Kinabukasan, matapos ng pag-uusap ng mag-ama ay napagdisisyonan na ni Zeki na pagplanuhan ang proposal para kay Celine. Unang una nitong ginawa ay ang pagsasabi sa kanyang mommy ng binabalak n'yang pagpapakasal sa kanyang kasintahan, upang humingi ng basbas.
Nagkaroon ito ng lakas ng loob dahil sa payo ng kanyang stepdad, naramdaman din nito ang pagtitiwala at suporta nito kaya nabuhayan si Zeki ng loob sa kanyang plinaplano. Bagamat 'di pa sila gano'n katagal ng kanyang kasintahan, alam ni Zeki sa kanyang sarili na si Celine at Gael ang gusto n'yang makasama sa buhay. At para mangyari ang lahat ng 'to ay kailangan n'yang simulan ang lahat sa pagpapaalam sa mga taong malalapit sa kanila.
Napagtanto rin nito ang takot na nadarama kaya hindi makapagdisisyon ang binata ng buo ang loob. Dahil sa kanyang malungkot na nakaraang dinanas n'ya sa kanyang tunay na ama at sa girlfriend nitong atribida. Pero tulad ng laging sinabi ng kanyang stepdad, wala itong dapat ikatakot. Alam ni Zeking hindi s'ya papabayaan ng kanyang stepdad sa kanyang disisyon at gagabayan s'ya ni Arvin hanggang dulo.
Binigy naman ni Eliz ang kanayang basbas gayun din si Arvin. Sobrang saya rin ng kanyang bunsong kapatid na si Viel sa naging disisyon ng kanyang pinakamamahal na kuya. Umiyak pa si Eliz sa sobrang tuwa dahil sa binalita ng kanyang uniko ijo.
"Ang baby ko." Nilapitan nito ang kanyang anak at hinawakan ni Eliz ang pisngi ni Zeki. "Dati umiiyak ka lang sa mga bisig ko, ang liit liit mo pa no'n. Ngayon, ang laki mo na. Makisig, masipag at sobrang bait na anak. 'Di ko akalaing sobrang bilis ng panahon at ngayon magpapakasal ka na. 'Di ako makapaniwala," umiiyak na sabi ni Eliz.
Naluluha rin si Arvin sa nasaksihan sa mag-ina. Masayang masaya ang lahat dahil sa ibinalita ng binata.
"Kuya!" tili ni Viel habang papalapit sa kanyang kuya at niyakap ito sa sobrang galak. Kumalas kaagad ito sa kanyang pagkakayakap, bumungad din ang napakalaking ngiti ni Viel dahil sa tuwa. "Excited na ko! Kuya promise mo sa akin na isasama mo ako sa wedding preparations n'yo ha. Sana payagan ako ni ate Celine maging brides maid n'ya or abay. Then sana yung motif n'yo green, para bagay sa akin. Tapos 'yung wedding gown, dapat may touch ng cream para may paka-vintage ang dating. Strictly no white dapat ang isusuot ng mga bisita at wala dapat kakabog sa damit ni ate Celine. Tama ganoon nga! Oh my gosh! Na-imagine ko na ang wedding song. And ang ento."
"Hep, hep, hep!" pinutol ni Zeki ang pagsasalita ng kanyang kapatid. "Bunso, alam kong excited ka at dumagsa na naman ang mga ideas mo. Pero remember, si ate Celine mo pa rin ang masusunod. At isa pa, hindi pa ako nakakapag-propose sa ate mo. Kaya hinay-hinay ka lang muna okay? Relax," sabi ng kanyang kuya Zeki.
Natawa ang lahat. "Sorry na kuya, masyado lang talaga akong na-excite. Kasi finally magkakaroon na din talaga ako ng ate! At si ate Celine 'yon! Finally," kilig na sabi ni Viel. "Hay, kuya sana ako rin makaranas ng ganyan, surprise proposal tapos ikakasal, wedding," sabi ni Viel na para bang nangangarap at may pagsayaw pa ito mag-isa.
