbabato sa akin.
“Ano ba, Marco! Peste ka!” napipikon na namang sigaw ko at humakbang paatras. “Ipadadampot talaga kita sa mga pulis mamaya kapag dumating iyo—Ay! Sorry po!” Napatigil ako bigla dahil sa aksidente kong natapakan ang paa at nasanggi ang tao sa likuran ko. Agad akong napaayos ng tayo at gulat na nilingon iyon. “S-Sir Al, ikaw po pala,” kinakabahan kong sambit at hilaw na tumawa.
Tumama sa akin ang seryoso ngunit maangas na tingin nito. Napalunok tuloy ako nang wala sa oras.
Naalala ko bigla ang huling kita at usap namin noong nakaraan. Noong bigla na lang siyang umalis.
Galit ba siya sa akin?
Kung makatingin ay parang hahamunin ako ng away. E, hindi naman ako naghahanap ng away.
Sa katitingin ko rito ay napansin kong ganoon ulit ang suot niya. Isang itim na shirt at pantalon na medyo kupas na, at hindi mawawala ang sumbrero niyang itim sa ulo.
Ano kaya ang trabaho niya rito? Tila ba ay naririto siya palagi, e.
Nanlaki ang mga mata ko nang makitang may tatlong pulis sa likuran niya. Nakasuot ang mga ito ng uniporme nila at sumbrero rin, pero may tatak na PULIS ang kanilang sumbrero.
Pulis nga ang mga ito. Pero ang aga naman ata nila rito? Mamayang hapon pa ang uwian namin at ang meeting daw.
Pareho kaming napipi ni Marco. Nais pa sana nitong magtago sa loob ng room pero sinita na siya ng isa sa mga kasama ni Al.
Nahigit ko ang hininga nang titigan ako nang mariin ni Al. Inilagay niya ang dalawang kamay sa likod. “Miss Louise, ginagamit mo ba ang mga pulis panakot diyan sa kasama mo?” maangas na tanong sa akin ni Al at humakbang palapit.
Nanlaki ang mga mata ko at pinagkrus ang mga daliri sa likuran.
Narinig pala nila iyon. Nakakahiya sa mga kasama niyang pulis.
Umiling ako nang mabilis kaya naningkit ang mga mata nito. Pinasadahan nito ng tingin ang mga kamay kong nasa likuran at ngumisi. “Guilty, e?”
Umiwas ako ng tingin lalo na nang magtawanan ang mga kasama niya.
“Nako, Miss. Pasensiya ka na sa kaibigan namin dahil talagang mainitin ang ulo nito. Wala pa kasing asawa’t anak kaya ganiyan,” sabat ng isang pulis na kasama ni Al.
Napipilitan akong tumawa.
Magkaibigan sila? Hindi kaya, pulis din itong si Al?
Natigilan ako at biglang sinalakay ng kaba.
Biglang inilihis ni Al ang tingin papunta kay Marco. Umigting ang panga nito na tila hindi natutuwa sa presensiya ng kaklase ko. “At ikaw naman, huwag na huwag kang mang-aaway o papatol sa babae. Palalampasin ko ang ginawa mo kaninang pambabato sa kaniya, pero sa susunod na makita kita na ginagawa pa iyan ay alam mo na ang mangyayari,” seryosong ani Al kay Marco na tila natakot dito.
Halos mapatawa ako nang lihim nang mabahag ang buntot nito. Babae lang pala lang kaya niyang target-in. Duwag pala ito.
Tumango ito kay Al. “Aye, colonel. Sorry po,” magalang niyang turan.
Lihim akong umismid. Plastik!
Ngunit nagtaka ako sa itinawag nito kay Al. Colonel? Ano naman iyon?
Mataman kong pinagmasdan si Al. Hindi naman ito mukhang pulis, hindi rin siya naka-uniporme ng pang-pulis kaya hindi talaga siya paghihinalaang isang alagad ng batas.
Napakasimple lang ng mga suotan nito pero mahahalata sa hitsura’t balat nito na mayaman ito.
Ngunit kailangan ko pa ring magpakasiguro. Baka naka-sibilyan lang ito ng pulis.
Kung isa nga siya sa mga kinaaayawan kong pulis ay lagot ako nito. May mga nabanggit pa naman na ako noong nakaraan tungkol sa Mama ko.
Pakiramdam ko ay tinakasan ako ng kaluluwa.
“Pasensiya na po, Sir Al. Hindi ko po sinasadyang masaktan kayo,” paumanhin ko rito nang makabawi at saka dinampot ang walis at dustpan. Itinaas ko iyon at pinakita rito. “Mauuna na po ako, may kailangan pa po akong tapusin,” magalang kong saad at yumuko nang kaunti bago umalis doon.
Narinig ko pa ang usapan nila na kung sino raw ba ako at bakit kilala ako ni Al. Nagkibit-balikat lamang ako at tuluyan nang umalis doon.
Hangga’t hindi ko nalalaman kung isa nga ba siyang pulis ay iiwasan ko muna siya para na rin sa kaligtasan ng ina ko. Ayokong mapahamak ang Mama ko kahit pa alam kong may mali ito.