"Gusto ko pong pakasalan ang inyong anak at maging tatay kay Gael dahil po kasi" naputol ang sasabihin ni Zeki. Nabagabag ito sa naging reaksyon ng papa ni Celine. Napansin kasi nito ang biglang pamumutla ng mukha ng papa ni Celine. Nakaramdam din ito ng matinding kaba. Kinabahan ito dahil baka atakihin itong atakihin sa puso o 'di kaya ay himatayin.
Napatulala pa ang papa ng kanyang kasintahan ngunit pilit pa ring tinignan ng binata ang mga mata nito upang ipakita ang sinseridad sa kanyang sinasabi. Subalit sa kabilang banda ay hindi na nito maibuka ang kanyang bibig sa nerbyos na nararamdaman. Kumakabog ng sobra ang dibdib ni Zeki, daig pa n'ya ang na sa research diffence o 'di kaya ay na sa pannel interview.
"Kasal," 'yon lang ang nabanggit ng ama ng dalaga. Nakatitig lang ito muli sa binata kung kaya't mas lalong kinabahan si Zeki. Ilang minuto rin silang nagtititigan at walang imik sa isa't isa. Mas tumatagal ay mas kinakabahan si Zeki, kung ano-ano na rin ang naiisip ng binata dahil sa sobrang kaba. Hindi na nito natapos ang gusto n'yang sabihin. 'Di n'ya rin mabasa ang iniisip ng papa ni Celine at hindi na malaman ang maaring sabihin upang mapakalma ang sitwasyon. Ayaw naman ng binatang isama ang kanyang magulang, marapat lang na s'ya na muna ang makipag-usap at humingi ng basbas. Saka na lang n'ya ito balak gawin kapag naging successful na ang proposal upang tuloy pamamanhikan na.
"Zeki," sabi ng papa ni Celine. Bumalik sa ulirat ang binata dahil sa pagkakatawag sa kanyang ng papa ni Celine. Mababa ang tono nito at nakakatakot.
"Po?" agad na sagot ni Zeki.
Tumulo ang mga luha ng papa ni Celine, napahawak ito sa kanyang noo. Hindi malaman ni Zeki ang gagawin dahil sa sumunod na reaksyon ng kanyang kausap.
"Pa, teka po ano po kasi," natatarantang sabi ni Zeki.
Dali-daling lumapit ang binata at hinawakan ang papa ni Celine sa balikat. "Pa, ayos lang po ba kayo? Ikukuha ko po kayo ng tubig," tanong ni Zeki. Patayo na rin ito upang magtungo sa kusina.
"'Wag mo kong hawakan! Lumayo ka sa akin!" galit na galit na sabi ng papa ni Celine. Napalayo bigla ang binata at nangilabot ang buong katawan.
Dinig hanggang kusina ang pagkakasigaw ng papa ni Celine. Kung kaya't napatakbo ang kanyang asawa sa sala upang tignan kung anong nangyayari sa dalawa.
"Nangako ka sa akin na hindi mabubuntis si Celine hanggat 'di kayo kasal!" muling sigaw nito na galit na galit.
Nagulat si Zeki at 'di na alam ang gagawin.
"Pa hin." Naputol ang pagsasalita ni Zeki ng may narinig itong kumalabog.
Napalupasay na lang bigla ang mama ni Celine, lumikha ito ng ingay kaya napansin ng dalawa ang presensya nito sa gilid.
"Si... Sinong buntis," tulala nitong sabi.
"Wowa, wowa," umiiyak na sabi ni Gael habang hawak ang kamay ng kanyang wowa.
Lalong nagulantang si Zeki. Agad na tumakbo papalapit ang papa ni Celine sa kanyang asawa. Umagos na ang mga luha sa mata ng ina ni Celine.
Biglang lumapit si Gael sa kanyang dada. "Dada, ano nangyayari bakit umiiyak si wowo at wowa?" inusenteng tanong ni Gael.
"Gael! Pumasok ka sa kwarto n'yo! 'Wag kang lalapit sa lalakeng 'yan!" utos ng ama ni Celine na mataas ang boses at galit na galit. Bahagyang nagulat ang musmus na bata, at luha sa takot.
"Pero wowo?" nagtatakang tanong ni Gael.
"Gael Night!" galit na sabi ng kanyang wowo.
