Kabanata 8

2278 Words
HIS LOVE, HIS OBSESSION Keehana Humaba ang leeg ko habang nakapila sa canteen. Pilit ko kasing tinatanaw kung ano ba ang tinda roon at baka maubusan ako. Pero sadyang hindi ako gaanong pinalad sa height dahil ang mga nasa unahan ko ay matatangkad na lalaki. Ano ba ’yan! Napabuga na lamang ako ng hangin at umismid. Ang haba naman ng pila. Ibinalik ko lang kanina sa likuran ang mga gamit panlinis pero pagdating ko rito ay ang haba na ng pila. Hay! Kung may kaibigan lang sana ako na handang pumila rito, e, kaso wala. Tuloy ay dismayado ako sa natirang paninda sa harapan ko. Puro tsitsirya na lang iyon at inumin, naubos na ang kanin at ulam. Ano ba ‘yan! Kung kailan may pera ako pambili ng masarap na pagkain ay saka naman ako naubusan. Nagbaon na lamang sana ako. Napakamot ako ng ulo at bumili na lang ng tsitsirya. Ito na lang ang kakainin ko ngayong tanghalian. Umalis ako roon bitbit ang dismayadong mukha at nagtungo sa likod ng school. Naupo ako sa upuang narito at napanguso. Bukas ay talagang uunahan ko na ang mga iyon sa pagbili. Tsk. Binuksan ko ang pagkain ko, ngunit napatigil ako nang mapansing medyo marumi pa ang aking mga kamay. Natawa ako sa sarili at saka patakbong nagtungo sa gripo na nasa likuran ko lang. Naghawak pala ako ng walis tambo at pandakot kanina, at hindi pa ako nakakapaghugas ng mga kamay. “Bakit mag-isa ka lang dito?” “Ay, butete!” Napaigtad ako nang may malalim na boses na biglang umalingawngaw. Nilingon ko si Al na nakatayo sa ’di kalayuan mula sa akin habang nakahalukipkip. Tumama ang tingin ko sa hawak nitong paper bag. Ano ang ginagawa niya rito? Kakain ba siya? Naku po. Huwag niyang sabihin na nais niyang makisabay sa akin? Hindi ko na nagawa pang sagutin ang naging tanong niya kanina. Mabilis kong tinapos ang paghuhugas ko bago ito harapin. Naglililikot bigla ang mga mata ko dahil hindi ko ata bigla kayang tumingin sa mga mata niya. Parang bigla akong ginapangan ng kaba sa presensiya niya. Bakit naman kasi napakaseryoso ng mukha niya? “K-Kayo po pala, Sir,” ilang kong turan at muling naupo sa kaninang inu-upuan ko. Halos kapusin ako ng hininga nang lapitan niya ako habang pinagmamasdan nang matiim. “Why aren’t you eating healthy foods?” aniya at naupo sa medyo may kalakihang bato sa tapat ko. Tumigil ako sa tangkang pagdukot sa pagkain ko. “Wala na po kasing matinong pagkain kanina. Naubusan ako,” dahilan ko. Pero sa isip-isip ko ay napaka-healthy naman ng manok na bigay niya noong nakaraan. Hilaw akong tumawa sa naisip. Nang maalala ko iyon ay tumikhim ako. “Uy, salamat pala sa bigay mo noong nakaraan na pagkain, a? Natuwa ang mga kapatid ko,” ngiting sambit ko na ikinasulyap lang nito sa akin. Ibinalik din nito agad ang tingin sa dala niyang pagkain. Ni wala man lang naging reaksiyon sa sinabi ko. Nag-iwas na lang ako ng tingin at napanguso nang lihim. Mukhang mainit na naman ang ulo niya. Parang naiingayan siya sa boses ko. Inilapag niya ang dalawang naka-styro na pagkain sa hita niya na lihim kong ikinatingin doon. Hmm. Mukhang masarap ang pagkain niya, a. Yayamanin. Kung bata lang sana ’to ay uutuin ko ito para ibigay niya sa akin ang isa niyang pagkain. Kaso