"Viel Eilish dela Cruz! Anong kasal kasal at proposal kang nalalaman d'yan! Nako bata ka tigilan mo 'yan," bulyaw ni Eliz.
"Mommy," sabi nito
"Viel, baby ka pa kaya 'di pa pwede 'yang mga ganyan ganyan. At saka wala ka pa ngang boyfriend proposal na ka agad ang iniisip mo? Humanap ka muna ng jowa baka do'n maniwala pa akong mangyayari lahat 'yan," kantyaw ni Zeki.
"Daddy si kuya oh!" sumbong nito sa kanyang ama. Lumapit pa ito sa kanyang dad at parang batang itinuro ang kaaway.
"Tama sila, ikaw, baby ka pa namin papayagan kitang magpakasal pag 40 ka na," gatong ni Arvin.
"Dad!" nagmamaktol na sagot ni Viel.
Naging maganda ang takbo ng pag-uusap ng pamilya nagtatawanan at nagplano na rin sila ng mga pwedeng gawin ni Zeki sa surpresa nito sa kasintahan. Nagagalak ang binata dahil ito na ang simula sa pagbabago ng buhay nilang tatlo.
Sumunod namang pinagpaalaman ni Zeki ang partido ni Celine. At syempre walang ideya ang dalaga sa mga plano ni Zeki.
Sinundo ni Zeki si Gael sa school, nagkataon kasing may kailangang asikasuhin si Celine kaya 'di nito maaasikaso ang anak. Kaya nakakita ng magandang oportunidad si Zeki sa kanyang mga binabalak.
"Dada!" salubong ni Gael sa kanya. Binuhat ito ni Zeki at pinunasan ang pawis.
"Nako! Papagalitan tayo ni wowa mo! Napakaamos natin," puna ni Zeki.
"E, kasi dada naghahabulan kasi kami! Naglalaro kami ng taya tayaan dada. Ang bilis ko ng tumakbo, hindi nila ako mahabol dada. At saka dada ang dami ko ng friends!" masiglang sabi ni Gael. May pagpupunas pa ito ng kanyang ilong at pawis.
"Ikaw talaga napakakulit. Ang anghot anghot mo na!" kinurot nito ang ilong ni Gael. Kiniss ng kiniss pa rin ni Zeki si Gael kahit maasim ito. Todo iwas naman ang makulit na bata.
"Dada! Big boy na ako, 'wag mo na po ako i-kiss. Baka makita ako ng mga classmate ko." Itinutulak pa nito palayo si Zeki.
Binaba na ni Zeki si Gael at inayos ang yuniporme nito. "Magpaalam ka na sa mga friends mo at kunin mo na rin ang bag mo para makauwi na tayo. Na saan pala si teacher mo?" tanong ni Zeki.
"Nandoon po." Tinuro nito kung na saan ang kanyang teacher.
"Ah, sige mag-paalam ka na rin na uuwi ka na." At pinalo nito ng mahina si Gael sa puwet.
Nagtatatakbo na ulit si Gael upang sundin ang utos ni Zeki.
Ilang sandali pa ay nakabalik na si Gael bitbit ang kanyang mga gamit kasama ng kanyang teacher.
"Kayo po ba ang susundo kay Gael? Kayo po si Mr. Ezikiel? Ako po ang advicer ni Gael, Teacher Tessa po," tanong ng guro at nagpakilala na rin ito.
"Opo ako nga po, hindi po kasi masusundo ni Celine si Gael," sagot ng binata.
"Nag-text nga po ang mama ni Gael. Nice meeting you po," magalang na sabi ng guro.
"Teacher s'ya po ang dada ko si dada Zeki," bibong sabi ni Gael.
"Ah, s'ya pala ang lagi mong binibida sa mga kalaru mo," sabi ng guro.
"Opo teacher, magaling po si dada mag-picture kahit pangit napapaganda n'ya," pagmamalaki ng batang si Gael.