Agad na tumulo ang luha ng bata at tumakbo papuntang kwarto nilang mag-ina.
Malakas na kumalabog ang pintuan ng isinara ito niGael, ngunit mas dinig pa rin ni Zeki ang t***k ng kanyang puso sa sobrang kaba. Hindi na alam ni Zeki ang gagawin, hindi naman ito makapagsalita dahil pinuputol ito ng mga magulang ni Celine. Kaya 'di nito madipensahan ang sarili.
"Nangako ka! Na hindi na mauulit ang nangyari noon! Alam mo kung gaano kasakit kay Celine ang lahat! Tapos ganito!" galit na galit na sabi ng mama ni Celine. "Itinuring ka naming parang anak, uulitin mo lang din pala ang lahat!" dagdag pa nito.
"Pa, ma hindi po," naputol na naman ang sinasabi ni Zeki.
"Hindi sinasadya! Ganoon ba!" muling sigaw ng mama ni Celine.
Natroma na ang mag-asawa sa nakaraan ni Celine. Masakit sa mag-asawang makita ang kanilang anak na maiwan sa altar mag-isa.
Nang nalaman nilang nagdadalang tao ang kanilang unika ija ay agad nagdisisyon ang dalawang partido na ipakasal ang si Celine at ang kasintahan nito noon. Ngunit naudlot ito dahil maselan ang pagbubuntis ni Celine ng mga panahong 'yon. Nausad ang kasal ng nausad. Hanggang napagkasunduang pakapanganak na lamang ni Celine gawin ang pagpapakasal. Ngunit marami pang naging problema, maraming mga balakid ang nangyari. Mga pamahiing dapat sundin lalo na at biglang sumakabilang buhay ang ilang kamag-anak ng tatay ni Gael. Sukob sa patay daw kaya dapat ipagpaliban ang kasal.
Maayos ang pagsasama ng dalawa, 'yon ang alam ng lahat.
Hanggang lumaki na si Gael, magdadalawang taon na ito ng mga panahong 'yon. Natuloy din sa wakas ang kasal na ilang beses na naudlot.
Preparado na ang lahat para sa kasal, wala ng atrasan. Masayang nag-umpisa ang kasalan, ngunit sa mga ngiti at tawang ipinapakita ng dalawa ay may nakakubling lungkot, kaba at mga sugat na matagal ng itinatago.
"Lanzarus Natividad, do you take Celine as your lawfully wedded wife?" tanong ng pari kay Lanz. Ang biological father ni Gael.
Tuluyan ng bumaksak ang mga luhang kanina pa nagbabadyang pumatak sa mga mata ni Celine mula pa ng nagumpisa ang misa at na sa harap na sila ng altar. Umiyak na ito ng umiyak, nataranta ang pari kasama ang mga sakristan. 'Di nila alam kung ano ang nangyayari sa dalaga. Ramdam ng mga ito na hindi dahil sa galak kaya lumuha ang dalaga. Ngunit nagpatuloy pa rin ang pari sa kanyang pagkakasal sa dalawa upang hindi magkaron ng pangamba ang mga dumalo sa kasal.
Isinangtabi ng pari ang pagkabagabag at muling nagsalita. "Lanz, do you take Celine as your lawfully wedded wife?" ulit na tanong ng pari kay Lanz.
Nagsimula ng magbulungan ang mga tao, nagtataka na rin ang mga magulang ni Celine kung bakit 'di makasagot si Lanz sa tanong ng pari.
Tinabig ni Lanz ang mike na nakatapat sa kanyang harapan. Tumingin ito kay Celine at hinawakan ang dalawang kamay. "Celine, hindi pa ako handa sorry, hindi ko pa talaga kaya. Paulit ulit kong pinag-isipan ang lahat. Hanggang sa mga oras na ito, pero Celine, hindi ko pa talaga kayang magpakasal sorry," sabi ni Lanz kay Celine. Lalong umiyak ang dalaga, parang binuhusan ito ng malamig na tubig sa mga narinig na salita galing kay Lanz.
Narinig ng pari at ng mga sakristan ang naging tugon ni Lanz sa dalaga. Hindi makapaniwala ang mga ito sa kanilang narinig.