matanda na ito. Baka suntukin lang ako ’pag nagkataon. Isipin pa na mukha akong patay-gutom. Nakakahiya naman iyon. Lalasapin ko pa sana iyon gamit ang tingin kung hindi lang siya agad na nag-angat ng tingin sa akin. Mabilis kong sinubo ang chips na hawak ko at nagkunwaring tumitingin-tingin sa paligid. Psh. Bakit kasi sa harap ko pa siya naglabas ng pagkain? Paglalawayin niya lang ang tulad kong dukha. “Ikaw? Natuwa ka ba?” seryoso nitong tanong na ikinatingin kong muli rito. Kumunot ang noo ko. “Ha? Oo naman, siyempre. Minsan lang kami makakain n’yon.” Hanggang ngayon, hinahanap-hanap ko pa ang lasa niyon. Napangiti ito dahil doon. “Mabuti naman. Kung gusto mo ay roon ka sa bahay kumain. Maraming pagkain doon na masasarap. Sa sobrang sarap ay makakalimutan mo nang umuwi sa bahay ninyo. Isama mo na rin ang mga kapatid mo,” maaliwalas na mukhang anito. Literal akong napanganga sa narinig. Hala! Pakiramdam ko ay nangatal ang mukha ko. Seryoso ba siya sa sinabi niya? Aalukin niya ako ng pagkain at sa bahay pa talaga nila? Napatampal ako ng noo. Nakakahiya naman ’yon, ‘no! Baka kung ano pa sabihin sa amin ng mga magulang niya o kahit na sino na kasama niya sa bahay niya. Sabihin ay mga mukha kaming pagkain ng mga kapatid ko. At saka, pupunta lang kami roon para kumain ng mga masasarap nilang pagkain? Ang kapal naman ata ng mukha namin. “Hindi na, ’no. Mas gugustuhin ko pang magkaroon ng pera na marami kaysa puro pagkain,” wika ko na totoo naman. Mas nanaisin ko na magkaroon ng maraming pera para may pantustos kami sa mga gastusin namin sa bahay. “Keehana, stop eating that,” sita niya sa akin na ikinatigil ko. “Here, take this. Mas may sustansiya pa ito.” Kinuha niya sa akin ang tsitsirya ko at inabot ang isa pa niyang pagkain na naka-styro. Hindi ko napigilan ang ngiting sumilay sa mga labi ko. Ang bait naman nito. “Salamat dito, Al. Kanina pa kasi talaga ako nagugutom, e,” tuwang-tuwang wika ko at agad iyong binuksan. Salamat naman at nakalibre ako ng pagkain. Bumungad sa akin ang isang pritong itlog, kanin at ginataang kalabasa. Nginitian ko siya at nag-thumbs up. Tipid lamang itong ngumiti sa akin. “Sa susunod ay huwag ka nang magpapagutom. Kapag may kailangan ka, sabihin mo lang sa akin,” aniya na tinanguan ko lamang kahit na nahihiya. Nilantakan ko ang bigay niyang pagkain dahil ang sarap-sarap niyon. Mayamaya’y umayos ako ng upo nang may maisip. “Oo nga pala, itatanong ko lang sana kung pulis ka ba.” Pinunasan ko ang labi ko gamit ang likod ng palad. Ito naman ay tumigil sa pagkain at tiningnan ako nang mariin. “Bakit mo naitanong? Ayaw mo ba sa mga pulis?” seryosong tanong niya sa akin habang titig na titig sa mukha ko. Feeling ko ay napunta ako bigla sa hot seat. Sa paraan pa lang ng pagtingin niya sa akin, parang sinasabi niya na, ‘sige, subukan mong sumagot nang mali, lagot ka sa akin’. Tumawa ako nang hilaw at napakamot ng ulo. “Sa totoo lang, may dahilan ako kung bakit ayaw ko sa mga tulad nila.” Dumilim ang mukha nito. “At ano naman iyon?” “A-Ah, ano, hindi ko kasi maaaring sabihin sa iba. Basta ayoko sa kanila. Hindi ka naman pulis, ’di ba?” saad ko. Napatango-tango ito na tila naiintindihan