"Nako Gael, tama na 'yang kadaldalan mo," saway ni Zeki kay Gael. "Sige po teacher una na po kami," paalam ni Zeki.
"Bye po teacher," paalam ni Gael sa kanyang guro.
"Bye Gael, ingat po kayo," sagot ng guro.
Ngumiti si Zeki bilang tugon.
"Bye classmates!" sigaw ni Gael at lumakad na ang dalawa pauwi.
Buhat buhat na ni Zeki si Gael habang naglalakad, malapit na ang dalawa sa tinitirahan nina Celine at Gael. Natanaw agad sila ng mama ni Celine.
"Ma, mano nga po," bati ni Zeki. Ngumiti naman ang mama ni Celine, napansin nitong dungis dungisan ang kanyang apo at nanglilimahid sa pawis. Ngunit todo yapos ito kay Zeki.
"Ay nako Night Night! Napakadungis mo! Magaamoy pawis ang dada mo sa ginagawa mo, ikaw talaga. At 'di ba sabi namin sa 'yo ni wowo matuto ka ng maglakad. 'Wag pabuhat ng pabuhat! Napapagod ang dada mo kakabuhat sa 'yo," sermon ng mama ni Celine kay Gael.
"Wowa e, kasi po masakit na 'yung mga paa ko. Ayaw na nilang maglakad, tignan mo po o. Ehhhh," sagot ni Gael at pilit na inaangat ang paa.
"Ma okay lang po, ako na rin po ang bahala kay Gael. Papaliguan ko na rin po s'ya maya maya pag nakapagpahinga na po s'ya," sabi ni Zeki.
"Talaga dada, papaliguan mo ko?" tuwang tuwang sabi ni Gael.
"Nako, tuwang tuwa ka naman! Sige nga Zeki at ng makapagluto na ako. Salamat sa pagsundo kay Gael ha, pasensya ka na may kaylangan lang asikasuhin ang papa mo kaya 'di n'ya masundo si Gael pero pauwi na rin s'ya," sabi ng mama ni Celine.
Papasok na sana ang dalawa ng biglang may naisip si Zeki. "Ma, pwede ko rin po ba kayong makausap ni papa mamaya?" tanong ni Zeki.
Nabigla ang mama ni Celine, hindi ito agad nakapagsalita.
"Ma?" ulit na tanong ni Zeki.
Bumalik sa ulirat ang mama ni Zeki. "Ay, oo naman, walang problema. Tungkol ba 'yun saan?" tanong ng mama ni Celine ngunit bakas sa mukha nito ang kaba.
"Dada, ligo na tayo. Init init na dada, tara na dada," pagmamaktol ni Gael at hinihila na nito si Zeki.
Nabasag ang tensyong nararamdaman ng mama ni Celine ng ayain ni Gael ang kanyang dada. "Sige na, mamaya na lang, asikasuhin mo muna 'yang si Gael. Mamaya na lang," sabi nito sa binata.
"Sige po ma, mamaya na lang po," paalam ni Zeki.
"Dada dali," aya ni Gael.
Pinaliguan na ni Zeki si Gael matapos nitong makapagpahinga, masayang masaya ang bata tuwing pinapaliguan ito ni Zeki. Naglalaro kasi silang dalawa, nagpapabula ang binata at gumagawa ng kung ano anong hairstyle si Zeki sa buhok ni Gael. Nagkwekwentuhan at kung ano-ano pa.
Natapos ng paliguan ni Zeki si Gael. Pinupunasan na ito ng binata upang matuyo ang balat. "Dada! Dada! Kaya ko ng magbihis mag-isa! Tignan mo," pagmamalaki ni Gael. Nagtatakbo na ito papunta sa kanyang damit na inihanda ni Zeki.
"Sige nga! Tignan ko kung nag-practice ka magbihis," hamon ni Zeki, tumayo ito sa harapan ni Gael upang mapanuod ang pinagmamalaki ng makulit na bata.
"Watch me dada," sagot nito. Natawa si Zeki sa sagot ni Gael.