Tumingin si Lanz sa pari na kasalukuyang nahihintay ng gagawin ni Lanz. "Father, sorry po." Tumalikod na ito at naglakad palabas ng simbahan. Nagulat lahat ng mga dumalo sa kasal.
Samantalang si Celine ay napaupo na lamang sa kakaiyak.
Matapos mangyari ang lahat ng 'yon, naiwang mag-isa si Celine. Nahirapang maka-recover si Celine sa nangyari. Lilipas sa memorya ng mga tao ang nakita nilang pag-iwan ni Lanz kay Celine sa kanilang kasal. Ngunit ang sakit na tumatak kay Celine ay 'di gano'n kadaling burahin.
Naging isang bangungut ang lahal, walang nagtangkang humabol kay Lanz ng mga oras na 'yon. Marahan pa itong naglakad palabas ng simbahan. At ang pinakamasakit, iniwan n'ya si Celine ng gano'n gano'n na lamang.
Dito na lumabas ang katotohanang matagal ng may problema ang kanilang relasyon. Mahal ni Lanz si Celine ngunit ang pagiging ama ay hindi pa nito kayang harapin. Ang responsibilidad at pagiging padre de pamilya ay wala pa sa kanyang mga plano. Tanging si Celine na lamang ang umaayos at pinagtatakpan nito ang mga kakulangan ni Lanz upang masalba ang kanilang relasyon. Ayaw kasi nitong lumaki si Gael na walang kinikilalang ama. Kaya kahit nahihirapan na ito ay pinili pa rin nito ang magpakasal.
Sa kabilang banda ang mga magulang naman ni Lanz ay napilitang ipakasal ang dalawa, ang kahihiyang dulot ng biglaang pagbubuntis ni Celine kahit 'di pa kasal ang dalawa. Kailangang panindigan nito ang ginawa upang mapagtakpan at 'di maging kahihiyan sa kanilang pamilya.
Ito ang hirap sa ating bansa, ginagawang solusyon ang pagpapakasal. Sa tingin nila ay maitatama ng kasal ang lahat? Ito rin marahil ang dahilan ng pagkakaroon ng wasak ng pamilya. Maraming paraan upang magampanan ang responsibilidad at may tamang oras para sa pagpapakasal.
'Di naglaon ay 'di na rin nagpakita si Lanz at nawalang parang bula. Gayun din ang matapobreng pamilya nito. Nagising na lang si Celine isang araw na mag-isa at parang wala ng gana sa buhay. Pakiramdam nito ay pinagkaitan s'ya ng tadhana ng lahat lahat dahil sa pag-iwan ni Lanz sa kanya sa altar. Ngunit tuwing nakikita nito ang kanyang anak, pilit itong bumabangon upang lumaban sa buhay. Walang ibang aasahan si Gael kung 'di s'ya lamang.
Sa paglipas ng panahon, naka-recover ito sa kanyang dinanas at itinuon ang sarili kay Gael at sa trabaho. 'Di nagtagal ay nakilala nito si Zeki, ang lalakeng dumagdag sa kaligayahan ng mag-ina.
Para sa isang magulang, sobrang sakit na makita ang anak sa ganitong sitwasyon. Kaya ng marinig ng ama ni Celine ang balak ni Zeki ay ganito kalala ang kanyang naging reaksyon.
"Pa, ma, wa...wala pong buntis." Huminga ng malalim ang binata. Nakaramdam kaagad ang binata kung bakit ganoon na lang ang naging reaksyon ng mag-asawa. Nauunawan namam ito ni Zeki, ito rin ang dahilan kung bakit ayaw nitong isama ang kanyang mga magulang at s'ya lamang ang humarap sa mga ito. 'Di lang talaga inaasahan ng binata na ganito kalala ang magiging reaksyon ng mag-asawa.
"Kaya wala po kayong dapat ikabahala. Tutuparin ko po ang pangako ko sa inyo na igagalang ang inyong anak." Umayos ito ng tindig sa harapan ng dalawa. "Kasal muna bago baby at hinding hindi ko po iiwan ang anak n'yo pangako," mahinahong sabi ni Zeki.
'Di kailangang mabuntis muna ang babae bago pakasalan. Hindi parepareho ang tadhana ng bawat isa, 'di porket kasal na ang mga kaedad mo ay napag-iiwanan ka na. Sabi nga ng mga matatanda, nakaguhit na sa ating mga palad ang ating tadhana. Iba-iba ang kapalaran ng bawat tao.