ako. “It’s okay. Alam kong may malalim kang dahilan. At doon sa tanong mo—of course. Hindi ako isang pulis. ’Yong mga pulis kanina ay mga kaibigan ko lang,” paliwanag niya na ikinahinga ko nang maluwag. “Itong school ninyo, binabantayan namin for some reason.” “E, bakit kasama ka? Hindi ka naman pulis. Guard ka ba?” Natawa ito nang mahina. “Hindi ko sasabihin sa iyo, unless maging asawa kita.” Muntik na akong masamid sa sinabi nito. Hinarap ko ito nang nagtataka at natitigilan, ngunit tumawa lamang itong muli nang mahina at napailing-iling sa reaksiyon ko. Nang matauhan ay nag-iwas ako at hilaw na tumawa. Agad ko iyong iwinaksi sa isipan at baka biro niya lamang iyon. Pero mabuti naman kung ganoon. Wala akong dapat na ikabahala sa kaniya. “Edi mabuti.” Ngumiti ako. “Ah, tungkol kay Mama pala. Nagpunta siya sa bahay noong Lunes ng hapon. Pero umalis din agad at hanggang ngayon ay hindi pa bumabalik,” imporma ko sa kaniya na ikinatigil niya sa ambang pagsubo... Tumigil lamang kami sa kuwentuhan ni Al nang mag-bell na. Hudyat na tapos na ang lunch namin. Ngumiti ako at tumayo upang magpagpag ng pang-upo. “Salamat sa lunch, Al. Ang sarap,” ngiting sambit ko. Nabusog ako roon at nais ko pang ulitin—biro lang. Napangiti’t napailing ako sa mga naisip ko. “It’s okay,” aniya at saglit na huminto. Kinuha niya sa akin ang styro at nilagay niya iyon sa paper bag niya, bago ako balingan ng tingin. Ngumiti ito, ngunit bakas pa rin ang angas nito na tatak na ata niya. “I’ll drive you home later. Kakausapin lang kita.” Unti-unting nawala ang mga ngiti ko sa labi. Ang sinabi niyang iyon ay may pinalidad na, ni hindi man lang hiningi ang pagsang-ayon ko. “U-Uh.” Bumuga ako ng hangin at nagkamot ng kilay. “Ano kasi, e...” Paano ko ba sasabihin na ayoko? Baka mamilit siya at alukin ako ng pagkain para lang pumayag ako. Okay lang naman sana iyon, pero kasi baka may makakita sa amin na mga kapit-bahay namin. Pag-uusapan lang ako roon lalo at ayokong mangyari iyon. Narinig ko ang pagtikhim nito na ikinatingin ko rito. “Bakit? Ayaw mo ba akong makasama? Mas gusto mo ba iyong lalaki na kasabay mo noong nakaraan, hmm?” tila may halong galit pa nitong wika na agad kong ikinailing. “Uy, hindi, ’no!” depensa ko, kahit na totoo naman ang sinabi niya. Mas komportable ako kapag kasama si Oliver kaysa sa kaniya dahil hindi ko naman siya gaanong kilala. At saka ayokong sumama sa mayayaman. Matsi-tsismis lang ako sa ’min. Isipin ay nanghuhuthot ako ng pera. “I mean, alam mo naman ang sitwasiyon ko, ’di ba? Mainit ako sa mga mata ng mga tao roon. Baka kapag nakita nila akong may kasamang lalaki na—na mayaman ay isipin nilang gold digger ako,” pagdadahilan ko upang hindi niya na ako mapilit pa. Ayoko talaga. Kahit na mabait siya sa akin ay ayoko pa rin. Si Oli ang kasabay ko mamaya at bukas. At saka pu-puwede naman kaming mag-usap mamayang uwian. Ano ba ang pag-uusapan namin? Hindi naman ata aabot iyon ng ilang oras. Pinakatitigan niya ako na tila ba inaalam niya kung nagsisinungaling ako. Lihim akong napakagat ng labi. Ano ba namang klaseng tingin iyan, Al? Huminga ito nang mapagtantong may dahilan ako. Hinilot niya ang panga bago muling tumingin sa