Sinimulan na n'yang magpulbos, isinuot na rin ang kanyang short. At ito na ang pinakamahirap na parte, ang sando.
"Ano po kaya po ba?" tanong ni Zeki.
Tinitigan ni Gael ang sando, na para bang naghahamon ng away. "Opo naman dada! I can do this," pursigidong sagot ni Gael.
Hinayaan lang nito si Gael, nagsimula ng isuot ni Gael ang sando. Ngunit 'di ito malaman kung saan ilulusot ang kanyang ulo at dalawang kamay. Alam ni Zeking nahihirapan na ang bata ngunit kailangan n'ya 'tong tiisin upang matuto itong mag-isa. Ayaw nitong masira ang diterminasyo ni Gael.
"Dada! 'Wag n'yo po ituro kung saan ako lalabas, makakalabas din po ako tiwala lang!" hirap na hirap na sabi ni Gael.
Natawa bahagya si Zeki, ngunit diterminado talaga si Gael na makapagbihis mag-isa. "Kaya mo 'yan Gael, go Gael! Go!" sabi ni Zeki.
Ilang sandali pa ay naupo na si Gael na nakataas ang dalawang kamay at hindi pa rin nito nasusuot ng maayos ang kanyang sando. Nagkanda pilipit na ang damit nito sa pagsuot.
"Dada tulong, wala na po ako makita," sabi ni Gael.
"Suko na?" tanong ni Zeki.
"Opo dada, 'di ko na po kaya, masakit na po 'yung leeg ko kakalusot kung saan saan," sagot ni Gael.
"Amina," At iniayos ni Zeki ang pagkakasuot ng sando. "Ganito kasi 'yan, dito tas lusot ka dito. Tapos dito, at 'yan! Tapos na," sabi ni Zeki. "Bulaga!" gulat ni Zeki pagkalabas ng ulo ni Gael. Tumawa ng tumawa si Gael.
"Promise dada, sa susunod na papaliguan mo ako, gagalingan ko na po ang pagsusuot ng sando ko! 'Di na po ako maliligaw sa mga butas butas," sabi ni Gael.
"Sige, next time, gusto ko nakakapagsando ka na mag-isa," sabi ni Zeki. Tumango si Gael bilang tugon. "Sige na, magsuklay ka na. Isasampay ko lang 'tong twalya at itong mga damit mo ibibigay ko kay wowa mo." Lumabas na ng pinto si Zeki.
Nang matapos ni Zeking asikasuhin si Gael ay nagpunta muna itong kusina.
"Ma, may kailangan po ba kayo o may maitutulong pa po ba ako? Tapos ko na po kasi paliguan si Gael," tanong ni Zeki.
Nginitian ito ng mama ni Celine, pero bakas pa rin sa mukha nito ang pagkabagabag kung ano ang gustong pagusapan ni Zeki. "Sige na, ako na dito. Samahan mo na lang muna si Gael sa loob," sagot nito.
"Sige po ma. Okay lang po ba kayo?" tanong muli ni Zeki.
"Oo, oo naman Zeki. Wala ito," sagot ng mama ni Celine.
Bumalik na ang binata sa kwarto ni Gael.
Nakita ni Zeki na nag-aaral na itong mag-ayos ng sarili. Mula sa pagsusuklay ng kanyang buhok at pagharap sa salamin upang makita ang kayang ayos.
"Wow, galing naman ng Gael namin. Patingin nga!" Masiglang humarap si Gael kay Zeki, abot tenga rin ang ngiti nito. "Naks naman ng anak ko! Poging pogi! Kamukha ng dada," papuri ng binata.
Mula noong nangligaw si Zeke hanggang sa sagutin ito ni Celine, si Zeki ito na ang itinuring na tatay ni Gael. 'Di maiaalis kay Gael na maging malapit kay Zeki dahil dito n'ya naramdaman ang pagmamahal ng isang ama. Kaya naman sa tuwing darating ang binata ay halos 'di na ito maihiwalay kay Zeki at sobrang pabibo. Kung minsan nga ay ayaw na nitong pauwiin si Zeki. Makakaalis lang ang binata kapag tulog na si Gael. Ganoon kalalim ang pagiging malapit ni Gael sa kanyang dada Zeki.
Matapos magayos ni Gael ay nanuod na ng t.v ang dalawa habang hinihintay ang papa ni Celine. Panay harutan at tawanan ang pinagkakaabalahan nina Zeki at Gael.
"Dada, sana dito ka na lang palagi. Dito ka na lang matulog dada," sabi ni Gael, sabay yakap sa binata.
"Kung pwede nga lang e, kaso 'di pa pwede. May pasok si dada bukas, pero gusto mo bang dito na lang si dada palagi?" tanong ni Zeki.
Tumango si Gael.
"May kaylangan pa akong gawin para palaging magkasama si dada at Gael," pabulong na sabi ni Zeki.
Tumunghay si Gael at tinignan ang binata. "Ano naman po 'yon dada? Gawin mo na po kaagad 'yon para laging masaya si Gael," sambit nito.
Iniupo ng maayos ni Zeki ang bata. "May secret akong sasabihin, pero 'wag kang maingay. Sa ating dalawa lang 'to. Bawal malamin ni mama, okaytpo?" bulong nito kay Gael.
Tumango tango ang bata at nakinig ng mabuti. Yumuko pa ang dalawa na wari mo'y may pinagplaplanuhang kung ano. "May ipapagawa akong secret mission, gagawin kitang secret agent!" bulong ni Zeki.
Napatakip ng kanyang bibig si Gael. "Talaga dada! Ano po ang mission ko?" masiglang sagot ni Gael.
"Kaylangan mo akong bigyan ng sukat ng daliri ni mama, itong daliri na 'to." Itinuro ni Zeki ang kanyang palasingsingang daliri.
"Okay okay po dada," bulong ni Gael. "Paano?" tanong nito.
Napaisip si Zeki, paano nga ba kukunin ni Gael ang sukat ng daliri ni Celine, tumawa ito. "Hindi ko rin alam," sagot nito. Napakamot pa ito sa kanyang ulo.
Sumimangot si Gael. "Si dada naman e," sabi nito.
"I'll update you to our secret mission! That's all secret agent! You may go," kunwaring command ni Zeki.
Tumindig si Gael at sumaludo kay Zeki. "Yes sir!" Nagmarcha na ito paikot-ikot at nagkunwaring sundalo. Natawa na lang si Zeki sa ginagawa ni Gael. Pinagpatuloy na ng dalawa ang panunuod.
"Anak, Zeki may gusto ka raw pag-usapan sabi ng mama mo?" tawag kay Zeki ng tatay ni Celine.
Tumayo kaagad ito at nagmano. "Opo sana papa kung ayos lang po sa inyo?" sabi nito.
"Night Night, punta ka muna kay wowa may pag-uusapan lang kami ni dada," utos ng tatay ni Celine.
Tumango si Gael at nagtatakbo na sa kanyang wowa.
Naupo na ang dalawa, seryoso ang itsura nila pareho. Nabalot ng katahimikan ang paligid, parang tatalon ang puso ni Zeki sa kaba kaya hindi ito magkapag-umpisa.
"Anak Zeki," sabi ng tatay ni Celine.
"Pa." Huminga ito ng malalim. "Ano po kasi, hay kinakabahan po ako," sabi ni Zeki.
Tumingin ng diretcho ang papa ni Celine at naghihintay ng sasambitin ng binata.
"Pa, alam ko pong wala pa ako gaanong napapatunayan sa inyo, pero lakas loob ko po sanang hihingin ang basbas n'yo." Napahinto ito muli sa sobrang kaba, nanglalamig at hindi na rin ito makahinga ng maayos.
Nakatingin pa rin ang tatay ni Celine sa binata.
"Basbas n'yo para hingin ang kamay ni Celine," sabi ni Zeki.