"Wala po akong hinangad kung 'di ang kaligayahan ni Celine at Gael. Alam ko po na mahirap, pero 'di po ako tutulad sa tatay ni Gael at sa sarili kong ama," paliwanag ng binata. Lingid sa kaalaman ng mag-asawa ang relasyon ni Zeki sa kanyang tunay na ama. Alam nila ang hirap na pinagdaanan nito, kaya naman napalambot agad ang kanilang puso ng binata. Seryoso at malaki ang rispeto ni Zeki sa kanilang anak. Lalo na kay Gael, walang bakas ng kaplastikan o pakitang tao ang pinapakita nito sa bata. Kaya mahal na mahal s'ya nito at itinuring na totoong tatay.
Napanatag ang mag-asawa sa paliwanag ng binata. Nawala na rin ang pangamba at takot na maulit muli ang dinanas ng kanilang anak. Nakahinga rin ang mag-asawa ng maluwag ng nakumperma nilang hindi buntis ang kanilang unaka ijang si Celine.
Inalalayan ni Zeki ang mag-asawa. Ikinuha pa nito ang dalawa ng tubig.
"Pa, ma, pasensya na po kung nabigla kayo sa mga sinabi ko. Ayaw ko naman pong isama sina dad at mommy dito dahil alam ko po ang tromang idinulot sa inyo ng lalakeng 'yon. Pasensya na po talaga," paghingi ng paumanhin ni Zeki sa mag-asawa.
Nahiya ang dalawa sa kanilang naging reaksyon. Biglang hinampas ng mama ni Celine ang kanyang asawa. "Ikaw naman kasi! Napaka O.A mo! Kasal, ikakasal lang pala ang sinabi tapos kung makasigaw ka wagas! May buntis ka pang nalalaman!" bulyaw nito sa asawa.
Napakamot sa kanyang ulo ang papa ni Celine. "Pasensya, hindi ko rin alam bakit gano'n na lang ang naging reaksyon ko. Nang narinig ko kasi ang salitang kasal, nawala na ko sa katinuan. Parang may narinig kasi akong buntis, guniguni ko lang siguro 'yon," paliwanag ng tatay ni Celine.
Nginitian na lamang ng binata ang mag-asawa. Ang mahalaga ngayon ay kumalma na silang dalawa at naging malinaw na ang kaniyang pakay.
"Kaka-cellphone mo 'yan! Ikaw kasi," gigil na sabi ng mama ni Celine. "Nakakahiya kay Zeki! Paano kung kasama n'ya sina Arvin at Eliz. May pa-walling pa akong nalalaman kanina," sabi ng nanay ni Celine.
May pagkakwela rin kasi ang mag-asawa. Lalo na ang tatay ni Celine, kaya takang taka ang binata kung bakit ubod ng sungit ng kanyang kasintahan.
"Anak Zeki, 'di ka ba anak nabibigla sa disisyon mo?" seryosong tanong ng tatay ni Celine.
"Pa ma, pinag-isipan ko rin po ito ng mabuti. Gusto ko pong magkaroon ang basbas ninyo bago hingin ng pormal ang kamay ni Celine. Sigurado na po ako sa nararamdaman ko," napahinto si Zeki, tumingin ito ng diretcho sa tatay ni Celine. "At kung sakaling tanggihan n'ya po ang alok kong pagpapakasal ay igagalang ko po ang kanyang disisyon. Gusto ko pong iparamdam kay Celine na mahal na mahal ko s'ya at kahit na sa maiksing panahong magkasama kami, gusto kong s'ya na ang makasama ko habang buhay. Silang dalawa ni Gael," paliwanag ni Zeki.
Naluha ang mag-asawa sa sinabi ng binata. 'Di nila inaasahang may makakapagsabi ng ganitong mga kataga sa kanilang anak.
"Tanggap ko po ang buong pagkatao ni Celine, lalo na po si Gael. Gusto ko pong ibigay ang aking apilido sa kanilang dalawa," dagdag pa ng binata.
Lumapit ang mama ni Celine kay Zeki. "Oo anak, binibigay namin ang aming basbas." Niyakap ng mama ni Celine si Zeki ng mahigpit. "Ngayon matutupad na ang pangarap ni Celine. Mula pagkabata pangarap n'yang ikasal sa taong mahal na mahal s'ya. At ngayon totoong matutupad na ang lahat ng 'to. Salamat anak sa pagtyatyaga kay Celine. Ikaw ang nagparamdam sa kanya ng tunay na pagmamahal. Lalo na sa apo naming si Gael, salamat dahil itinuring po s'yang tunay na anak."
"Zeki, pasensya ka na kanina. Hindi ko rin alam kung bakit gano'n ka grabe ang naging reaksyon ko. Pero anak, bilang tatay ni Celine, tiwala akong magagampanan mo at tutuparin mo ang binitawan mong pangako sa amin. Unang beses pa lang na ipinakilala ka sa amin ni Celine, ramdam na naming mag-asawa na malinis ang intensyon mo sa aming anak. Pinatunayan mo na 'yon mula umpisa hanggang ngayon. Hanga rin ako sa pagtanggap mo sa aming Gael," lumuluhang sabi ng papa ni Celine. "Ang anak namin, ikakasal na," dagdag pa nito.
Naging matagumpay ang pagpapaalam ni Zeki sa mga magulang ni Celine. Agad nitong pinuntahan si Gael.
Pagkabukas pa lang ng pinto ni Zeki ay bumungad agad ang luhaang mukha ni Gael. "Dada, dada, 'wag ka po aalis dada. Magpapakabait na po ako dada, 'di na po ako magpapakarga dada. Para 'di ka po pagalitan ni wowo. Dada sorry po dada," umiiyak na sabi ni Gael.
Niyapos ng binata si Gael. "Tahan na, hindi naman galit si wowo. Usapang matanda kasi 'yon, 'di ba turo ko sa 'yo na pagnaguusap ang mga matatanda hindi tamang nakikinig ang mga bata," paliwanag ni Zeki.
"O...o...opo," humihikbing sabi ni Gael.
"At saka kanina, narinig ko, ang lakas ng pagsara mo ng pinto. Good ba 'yon o bad?" tanong ni Zeki.
"Ba...ba...bad po, so..sor...sorry po dada. So...sorry po," sagot ni Gael.
"Tara muna sa kusina uminum ka ng tubig at mag-sorry ka kayna wowo at wowa," sabi ni Zeki.
Tumango si Gael. Pumunta na ang dalawa sa kusina para painumin si Gael ng tubig. Naghilamos ito at nagpunas ng mukha. Matapos ay nagpunta agad ang paslit sa kanyang wowo at wowa.
Niyakap n'ya kaagad ang kanyang wowo. "Wowo, sorry po kanina. At saka 'di na po ako magpapabuhat 'wag lang po kayong magalit kay dada," sabi nito sa kanyang wowo. Matapos ay lumapit naman ito sa kanyang wowa. "Wowa, sorry din po. 'Di na po mauulit," sabi naman ni Gael sa kanyang wowa.
Natuwa si Zeki sa ginawa ni Gael. Ang humingi ng paumanhin sa mga taong nagawan mo ng mali ay isang magandang asal na itinuro nito sa bata.
Masiglang umuwi si Zeki, nadatnan nito muli ang kanyang dad na nanunuod ng t.v. Wala pa ang kanyang mommy.
"Dad," bati ni Zeki.
"Oh, kamusta ang lakad mo?" tanong ni Arvin sa anak. "'Di ata maalis ang ngiti mo? Nakapag-propose ka na ba?"
Agad itong naupo sa tapat ng kanyang dad Arvin. "Dad 'di pa, pero nakapagsabi na ako kayna papa at mama!" sagot nito.
"Oh, anong sabi nina pare?" sunod na tanong ni Arvin.
Ikinwento ni Zeki kay Arvin ang mga nangyari. Nagkakanda iyak si Arvin sa kakatawa sa naging reaksyong ng mag-asawa at kung paano rin ikinwento ito ni Zeki.
"Sina pare talaga! Pero anak masaya ako na naging maayos ang iyong pagpapaalam," sabi ni Arvin.
"Pero dad, salamat po sa 'yo. Kung dahil sa mga sinabi mo nang nakaraan, 'di po ako magkakaroon ng lakas ng loob para ituloy lahat ng 'to," sabi ni Zeki.