akin. “What if... sa kotse na lang? I really wanna talk to you. Kahit saglit lang. May sasabihin lang akong importante,” pilit niya pa kaya tumango na lamang ako. Mas okay iyon, safe ako dahil walang makakakita sa amin. “So, it’s already fine. See you later then,” aniya na umaliwalas na ang mukha. Nagpaalam na rin akong aalis dahil may itutuloy pa akong gawain. Bitbit naman ang mga pamunas at balde na may lamang tubig ay nilinisan ko ang mga salaming bintana ng bawat floor. Pinagtitinginan at pinagtatawanan pa ako ng mga schoolmate ko dahil pahinga na sana namin itong week na ito pero heto ako at naglilinis. Umismid lang ako sa isipan at ngumuso. Sa tuwing naaalala ko kung bakit ako naririto sa kinalalagyan ko ngayon ay nag-iinit lamang ang ulo ko. Napaka-unfair sa akin niyon dahil nadamay lang naman ako sa kalokohan ni Marco. Nananahimik lang akong nag-e-exam doon tapos ganoon ang mangyayari. Nakakainis talaga ang mga mapang-api na iyon. Pagod na nga ako sa kalilinis ng school at kasusunod sa mga utos, narumihan pa ang iniingatan kong record sa guidance. Iyon na nga sana ang pinakamaganda sa akin dahil mabait at matino naman ako sa klase, napurnada pa. Pero ilang taon na lang naman at magtatapos na rin ako. Malalampasan ko rin ito. May tatlong lalaki na dumaan sa likuran ko kung kaya’t nilingon ko ang mga iyon. Bawal magpagala-gala ngayon, a? At grupo pa talaga sila. Aamba sana ako upang sitahin ang mga ito nang magkatinginan kami nina Dany, Carlo at Randy. Ang tatlong itlog ni Marco. Bigla ang mga itong nagtawanan nang makita ako. “Uy! Si Keehana pala ito!” kunwaring gulat na turan ni Randy at inakbayan ang dalawang kasama. Napailing na lang ako sa mga ito. Mga wala sa katinuan. Tsk. Ramdam kong pinalibutan nila ako habang naglilinis ako ng bintana. Hindi ko sila pinansin. Bahala sila riyan na magsayang ng laway. Napuno na ako kay Marco, ayaw ko nang magalit ulit. Kinalabit ako ng kung sino na inignora ko lang. “Miss, magkano ka ba? Ang sarap mo naman.” Boses iyon ni Dany kaya pinigilan ko ang sarili ko na ibato sa kaniya ang hawak kong basahan. Ang bastos talaga ng mga bunganga nila, basta kaibigan ni Marco ay asahan nang pare-pareho sila ng ugali. Mga manyakis, walang respeto sa babae. “Ay! Ayaw mamansin, pre. Pakipot pa, gustong-gusto naman niya na kinakamot siya ng mga lalaki,” ani Carlo na binuntungan pa ng isang nakakabuwisit na tawa. Lihim akong napakuyom ng kamay. Pinakalma ko rin ang sarili ko na sagut-sagutin ang mga ito. Hindi talaga sila titigil sa kasisira ng araw ko. Ewan ko ba at sa ibang babae ay hindi naman sila ganiyan ka-bastos. Nakikipagbiruan din sila sa iba kong mga kaklaseng babae pero hindi ganito na nakaka-insulto na at sobrang bastos. Bigla na nga lang din ’yang mga ’yan na nagsilapit sa akin noon at pinag-aasar ako dahil sa Mama ko na kakaiba ang trabaho. Pasasaan ba’t maka-karma rin sila sa mga ginagawa nila sa akin. “Grabe ka naman, Keehana. Ayaw mo bang tumikim ng mga lalaking kaklase mo? Teka, gusto niya ata ng mga malalaki, mga pre. Iyon bang mga kargada ng foreigner,” biro at gatong ni Randy. Ang dudumi talaga nila mag-isip sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD